“Maipapangako ko sa’yong hindi na iyon mauulit pa. Hindi na ulit kita ilalagay sa sitwasyong mahihirapan ka. Iyon ang pangako ko sa’yo... bilang isang kaibigan.” Nang sambitin ni Archie ang mga salitang iyon sa harapan ko ay sigurado akong tumigil ang aking mundo. Kung ihahalintulad sa isang makina, may isang pyesang nasira o turnilyong nawala. At hindi nga ba, kahit gaano pa kalaki o kaliit ang sira sa isang sistema ay madadamay na itong lahat? Dahil ganoon magtrabaho ang isang sistema. Kailangan ay buo at sabay-sabay dahil kapag may isang pumalya, tiyak na lahat ay papalpak na. Parang ganoon lang din sa isip ng isang tao... sa ngayon, sa aking isip. Parang may nakalag na isang turnilyo kung kaya’t ang mga sumunod na pangyayari ay hindi ko na masyadon

