III.

1971 Words
CHAPTER THREE "P-PA'NO ka napapayag ni Sonja para sa blind date na 'to? Busy kang tao, 'di ba?" sunod-sunod na tanong ni Sanya. Magkaharap na sila ni Keith Clark sa mesa. Ang bouquet na dala nito ay nasa kandungan pa niya. Hindi pa rin siya makapaniwala nang mga sandaling iyon. "Pa'no mo nalamang busy akong tao?" nakangiting tanong ni Keith Clark. Hindi napigilang pamulahan ng mukha ni Sanya. "S-siyempre, isa kang public official. S-saka... napapanood ko sa TV ang achievements mo." "I was a little anxious about this at first." "Bakit naman?" "Kasi pa'no kung hindi mo 'ko magustuhan?" "Gustong-gusto kaya kita," mabilis na sagot niya. Napatitig sa kanya si Keith Clark. Halatang hindi nito inaasahan ang narinig. He even looked amused! "Bilang public official!" mabilis na bawi niya. Ano ba 'yan, Sanya? First meeting n'yo pa lang, nagpapabibo ka na! sermon niya sa sarili. "Wow. I'm glad na hindi masama ang tingin mo sa 'kin," nakangiting tugon naman nito. "Ang dami mong tinutulungang tao. Saang banda ka naman naging masama?" "I'm flattered. Thank you, Miss Sta. Maria." "'Sanya' na lang ang itawag mo sa 'kin, Senator." "'Senator' pa nga rin ang tawag mo sa 'kin." Nahihiyang napakamot sa likuran ng tainga niya si Sanya. "Sa ating dalawa, ikaw ang mahirap tawagin sa first name." "Sa susunod na magkita tayo, dapat sanay ka nang hindi ako tinatawag na 'senator', ha." Napakurap-kurap si Sanya. Sa susunod daw na magkita sila. Ibig sabihin ba n'on, gusto ni Keith Clark na masundan ang date nila? Parang gusto niyang maglulupasay sa sahig dahil sa kilig. Parang hindi ka treinta, a, saway niya sa sarili. Hayaan mo na, minsan lang 'to! katwiran naman ng malanding bahagi ng utak niya. "To answer your first question, nakilala ko si Sonja noong nakaraang linggo at nalaman ko na nagda-date pala sila ni James." "Siya ba 'yong Mr. Yap ng YSFC?" "Siya nga. He is a very good friend of mine." Ang galing din naman talagang mamili ng ida-date ang kapatid niyang iyon. Si Sonja itong NBSB sa kanilang dalawa pero naka-jackpot pa. "Sinabi ba ni Sonja na patay na patay ako sa'yo? Naku, ang babaeng 'yon talaga. Huwag kang maniwala ro'n. Oo, gusto kita, pero 'yong saktong pagkagusto lang. Eksaherada kasi 'yon paminsan-minsan. Pagpasensiyahan mo na sana siya." Keith Clark chuckled. Natigilan naman si Sanya. Kung makatawa ito ay para bang naaaliw ito sa kanya. O mukha lang talaga siyang katawa-tawa sa paningin nito? Nakakahiya! "Wala, walang sinabing gano'n si Sonja. Actually, si Jared ang kumausap sa 'kin. He was asking for a little favor. I said, why not? I can't remember the last time I went out with someone." Bahagyang naningkit ang mga mata ni Keith Clark. Ang makapal na kilay pa lang nito, ulam na. "Salamat kasi gusto mo 'ko. Hindi gustong-gusto pero iyong saktong gusto lang." Nag-init na naman ang mukha niya. Hindi niya alam na magaling din pala itong mang-asar. "Huwag kang mahihiya sa 'kin, ha," sabi pa nito. Natawang tumango naman siya. "Pwede ka bang makurot ulit?" hirit niya. "Sa'n mo ba gusto?" pasakalye naman nito. Napabungisngis naman siya. "DINNER!" malakas na anunsiyo ni Sonja. Magkasunod ito at si Sannie na may hawak na mga tray. "Pasensiya ka na, Senator. Masarap lang kaming magluto pero hindi kami magaling mag-plating." "Ayos lang. Masisira rin naman ang plating kapag kumain na kami," nakangiting tugon naman ni Keith Clark. Hindi mapigilang mapabuntong-hininga ni Sanya. Why, he was such a down-to-earth guy! Isa-isang inilapag ng mga kapatid niya ang hapunan nila. Punong-puno ng chicken and mushroom carbonara ang pinggan nila. Nandoon na rin ang dessert nilang chocolate mousse cake at isang pitsel ng blue lemonade. "Sorry. Nawala sa isip ko 'yong red wine," hinging-paumanhin naman ni Sonja. "Do you drink?" tanong ni Keith Clark sa kanya. "Hmm? H-hindi masyado." "Kung gano'n, walang problema," sabi ni Keith Clark kay Sonja. "Mukhang masarap ang pagkain." "Sana hindi ka nagdi-diet," ani Sanya. "Diet? Ano 'yon?" Natawa naman silang magkakapatid. Hindi na rin nagtagal ang dalawa at iniwan na rin sila ni Keith Clark. Nagsimula na itong kumain. Hindi naman agad ginalaw ni Sanya ang pagkain niya dahil naaaliw pa siyang panoorin si Keith Clark. "Ang sarap nito," impressed na komento pa nito. Hindi niya napigilan ang mapangiti. Totoo ba 'to? Kasama ba talaga niyang mag-dinner ang isang Senator Keith Clark Escudero? "Mabuti naman at nagustuhan mo." Nagsimula na rin siyang kumain. In all fairness sa mga kapatid niya. "I supposed hindi mo alam na nagda-date si Sonja at ang kaibigan ko," pag-iiba ni Keith Clark. "Hindi nga. Nagtataka nga ako kay Sonja. Masyado siyang masekreto lately. Hindi pa nga niya ipinapakilala sa 'kin 'yong Mr. Yap na 'yon." "Wala ka namang dapat na ipag-alala. Mabuting tao ang kaibigan ko. Pero..." Sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi ni Keith Clark. "Sa'yo talaga ako interesado. What do you do, Sanya? Tell me about yourself." Napalunok si Sanya. Sa totoo lang, hindi na niya mabilang kung ilang beses nang nag-init ang buong mukha niya kapag tinitingnan siya nito. "U-uhm, ako si Sanya. I'm thirty years old. Businesswoman sa araw, painter depende sa trip at depende kung merong customer." "Astig." Keith Clark chuckled. "You know what? Sonja warned me about you." Bahagyang kumunot ang noo niya. "A-ano'ng sinabi ng kapatid kong 'yon?" "Sabi niya, ang weird mo raw," natatawang sagot nito. Napalatak siya at hindi napigilang mapasimangot. "Akala ko ba, sinusuportahan niya 'ko?" mahinang himutok niya. Baka maniwala pa si Keith Clark sa sinabi nito. Lagot talaga si Sonja sa kanya mamaya. "Alam mo kung ano ang sinabi ko sa kanya?" sabi pa nito. "A-ano?" "I told her I find weird girls sexy. In your case, you're a woman so that makes you sexier." Napatakip siya sa bibig niya at napabungisngis. "Senator, beke menewele eke." Ang lakas ng naging tawa ni Keith Clark. Natawa na rin siya sa sarili. Habang tinititigan niya ito nang matagal ay nanlalabo ang lahat sa paligid nito at ang gwapong mukha na lang nito ang malinaw. Nang tinanong siya ni Sonja noon kung ano ang gagawin niya sakaling makaharap niya si Keith Clark, sinabi niyang mamamahalin niya ito. Parang mahal na nga yata niya ito. "You are cute, Sanya. Hindi ako makapaniwalang single ka pa rin hanggang ngayon." "May hinihintay kasi ako." "Sino? Dumating na ba?" "Oo. Kanina lang." Natawa na naman ito. Nagulat siya nang bahagyang dumukwang si Keith Clark at marahang pinisil ang pisngi niya. Napakislot si Sanya dahil sa pagkakiliti. "Kung buntis lang ako, pinaglihian na kita," biro nito. Natawa naman siya. Itinuro nito ang painting sa mga dingding. "Ikaw ba ang nagpinta sa mga 'to? Alam mo bang gusto ko ang We Bare Bears?" Namilog ang mga matang napaayos ng upo si Sanya. "Totoo?" "Oo. Ano ang favorite episode mo?" "Icy Nights I and II." "Pareho tayo!" "Hindi nga?" hindi makapaniwalang anas ni Sanya. "I know I'm thirty-five for that kind of stuff. Kaya nga may sekreto na tayong dalawa. Hindi ko in-expect na merong chemistry sina Ice Bear at Yana." "Ako rin! Alam mo ba, noong una kong mapanood 'yon, inulit ko uli?" Napatingin si Keith Clark sa painting ni Yana na may hawak na palakol habang karga-karga ni Ice Bear. "Dapat magpalabas sila ng mga episode tungkol sa adventures nilang dalawa. I'm looking forward for Ice Bear and Yuri's reunion." "Pareho tayo," manghang sabi niya. "Parang ang cool n'on. Pwedeng magkaroon ng separate stand alone cartoon series si Ice Bear." "Kung kaibigan ko lang ang producer n'on, sasabihin ko 'yon sa kanya." Napabungisngis naman siya. "Meron ka ring bear stack plushie?" "Oo naman. Meron din akong neck pillow. Convenient kapag bumibiyahe ako nang malalayo." Kinindatan pa siya ni Keith Clark. Para na naman siyang kinikiliti sa talampakan. "Pa'no mo na-discover ang We Bare Bears?" curious na tanong niya. "Sa mga pamangkin ko. Binisita ko sila nang pumunta akong probinsiya two years ago. Pinilit nila akong manood kasi maganda raw. Ang akala ko, hindi ko magugustuhan kasi pambata lang 'yon." He smiled shyly. "I think it was love at first watch." Muli nitong pinagmasdan ang mga painting sa dingding. "Ang galing-galing mo, Sanya. I think I'm already a fan." "Hala." Sanya brought her fingers to her lips. "Nakakahiya. T-thank you." Parang gusto niyang manliit sa upuan niya nang mga sandaling iyon. "Pwede ko pa kayang makita ang iba mo pang painting sa susunod?" Hindi niya alam pero pakiramdam niya ay parang hinihele siya ng tono ni Keith Clark. Gusto nang tumili ni Sanya nang mga sandaling iyon pero idinaan na lang niya iyon sa pagtikhim. "S-sige. Bibigyan kita ng mga nagawa kong portrait sa susunod." "Really? Gusto ko 'yon. Salamat." Itinaas-baba naman ni Sanya ang mga kilay niya. "Walang ano man. Nagpipinta rin ako ng mga maliliit at malalaking paso. Kung personalized ang design, mas mahal. Bumibili ako sa Gintong Pangarap Pottery. Mura lang at madadali pa silang kausap." "Wow," he said in amusement. "Isa sila sa mga natulungan ng livelihood project ng gobyerno. Nakakatuwa. Malaking tulong sa mga tao ng Gintong Pangarap ang ginawa mo. Thank you, Sanya." "Maliit na bagay," nahihiyang tugon niya. "Sana makasama ka sa isa sa mga project ko one of these days para mag-share ng talent mo. Siguradong marami kang maibibigay na ideya sa mga tao." "O-oo ba. Mukhang masaya nga 'yan." "I ENJOYED tonight, Sanya. The food, the conversation, and most especially you." Halata naman. Nasimot kasi nito ang carbonara pati na ang cake. Naiwan na silang dalawa ni Keith sa labas ng coffee shop dahil nauna nang magpaalam ang mga kapatid niya. Siya na lang ang maghahatid dito. "Ahi." Napatakip sa bibig niya si Sanya. "Oops, sorry." Natawa naman si Keith Clark sa kanya. "I had a good laugh tonight. Babalik ako para makapagkape tayo. Matapos ko lang ang mga kailangan kong gawin." "Alam ko 'yon, Senator. Take your time." "I'm looking forward for longer conversations with you. Good night, Sanya." Hindi niya mapigilang manghinayang nang mga sandaling iyon. Ang bilis ng oras at kailangan na nitong umuwi. Nabitin siya sa date nila. Pero dahil sa narinig niya mula rito ay nabuhayan ng pag-asa si Sanya. Hindi pa iyon ang una at huli! "Good night, Senator. Weird ka rin pala." "So you find me sexy, huh?" he teased. "Mas sexy pa rin ako," she said matter-of-factly. "Hindi ako kukontra." Natawa pa sila pareho. "I have to go." Humakbang palapit sa kanya si Keith Clark hanggang sa gadangkal na lang ang layo ng kanilang mga katawan. Parang may gusto itong sabihin o gawin pero parang nag-aalangan ito. Sa huli ay hinawakan nito ang magkabilang balikat niya. Napalunok si Sanya. His hand felt warm and rough. Parang ang sarap lalong ilapit ang katawan niya rito at ikulong ang katawan sa malalakas na bisig nito. Nakakaadik ang amoy ng pabango nito. Hindi matapang pero hindi nakakasawang singhutin. Baka kapag hindi pa lumayo sa kanya si Keith Clark ay maadik na siya nang tuluyan dito. "Senator?" "Hmm?" "May sasabihan ka pa?" "Uhm..." Binawi nito ang mga kamay sa balikat niya. "Nakalimutan ko bigla." Mahinang natawa si Sanya. "I have to go." "Nasabi mo na nga 'yan kanina." "Really?" anito. "Oo nga, 'no." Natawa na naman ito. "Sweet dreams." Kinindatan pa siya ni Keith Clark. Bago pumasok sa sasakyan si Keith Clark ay kinawayan pa ito ni Sanya. Ngumiti ito at kumaway pabalik. Hindi muna siya pumasok hangga't hindi nakakaalis ang sasakyan nito. Nang pumasok na siya sa loob ay parang nakalutang pa rin siya sa ere. Sinalubong siya ng mga hagikhik ng mga kapatid. "Nag-kiss na kayo?" tanong ni Sannie. "Kailan ang next date n'yo?" tanong naman ni Sonja. "Hindi pa. Hindi ko alam." Natampal niya ang magkabilang pisngi. "Hindi 'to panaginip, 'di ba? Sabihin n'yong 'hindi'." "Hindi talaga. May hawak akong ebidensiya," nakangising sabi naman ni Sannie. Naghagikhikan silang magkapatid. "Teka, magsara na muna tayo," sabi naman ni Sonja.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD