?23?
[UNKNOWN POV]
Ayun si Ginoong Eer!
Matagal ko nang gustong lumapit dito kaya lang parang may pumipigil sakin.
Kapag nakikita mo ito makakaramdam ka talaga ng pangingilag lalo na kung paano ito tumingin.
Hindi mo alam kung lagi ba itong galit o malalim lang talaga ang hatid ng berde nitong mga mata.
Sobrang puti din ng balat nito di tulad ng sa akin.
Kitang-kita ang kaibahan nito sa mga mababang engkantong katulad ko.
Sana, magkaroon na ako ng lakas ng loob na magpakilala rito.
[LEI]
Habang naglalakad ako sa bulwagan ay may tagasilbi na sa tingin ko ay aligaga at nakayuko lang. Hindi tuloy nito nakikitang pasalubong ito sa akin dahilan para mahulog at mabasag ang pinaglagyan ng tsaa na dala nito.
Hindi pa rin ako nito tinitingnan bagkus ay inuna ang mga kalat ng bubog.
''Pasensiya na... '' sobrang hina ng boses nito.
Umupo ako at inisa-isa ang mga bubog.
''Ako na. Baka masugatan ka pa. Sa susunod kailangan mo na talagang tumingin sa daan. Naiintindihan mo ba?" Halos magkapanabay naming tiningnan ang isa't-isa. Ngayon lang ako nakakita ng babae na kay-amo ng mukha.
''Sige.'' Tapos na pala ito sa ginagawa at naiwan lang akong nakatulala ng halos ilang segundo. Nakita kong bumaling muli ito ng tingin sa akin bago tumalikod muli.
Hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko ito mawaglit sa aking isip.
Para kasing may lungkot ang mga mata nito.
Marahil mahirap ang gawain ng tagasilbi.
[EER]
Hanggang ngayon, binibisita ko pa rin ang ilog na paboritong pahingahan ni Maaryaa.
Kaya nga noong isang pagkakataon na nakakita ako ng naliligo doon na bibihira nang mangyari umasa ako na sa paglingon nito, si Maaryaa ito.
Ganun ako kahangal.
Hindi ko pa rin mabitiwan ang mga ala-ala.
Siya lang ang bukod tanging tinrato ako na hindi lang isang bagay na maaaring sakalin at utusan.
Pinaramdam niya sa akin kung paano maging masaya sa mga simpleng bagay.
Sa kanya ko natagpuan ang halaga ko. Na may magtitiwala pa pala sa akin sa kabila ng sinasabi ng lahat na masama akong nilalang.
Pinigil ko ang pagsibol ng pagtatangi ko para sa aking kapatid dahil labis iyong ipinagbabawal.
Tinikis ko ang aking sarili kahit na nasasaktan ako sa mga pagkakataong umaalis ito kasama si Roi.
Bakit pa kasi siya pa ang minahal ko?
Marami namang babaeng nagkakandarapa sa akin at handa akong alayan ng lahat-lahat sa kanila.
Hindi ko kayang maging masaya para kay Maaryaa.
Kaya nadismaya ako nang ang babae sa ilog ay hindi ang aking si Maaryaa.
Para akong tanga na umasang siya na nga yun. Bumalik siya para sakin.
?24?
FLASHBACKS...
[Eer] Noong bata ako, pinangarap kong magkaroon ng kapatid. Ano kaya ang pakiramdam nun? May kalaro ka, kakuwentuhan at kasama kahit saan. Ngunit narinig ko na hindi na magkakasupling pa sina ina. Sa isang iglap, ang masayang pangarap ko ay hindi ko na kailanman makakamtan. Hanggang sa may dalhing batang babae si ama sa palasyo. Sinabi ni ama na ang batang yun ay kapatid ko sa ama.
Nung umpisa, ikinalito ko yun subalit ipinaliwanag din ni ama yun. Napansin ko na tahimik lang ang batang nagngangalang Maaryaa at nahihirapang tawagin akong kuya.
Sa unang beses na tinawag niya akong Kuya Eer, nagalak ako nang sobra. Ang sabi ko, may kapatid na ko. Halos dalhin ko si Maaryaa para ipagyabang sa aking mga kaibigan. Ipinangako ko sa aking sarili na ako ang pinakamatapang at magaling na kuya niya.
Noong nagbibinata na ako ay dumaan na ako sa matinding pagsasanay at ang aking kapatid ay lubha kong pinakaiingatan. Ayokong madaliin nito ang pagpapakasal sa kahit sino tulad ng gusto ni ina na aminado akong maraming beses na naging malupit sa kanya. Kaya ako nagsasanay para maipagtanggol ko si Maaryaa. Ibinabalik ko sa kanya ang tiwala at lakas na lagi niyang ipinapaalala sa akin. Na mahalaga akong nilalang at hindi isang laruan na napipihit. Lumaki na rin ang isa sa aking kaibigan na si Roi. Ang daming babaeng nahihibang dito ngunit ni isa wala itong natipuhan. Pero si Naree, nababanggit nito minsan na siya daw'ng ipapakasal ng kanyang angkan sa kanya. Kaya siya napilitan na kaibiganin ito sa umpisa. Ngunit sa tingin ko ay nagkakapalagayan na sila ng loob.
Hanggang sa may kasiyahan na nagaganap sa aming palasyo at unang beses ding makikita ng lahat ang pagdadalaga ng aking kapatid. Si Roi ay matagal ko ng kaibigan pero unang beses nitong makikita si Maaryaa. Hindi nito alam ma mayroon akong kapatid sa ama. Nais kong ipagdamot ang aking kapatid. Ayoko kasing maaga itong magustuhan at magkaasawa. Malalayo ito sa amin. Sa akin. At tama nga ako. Nakuha ni Maaryaa halos ang pansin ng mga nagsidaluhang binatang engkanto. Lahat kinakausap ako kung maaari ko bang ilapit sila sa aking kapatid. Umalis muna ako sandali af pagbalik ko ay wala na si Maaryaa sa puwesto nito. Matagal bago ko ito natagpuan na katawanan si Roi. Nagpilit ako nang ngiti bago sila nilapitan. Iyon ang umpisa ng aking pagkabalisa at pagkalito. Bakit naiinis ako sa tuwing binabanggit ni Maaryaa ang pangalan ni Roi at ang mga ginagawa nila? Nag-iinit talaga ang aking ulo.
Isang araw nun ay galing sa pag-iinom si ama at sinamahan ko ito para ihatid sa silid nito. Aalis na sana ako nang nagbanggit ito ng isang pangalan. Kaibigan nito na tunay na ama daw ni Maaryaa. Umiyak ako nang mga sandali na yun. Dapat ba akong masaktan dahil hindi niya ako kuya? O dapat akong matuwa dahil hindi ko na kailangang takbuhan ang nararamdaman ko sa kanya? –
"Bagay kayo ni Naree, Roi... ''
Umiling lang ito sa sinabi ko at bagama't malayo ang tingin ay banaag ang ngiti nito.
''Anong iniisip mo?" patuloy ko pa.
''Sino kamo... '' ''... sino?"
''Si Maaryaa... " abot-langit na ang ngiti nito. Unang beses na nakitaan ko ito nang ganoong reaksyon para sa isang babae.
''M-Maaari bang iba na lang? Huwag na ang kapatid ko?" mahirap para sa akin na bigkasin ang bagay na yun.
Tinapik nito ang aking balikat.
''Huwag ka mag-alala, aalagaan ko ang kapatid mo. Kilala mo na ako. Nagmamahalan kami ng kapatid mo... '' pinigil ko ang galit na namumuo sa aking dibdib para sa aking kaibigan.
''Paano si Naree?" umaasa ako na may isasagot si Roi na ikapapanatag ng aking loob.
"Kaibigan ko lang siya at hindi ko siya iniibig nang tulad ng pagtingin ko kay Maaryaa. Hindi ka ba masaya kung sakaling sa kaibigan mo mapunta ang napakaganda mong kapatid?"
Hindi ako makasagot. Naikuyom ko lang ang aking kamao. Naiinis ako kapag nakikita kong masaya si Maaryaa. Sana, ako na lang ang dahilan ng bawat ngiti na yun. Sana'y hindi ko siya naging kapatid kahit sa konting panahon lang. At sana'y hindi niya minahal si Roi. Sana'y ako na lang. Minsan lang naman akong humiling. Bakit ang kaisa-isang nais ko ay hindi mapasaakin? Nakatagpo ko lang ba si Maaryaa para maramdaman ko kung gaano kasakit ang unang pagmamahal? Ni hindi niya alam na sa tuwing tinatawag niya akong kuya, ilang parte ng pagkatao at puso ko ang namamatay.
Alam kong alam ni Maaryaa na hindi kami tunay na magkapatid subalit bakit ganoon pa rin ang turing niya sakin? Bakit, Bakit, Bakit?!
Dumating ang punto na hindi ko na mapigil ang aking emosyon. Nasabi ko kay ina ang aking saloobin at maging ito man ay nagulat dahil wala itong alam sa katotohanan at lalong hindi nito kayang tanggapin na umiibig ako kay Maaryaa. Pagkalabas ko ay nakita kong nakapanaog na ng hagdan si Maaryaa. Mukhang balak nitong umalis. Agad ko itong ipinahuli sa mga bantay.
''B-Bakit kuya?"
Halos nakikita kong gusto nitong umiyak. Ni hindi ito makatingin sa akin at nakayuko lang habang lumuluha.
Patawarin mo 'ko, Maaryaa. Umiibig lang ako at maging ako ay nasasaktan dahil hindi ko na kayang takbuhan pa yun. Ikaw lang ang para sakin. Kaya pakiusap, huwag mo na ako ituring na kapatid. Tingnan mo naman ako bilang lalake na maaari mong pagbalingan ng pagmamahal kahit kakarampot lang. Kahit subukan mo man lang. Hindi kita kayang ipagparaya sa kahit kaninuman. Lalo na kay Roi. Mas higit ako sa kanya. Matagal na tayong magkasama at kaya kitang ingatan habampanahun. Mas nanaisin kong magalit ka sa akin kesa makita kita sa piling ng iba.