"The Grand Pentacle, it serves to convene all spirits; when shown to them they will bow and obey you." -- Unknown
CHAPTER 04
Overnight
"KAEL, saan ba tayo kakain?"
"Manahimik ka na nga lang Miracle! Kanina ka pa satsat nang satsat diyan."
"Gutom na gutom ako! Paanong hindi ako magsasalita!?"
"Hep! Tama na nga iyan, manahimik na lang kayong dalawa!" Bigla silang inawat ni Sasha at pumagitna ito sa kanilang dalawa.
Halos dalawang linggo na rin ang nakalilipas noong nanaginip ako at noong nagsimula ang klase. Sina Miracle, Kael, Sasha at Lewis ang naging kaibigan ko. Hindi ko pa gaanong close si Kael dahil laging masungit ito, puro bangayan silang dalawa ni Miracle at talagang hindi magkasundo. Highschool classmate raw sila sabi sa akin ni Sasha siguro may history sa kanilang dalawa. Naging unang magclose kasi sina Miracle at Sasha kaysa sa akin.
Dalawang oras ang vacant namin ngayon at ilang minuto na rin kaming naghahanap ng murang makakainan dito. Kapag may makikita kaming karinderya aangal si Kael dahil hindi raw masarap doon kahit hindi pa naman niya nakakainan, kaya maghahanap pa ulit kami ng iba hanggang sa magbangayan na naman silang dalawa ni Miracle.
"Hindi talaga magkakasundo ang dalawang iyan." Biglang sambit ng katabi ko, simple ko siyang sinulyapan at bumalandra na naman sa kanyang bibig ang brace niya. "Buti na lang lagi tayong bati- Aray!" Marahas kong kinurot ang tagiliran niya at inirapan siya.
Bwisit din itong si Lewis! Pinahamak ako kanina sa English class namin! Hindi pinasa iyong assignment ko! "Pati ba naman kayo aawatin ko?" Rinig kong tanong ni Sasha, hindi ko iyon pinansin at nanahimik na lamang ako. Narinig ko pang humagikgik ang katabi kong bwisit na ito.
Mayamaya pa'y napagdesisyonan naming sa KFC na lang kumain tutal may tig-singkwenta pesos lang na pagkain doon. Sina Kael at Lewis na lang bumili sa counter ng kakainin namin.
Sa halos dalawang linggo may mga pagkakataong nakasasalubong ko sa hallway ng building namin si Ms. Dela Vega, General Psychology Prof namin, laging nagtatagpo ang mga mata namin na para bang may gusto siyang sabihin sa akin pero hindi niya masabi. Ang weird nga e, kasi hanggang ngayon topic pa rin namin ang panaginip hindi ko alam kung lesson pa ba iyong tinuturo niya sa amin o mga trivia na.
"Tuloy ba ang balak natin girls?" Biglang tanong ni Miracle nang makaupo na kami sa isang pahabang table.
Nasa kabilang side ng upuan sila ni Sasha at ako nasa kabilang side rin. Inilabas ni Miracle ang salamin niya at ang suklay niya. Hilig niya talaga iyan, napapansin ko lang."Kayo lang naman. Ano bang desisyon niyo?" Balak sana nila sa unit ko na lang tumira hati-hati kami sa bayad tutal gusto nilang mag dorm. "Kasya naman tayong tatlo roon." Sambit ko sa kanila.
Ibinaba ni Sasha ang librong binabasa niya saka siya tumingin sa akin. "Tignan namin mamaya ni Miracle ang unit mo." Ngumiti siya sa akin at sumulyap kay Miracle. "Pwede ka ba mamaya?" Baling ni Sasha kay Miracle.
Inilagay ni Miracle ang suklay at salamin niya sa handbag niya at sumulyap kay Sasha sabay baling sa akin habang tumatango. "Tapos movie marathon na rin tayo! May dala akong laptop may mga movies dito!" Ngising singhal niya sa amin.
Biglang pumalakpak si Sasha na tuwang-tuwa. "Sakto! Wala tayong pasok bukas!" Lumawak na rin ang ngiti ko sa kanila.
"Teka Zaf, hindi ka ba natatakot sa unit mo? I mean you don't even know kung sino ang huling tumira roon malay mo serial killer-"
"Here we go again the paraniod Sasha." Umismid si Miracle at bumuntong-hininga. "Huwag mo ngang takutin iyang si Zaf."
"Hindi ko naman siya tinatakot dapat kasi bago ka tumira sa isang bahay kailangan alamin mo muna kung-"
"Stop. Huwag ka na magsalita Sasha, masyado ka na yatang naloloka sa mga binabasa mo!" Singhal ulit sa kanya ni Miracle at tumawa pa ito. "Mag overnight kaya tayo mamaya? Tutal naman wala tayong pasok bukas, hihiram na lang kami sa iyo ng damit Zaf, okay lang ba?" Baling niya sa akin at napansin kong simple niyang siniko si Sasha.
"Magpaalam muna tayo sa parents natin!" Iritang usal ni Sasha.
"Teka nga muna." Sinaway ko silang dalawa dahil alam kong magkakapikunan na yata sila. "Ganito na lang mag text o umuwi muna kayo tapos magpaalam kayo okay?" Nag-irapan pa silang dalawa saka tumango.
"Anong ipapaalam niyo?" Nagulat ako sa pagsabat ni Lewis na isa-isang inilalapag ang mga pagkain sa lamesa.
"Saan si Kael?" Tanong ni Sasha.
"Kumuha ng extrang gravy." Napakunot ang noo ko sa biglang pagtabi niya sa akin.
"Doon ka nga! Ayokong katabi ka." Iritang singhal ko at tinulak-tulak pa siya.
Tinignan naman niya ako at ngumisi sa akin. "Ang arte mo naman, wala ng mauupuan umusog ka roon! Uupo pa si Kael dito."
"Ewan ko sa iyo." Inirapan ko siya at nagsimula na lang kumain. Dumating na rin si Kael at binigyan kami ng extrang gravy.
Minsanan na lang dumalaw si Ate Shi sa unit ko dahil nagiging busy na siya graduating kasi kaya kailangan niyang maging masipag. Si Jeah naman minsanan lang lumabas sa unit niya busy din daw kasi siya. Minsan nagtataka ako kung may stock ba siyang pagkain sa loob ng unit niya dahil isang beses lang siya kung lumabas. Ang weird yata ng mga nangyayari sa paligid ko.
"Yes! Pumayag na si mama!" Masayang singhal ni Miracle na katatapos lang kumain habang hawak ang cellphone niya. Sinulyapan niya si Sasha na malapit pa lang matapos sa kinakain niya. "Pinayagan ka na?" Tanong nito.
Nagkibit-balikat si Sasha at hindi nagsalita. Umismid si Miracle saka bumaling sa akin. "Kukuha na lang ako ng damit sa bahay mamaya Zaf!" Tuwang-tuwang sambit niya sa amin na para pang kumikislap ang kanyang mga mata.
Ininom ko ang coke na nasa harapan ko at tumawa sa kanya. "Hindi ka naman excited Miracle?" Natatawang tanong ko at tumawa na rin siya.
"Mag o-overnight kayo? Sama kami!" Biglang sabat ni Kael.
Masamang tumingin si Miracle sa kanya at umiling. "Girls bonding, bakla ka ba?" Ngumisi si Miracle at tinaas-taas pa nito ang kanang kilay niya.
Tinignan ko si Kael na nag-uusok na naman sa sobrang galit. "Kapal mong babae ka. Kaya pala..." Bigla siyang ngumisi at hindi tinuloy ang sasabihin niya. Napabaling ang tingin ko kay Miracle na siya naman itong nag-uusok sa galit. Kumuha siya ng tissue sa harap niya saka niya binato kay Kael na tumatawa lang.
"Ano ba iyan! Mahiya naman kayo." Singhal sa kanila ni Sasha.
"Ito kasi e!" Sabay na sambit nina Kael at Miracle.
"Tapos na ba kayong kumain? Tara na baka malate na naman tayo." Biglang anyaya ni Lewis.
* * *
"Zaf, sigurado ka bang tenement ito? Parang haunted house." Rinig kong tanong ni Miracle.
Pinihit ko ang door knob ng unit ko saka binuksak ang ilaw na malapit sa pinto ang pindutan. "Ikaw yata ang paranoid diyan Miracle hindi si Sasha." Natatawang usal ko sa kanya at tuluyan nang pumasok sa loob. "Upo kayo riyan." Alok ko sa kanila habang itinuturo ang maliit na sofa.
Tinignan ko silang dalawa ni Sasha at Miracle na inililibot ang tingin sa buong unit ko, tumango-tango si Miracle at unti-unting sumisilay ang ngisi sa kanyang labi. "Ang ganda rito Zaf! Maliit pero ang ganda!" Manghang-mangha niyang usal. Sakto kasi sa combination ang pintura ng unit ko, hindi masakit sa mata.
Lumakad si Sasha papunta sa sofa at umupo ito. Hinawi niya ang iilang buhok na tumatakip sa mata niya at tinanggal ang salamin niya. "Hindi ko gusto ang atmosphere rito Zaf." Biglang saad niya.
Sumulyap ako kay Miracle na naglakad din papunta sa sofa saka umupo roon. "Gusto ko rito Zaf!" Masayang usal niya.
Simple kong tinitigan si Sasha na iba ang tingin sa buong unit ko. Bahagya akong naglakad papunta sa pinto saka iyon tuluyang isinara at nilock. "Ano? Dito na ba kayo titira?" Tanong ko.
Lalong lumawak ang pagngiti ni Miracle at tumango. "Gusto ko rito, ewan ko lang sa isa riyan." Madiing usal niya na pinariringgan si Sasha.
"Dito na rin ako. Ano pa nga bang magagawa ko?" Ngumiti siya saka yumakap si Miracle sa kanya.
Napangiti na lang ako sa kanilang dalawa. Dapat sasama sina Lewis at Kael kaso ayaw ko at ayaw rin nina Sasha at Miracle nagpupumilit pa sila pero ayaw talaga namin. Umuwi pa sila saglit sa bahay nila para magpaalam at kumuha ng damit. "Kailan ba kayo lilipat dito?" Tanong ko sa kanila.
"Basta ako kahit kailan saka ang dami kong dalang damit ngayon. Baka rito na ako matulog hanggang sa susunod na araw." Natatawang sambit ni Miracle.
"Baka next week ako Zaf." Usal naman ni Sasha.
"Kain na kaya tayo? Teka magluluto muna ako, punta na kayong kwarto. May nuggets ako sa ref, iyon na lang kainin natin pwede?"
"Oo naman! Kahit asin pa pwedeng-pwede!" Tumawa si Sasha sa sinabi ni Miracle, tumayo sila sa pagkakaupo at naglakad patungong kwarto ko.
Kumuha ako ng natitirang nuggets sa ref na kabibili lang ni Kuya Lach noong nakaraang linggo, minsan talaga galante iyon kahit may pagkabaliw. May tira pa akong kanin sa kaldero na sinaing ko kaninang umaga. Hassle talaga kapag mag-isa lang sa bahay, buti na lang makakasama ko na sina Sasha at Miracle. Isinalang ko na ang kawali sa kalan at pinainit ang mantika roon. Bahagya kong sinilip sa kwarto sina Sasha at Miracle na inaayos ang mga damit nila.
Nang matapos na akong magluto niyaya ko na silang kumain. Ang ibang nuggets sunog pa. "Zaf, kaninong painting ang nasa dingding ng kwarto mo?" Tanong ni Sasha habang kumakain kami.
Bahagya kong nginuya ang pagkaing nasa bibig ko. "Hindi ko alam. Nakita ko lang kasi iyon dito siguro sa dating tumira? Ang ganda ng painting 'no?" Ngiting tanong ko na nagpakunot sa noo niya.
"Zaf, hindi mo ba alam?" Ibinaba niya ang kutsara at tinidor na hawak niya saka sumulyap kay Miracle at bumaling muli sa akin.
"Ano?" Kinakabahang tanong ko.
"Pentacle painting iyon Zaf. Demon sign!" Bigla akong kinabahan sa sinabi niya, uminom agad ako ng tubig na nasa harap ko at huminga ng malalim.
"Anong pentacle? Ordinaryong star lang iyon ibang pagkakadrawing lang." Umiling-iling ako sa kanya at ipinagpatuloy ang pagkain ko, narinig kong napabuntong-hininga si Miracle.
"Sasha naman, tinatakot mo yata kami!" Singhal sa kanya ni Miracle.
"Hindi ko kayo tinatakot, pagkapasok ko pa lang dito naramdaman ko na ang kakaibang enerhiya na bumabalot sa unit mo Zaf."
"Kumain na lang tayo Sha." Seryosong sambit ko at nanahimik na siya.
Normal na painting lang naman iyon at kung demon sign nga iyon ano naman? Art lang iyon, isang ordinaryong painting lang. Sa sobra sigurong pagiging bookworm ni Sasha masyado na siyang maraming nalalaman na kung ano-ano lahat na lang tuloy nabibigyan niya ng kahulugan.
Nang matapos kami kumain ako na ang naghugas ng mga pinagkainan namin, sina Sasha at Miracle naman nasa kwarto na inihahanda ang panonoorin namin sa laptop ni Miracle. May dalawang flashdrive si Sasha na puro mystery o horror na movie sa flashdrive naman ni Miracle puro asian romantic movies. Nag-aaway pa sila sa kwarto kung anong uunahin naming panoorin, nang pumasok ako roon napagdesisyonan naming romantic movie na lang ang unang panonoorin. May dalang snacks sila Sasha binili nila kanina sa 7eleven. Mga alas-nuebe kaming nagsimulang manood, nagkasya kaming tatlo sa kama ko.
Habang nanonood kami tutok na tutok si Miracle sa laptop na nasa harap namin ginamit namin ang mini speaker ko kasi masyadong mahina kung wala. Habang seryoso kaming nanonood nagulat na lang ako sa biglang pagsitsit na nanggagaling kung saan. Para bang sumasabay siya sa pagsasalita ng pinanonood namin... Minsan ko na iyong naririnig pero hindi ko na lang pinapansin.
Nakadapa kaming tatlo sa kama ko habang nasa harap namin ang laptop nasa pinaggigitnaan namin ni Sasha si Miracle, ako sa kanan si Sasha naman sa kaliwa. Simple ko siyang tinignan na simpleng inililibot ang tingin sa kwarto ko. Kada minuto yata iyon ang ginagawa niya.
Nang matapos ang pinanonood naming movie na halos mangiyak-ngiyak si Miracle sa ending nagtawanan na lang kami ni Sasha sa kanya. "Bakit ka naiiyak Miracle? Siguro naaalala mo kayong dalawa ni-" Biglang tinakpan ni Miracle ang bibig ni Sasha at pinandilatan pa nito ng mata.
Natatawang tinanggal ni Sasha ang kamay ni Miracle sa bibig niya. "Kalma ka lang." Ngumisi ito sabay sulyap sa akin.
"Ano bang mayroon sa inyo ni Kael?" Biglang tanong ko kay Miracle.
"Wala! Nood na lang tayo." Pag-iiba niya. Hindi ko na lang siya pinilit tanungin dahil alam ko namang ayaw niyang pag-usapan iyon pero naaamoy kong may past siguro silang dalawa.
Horror naman ang pangalawang movie na pinanonood namin. Naka-indian sit kaming tatlo sa kama na nasa gitnang pwesto si Sasha, habang nasa kalagitnaan ng movie kapit na kapit kami ni Miracle sa braso ni Sasha na seryoso lang nanonood na para bang hindi natatakot.
"Zaf! Tignan mo iyong pentacle!" Biglang sigaw niya na ikinasigaw naming dalawa ni Miracle.
"Ano ba iyan Sha! Huwag kang naman manggulat!" Iritang singhal ni Miracle.
Bahagyang pinause ni Sasha ang movie na pinanonood namin doon sa part na may pinakitang pentacle ang pari. Dahil asian movie iyon may subtitle na nakalagay, binasa iyon ni Sasha sa amin.
"The Grand Pentacle, it serves to convene all spirits; when shown to them they will bow and obey you."