5:

2294 Words
MASAGANANG tawa ang pinakawalan ni Don Vladimir sa kabilang linya. "Ni paghugas yata ng pinggan o simpleng pagwawalis ay hindi mo naituro sa apo mong babae." Tumawa na naman ang don. "Paano naman matuturuan kahit simpleng gawaing bahay ang batang laging laman ng kalsada?" "Laman ng kalsada tapos ay hindi mo inawat kaya ikaw rin ang nahirapan sa huli," turan niya sa don. Bumangon na si Lautus ng kama. Gaya noon ay alarm clock niya talaga ang pagtawag ni Don Vladimir Henson. Pinatong lang niya ang cellphone sa bedside table, hinayaan niya iyong naka-loudspeaker, saka siya dumiretso na sa banyo na nasa loob ng kaniyang kuwarto. "Tama ka naman d'yan," sang-ayon ni Don Vladimir sa huling sinabi niya rito. "Pero 'wag mo naman masyadong pahirapan ang apo ko hijo. Noong unang araw niya sa 'yo pa lang ay gusto ko na sana siyang bawiin sa 'yo dahil nanghingi siya kaagad ng saklolo." Iningusan niya ang kausap kahit hindi pa siya nakikita nito. "Simpleng allergy lang 'yon. Hindi ko siya pababayaan, alam mo naman 'yan." "I know Lautus, tiwala naman ako sa 'yo." "Pero hindi ko pinapangako na hindi ko siya pahihirapan." Napangisi siya sa sariling tinuran. Tumawa na naman ang don. "Please, 'wag naman sobra. Nauunawaan ko ang rason mo pero sabi ko naman sa 'yo, ang pagkawala saglit sa tunay niyang mundo ay malaki ang magiging impact sa kaniya sa pagpasok niya sa isang arranged marriage." Natigilan siya sa binanggit ng don, pero kaagad din niyang sinalpak sa sariling bibig ang sepilyong nalagyan na niya ng toothpaste upang hindi na siya makapagkomento pa. Ang hindi pagkomento ni Lautus ay signal nito sa mga kausap at kakilala na hindi na niya nais pang palawakin ang pinag-uusapan nila. Kasama si Don Vladimir sa mga taong nakakaalam niyon. "SAAN ang party?" "Huh?" Nagtatakang nag-angat ng tingin si Haya kay Lautus, nang papalabas na kasi siya sa kuwartong inookupa niya sa bahay nito sa Isla Heredera ay siyang dating nito, hinarang ang paglabas niya sa pinto. "Tinatanong kita kung saan ang party," maaskad na ulit ng lalaki sa kaninang tinuran. Napabuga ng hangin si Haya, umatras siya't sumandal sa hamba ng pinto upang mas matignan niya nang maayos ang pigura ng kaharap dahil mas matangkad ito sa kaniya. "What party ba ang sinasabi mo?" As usual, nag-cross arms na naman ang bilyonaryong hambog sa kaniya. "'Yang suot mo kasi, ang aga-aga ay pang-party." "What?!" maarteng bulalas ni Haya. Sinipat niya ang suot na designer clothes. "Excuse me, Dior 'to 'no!" "Hindi ko naman tinatanong. Pang-party pa rin 'yan, sige na, magpalit ka," utos ni Lautus, pagkuwa'y hinawakan siya sa mga balikat niya para mapaharap siya ulit sa kuwarto. "Ano ba?! Teka nga!" Syempre, iritable niyang hinawi ang mga palad nito sa balikat niya. "'Problema mo ba ha?" pagsusungit niya rito. "Anong mali sa suot ko?" "Hah! Tinatanong mo pa talaga sa 'kin kung anong mali sa suot mo?" "Oo! 'Yang mata mo yata ang mali e!" "Missy, look at this," ani Lautus, hinawakan ang bolero top niya. "Long sleeves nga ito pero tignan mo naman ang likuran mo, litaw na litaw. Sinuot mo pa ang kunwaring jacket na 'yan pero wala namang tinakpan kundi ang mga braso mo, litaw rin 'yang dibdib mo." "Cleavage ang tawag dito, 'no! Hindi mo ba alam na iilan lang ang mga babae na biniyayaan ng ganitong dibdib?" "Hindi ko talaga alam. Saka kahit ano pang explain mo ngayon sa 'kin, hinding-hindi ka pa rin makakalabas ng bahay na ganyan ang suot mo," sabi pa nito sa kaniya sa maawtoridad na tono. "Fashion ang tawag dito." "Whatever, magpapalit ka pa rin naman," hindi papatinag talaga na saad ni Lautus. Tumili siya. "Ang O.A. mooo!" Patiling turan niya, tumalikod na siya't padabog na pinagsaraduhan ito ulit ng pinto. Napangisi na lang si Lautus sa likod ng pintong padabog na isinara ng heredera. Hanggang sa makababa siya ng hagdan ay hindi naalis ang pagkakangisi ng kaniyang labi. "O, bakit tumili ang isang 'yon? Ano ang ginawa mo?" Kastigo sa kaniya ni Nana Pacing nang makasalubong na niya ito sa dining area. Ang matandang katiwala lang niya ang nakakapagkastigo sa kaniya sa lahat ng mga kasama niya sa buhay. Oo, buhay. Ito na rin lang kasi at ang mga tauhan niya ang itinuring na niyang malapit na pamilya. "Pinagpalit ko lang siya ng damit, hayun, nagreklamo, tumili," tugon niya kay Nana Pacing. Napangiti siya pagdaka nang makita niya ang mga nakahain sa mesa—fried rice, tuyo, kamatis, sukang may berdeng sili at inihaw na liempo. "Bakit may liempo?" "E, ang bisita mo, baka hindi nakain ng tuyo," simpleng sagot naman ng katiwala. "Kung hindi siya kumakain, e, 'di magutom siya, gano'n lang po kasimple. Sa susunod ay kung ano ang nakasanayan niyong ihain, 'yon pa rin ang gagawin niyo Nana Pacing. Hindi niyo ho kailangan na mag-adjust kay Haya." aniya. Kung itatrato kasinito na parang prinsesa ang bisita nila, para na rin niyang hinayaan na mamuhay si Haya sa nakasanayan niya. Mawawalan ng saysay ang pagdala niya rito sa isla, kung saan simpleng buhay lang ang mararanasan nito. Para sa arranged marriage na nakatakda sa pagbabalik niya sa Metro Manila. Oo na Lautus, hindi mo kailangan na paulit-ulit pang banggitin 'yan sa utak mo! pagsasalita ng kung sino sa dulong bahagi ng utak niya. Napailing na lamang siya upang agad niya iyong mapalis. "'Kuuu, ikaw naman na bata ka, oo. Hindi ka pa nagkasya sa pang-aasar sa magandang dilag." "Nana Pacing, 'wag niyong ipaparinig sa kaniya na sobrang ganda niya. Kaya malaki ang ulo no'n e. Ang mga tao rito ginawa pa siyang VIP person, masabihan nga sila mamaya." "Aba, wala ka namang magagawa kung celebrity. Model pala. Gaya nang hindi mo na sana pinagpalit ng damit dahil modelo nga, sanay na maganda ang suot. Saka aalis sila ni Vio ngayon kaya siguro nakabihis, ikaw talaga." "Aalis?" Kunot ang mga kilay na tanong niya. "Oo, mamamasyal sa palibot. Ano naman ang gagawin niya rito, minsan lang magawi, natural na maglibot siya," simpleng sagot naman ng katiwala. "And where's Vio? Paano silang nagkausap ni Haya nang hindi ko alam?" Hindi niya gustong magtunog superior pero hindi niya mapigilan. Nagbigay siya ng instruction sa mga tauhan na huwag na huwag ipa-pamper ang heredera habang naroon ito sa isla. Sinabihan din niya ang mga ito na hindi maaaring hawakan ng mga ito si Haya—pero, oo nga naman, wala naman siyang inutos na bawal kausapin ang huli. "Paanong hindi kami makakapag-usap ni Vio, hello? Nasa iisang bahay kaya kami," si Haya na ang sumagot sa mga tanong niya. Bumaba na rin ito. Nakapagpalit na ng damit—simpleng white fitted shirt at maong pants ang pinalit sa kaninang suot, may bitbit din itong sun visor cap. "Nasa iisang bahay? As far as I remember, nasa labas ang bahay nila Vio dahil kasama rin sila sa in charge sa security rito sa tuwing narito kami." Nandidilat na aniya sa dalaga. "Sus, bawal bang lumabas kung hindi makatulog?" balewala namang tugon ni Haya sa kaniya. "Lumabas ako kagabi. D'yan lang naman sa tapat, naupo ako, nagmuni-muni at nagpaantok." Nagsimula nang kumain ang dalaga. Habang nagsasalita ay hindi siya nito sinusulyapan man lang. Tumikhim siya. "Sa niyugan ba ang punta niyo? Wala ka namang makikita ro'n, mga puno lang ng niyog." Nakataas ang kilay na sinulyapan siya nito. "Niyugan nga e, kaya mga puno talaga ng niyog ang makikita." "I'm asking you, dapat ay sumasagot ka na lang," inis na saad ni Lautus. "Mag-iikot-ikot lang kami 'no. Kahit saan. Sabi niya rin ay imbitado siya sa isang simpleng salo-salo sa sulukan, sasaglit din sana kami ro'n." Paismid na tugon naman nito. "Ako na ang sasama sa 'yo." Lumabas na iyon sa bibig niya bago niya pa maawat. Tumikhim ulit siya. "Mahirap na, baka artehan mo sina Vio at ang mga tao rito." Suminghap ang dalaga. "Ano ba ang akala mo sa 'kin ha, tigre na lalapa ng tao anytime?" Saka nandidilat na sabi. "Bear." "A—Ano?!" singhal na naman ng dalaga sa kaniya. Tumayo ang binatang bilyonaryo, saka inilapit ang mukha niya sa dalagang katulad no'ng nakaraan sa chopper ay napaamang na lang na napatitig sa kaniya at hindi na nakahuma. "Mas akala ko ay isa kang bear. Oso, Hayanara. Cute na bear na napakalambot pero may tendency na manakit ng tao." She blushed. Hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Lautus kaya in no time, napadiretso na siya ng tayo at tinalikuran ito. "Bilisan mo, hindi tayo puwedeng abutin ng pananghali, hindi mo naman siguro gugustuhin na masira ang kutis mo. Masyadong tirik ang araw rito." Iyon lang at tumalikod na ang may pagkasuplado talaga na bilyonaryo. "Hala hija, nakita ko na namula ang mga pisngi mo," biro kay Haya ni Nana Pacing nang makaalis na sa dining area ang alaga nito. Wala naman sa sarili na nahimas ng dalaga ang magkabila niyang pisngi. Dama niya nga na nag-init iyon kanina sa sinabi ni Lautus. Weird though. Hindi naman kasi maganda ang sinabi nito na may tendency siyang manakit ng tao. "Nana Pacing, ilang taon na po kayong nagsisilbi kay Lautus?" "Ay, may katagalan na. Halos anim na taon na rin. Alam mo bang mga taga Marikina kaming lahat halos na narito. Nabura ng isang bagyo noon ang lugar namin. Noong mga panahon na 'yon ay nagbalik naman sa lugar namin si Lowtus, mayaman na pala. Isinama niya kaming lahat na may gusto papunta rito," mahabang paliwanag sa kaniya ni Nana Pacing. Napatango-tango siya. Napuna niyang tila superhero si Lautus sa kuwento ng katiwala at nakakapagtaka iyon sa part niya dahil para silang aso at pusa ng bilyonaryo sa tuwing nagkikita sila. "Wala na po ba siyang parents? Kapatid? Bakit kayo lang po ang kasama niya rito?" "May kapatid siya hija, 'yon nga ang sa pagkakaalam ko ay kasama sa mga tumulong sa pagpapalago ng negosyo niya." Napakunot-noo si Haya sa kawalan ng kasiguraduhan na sagot ni Nana Pacing. Nilunok lang niya ang kinakain bago ito sagutin. "Hindi po kayo sure sa info?" Marahan itong umiling. "Hindi talaga. Huli na naman na kasing nakilala ng batang 'yan ang nag-iisang kapatid niya. Hay, basta mahabang kuwento." "Sige po, salamat. Pag-usapan natin 'yan sa ibang araw." Nakangiti na lamang niyang sabi. "Pasensya na, wala po kayong ligtas dahil certified tsismosa ako," aniya pa, na kinahagikgik naman nito. NAKAKAPAGOD man ang paglalakad na ginagawa nila ni Lautus sa niyugan ay worth it naman iyon para kay Haya. Nakakatuwa kasing pagmasdan ang mga abalang tauhan nito na kaniyang na-meet na nang unang tumapak ang mga paa niya sa Isla Heredera. Natatawa nga siya kapag naiisip niyang ang warm welcome sa kaniya ng mga tao roon ay naging reward niya pa pagkatapos niyang malubog sa malambot na lupa. Talagang ang hindi kagandahan na pangyayari ay hindi mananatiling ganoon lamang. Well, sa araw naman na ito ay prepared na siya. Kahit pinahubad ni Lautus ang suot niyang top kanina ay nakasuot naman siya ng boots at maong pants talaga para sa pamamasyal nila. "Señorita, tubig," untag sa kaniya ni Vio. Inabutan siya ng bottled water. Nahinto kasi sila sa isang maliit na tindahan, may kinausap kasi roon ang boss nito. Pagkatapos nila roon ay papunta na sila sa munting salo-salo kung saan naimbitahan ito. Malawak na nginitian niya ito at kinuha naman niya iyon. "Salamat. Bakit ba hindi man lang tayo nakapagdala ng tubig? Gumastos ka pa tuloy." "Hindi naman natin kailangan na magdala. Ang mga tao rito ay kusa na tayong bibigyan talaga ng mga gusto nilang ipaabot kay bossing," tugon ni Vio. Nang sulyapan niya ito ay nilagok na nito ang sariling tubig. "Sino nga pala ang nagsabi sa 'yo na señorita ang itawag mo sa 'kin?" Pagak na tumawa si Vio. "Ah, wala naman Señorita Haya, ang totoo kasi niyan ay naisipan ko lang na itawag sa 'yo 'yon dahil bagay sa 'yo." Si Haya naman ang natawa. "Bolero ka rin pala ha," nagbibiro niyang turan. Sa totoo lang ay marami na rin namang nagsabi sa kaniya ng kaparehong compliment na nanggaling kay Vio. Ang tanging maibibigay lang niyang dahilan doon ay dahil siguro sa dugong spanish ng mga ninuno nila. "Real talk lang, para ka kasing nabuhay na latina sa mga nobela na nauso noong bata pa ako. Purga ako sa mga palabas na 'yon dahil sa nanay ko." Sa pagkakataong iyon ay napahagikgik na siya. "Sira ka! Gandang Pilipina 'to, 'no," saka nagbibiro na lang niyang sabi. "Hayaan mo, pagbalik ko sa Manila ay paitiman ko na 'tong buhok ko. Malakas makapeke talaga ang pagpapakulay ng—" naawat ang dapat ay sasabihin pa ni Haya nang biglang dumating si Lautus at isinuot sa kaniya ang sun visor cap niya. "Tayo na," kayag nito pagkuwan. May katamtamang puwersa na hinila rin nito ang pulsuhan niya. Tahimik na lang siyang nagpahila. Hindi niya naman kasi alam kung bakit nakatiim ang mga bagang ng lalaki nang sulyapan niya. Wala rin naman siyang lakas ng loob na itanong ang dahilan dito kaya pinagkibit na lamang niya iyon ng mga balikat. Baka may natanggap itong hindi kagandahang balita mula sa nakausap nito sa maliit na tindahan. Who knows? Ang bilyonaryong may-ari ng islang iyon lang naman ang pumasok sa maliit na kubong may tindahan kanina. "'Wag mo 'kong masyadong titigan." "H—Huh?" gulat na tanong ni Haya sa biglaang pagsasalita ni Lautus. "May sinasabi ka?" Sinulyapan siya nito, salubong pa rin ang mga kilay. "Ang sabi ko, 'wag mo 'kong masyadong titigan. Mahaba na ang nalakad natin, pawis na 'ko. Medyo nabawasan na ang pagkapogi ko," saka seryoso nitong wika. Natawa si Haya. "P—Pagkapogi?" Umingos ang lalaki. "Oo. Alam kong pogi ako kaya ka nga napapatitig sa 'kin e. At higit sa lahat, mas pogi ako kay Vio." Luh??
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD