C-4: FOR THE SAKE OF US!
___
Kaybilis lumipas ng mga araw, kung ano man ang ginawa ng Papa at kuya Lorenzo para maabswelto ako sa kaso hindi ko pa rin lubos na maunawaan.
Basta kinabukasan sinundo na nila ako sa presinto. Ang sabi lang nila wala na daw problema kaya hindi na ako dapat mag-alala.
Nagulat na lang ako nang pagkagaling namin sa presinto deretso na rin kami sa Airport para bumiyahe papuntang Australia.
Ang bilis ng pangyayari parang pumikit lang ako pagdilat ko nasa Australia na pala kami. Kasama ko rin ang Papa at Mama at syempre maging si Lorenzo.
Ngunit ilang araw lang ang lumipas bumalik na rin agad si kuya Lorenzo sa Pilipinas. Gusto ko sanang sumama sa kanya pabalik ngunit batid kong hindi papayag ang Mama at Papa.
Babalik si kuya Lorenzo dahil wala daw mag-aasikaso ng mga negosyo ng Papa. Nakapagtataka ngunit parang nahuhulaan ko na...
Dahil sa mabilisang desisyon ng Papa nalaman ko na lang na tuluyan na nitong ipinaubaya kay Lorenzo ang lahat-lahat ng naiwan namin sa Pilipinas.
Ang bahay, lupa, ari-arian at higit sa lahat ang mga negosyo ng Papa. Lahat na yata ng asset ng Papa nasa control na ngayon ni Lorenzo. Maliban lang sa perang ginagastos namin ngayong narito kami sa Australia.
Hindi ko magawang sisihin ang Papa o kahit ang tanungin man lang siya. Dahil batid ko naman na ginawa niya ito para sa kabutihan ko. Nasisiguro ko na iyon rin naman ang isasagot niya sa akin.
Dahil dito gusto ko tuloy sisihin ang sarili ko nang dahil sa ginawa kong pagtakas parang sa isang iglap lang nagbago na ang lahat.
Alam ko rin na sa pagkakataong ito mas hindi niya ipagkakatiwala sa akin ang lahat at mas pinatunayan ko lang sa kanya ang kahinaan ko dahil isa akong babae.
Hindi ko rin magawang makialam sa desisyon ng Papa. Dahil kung tutuusin ako rin naman ang may kasalanan ng lahat, kung hindi sana ako nagpadalos dalos.
Pero huli na, pagsisisihan ko man ang lahat huli na at hindi ko na rin ito magagawang baguhin pa. Siguro ang mas dapat kong paghandaan ay ang mangyayari sa mga susunod na araw.
Nitong huli kasi napansin kong mas nagkakasundo ang Papa at si kuya Lorenzo. Nakita ko rin minsan na ka videocall ng Papa sila Tito Al at Tita Lorie. Mukhang nagkakasundo na sila sa iisang bagay at ang bagay na iyon ang labis na kinakatakutan ko.
"Yana, anak!"
"Huh? I-ikaw pala Mama!" Mabilis kong pinahiran ang dumaloy na luha sa aking mga mata.
"Bakit ba narito ka, malamig dito ah' hindi ka ba nilalalamig?" Dadag na tanong pa nito. Nasa Veranda ako nang mga oras na iyon.
"Hindi naman po Ma, maya maya lang po papasok na rin ako sa loob." Tugon ko.
Ang buong akala ko maitatago ko sa kanya ang nararamdaman kong lungkot subalit hindi pala ganu'n kadali.
"Yana anak, umiiyak ka ba?"
"Ha, hindi po Ma!"
"Huwag mo nang ikaila alam kong umiiyak ka, iniisip mo ba ang tungkol sa plano ng iyong Papa?" Tanong ni Alicia.
"A-ano pong plano Ma?" Kaila ko.
"Ang tungkol sa kasal n'yo ni Renz!"
Bigla ang ginawa kong paglingon, nakakagulat pa rin pala ang marinig ang totoo. Kahit iyon naman talaga ang iniisip ko kanina lang at ang kinatatakutan ko kahit marinig man lang ang kumpirmasyon.
"Tama pala ang iniisip ko na itutuloy pa rin ng Papa ang kagustuhan nilang magpakasal ako kay kuya Renz."
Hindi ko na itinago ang nadarama kong lungkot at ang pagdaloy ng luha sa aking mga mata para saan pa?
"Anak malaki ang utang na loob natin kay Renz at sa mga magulang niya sila ang dahilan kung bakit hindi ka nakulong. Alam mo bang hindi basta basta ang pamilya ng taong nabangga mo? Siguradong hindi sila papayag na hindi ka makulong kaya para sa kabutihan mo ginawa nila ang lahat para maabswelto ka! Hindi rin naman ako pabor na makasal ka ng labag sa iyong kalooban ngunit nang dahil sa mga nangyari nitong huli. Naisip kong tama ang iyong Papa wala na tayong pwedeng asahan pa ngayon kundi si Renz mas mapoprotektahan ka niya kaysa sa amin dalawa ng iyong Papa. Matanda na kami ng Papa mo at limitado na ang kaya naming gawin." Paliwanag ni Alicia.
"Kaya ba gusto n'yo na akong ipamigay kay kuya Renz?" Tugon ko na naghihinakit ang kalooban.
"Anak gusto lang namin ng Papa mo na mapabuti ka." Nagpapaunawang saad ng aking ina.
Kahit paano naman ramdam ko na naiipit lang din siya sa sitwasyon.
"Mama wala na bang ibang paraan, kailangan ba talagang magpakasal pa ako sa kanya?" Nais kong kahit paano mabigyan ng pag-asa na mabago ko pa ang isip nila.
Subalit...
"Anak, nakapagbitaw na ng pangako ang iyong Papa sa mga Madrigal." Malungkot na saad ng Mama.
"Hindi na ba pwedeng baguhin 'yun?"
"Hindi na!"
"Huh, Amado?"
"Papa..."
"Siguro naman hindi mo na iisiping tumakas pa ulit. Dahil hindi sa lahat ng pagkakataon matatakasan mo ang problemang idinulot mo sa pamilya natin, mas pinadali mo lang ang pagpapasya ko. Ngayon kahihiyan na ng pamilya natin kung tatanggihan mo pa ang pagpapakasal kay Lorenzo.
'Dalawang bagay lang ang pwede mong pagpilian. Ang magpakulong ulit pagbalik natin ng Pilipinas o ang magpakasal kay Lorenzo?! Dahil si Lorenzo lang ang makapabibigay ng proteksyon sa'yo laban sa asawa ng nakabangga mo. Si Lorenzo lang ang makapagliligtas sa'yo anak!" Ramdam ko ang takot sa mga mata ng Papa.
Sino ba ang kinatatakutan niya hindi ba napatunayan na, na wala akong kasalanan? Aksidente ang nangyari at hindi ko iyon sinasadya.
Dahil ngayon malinaw na sa akin ang lahat ng nangyari, ang bigla na lang pagsulpot ng sasakyan nito sa aking harapan kaya't hindi ko na nagawang iwasan pa. Pero sa pagkakatanda ko ako ang nasa tamang linya.
"Papa sino ba ang kinatatakutan n'yo hindi ba ang sabi n'yo tapos na ang kaso?" Pakiramdam ko may isa pang bagay ang nagtutulak kay Papa para tuluyan akong ipakasal kay kuya Renz.
"Huwag mo nang alamin pa anak hindi mo na siya kailangang makilala pa. Pero siguradong hindi niya tayo titigilan kapag nakabalik na tayo sa atin. Hindi rin naman tayo p'wedeng magtagal dito narito lang tayo for tourist visa after 3 months kailangan na tayong bumalik ng Pilipinas." Saad ng Papa.
"Pero Papa kung sakaling makita ko siya gusto ko ring humingi ng tawad. Siguro naman kapag malamig na ang sitwasyon maiintindihan rin niya na aksidente ang nangyari at hindi ko iyon sinasadya at kung kailangang lumuhod ako sa harap niya para kahit paano gumaan ang loob niya gagawin ko Papa." Giit ko.
"Hindi mo kasi naiintindihan anak walang kahit ano mang bagay ang makapagpapagaan ng kanyang kalooban sa ngayon. Kaya huwag na huwag kang lalapit sa kanya. Huwag na sanang matigas ang ulo mo anak, magpakasal ka kay Lorenzo iyon na ang pinakamabuti. Dahil maalagaan ka niya anak hindi siya papayag na mapahamak ka. Alam kong hindi mo gusto si Lorenzo anak. Pero bakit hindi mo subukan kung nagawa mo siyang mahalin bilang kuya mo? Alam ko magagawa mo rin siyang mahalin bilang isang kabiyak. Hindi siya masamang tao anak kaya nasisiguro ko na matutunan mo rin siyang mahalin kapag mag-asawa na kayo at para na rin mapanatag kami ng iyong Mama." Ang huling sinabi ng Papa ang mas tumimo sa aking kalooban.
Dahil batid kong totoong nag-aalala sila sa akin at tulad ng sabi ng Papa mapapanatag lang sila kung magpapakasal ako kay kuya Renz.
Kahit pa hindi ako sigurado kung magagawa ko nga ba siyang mahalin?
Dito na ba magtatapos ng tuluyan ang aking pag-asa?
Pakiramdam ko may matulis na bagay na bigla na lang tumusok sa dibdib ko. Batid ko na ito ang isang bagay na magpapahirap sa akin sa walang takdang panahon kung kailan ba matatapos.
Ngunit ramdam ko na ang sakit hindi pa man nagsisimula. Tanging luha ang naging tugon ko at mahinang paghikbi.
"Anak, patawarin mo ako kung hindi naging sapat ang pagiging ama ko upang protektahan ka at kinailangan ko pa ang tulong ng iba." Alam kong pilit pinapaunawa ng Papa ang sitwasyon.
"Hindi Papa, ginawa n'yo na ang lahat para sa'kin kaya dapat lang na ang parte ko naman ang gawin ko para sa ikakabuti natin..." Saglit ko munang pinahiran ang aking mga luha saka ko matuwid na hinarap ang Mama at Papa.
"Pumapayag na po akong magpakasal kay Lorenzo!"
FOR THE SAKE OF US!
Iyon ang nasa isip ko habang yakap ako ng aking mga magulang. Dahil ayoko na silang mag-alala pa sa akin at bigyan pa sila ng problema.
Maybe this is my destiny and because of this I know that my life will suddenly change.
___
"Ang mga walanghiya, akala mo mga daga na bigla na lang nagtakbuhan at nagtago. Sige lang pagbutihan lang nila ang pagtatago, ang akala siguro nila makapagtatago sila sa'kin nang habambuhay?"
Kasalukuyan kaming nasa veranda ng mga oras na iyon at kausap ko si Atty. Edric Mateo.
"Hey, Bro! Bakit ba wala ka nang inisip kun'di ang mga taong iyon, p'wede bang magrelax ka naman?" Ang naging tugon niyang salungat sa sinabi ko.
"Magrelax, paano ko 'yun gagawin ha' sabihin mo nga? Kung ang taong pumatay sa asawa at sana'y magiging anak ko ay malaya pa at maaaring nagsasaya na sa mga oras na ito! Habang ako narito at nagluluksa pa rin. Marerelax na sana ako kung sana nanatili pa rin sa kulungan ang babaing iyon at pinagbabayaran ang ginawa niya sa mag-ina ko! Pero hindi eh, kung bakit naabswelto pa ang puny**ang iyon!" Nanggigigil na sigaw ko, sabay hagis sa basong hawak ko matapos kong sairin ang laman niyon.
"Hindi ko naman sinabi na huwag kang magalit ang sabi ko magrelax ka lang, just take a break Bro!" Dagdag na suhestyon ni Atty. Edric Mateo.
Kung meron mang higit na nakakakilala sa akin si Edric 'yun! Matagal na kaming magkaibigan, halos sabay na kaming lumaki, nagkaisip at nag-aral.
Sabay rin kaming nagkolehiyo subalit kung siya ay nagpatuloy sa pag-aaral upang maging abogado ako naman maagang sumabak sa negosyo para kumita ng maraming pera at syempre magpayaman ng husto.
Subalit hindi doon natapos ang aming pagiging magkaibigan.
He is also my Lawyer, my adviser and at the same time my only Bestfriend.
"Excuse me Boss, narito na si Sir Jowell." Isang tauhan ko ang biglang umagaw ng aming atensyon.
"Sige na, Adrian papuntahin mo na lang siya dito." Utos ko agad naman nitong sinunod.
"Okay copy po sir!"
"Ano na naman ang inutos mo kay Jowell?" Matamang usisa ni Edric.
Hindi ko sinabi sa kanya ang ginagawa kong pagpapasubaybay sa pamilya Salvador. Dahil alam ko na tutulan niya ito dahil para sa kanya tapos na ang kaso at tanggapin na lang ang naging hatol ng korte.
Ngunit hindi ito makatarungan para sa'kin dapat makulong ang babaing iyon. Dahil pinatay niya ang asawa at anak ko at hindi ako papayag na maging malaya siya at nagsasaya.
Hindi!
Hindi ko alam kung bakit ganu'n kadaling sinang-ayunan ni Edric ang desisyon ng korte. Gayu'ng siya ang abogado ko, kung hindi ko siya kilala at hindi ko siya kaibigan iisipin kong baka nabayaran siya pero alam kong hindi.
Matiim ko muna siyang pinagmasdan bago ko pa siya tinugon.
"Pabayaan mo na ako may mga bagay lang na gusto kong malaman." Tugon ko.
"Tariq, may mga bagay talaga na hindi natin kontrolado at hindi na natin mababago pa, lalo na ang mga bagay na nangyari na. Tanggapin mo na lang at kalimutan ang lahat para mas madali kang makamove-on." Suhestyon ni Edric.
Subalit hindi naging maganda ang dating nito sa akin.
"T***ina! Asawa at anak ko ang namatay, sasabihin mo sa akin na tanggapin na lang at kalimutan? Kaya ba pinatalo mo ang kaso at hinayaan mo na lang na makalaya ang babaing iyon. Matanong nga kita ano bang ginawa nila ha, binayaran ka ba o baka naman nagkasundo na kayo sa kama ng babaing 'yun kaya naman naging tuliro ka na at siya na ngayon ang ipinagtatanggol mo!"
"A-ano?"
*****
04-19-25
@LadyGem25