[SHERRI]
Habang naroon sa ospital si Lei ay hindi ko mapigilang ikuwento sa kanya ang pagkakatagpo namin ni Roi.
Nagkusa na bumalik sa akin ang dati naming ala-ala noong ako pa si Maaryaa. Kung paanong nasawi ako.
Si Eer na itinuring kong nakatatandang kapatid mula nang mapadpad ako sa kaharian na yun ay siya palang sisira ng aking tiwala.
Minahal ko siya bilang kapatid ngunit anong isinukli niya? Hiningi niya ang kamay ko sa aming ama nang malaman niya na hindi kami totoong magkadugo.
Nalaman ni Eer ang sekreto namin ni ama.
Na ako ay hindi nito anak sa ibang engkantada subalit anak ng nasawi nitong kaibigan.
Kaya din naman lubos na nagngalit ang pangalawa kong ina, asawa ng ama ni Eer. Mula bata ako ay mainit na ang kulo nito sa akin.
May mga panahon noon na ikinukulong ako nito sa loob ng aking silid subalit nakagagawa ng paraan si Eer para akyatin ang bintana at nang makapamasyal ako sa labas.
Masaya ako na nakatagpo ako ng uliran na kapatid.
Isang araw nun ay may handaan sa buong kaharian at unang beses na dinala ni Eer ang nag-iisang kaibigan nito, si Roi.
Tulala lang ako nang magkandaupang-palad na kami.
Napakatikas at nakakabighani ang taglay nitong anyo.
Matagal ko nang naririnig mula sa mga kababaehan ang pangalang Roi. Kapag nababanggit nila yun ay tila ba kaysaya nila at parang nangangarap.
''Ako nga pala si Roi... '' nakangiti nitong sabi. Parang yung mga mata namin ay selyado sa isa't-isa. Nagagandahan din kaya ito sa akin? Malamang hindi.
''Ayos ka lang ba binibini?'' Kami na lang dalawa ang nasa sulok ng nagkakasayahang lugar na iyon. Umalis kasi sandali si Eer.
Sobrang nakakahiya ang aking ginagawa mukhang nahuli nito ang pagtitig ko.
''A-Ayos lang.'' Umupo kami kapagkuwan. Pansin ko na parang nagliliyab ang mga mata ng mga babae sa paligid at panay ang nakaw na tingin at bulungan.
''Ngayon lang yata kita nakita... '' sabi nito.
''Ah oo. Minsan lang kasi akong lumabas.''
"Bakit naman? Sa ganda mo na yan siguro kapag lumalabas ka marami ang nagnanais na makausap ka at isa na ako sa mapapalad. Hindi ko alam na may mayumi na kapatid si Eer. Nagagalak ako.'' Ngumiti ito na pagkaguwapo-guwapo. Hindi ko alam na hindi ko na rin pala mapigil ang ngiti.
Buhat nang araw na yun ay nag-iba ang hangin. Lagi nang nakangiti si ina sa akin. Pinapaayusan ako lalo na kapag bumibisita si Roi.
Parang tanggap na ako ni ina.
Isang araw, nang sa may ilog kami ay nagtapat si Roi sa akin.
Na mahal na niya ako.
Sa lahat ng engkantada dito ay ako ang nagustuhan niya.
Nananaginip yata ako.
Dahil sa sobrang kasiyahan ay hindi na ako nag-atubiling tanggapin ang pagmamahal nito.
Kaytamis ng halik na iginawad niya sa akin.
Ganito pala ang pakiramdam nang umiibig. Walang hanggang kasiyahan.
Isang araw ay buhat sa bintana nakita ko sa labas ng kaharian na may pinagtatalunan sina Eer at ang aking mahal.
Ano kaya yun?
Bandang gabi habang ako'y papanaog ay hindi ko mapigilang marinig buhat sa isang silid ang pakikipagtalo ni Eer kay ina.
''Kaya nga ako naging mabuti na kay Maaryaa dahil nagugustuhan siya ng prinsipe na si Roi. At kapag naging mag-asawa sila ay mas magiging makapangyarihan tayo... '' akala ko talaga mahal na ako ni ina. Hindi ko mapigilang lumuha. Ang hirap talaga makakuha nang pagtanggap lalo na kung ayaw talaga sayo.
''Pero ina! Mahal ko siya. Hindi ako makakapayag na kay Roi mapunta si Maaryaa. Alam ko na na hindi ko siya kapatid. Hindi kailanman kaya sa akin siya mapupunta!"
Natutop ko ang aking bibig.
Ang sakit-sakit ng nararamdaman ko parang mawawalan ako nang malay.
Bandang gabi ay kinakatok ni Eer ang aking silid ngunit hindi ako sumagot.
Mukhang wala na ito dahil wala nang ingay. Pinaplano ko talagang tumakas at puntahan ang aking mahal.
Binuksan ko ang pintuan at nagmamadaling pumanaog sa hagdan. Nasa ibaba na ako nang biglang may magsalita.
''Saan ka pupunta?''
Nanginginig na nilingon ko ang nagmamay-ari nun. Si Eer, nasa itaas at may dala itong mansanas sa kanang kamay.
Kaya ko namang tumakbo palabas at marunong na rin ako ng mahika kahit na kaunti.
''Huwag mo nang subukin pang layuan ako, Maaryaa. Hindi mo magugustuhan ang aking gagawin... '' natatakot ako kay Eer.
-18-
[SHERRI]
Maigi akong pinabantayan ni Eer kaya hindi talaga ako makaalis-alis.
Narinig ko ang pagkakagulo sa labas.
''Papasukin ninyo ako! Nais kong makita ang aking mahal! Maaryaa!''
Maraming kawal ang humarang dito.
Baka mapatay si Roi bago pa man makaakyat dito.
Nandito lang ako, Roi!
Binusalan ni Eer ang aking bibig upang hindi ako makapagsalita.
Ganito ba siya magmahal?
Papahirapan niya ang nilalang na kanyang itinatangi?
Walang hanggan ang pagdaloy ng aking mga luha.
Bumukas ang aking silid at iniluwa nun si ama.
Naaawa ito sa akin. Lumapit ito, tinanggal ang busal at niyakap ako.
''Nang mamatay ang matalik kong kaibigan, ibinilin ka niya sa akin. Ipinangako ko na poprotektahan kita at aalagaan. Sumama ka na kay prinsipe Roi... '' Hindi ko akalain na may kakampi pa ako rito. Si ina kasi buhat nang malaman na hindi kami magkapatid ni Eer ay pumayag ito na ikasal ako sa hindi ko mahal para daw magdusa ako dahil isa akong sinungaling at mapagpanggap.
''Salamat, a-ama. Hindi ko makakalimutan ang kabutihan ninyo.'' Hinalikan nito ang aking noo at sinamahan ako sa labas. Hindi na nakaimik ang mga kawal dahil si ama ay isang Hari higit pa kay Eer. Natatakot lang ito kay Eer dahil sa kapangyarihan nito.
Agad kong tinakbo ang distansya namin ni Roi na mahigpit din akong niyakap.
''Mahal ko, akala ko, hindi na kita makikita ulit. Dito ka lang sa tabi ko.'' Puno ng emosyon na bigkas ni Roi.
Nagpaalam ako kay ama at sumama na sa aking mahal.
Mabuti at wala roon si Eer kaya ako nakatakas kung hindi siguradong may masasawi.
Pansamantala kaming nanahan sa isang lugar na ipinatayo nang palihim ni Roi.
Ito daw ay laan para sa babaeng iibigin niya.
''Maganda ba ang tahanan na ito? Hindi masyadong magarbo tulad ng iyong nakagawian... '' sabi pa nito ngunit ninakawan ko ito ng halik sa labi na ikinatigil nito saka ako nagtatakbo paitaas. Hinabol naman ako nito.
Wala na akong pakialam sa kung anuman ang nagaganap sa kabilang ibayo.
Ang mahalaga sa akin sa oras na yun ay kapiling ko si Roi at sa kanya ko ibinigay ang lahat sa akin.
Siya ang aking pinakamamahal.
Masaya kaming nagsama.
Kaming dalawa malayo sa aming kauri. Ang kasama lang namin doon ay mga hayop.
Isang dapit-hapon, habang natutulog si Roi ay nagpasya akong maghanap ng idadagdag sa aming pagkain sa kagubatan.
Habang ako'y naglalakad ay nakaramdam ako ng kakaiba.
Hanggang sa... may tumusok na kung ano sa likod ng aking leeg at nawalan ako nang malay.
Pagkagising ko ay masyadong maingay sa labas at wala na ako sa silid namin ni Roi kundi sa isang malaking silid na kulay pula. Niyakap ko ang aking kabuuan kasabay nang pagtulo ng aking luha.
Bakit ako nakahubad?
Bumukas ang pintuan at naaninag ko ang mukha ni Eer.
Isinuksok ko ang sarili sa gilid ng higaan.
''Napakaganda mo, Maaryaa... ''
''A-Anong kahibangan ang ginawa mo sa akin?" Kung makakapatay lang ang tingin pinaglamayan na itong si Eer.
Nakita ko na may bitbit itong kasuotan na may bahid ng puting dugo.
Nag-uulap ang aking mga mata.
Hindi ito maaari.
''Anong ginawa m-mooooo?!'' Sigaw ko.
Humagalpak lang ito nang tawa na parang nasisiraan nang bait.
'"Binawi ko lang ang dapat na sa akin. Hindi ba at binalaan na kita? At alam mo bang habang tulog ka ay ikinasal tayong dalawa? Pumayag si ama na sa akin ka ibigay. Kaya ako na ngayon ang nagmamay-ari sa buo mong katauhan."
''H-hindi yan totoo!''
Kung hindi lang ako hubad ay pinagsasampal ko na ang walanghiyang ito. Dinumihan niya ang aking kabuuan!
''Huwag mong ubusin ang iyong luha.
Iiyakan mo pa ang malalaman mo.
Ikinasal na si Roi kay Naree. Kaybilis ka na niyang isinuko. Hindi ka niya kayang ipagtanggol. Nabahag ang kanyang buntot. Kaya ang pagmamahal mo sa kanya ay wala nang kuwenta ngayon. Magkasalubong man kayo sa daan, hindi n'yo na puwedeng ariin ang isa't-isa. Itong damit na hawak ko ang simbolo nang pagtalikod ni Roi sayo... ''
"T-Tama na! T-Tama na!"
Sobrang sakit.
Para akong namamatay.
Akala ko kaya akong ipagtanggol ni Roi at ipaglaban.
Akala ko lang pala.
Roi, bakit ka sumuko?
Bakit Roi?
Lumipas ang bawat oras na natutuyo na lang ang aking mga luha. Walang Roi na dumating.
Paanong ayaw na niya akong masilayan?
Kinuha ko ang mga dahon na nasa aking damit.
Ito ay isang lason.
Gusto ko nang ipahinga ang sakit na nararamdaman ng puso ko.
Kahit ayaw mo na sa akin Roi, mamahalin pa rin kita hanggang sa huli kong hininga.
Inilapit ko iyon sa bibig at nginuya.
Ang pait. Tulad ng sinapit ng una kong pag-ibig.