CHAPTER FOUR
"TOTOO talaga 'to..." Impit na humagikhik si Sanya matapos i-zoom ang picture nila ni Keith Clark na palihim na kinuha ni Sannie at ipinasa sa kanya. Nakatalikod siya sa camera pero ang mahalaga, malinaw na nakikita niya ang mukha ni Keith Clark doon. Meron din naman silang group selfie na magkakapatid kasama ito.
Nakahiga na siya sa kama pero hindi pa rin siya makatulog. Paulit-ulit niyang tinitingnan ang mga pictures nila. Ipapa-print niya iyon at ipapa-frame para lagi niyang makita!
"Bakit ka ganyan, Senator?" pagkausap niya sa nakangiting mukha ni Keith Clark. "Ay, huwag mo 'kong ngitian nang ganyan, kinikilig ako. Ay, ang tigas ng ulo mo. Wala na, kinilig na 'ko."
Malalim siyang bumuntong-hininga. "Ito ang pinakamasayang gabi ng buhay ko. See you soon, Keith Clark." At hindi magiging posible iyon kung hindi dahil kay Sonja. Kaya naman pala ayaw sabihin ng kapatid niya kahit anong pilit niya. Makakabawi rin siya sa kapatid niyang iyon.
MAPAIT ang mga mata ni Sanya nang magmulat siya ng mga mata. Inaasahan na niya iyon. Hindi siya nakatulog nang maayos kagabi. Kinapa niya ang cellphone sa nightstand at tiningnan ang oras. Pasado alas-singko pa lang.
Napangiti siya nang makita ang mukha ni Keith Clark sa wallpaper ng cellphone niya.
"Good morning, Senator. Yes, hindi ako nananaginip." Bumangon siya at kinusot-kusot ang kanyang mga mata. "Good morning, bear bros," bati rin niya sa nagkalat na We Bare Bears plushie sa kama niya.
Sariwa pa rin sa alaala niya ang nangyaring date nila ni Keith Clark kagabi. Bumaba siya ng kama niya at naghilamos sa banyo. Sa unang pagkakataon, masaya siya kahit kinulang siya ng tulog. Mukhang buong araw siyang lutang. Good luck na lang sa mga gagawin niya buong araw.
Pagkatapos niyang magpalit ng damit ay bumaba na siya. Nasa baba na siya ng hagdan nang makita si Sonja sa labas ng workshop niya. Galing kaya ito sa loob? Himalang nauna itong magising sa kanya.
"Sonja," tawag niya rito.
Malakas na napasinghap si Sonja pagkakita sa kanya.
"A-Ate!" gulat na anas nito.
"Sa workshop ka ba galing? Ano'ng ginawa mo diyan?"
"H-ha? Ah..." Itinuro nito ang workshop. "'Kala ko kasi nandito ka na, nagtatrabaho. Itatanong ko lang sana kung kumusta ang tulog mo?" Ngumiti ito sa kanya. "Nakatulog ka ba?"
"Hindi nga masyado, e," napangiting sagot niya. "Tingnan mo ang eyebags ko. Pwede nang ipakilo."
Natawa naman si Sonja.
"Wala pa namang isang kilo. Keri lang naman."
"Halika na, magkape tayo," yaya niya sa kapatid.
"Magpapalit lang ako ng damit."
"NANGYARI ba talaga 'to? Grabe... naaalala ko pa kung gaano kalambot ang mukha niya..." Ngiting-ngiti pa rin si Sanya habang tinitingnan ang mga picture sa cellphone niya. "Bakit hindi mo man lang ako tinawagan no'ng gabing nakasama n'yo siyang mag-dinner diyan sa labas?" tanong niya kay Sonja.
"Naalala naman kita kaso parang wrong timing lang. Shocked din kaya ako nang bigla na lang siyang lumapit. Pero nakabawi naman ako, 'di ba?" Nagtaas-baba ng kilay si Sonja. "'Di ba?"
Ngumisi naman si Sanya at tinitigan uli ang picture sa cellphone niya.
"Ano'ng pinag-usapan ninyo?"
"Mahilig din siya sa We Bare Bears!" impit na sagot niya.
"Talaga?" namilog ang mga matang anas ni Sonja.
"Sini-ship din niya si Ice Bear at Yana. Astig, 'di ba?" napahagikhik na tugon niya.
"Hindi nga?"
"Gandang-ganda nga raw siya sa painting ko. Nahiya ako. Hindi ko alam kung bakit. Hindi naman siya ang unang nagsabi n'on. "
"Depende sa pinanggalingan."
"Siguro nga." Napabungisngis pa si Sanya. "Hindi naman siguro siya napipilitan lang sa pakikitungo niya sa 'kin kagabi, 'no?"
"Hindi kaya. Sabi ni Jared, mabait talagang tao 'yang si Keith Clark. Gusto ka niya, period."
"Natuwa siya nang malaman niyang sa isang livelihood project ko kinukuha ang mga pasong ibinibenta natin. Hindi ko nasabing siya ang inspirasyon ko kung bakit ko ginagawa 'yon. Sana raw masamahan ko siya sa isa sa mga project niya para mag-share ng talent ko." Impit siyang napatili at sinapo ang magkabila niyang pisngi. "Bakit siya gano'n? Minamahal ko tuloy siya."
Natawa nang malakas si Sonja.
"Kailan uli ang next date n'yo?" tanong pa ng kapatid.
"Wala naman siyang sinabi tungkol sa next date. Ang sabi lang niya, titikman niya ang kape natin kapag hindi na siya busy."
"Coffee date daw kayo sa susunod. Kinuha niya number mo?"
"Hindi nga, e." Napakamot sa ilalim ng tainga niya si Sanya. "Hindi kaya pinapaasa lang ako n'on?"
"Alam naman niya kung saan ka hahanapin, e. Makakagawa ng paraan 'yon."
"Oo nga. Tama, tama." Positibo lang dapat siya. Kung gugustuhin ni Keith na makita siya, alam naman nito kung saan siya makikita. "Salamat, Sonja, ha. The best ka talaga," nakangiting sabi niya sa kapatid.
Napakumpas sa hangin si Sonja. "Maliit na bagay, Ate. Basta ikaw."
Tumunog ang cellphone ng kapatid niya. Kitang-kita niya ang pagliwanag ng mukha nito. Iyong Mr. Yap siguro ang tumawag dito.
"Hi," pigil ang ngiting bati ni Sonja nang sagutin ang tawag. "Coffee?"
Kinuha na lang niya ang tasa ng kape sa harap niya at uminom. Iinom na lang niya ang inggit.
"ANO NA, Senator? Nasaan na 'yong pangako mong babalik ka? Kung nakalimutan mo na 'ko, maiintindihan ko naman, e," malungkot na pagkausap ni Sanya sa pina-frame niyang picture nila ni Keith Clark.
Mahigit isang buwan na pero walang Keith Clark na bumalik sa Tres Marias para tuparin ang pangako nitong magkakape sila. Mahigit isang buwan na at ang dami nang nangyari. Magiging tita na siya. Tatlong buwan nang buntis si Sonja at nakilala na rin niya sa wakas ang tatay ng anak nito.
Gwapo at mabait naman si Jared pero misteryoso. Ang peklat nito sa mukha, hindi nila alam ni Sonja kung saan nito nakuha. Na lalo niyang ipinagtaka sa relasyon n'ong dalawa. Para kasing kahit magkakaanak na ang mga ito ay hindi pa rin malinaw ang label ng mga ito. Pero siyempre, pwede namang siya lang ang nag-iisip n'on.
Wala naman siyang masyadong alam sa takbo ng relasyon ng dalawang 'yon. Masaya na siyang malaman na nagmamahalan ang mga ito.
Ibinalik niya ang picture frame sa nightstand pero nanatili pa rin ang tingin niya sa mukha ni Keith Clark. For the first time, bumibigat ang dibdib niya habang nakikita ito.
"Nagtampo na 'ko sa'yo. Huwag kang magkakamaling magpakita sa 'kin dahil kahit patay na patay ako sa'yo, hindi kita papansinin. Magpapanggap akong hindi ka kilala. Bahala ka diyan. Matutulog ako at bukas, bukas, isinusumpa ko..." Idinuro-duro niya ito. "'Di na kita mahal. Medyo na lang. Good night!" Inirapan pa niya ang pobreng litrato bago nahiga at tumalikod dito.
"OPO, Mrs. Lacuesta. Marami lang kasi akong inasikaso nitong nakaraan kaya hindi ko natapos on time," pagpapaliwanag ni Sanya sa kausap sa kabilang linya. Suki niya sa mga pinipintahan niyang mga banga at paso ang ginang.
"Ayos lang, hija. Isang araw lang naman na delay. Saka kilala na kita kaya walang problema," magiliw na tugon naman ni Mrs. Lacuesta. Asawa ito ng isang negosyante at maraming tinutulugangn charity.
"Salamat po sa pang-unawa, Mrs. Lacuesta," napangiting tugon niya. "Bale ready for pick up na po ang mga banga."
"That's good to hear! Expect mo na lang ang mga tauhan ko mayamaya. Sige, hija, salamat sa pag-inform. Till our next transaction."
"Sige po. Walang ano man po."
Pagkatapos ng tawag ay binalikan na niya ang e-mail ng mga customers niya. Nakangiti na rin siya kahit papaano dahil may napasaya na naman siya at kumita nang araw na iyon.
Napatigil siya at salubong ang kilay na napatingala nang may kumatok sa counter.
"Pabili naman po ng isang matamis na ngiti mula sa magandang ale," bati ng pamilyar na boses.
Hindi nakapag-react si Sanya nang salubungin siya ng lalaking nakasuot ng puting T-shirt na merong Superman logo, denim na baseball cap at reading glasses. Kumabog nang husto ang dibdib niya. Nakasandal na ito sa counter habang malapad ang ngiti sa kanya.
"S-Superman?" wala sa loob na tanong niya.
Keith Clark chuckled. Anak ng! Nabubuhay talaga ang hasang ni Sanya kapag tumatawa ito nang ganoon.
"Will you be my kryptonite?"
"Kryptonite talaga, hindi Loise Lane?" hindi ngumingiting sabi ni Sanya.
"You don't look like a damsel-in-distress."
"Compliment ba 'yon?"
"Oo naman."
Wala na, marupok na uli si Sanya.
Keith Clark leaned forward. "Na-miss mo ba 'ko? Pasensiya ka na, ngayon lang ako nakabalik."
"Busy sa pagligtas sa mundo?" biro niya.
H-in-ibernate ni Sanya ang computer at tumayo. Kagabi lang, nag-e-emote pa siya dahil mukhang nakalimutan na siya ni Keith Clark. 'Tapos ngayon, bigla na lang itong susulpot nang walang pasabi. Parang ayaw yata ng tadhana na 'i-unlove' niya ito.
Ang totoo, joke lang naman talaga ang sinabi niyang hindi na niya ito mahal pagkagising niya. Hayun nga, o, parang nakalutang na naman siya. Bigla-biglang nagbago ang mood niya. Nakalimutan niyang pagod siya buong araw. Iyong puso rin kasi niya, isa't kalahating traydor.
"Available pa ba 'yong libreng coffee?" painosenteng tanong nito.
Natawa siya.
"Sinabi ko bang may libre kang coffee pagbalik mo?"
"Oo, sinabi mo," kulang na lang ay ngumusong sagot nito.
"Okay, sabi mo sinabi ko, e," napakibit-balikat na tugon niya. "Sannie," tawag niya sa kapatid sa loob ng opisina.
"Yes, Ate?" si Sannie na mabilis lumabas. Nanlaki ang mga mata nito pagkakita kay Keith Clark. "Hi, Senator! Nandito ka ba para sa 'kin? Ang sweet mo naman!" Bumungisngis pa ito.
"Hindi. Tinawag kita para bantayan 'tong counter. Magkakape lang kami," pakli naman ni Sanya.
Eksaheradang ngumiwi si Sannie.
"Pwede ba 'kong mag-chaperone?"
"Siyempre, hindi." Umikot si Sanya sa counter. "Kaya mo na 'yan, malaki ka na."
HINDI maalis-alis ang tingin ni Sanya kay Keith Clark habang magkaharap na sila sa mesa. Ibang-iba ang dating nito nang mga sandaling iyon. Gwapo ito sa TV, gwapo rin ito noong date nila, pero iba ang kagwapuhan nito ngayon. Napakasimple lang ng porma nito ngayon pero ang lakas-lakas talaga ng dating nito. At ang bango-bango pa nito.
Masyado namang pinagpala ang lalaking 'to.
Parang sulit ang mahigit isang buwan na hindi sila nito nagkita. Akalain niya 'yon?
Huwag mo siyang sunggaban, Sanya, huwag na huwag. Isa kang dalagang Pilipina...
Nang ngitian siya ni Keith Clark ay na-distract siya.
"B-bakit?" napakurap na tanong niya.
"Ano'ng iniisip mo?"
"Iniisip? M-mukha ba 'kong may iniisip?" tanong niya at itinuro ang sarili.
"Titig na titig ka sa 'kin, Sanya."
"Feeling mo lang 'yon," nag-init ang mukhang pakli niya.
Ngumisi lang ito. Mukha namang hindi bumenta kay Keith Clark ang palusot niya.
"Para sa'n naman ang mga 'to?" pag-iiba niya ng usapan. Hinawakan niya ang isang cardboard box na dala raw ni Keith Clark para sa kanya. Kinuha nito iyon sa kotse nito habang naghahanda siya ng merienda nila.
"Ano sa tingin mo?" kumindat tanong din nito.
Idinaan na lang niya sa pag-irap ang pagkailang niya. Uminom ito ng kape habang siya naman ay pigil ang excitement na binuksan ang box. Ang thoughtful talaga nito.
Napasinghap si Sanya nang makita ang mga garapong may laman. Kinuha niya ang may kalakihang jar at binasa niya ang label n'on.
"Bagoong?" manghang anas niya at napatitig kay Keith Clark.
"Nanggaling ako sa Dagupan. Naalala kita."
"Ang sarap nito sa almusal," napalabing sabi niya. "Salamat!" Napabungisngis na ibinalik niya ang bagoong sa box at kinuha naman ang dalawang magkamukhang jar. "Pickled mangos? Ayos 'to, ah?"
"Bumalik ako ng Cebu, naalala kita. Bestseller 'yan."
"Grabe!" Kinuha naman niya ang dalawang bote ng lapad. "Raw honey?"
"Inumin mo lang 'yan kapag nagkakasakit ka. Healthy pa."
"Ito pa, dried mangos, coconut vinegar, chilli sauce! Wow..." Nalulula siya na hindi niya maipaliwanag. Hindi makapaniwalang napatitig siya kay Keith Clark. "Magkaibigan nga kayo ni Jared. Ililibre pa rin naman kita ng kape kahit wala ang mga 'to. Nag-abala ka pa. Salamat para sa mga 'to."
"I'm glad you liked them. Naalala kita, e. Baka magustuhan mo rin ang mga 'yan kung nagkataong kasama kita."
"Asus," bumungisngis na pakli niya. "Talaga ba? Baka mamaya..." itinuro niya ang dibdib nito, "ako na rin ang maging laman niyang puso mo, ha."
"Ano'ng masama?" Hinawakan ni Keith Clark ang dibdib nito. "Malaki naman 'tong puso ko. Kasyang-kasya ka rito. Tumuloy ka lang kahit kailan mo gusto." Tumaas-baba ang mga kilay ni Keith Clark at pilyo siyang kinindatan.
Napatakip siya sa bibig niya at tumawa nang tumawa.
Ang puso ko, syet!