“Ayaw mo ba ng pagkain? Gusto mo bang palitan ko ng iba?” Dahan-dahan kong inangat ang tingin kay Archie. Bahagyang umawang ang aking mga labi sa kaniyang masuyo at atentibong pagtingin. Iyong para bang sa’yo lang iikot ang kaniyang mundo? Iyong para bang... ikaw lang ang babaeng kikilalanin niya hanggang sa dulo ng kaniyang buhay? Napakurap ako ng dalawang beses bago ibinagsak ang tingin sa aking plato na kaniyang tinitingnan din. “Uhh...” Binasa ko ang aking mga labi. “A-Ayos lang ito. Masarap ang pagkain. Salamat...” “Sigurado ka, Clara? Hindi mo pa ginagalaw ang mga iyan at baka lumamig na. Kung gusto mo ay kukuhanan kita ng panibago–” “H-Hindi na!” Biglaang tumaas ang aking boses. Tumaas tuloy ang kilay ni Archie, dahilan ng pagpula ng aking mga pisngi. “Hindi na. Ayos na sa akin

