CHAPTER SIX
NAPAKAGAT-labi si Sanya habang nakatitig sa nakabalot na kwadradong hawak niya. Kinakabahan siya nang mga sandaling iyon. Ano mang sandali ay darating na si Keith Clark para sunduin sila.
Magugustuhan kaya ni Keith Clark ang regalo ko?
For a man who has everything in life, hindi alam ni Sanya kung ano ang ibibigay niya rito para mapasaya ito. Pero sana, ma-appreciate nito ang regalo niya kahit hindi man iyon ganoon kamahal.
Huminga siya nang malalim. Mababaw lang naman ang kaligayahan ni Keith Clark. Siguradong maa-appreciate nito ang mga maliliit na bagay.
"Ate, nandiyan na si Senator!" bulalas ni Sannie na nakasilip sa pinto.
Lumukso ang pusong napatayo si Sanya mula sa pagkakaupo sa sofa.
"Okay." Huminga siya nang malalim. "Tara na."
Nauna nang lumabas si Sannie at ini-lock naman niya ang pinto. Pagtalikod niya ay saktong nakababa na ng sasakyan si Keith Clark. Pigil na pigil niya ang pagngiti nang magtama ang kanilang mga mata.
"Senator, happy birthday po!" masiglang bati ni Sannie.
"Thank you, Sannie." Nakangiting nakipag-high five pa ito sa kapatid niya.
"May gift si Ate sa'yo. Ang ganda." Nakabungisngis na nilingon siya ni Sannie. Pinaningkitan naman niya ang kapatid.
Spoiler.
Pumasok na si Sannie sa kotse at humakbang naman siya palapit kay Keith Clark.
"May gift ka raw sa 'kin," nakangising sabi nito.
Nahihiyang sandaling nagbaba siya ng tingin.
"Hindi ko alam kung magugustuhan mo 'to." Itinaas niya ang kwadradong hawak.
"Basta galing sa'yo, gusto ko." Kinuha nito ang hawak niya. "Nae-excite ako. Buksan ko na ba?"
"Huwag muna. Mamaya na. Pagkatapos na lang ng birthday mo," nahihiyang sabi naman niya.
"You're so sweet, cupcake."
"H-happy birthday, icing," sabi niya at bahagyang yumuko.
Shucks, nawili na rin akong tawagin siyang 'icing'.
"Thank you, cupcake."
Nagulat siya nang basta na lang siya nitong halikan sa pisngi. Napatitig siya rito sa nakaawang na mga labi. Nag-tumbling na naman ang puso niya. Wala sa loob na nakapa niya ang pisngi.
"I-ikaw naman. 'Thank you' lang, sapat na. Chancing ka rin, e," biro niya rito.
Keith Clark let out a hearty laugh.
"Gusto ko na talaga 'tong buksan." Tinitigan nito ang regalo niya habang bahagyang nakanguso. "Oh, I know." He grinned. "Sabay namin 'tong titingnan ni Mom mamaya."
"Icing," sumeryosong sabi niya. "Thank you, ha. Birthday na birthday mo pero ikaw pa 'tong sumundo sa 'ming mga bisita mo. Gusto ko lang sabihin na..." Bumuntong-hininga siya.
"Na?"
"Na..." Bahagya siyang natawa. "Na marupok ako," hindi kumukurap na sabi niya.
Keith Clark blinked twice in bewilderment. Dumaan ang ilang sandali pero hindi ito nakatugon.
"Halika na. Ma-traffic pa tayo, e," untag niya.
NANG dumating sila sa restaurant ay nakita ni Sanya ang mga magagarang kotseng naka-park na sa malawak na bakuran ng restaurant. Malayo sa commercial area ang restaurant at kailangan talagang sadyain ng customer. Ang sabi ni Keith Clark, hindi naging hadlang ang location nito para puntahan ng mga tao. Pagmamay-ari daw iyon ng isang pinsan ng mommy nito na nakalimutan agad ni Sanya ang pangalan dahil masyado siyang overwhelmed.
"Gumastos na naman si Mom para rito. Pwede namang sa bahay na lang kami mag-celebrate," sabi pa ni Keith Clark nang makababa na sila ng kotse. Dala-dala pa rin nito ang regalo niya. Seryoso nga itong ipapakita nito iyon sa mommy nito.
"Mahal na mahal ka niya, siyempre."
"Kung ako lang ang masusunod, ido-donate ko na lang ang ginastos dito sa mga nangangailangan. Siguradong sasaya pa ang mga 'yon. Saka... ayoko talagang nire-remind ako kung ilang taon na 'ko."
"Hayun, lumabas din ang totoo," natawang sabi ni Sanya.
"Pero mahal ko si Mommy kaya hinahayaan ko na rin. Alam mo ba kung ano ang bestseller nila rito?" sabi pa sa kanya ni Keith Clark habang papasok na sila sa loob.
"Ano?" curious na tanong niya.
"'Yong tinolang manok na swabe ang anghang."
Hindi niya napigilang matawa.
"'Yon din ang paborito mo, 'no?"
"Pa'no mo nalaman?" natawang tanong din nito.
"O, heto na pala ang birthday boy, e!"
Nagsitayuan ang ilang mga bisita ni Keith Clark at sinalubong ito.
"Ang sipag mong pumasok sa senado pero sa sarili mong birthday, late ka. Happy birthday, senator."
Inabot naman ng mga ito ang kani-kanilang regalo kay Keith Clark. Bahagyang napaatras si Sanya. Pinanood lang niya ito habang tumatanggap ng mga regalo mula sa mga kaibigan at kakilala nito. Hindi niya kilala ang mga ito pero sigurado si Sanya na mga bigating tao ang mga bisita ni Keith Clark ngayon.
Hindi niya napigilang manliit. Hindi naman kasi mala-late si Keith Clark sa sarili nitong birthday kung hindi lang sila nito sinundo na magkapatid. Sino ba naman siya kumpara sa mga matagal na nitong mga kakilala?
"Ate." Hinawakan siya ni Sannie sa balikat.
"Bakit, Bunsoy?" tanong niya nang lingunin ito.
"Magsi-CR lang muna ako, ha."
"Gusto mong samahan na kita?" Parang bigla ay hindi na siya komportableng nakatayo lang doon. Kailangan niya ng excuse.
"Hindi na. Dito ka na lang. Samahan mo si Senator. Babalik din naman ako kaagad."
Gusto sana niyang mamilit pero mabilis nang nakatalikod ang kapatid. Nang muli niyang tingnan si Keith Clark ay mas dumami na ang kausap nito. Napayuko na lang siya at nakipagtitigan sa sahig na gawa sa makukulay na tiles.
Hindi man lang nila siya hinintay makaupo.
"By the way, folks, I'd like you to meet my good friend, Sanya Sta. Maria."
Nagulat siya nang marinig ang pagtawag ni Keith Clark sa pangalan niya. Nang mag-angat siya ng tingin ay nakatingin na sa kanya ang mga bisita ni Keith Clark. Nag-init ang buong mukha niya dahil sa pagkailang. Sa isang iglap ay hindi niya alam ang gagawin. Hindi siya sanay na maging center of attraction!
"Cupcake, bakit nandiyan ka? Halika rito." Nasa isang braso na ni Keith Clark ang mga regalo nito. Nakapatong ang regalo niya sa itaas ng tatlong nakabalot na kahon at meron pa itong hawak-hawak na tatlong paperbags. Kinabig siya nito gamit ang libreng kamay nito. "She's a businesswoman and a talented painter."
"Hey, you're that Sanya Sta. Maria na in-orderan ni Tita Zeny ng hand-painted jars?" tanong sa kanya ng isang lalaking singkit at medyo chubby.
"Tita Zeny?" ulit ni Sanya. "You mean Zeny Lacuesta?"
"Oo, si Tita Zeny nga. Pamangkin niya 'ko. I'm Kirby. It's nice to meet you. Hindi naman sinabi ni Tita Zeny na maganda ka pala."
Natawa na lang si Sanya nang tanggapin ang pakikipagkamay ni Kirby. Small world, indeed! Kahit papaano ay nabawasan na rin ang pagkailang niya sa mga bisita nito.
"Suki ko nga si Mrs. Lacuesta," nahihiya pang tugon niya.
"I saw her works, ang gaganda nga," napatangong sabi pa ng lalaki. "'Swerte mo naman, Kitkat," tukso pa nito sa kaibigan.
"It's 'KC'. Nakakahiya kay Sanya. Sa ibang pagkakataon mo na lang ako tawaging 'Kitkat'," kunwari ay napangiwing saway ni Keith Clark sa kaibigan.
"Miss Sta. Maria, pwede mo ba kaming bigyan ng business card mo? Interesado ako sa mga artworks mo," sabi naman ng kasama ni Kirby na moreno at gwapo rin. "Ako nga pala si Phil dela Merced. Kaklase ko sa Chinese garter si Kitkat noong mga bata pa kami." Inialok din nito ang kamay sa kanya.
"H-hello," natawang bati ni Sanya at tinanggap din ang kamay nito. "Sorry wala akong dalang business card ngayon."
"Ako na lang ang magbibigay ng business number mo," prisinta ni Keith Clark. He eyed Phil suspiciously. "Sigurado kang sa artwork ka lang interesado, ha?"
Pinanlakihan naman ito ng mga mata ni Phil.
"Oo naman. Takot ko lang sa'yo."
"Ate Sanya."
Napalingon si Sanya nang tawagin siya ni Sonja. Dumating na pala ito at si Jared.
"Sonja!" masayang bulalas niya at niyakap ang kapatid.
NAGPAALAM sila kina Jared at Keith Clark na mag-uusap. Naupo silang magkapatid sa malaking couch na malapit sa glass window.
"Nasaan si Sannie?" tanong ni Sonja mayamaya pa.
"Nag-CR daw pero ang sabi babalik din agad. Hindi kaya sa ibang restaurant nagbanyo 'yon?" Luminga si Sanya sa paligid pero hindi niya mamataan si Sannie.
"Ate, tingnan mo!" Ibinalandra ni Sonja sa harap niya ang kamay nitong may singsing. "Magiging Mrs. Jared James Yap na 'ko." Humagikhik pang sabi nito.
Nanlalaki ang mga matang hinawakan niya ang kamay nito at pinagmasdan nang husto ang singsing.
"Bakla ka, ang ganda ng singsing mo."
Natawa naman si Sonja.
"Magkano raw 'to?" tanong pa niya.
"Hindi ko na tinanong, Ate. Kailangan pa ba?" Napasulyap ito kay Jared na kausap si Keith Clark at isang kilalang politiko.
"Okay. Mukha ngang seryoso siya. Hindi na 'ko kukontra. Paano naman siya nag-propose sa'yo?"
"Nag-propose siya matapos kong maghugas ng pinggan."
"Ang romantic naman," matabang na komento ni Sanya. Akala naman niya ay may pa-fireworks ang Jared na iyon.
Napabungisngis si Sonja.
"Si Jared 'yon, Ate, hindi isang movie actor."
"Masaya ka?"
"Masayang-masaya."
"Masaya na rin ako, kung gano'n. Basta hindi ka niya pinapahirapan, pababayaan kita," napangiting sabi niya.
"Thank you, Ate," kinikilig na tugon naman ni Sonja.
ILANG sandali pa ay nilapitan sila ni Jared.
"So," seryosong sabi ni Sanya rito. "Inalok mo na pala ng kasal ang kapatid ko."
Nagkatinginan sina Sonja at Jared.
"Yes. I'm sorry kung hindi ko agad kayo nasabihan. Pero sana, payagan mo kami ni Jamie na bumuo ng bagong pamilya kasama si Sonja at magiging mga anak pa namin," sincere na sabi nito.
Nakita ni Sanya ang pamumula ng mukha ni Sonja. Masaya ang kapatid niya at mukha namang nagmamahalan ang mga ito, bakit nga ba hindi siya papayag?
"Gawin mo ang lahat para hindi pagsisihan ni Sonja na pinili ka niya, Mr. Yap," tugon niya.
"Makakaasa ka." He looked at Sonja lovingly. "Pwede ba kitang mahiram sandali?"
"Bakit?" tanong nito.
"Ipapakilala lang kita kay Mama at sa mga kapatid ko."
Nagkatinginan sila ni Sonja. Hindi yata iyon inaasahan ng kapatid niya.
"Good luck, Sis," kantiyaw naman ni Sanya.
Pagkaalis ng dalawa ay siya namang paglapit sa kanya ni Keith Clark.
"Ano ang pinag-usapan n'yo?" tanong nito.
"Ikakasal na sila," napabuntong-hiningang sagot naman ni Sanya. Hindi siya makapaniwala. Bubuo na ng sariling pamilya nito si Sonja. Hindi na ito bata. "Sana maging masaya ang kapatid ko."
"Oo naman." Umupo ito sa tabi niya. Hinuli ni Keith Clark ang kamay niya at pinisil nang mahigpit. Napatitig tuloy siya sa mukha nito. "Ipapakilala naman kita sa mom ko."
"Ha?" napamaang na anas niya. "Ang bilis mo naman. Kakikilala lang natin pero gusto mo na agad akong ipakilala sa kanya?" Humalakhak si Keith Clark. "Joke lang. 'Lika na. Gusto ko rin siyang makilala." Nauna pa siyang tumayo at hinila ito sa kamay.
PAKIRAMDAM ni Sanya ay sinisintensiyahan siya habang binubuksan ni Mrs. Escudero ang nakabalot na regalo niya para kay Keith Clark. Imbes na punitin ang papel ay maingat iyong tinanggal ng ginang mula sa pagkaka-tape.
Napakapino talaga nitong kumilos. Kahit paghinga nito, punong-puno ng class. Simple lang naman ang porma ng ginang at hindi gaanong nagsusuot ng alahas. May-edad na ito pero nakaka-starstruck pa rin.
"Wow!" bulalas nito pagkatapos. "Kitkat, look! Ang pogi mo rito!" Hinaplos nito ang salamin ng framed canvas. "Superman!"
Ipininta niya si Keith Clark bilang regalo rito. Suot nito sa painting ang T-shirt na merong Superman logo, baseball cap at salamin—ang suot din nito noong huli silang magkita. Half-body lang nito ang ipininta niya para ma-focus ang mukha nito. Nakatagilid ito nang bahagya at seryoso ang ekspresiyon ng mukha.
"Hindi ba 'ko mas pogi sa personal, Mom?" tanong naman ni Keith Clark. Nakitingin ito sa painting at hindi nito napigilan ang mapangiti. "Oo nga, mas gwapo ako diyan."
Napaigtad pa si Sanya nang maramdaman ang pagpisil nito sa balikat niya.
"'Yan na yata ang pinaka-special na regalong natanggap ko ngayong taon na 'to. Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan."
"Asus, wala pa 'yan. Maipinta nga kita nang nude minsan," hirit niya.
Bumaha ng tawanan sa mesa nila.
"Napaka-talented mo, hija. Napaka-sweet mo pa. You know what?" Nakangiting pinaglipat ni Mrs. Escudero ang tingin sa kanila ni Keith Clark. "You two should date. Bagay na bagay kayo. 'Di ba?" Binalingan nito si Mr. Escudero. "What do you think, Dad?"
"Hindi pa ba sila nagda-date sa lagay na 'yan?"
Napabungisngis si Sanya nang takpan ni Keith Clark gamit ang mga kamay nito ang magkabilang tainga niya.
"Huwag kang magpapa-pressure sa kanila. Huwag. Excited lang uling magkaapo ang mga 'yan."
"Pwede n'yo po bang lakasan?" sa halip ay sabi ni Sanya sa mga magulang nito.
"Mag-date na kayo!" ulit naman ni Mrs. Escudero.
"Kit, makinig ka sa mommy mo," pasakalye naman ni Mr. Escudero.