Kabanata 5

2750 Words
            “Sofia? Nakauwi ka?”             “Oo, Archie. Kadarating ko lang kaninang alas-kwatro. Na-postpone kasi ‘yung meeting namin kaya naisipan kong umuwi na lang…”             “Talaga?”             Iyon ang naabutan ko paggising kinabukasan. Pagbangon ko pa lang ay naramdaman kong may kakaiba na sa bahay. Parang may magaan, parang may maluwag sa dibdib. Ang lamig din at ang aliwalas. Kaya naman pala ay dahil sa himalang kalmadong pag-uusap ng mag-asawa.             Sa halip tuloy na dumiretso sa kusina para tumulong kay Milly, huminto ako sa likod ng isang pader, sumisilip.             “Siyempre ay babalik ako rito dahil bahay natin ito, Archie. Alam mo namang busy lang ako kaya hindi tayo madalas magkita,” ani Madame Sofia, nakaupo sa sofa at sinasalat ang batok.             “I understand.” Tumango si Sir Archie. “Ako rin naman ay busy.”             “See? Besides, matagal naman na nating setup ito kaya hindi ko alam kung bakit pa tayo nagsusumbatan.”             “I agree, Sof. I agree.”             Sa likod ng pader ay hindi ko napigilan ang pagngiti. Ang sarap nilang pakinggan at panoorin mag-asawa. Ang gaan sa mga mata, ang lambing sa tainga. Alam kong hindi naman noon mabubura ang lagi nilang pag-aaway pero alam ko ring hindi pa nila nakakalimutan ang turingan sa isa’t isa.             Mali si Sir Archie sa sinabi niya sa akin kagabi. Sabi niya ay matagal na siyang walang asawa. Parang ang ibig sabihin tuloy, matagal na niyang hindi kinikilala ang kaniyang asawa o siya ang matagal nang hindi kinikilala nito.             Pero sa nakikita ko? Parang sila iyong bagong kasal sa mga picture frame na palagi kong nililinisan. Magkasundo, konektado, nagkakaintindihan. Sana nga ay ganoon na lang lagi.             Hindi ko tuloy napigilan ang sarili na muling sumulyap. Naabutan ko ang isang papalapit na Sir Archie kay Madame Sofia, nasa kalagitnaan ng pagbibigay ng yakap. Nagtagpo rin sila pero naging patalikod. Umikot ang mga bisig ni Sir Archie kay Madame Sofia na napapikit.             Umawang ang aking bibig.             “A-Ay! Dumating po pala kayo, Ma’am…” Bigla ay lumitaw si Milly mula sa kusina.             Si Madame Sofia ang unang humiwalay samantalang si Sir Archie ay hinabol lamang siya ng tingin. Napanguso ako.             “Oo pero babalik ulit ako pamaya-maya,” ani Madame Sofia.             “Papasok ka ulit?” Kumunot ang noo ni Sir Archie. “Hindi ba ay kadarating mo lang? Hindi ka ba muna magpapahinga man lang?”             “Archie…”             Kinagat-kagat ko ang aking pang-ibabang labi. Pinagmasdan ko kung paanong natahimik si Sir Archie na inakala kong pagsisimulan na naman ng kanilang away. Hindi iyon ang nangyari dahil tumango siya at nilingon ang kusina.             “Before you go back to work, let’s eat breakfast first, Sof…” Bumaba ang kaniyang boses.             Namilog ang aking mga mata. Tama ba naririnig ko? Na sa unang pagkakataon ay niyaya ni Sir Archie si Madame Sofia na kumain ng almusal?             Manghang-mangha kong tiningnan ang mag-asawa. Parang sasakit na nga ang aking mga labi dahil sa malaki kong mga ngiti. Sana nga ay ganiyan na lang sila lagi. Sana ay hindi na nag-aaway at nagsisigawan.             “Breakfast? Anong breakfast?” biglaang saad ni Madame Sofia. “Nagpapatawa ka ba, Archie? Ang corny mo ha!”             Nakita ko ang paglunok ni Sir Archie. Doon unti-unting nabura ang aking mga ngiti. Parang may pumiga sa puso ko na hindi ko rin alam kung ano.             “At kailan pa tayo kumain nang sabay? Patawa ka ha…” Humalakhak si Madame Sofia sabay martsa patungong hagdanan. “Archie, alam mo ikaw, good mood ka talaga, ano? Palabiro ka e…”             Wala akong narinig na sagot mula sa kaniyang asawa na napaiwas lamang ng tingin. Kahit si Milly na tanging naiwan sa kaniyang harapan ay naging mapakla rin ang ngisi.             “E… Sir Archie… Kayo ho ba ay ipaghahanda ko? Gusto ninyo bang kumain–”             “Hindi na, Milly. Late na rin ako sa trabaho.” Umiling si Sir Archie at tumungong laundry area.             Mabilis akong nagtago sa pader hanggang sa muli na namang binalot ng madilim na katahimikan ang buong bahay. Ang lungkot-lungkot na naman, ang sama-sama na naman ng ihip ng hangin. Bigla na lang akong napahawak sa aking dibdib. Kahit iyon kasi ay masakit at kumikirot din.             Nang umagang iyon, kahit alam kong binawal na ako ni Sir Archie ay pinagbaon ko siyang muli ng almusal. Dire-diretso ako sa kusina at kahit si Milly ay nagulat din. Hindi na lang ako nagpaliwanag pero ang tanging tumatakbo lamang sa isip ko ay ang papasukong mukha ni Sir Archie.             Marahil iyon ang dahilan kung bakit tinanggap niya ang aking hinanda bago umalis. Isang malamig na salamat lang pagkatapos ay pumasok na rin siya sa trabaho. Ganoon ang nangyari sa sumunod na tatlong araw na sakto namang hindi na talaga sila nag-aabot ni Madame Sofia.             “Milly? Milly, naplantsa ba iyong polo kong pula? Milly?”             Isang umaga ay sumilip si Sir Archie sa laundry room kung saan ako nagtutupi ng mga sinampay. Para kasing nakikisabay ang panahon at umagang-umaga ay ang dilim ng langit. Baka masayang naman ang laba ko kaya isinilong ko na muna.             “Kayo po pala, Sir Archie…” Ibinaba ko ang aking mga hawak. “Iyong polo niyong pula ba?”             Bumagsak ang tingin niya sa akin, ilang segundo bago nakatango.             “Oo, Clara. Kailangan ko kasi para sa party mamaya,” aniya.             “P-Party? Ibig sabihin… magkasama kayong pupunta ni Madame Sofia?” Tumaas ang boses ko.             “Hindi,” agap niya, ang mga mata ay sumeseryoso. “Nalabhan mo na ba ‘yung polo ko? Kung hindi ay iba na lang ang isusuot ko.”             Uminit ang aking mga pisngi. Gusto kong magpakain sa lupa dahil nakakahiya ang bibig kong walang preno. Masyado naman akong pahalata! Hindi ko man lang naisip si Sir Archie…             “N-Nalabhan ko po, Sir Archie. Pagkatapos kong plantsahin ay iaakyat ko na lang sa kwarto ninyo…” Lumiit ang aking boses.             “Sige, salamat,” pasimple niyang saad sabay talikod na palayo.             Bumagsak ang aking mga balikat. Bakit ko pa ba kasi nasabi iyon? Ang tanga ko naman kasi. Sumama tuloy ang timpla ng mukha ni Sir Archie.             Iniwan ko muna ang pagtutupi para plantsahin ang kaniyang polo. Sinigurado kong maayos na maayos iyon para naman makabawi at pagkatapos ay umakyat na. Kaso nga lang, katok ako nang katok pero wala namang sumasagot. Gusto ko lang naman na ibinigay na iyon para kahit papaano ay walang masabi si Sir Archie.             Kahit tuloy labag sa loob ko ay pinihit ko ang seradura ng master’s bedroom at pumasok na. Bihira lang ako pumasok dito dahil bukod sa baguhan ay nahihiya pa. Si Milly kasi ang pinagkakatiwalaan ng mag-asawa na maglabas-masok sa kanilang kwarto. Kwarto na malaki, magara… pero wala namang natutulog.             Napanguso ako, ang mga mata ay nililibot ang tingin sa kalakhan nito. Atsaka ko lamang napansin na nasa banyo si Sir Archie dahil sa tunog ng pagragasa ng tubig.             “S-Sir? Si Clara po ito! Sir, iwan ko na lang sa kama ang damit ninyo!” sabi ko kaagad kahit na pinamumulahanan ng mga pisngi.             Parang naiisip ko na naman iyong nangyari sa aming dalawa. Mali iyon. Hindi pwede. Aksidente lang iyon kaya pilit kong iwinaksi sa pag-iisip. Wala naman akong narinig na sagot mula sa banyo kaya naglakad na ako palayo.              Napatigil ako sa paglalakad nang mapasulyap sa ibabaw ng kama. Ang ayos-ayos ng pagkakalagay ko sa polo pero iyong puting T-shirt na panloob at kahit ang slacks ay bara-bara naman. Napanguso ako at sumulyap sa saradong banyo.             Ilang segundo ko ring pinag-isipan pero… wala naman sigurong mawawala kung aayusin ko, hindi ba? Aayusin ko lang naman para maganda tingnan at para hindi rin malukot. Wala naman akong nanakawin. Atsaka hindi ba ay trabaho ko ring panatilihing maayos ang mga damit nilang mag-asawa?             Bumuntong-hininga ako at hindi na nakatiis. Lumapit ako sa napakalaking kama para ayusin ang mga damit na isusuot ni Sir Archie. Inunat ko ang slacks at itinabi sa polo. Iyong T-shirt naman ay pinlantsa ko gamit ang aking mga kamay. Kahit papaano ay umayos naman ang itsura kaso ay parang may kulang.             Necktie pala atsaka sapatos. Kinuha ko iyong una mula sa drawer at iyong pangalawa naman sa rack. Kumuha na rin ako ng panyo dahil baka mapawisan si Sir Archie. Kasalukuyan kong hinahanda iyon nang bigla namang bumukas ang banyo!             “Clara? What the hell are you doing here?” Kumunot ang noo ni Sir Archie.             Lumaki ang aking mga mata. Napalunok ako at dahan-dahang siyang nilingon. Daig ko pa ang isang bubwit na nahuli ng isang musang! Sasabog na yata ang puso ko sa kaba!             “S-Sir… Sir, i-inayos ko lang naman po…” Nangatal ang aking mga labi.             Nang lingunin ko ito ay umawang ang aking mga labi. Lalo lang nagwala ang aking dibdib. Dahil… si Sir Archie. May isang tuwalya lang na nakapalupot sa baywang, tumutulo pa ang buhok at basang-basa ang buong katawan!             Uminit nang todo ang aking mga pisngi. Hindi ko na alam kung saan ako titingin.             “T-Tinatawag kita kanina pero nasa banyo ka naman. Kaya p-pumasok na lang ako…” Napalunok ako. “Pasensiya na po, hindi ko sinasadya…”             Sa gilid ng aking mga mata ay bumagsak ang tingin ni Sir Archie sa ibabaw ng kama. Tumagilid ang ulo niya roon. Pakiramdam ko ay kakainin na ako ng lupa.             “Inayos ko na rin po ang mga gamit ninyo,” dagdag ko. “K-Kasi… magulo. Sorry po.”             Matagal bago nakasagot si Sir Archie. Sa mga segundong iyon ay pinaglaruan ko lamang ang aking mga nanginginig na daliri. Ilang santo yata ang natawag ko para lang hilingin na sana ay isang masamang panaginip lamang ito.             “Clara, hindi kita pinagbabawalang pumasok dito dahil alam kong parte iyon ng trabaho mo,” ani Sir Archie. “Pero dapat ay marunong kang magpaalam. Kung nasa banyo ako ay matatapos naman ako, hindi ba?”             Tumango ako kaagad.             “Paano na lang kung si Mam Sofia mo ang inabutan mo rito? She will surely fire you for that… And we don’t want that…”             Kinagat-kagat ko ang aking pang-ibabang labi. Hindi ko alam ang aking isasagot. Ang init pa rin ng buong mukha ko at parang aatakihin na ako sa puso.             “Clara? Ayos ka lang ba?” tawag ni Sir Archie sa isang magaang boses.             “P-Pasensiya na po talaga. Nangialam kasi ako nang walang paalam ninyo.” Sa wakas ay nahanap ko rin ang aking boses kahit pa nanginginig. “Para ho kasing nagmamadali kayo kaya… gusto ko lang makatulong. P-Pero mali pa rin…”             “Sige na. Hayaan mo na,” iling niya. “Huwag mo na lang ulitin sa susunod but… thanks for your concern, Clara. I really appreciate it.”             Tumango ako at dinuro ang pintuan. Isang mabilisang paalam lang ang nangyari bago ako tuluyang umalis.             Sinubukan kong kalimutan ang nangyari kahapunan dahil pupunta ako school. Hindi naman iyon ang first day pero bilang freshman ay kailangan kong um-attend sa orientation program. Medyo nawala naman sa utak ko ang itsura namin ni Sir Archie kanina dahil na-excite din kahit papaano.             Isang jeep lang ang sakay mula sa bahay kaya mabilis kong natunton kahit na parang ang laki-laki ng Kamaynilaan. Hindi na ako makapaghintay na pumasok pero nagulat ako nang biglang harangin ng isang estudyante.             “Para sa orientation program ng freshman?” aniya. “Nasaan ang enrolled form mo?”             “Ito…” Tumango ako at kinuha iyon mula sa bag.             Nang inabot ko sa kaniya ang papel ay kumunot naman ang noo ng tagabantay na estudyante.             “Bakit? May problema?” tanong ko kaagad.             “Naku, miss, may problema sa form mo. Hindi ka pa bayad kaya hindi pa ito ang official receipt.”             “H-Ha? E scholar ho ako. Naka-apply ako sa scholarship ng mga Delgado,” paliwanag ko.             “Hindi iyon ang nakalagay sa form e. Tingnan mo, kulay green ang papel mo. Kapag scholar ka, dapat ay kulay pink. Hindi pa rin approved ito dahil hindi ka pa nakakabayad…”             “Ganoon ba?” Bumagsak ang aking mga balikat. “Pero pwede bang sumali muna ako ngayon sa orientation? Bukas na bukas din ay pupunta ako sa admin para asikasuhin iyon. Kailangan ko lang talagang pumasok para sa orientation.”             “Pasensiya ka ha pero hindi kasi allowed e. Kailangan ay officially enrolled ka bago ka namin tanggapin…” Umiling ang estudyante sabay lingon sa kasunod ko. “Next!”             Makikiusap pa sana ako pero umusog na ang linya. Makaaabala pa ako kapag nakipagsiksikan ako. Napabuntong-hininga na lang ako. Wala akong nagawa kung hindi ang sumilip sa loob kung saan nagsisimula na ang orientation.             Bagsak tuloy ang mga balikat ko nang makauwi. Akala ko ay makaka-attend na ako ng klase kahit hindi pa naman ito opisyal. Isa pa, may problema sa enrollment form ko kaya malamang sa malamang ay baka hindi rin ako tanggapin bukas, ang first day. Hindi ko alam kung bakit kaya lalo akong naging problemado.             “Clara! Sakto pala ang dating mo e. Tumawag ang mga kapatid at nanay mo. Kinukumusta ka!” Bumungad sa akin si Milly, nakangisi at may hawak na telepono.             Napatigil ako sa paglalakad. Umusbong ang ngiti sa aking mga labi pero kung gaano kabilis lumitaw ay ganoon din kabilis nawala. Bakit ganoon? Sa halip na matuwa ako dahil makakausap ko na sila ay lalo lang akong nanlumo. Lalo ko lang naramdaman ang kapalpakan ko.             “Milly, salamat ha. Akin na…” Tipid akong ngumiti.             Tumango ito at inabot sa akin ang telepono. Umalis din naman siya kaagad kaya ako ang naiwan sa boses ng aking mga kapatid.             “Ate! Ate! Hello?! Ate ko!”             Unang pagkakataong marinig ko pa lamang iyon ay umahon na kaagad ang aking mga luha. Napangiti ako kahit papaano dahil narinig ko na rin sila pero naghalo ang gaan at bigat sa aking dibdib.             “Ate Clara! Ate, kumusta ka na? Okay ka ba riyan? Kumakain ka ba araw-araw?” Nabosesan ko si Yayo.             “Ako naman! Ate, ano ang itsura ng Maynila? Ate, maganda ba?!” Si May na iyon.             “Ate, miss na miss na kita. Kailan ka ba uuwi?” Panghuli naman si Charlene.             Tuluyan na akong naiyak nang marinig ang kanilang mga boses. Habang nag-aaway sila sa telepono ay parang kaharap ko lamang sila, nagbabangayan at nag-aasaran.             “Miss na miss ko na kayong lahat…” Kahit tumutulo ang mga luha ay napangiti ako.             “Ate? Ate, umiiyak ka ba? Ano ang nangyayari sa’yo?!”             “Ano? Ano ang nangyari kay Ate Clara? Ate!”             “Ate, umuwi ka na lang dito. Dito ay walang mangyayari sa’yo kasi kasama mo kami…”             Nababaliw na yata ako. Natatawa ako sa kanilang tatlo pero patuloy naman ang pagluha ko.             “Akin na nga iyan. Ako muna ang kakausap sa Ate Clara ninyo,” dinig kong sabi ni Mama. Suminghot ako at inayos ang sarili para hindi niya ako mahalata. “Clara? Clara, ang Mama ito. Kumusta ka na, anak?”             Parang lalo lang akong naiyak nang muling marinig ang boses ng aking ina. Hindi ko alam kung paano ako nakatagal ng ilang minuto, nagkukwento at sumasagot sa kaniyang mga tanong. Sinubukan kong ipaalam sa kanila na maayos ang lagay ko, na kung ano ang inasahan naming mangyayari ay iyon ang nasusunod.             Hindi ko ikinuwento iyong nangyari sa amin ni Sir Archie at iyong aberya sa school. Iyon ang tinik na nakabaon sa dibdib ko habang kausap si Mama. Paano ko ba sasabihing muntik na akong hindi nakapagtrabaho tapos ngayon naman ay baka hindi rin ako makapag-aral?             Nang matapos ang tawag ay isang emosyonal na pamamaalam ang nangyari na mas lalo kong ikinalungkot.             “Ate, mag-ingat ka lagi riyan ha. Mahal na mahal ka namin, Ate.” Si Yayo yon, pasinghot-singhot.             “Ate, cellphone ko ha?” ani May.             Sumunod naman ay si Charlene na sobrang lambing ng boses. “Ate, huwag mo kaming kalilimutan ha? Kahit anong mangyari, ikaw pa rin ang Ate ko at mahal na mahal kita.”             “Mahal na mahal ko rin kayo…” Hinagkan ko ang telepono sa aking pisngi, iniisip na sila ang aking yakayap. “Hinding-hindi ko kayo kalilimutan dahil para sa inyo ang lahat ng mga ginagawa ko.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD