Chapter 8: Awakened

1643 Words
"Paano mo nagawa 'yon?" Heaven's POV NAKAUPO kami sa swing sa may school playground. Kasama ko ngayon si Niles. Ang lalaking ito, mukhang marami nga siyang alam sa ikaapat na dimensyon. "Anong gusto mong malaman?" pagsisimula niya sa aming usapan. Sa totoo lang ay marami. Sobrang dami ng aking mga katanungan. "Nakikita mo rin ba sila?" tanong ko sa kanya. Nakatingin lang siya diretso sa may gawing iyon ng mga bulaklak sa school playground. "Oo. Nakikita ko rin sila." tumingin siya sa akin, napaiwas naman ako ng tingin. "Bakit? Bakit natin sila nakikita? Anong pakay nila sa atin?" Sa halip na sumagot ay binigyan lamang niya ako ng isang ngiti. "Niles.." napabuntong hininga siya at saka muling nagsalita. "Hindi ko maaring sagutin ang lahat ng katanungan mo." kita ko sa mata niya ang pagkaseryoso. "...may mga bagay na ikaw mismo ang dapat na makaalam." Hindi ko siya maintindihan. Ano ba ang ibig niyang sabihin? "Ang libro.. Basahin mo ang libro." "Libro?" tanong ko sa kanya. "Oo. Dahil sa takdang panahon, malalaman mo rin ang lahat. Hindi man ngayon, maaring sa mga susunod na araw." tumayo na siya at nagsimulang maglakad. "A-aling libro ang sinasabi mo?!" pahiyaw na tanong ko sa kanya. Medyo nakakalayo na siya. Hindi niya ako nilingunan. Tumayo ako at kasabay ng aking pagtayo ay ang paglaglag ng librong iyon. 'Fallen Lyra.' Tama, ito na nga. Tatawagin ko pa sanang muli si Niles ngunit pagtingin ko sa gawi kung saan siya naglakad ay wala na siya. *** GAYA ng sinabi ni Niles ay binasa ko ang libro ng Fallen Lyra. Kwento ito ni Lyra, punong anghel ng katotohanan. Isang anghel na sinubukan ng tadhana. Nakasaad sa unang bahagi ng libro na ang mga angel of protection, ang pumprotekta hindi lamang sa mundo ng mga mortal, sila rin ang pumoprotekta sa sanctuario ng langit na makikita sa ikaapat na dimensyon. Nagsisilbing harang ang mga ito sa pagitan ng sactuario ng mga puting anghel at mga itim na anghel. Si Claude, bilang punong anghel ng mga angel of protection ay siyang tagapagbantay ng harang na ito. Sa ikalawang bahagi ng libro, panahon ng taglamig ay bumaba ang mga anghel sa langit upang dalawin at patnubayan ang mga taong kanilang pinoprotektahan. Dito nagkakilala sina Lyra at Claude. Lingid sa kaalaman ni Claude na unti unting nahuhulog si Lyra sa kanya. Sa pananatili nila sa mundo ng mga mortal ay nagkagusto si Claude sa kaniyang prinoprotektahang taong nagngangalang Riyah. Nagbunga ang kanilang pagmamahalan, isang napakalaking kasalanan. Sinabi ni Claude kay Lyra ang nangyaring ito sa pagitan nila ng mortal na kanyang iniibig. Sa gitnang bahagi ng libro ay nalaman ng punong hukom ang pagkakasala ng isa sa mga anghel nang balutin ng kadiliman ang buong sanctuario ng kalangitan. Nagkalamat ang harang sa pagitan ng kanilang sanctuario at sa mga itim na anghel. Ipinatawag ng hukom si Lyra, punong anghel ng katotohanan upang itanong kung sino ang anghel na nagkasala. Alam ni Lyra ang buong katotohanan ngunit dahil na rin sa lubos na pagmamahal niya kay Claude, pinagtakpan niya ang kasalanan nito. Sinabi ni Lyra sa hukom na walang nagkasalang anghel. Sa huling bahagi ng libro nakasaad ang pagpataw ng kaparusahan kay Lyra. Sa pagsisinungaling ni Lyra, napatawan siya upang maging isang fallen angel. Ipinatapon ito sa lugar ng mga itim na anghel. *** "At doon na nagtatapos ang istorya ni Lyra." kasabay ng huli kong mga salita ay ang pagsara ko sa libro. Kakatapos ko lang ikwento kay Mirage ang kwento ni Lyra. Nasa coffee shop kami ngayon. Sabado at wala kaming pasok. "Ganda! Pati pala sa langit noh? Gagawin nilang lahat sa ngalan ng pag-ibig!" ngingiti ngiti siya at kilig na kilig. "Oo nga pero gayunpaman, nagkasala silang dalawa." Napapaisip pa rin ako hanggang ngayon. Anong kinalaman ng librong ito sa pagbubukas ng third eye ko? "Pero Heaven, anong nangyari kay Claude? Diba sabi nagkaanak sila noong si Riyah?" Ano nga kayang nangyari kay Claude at kay Riyah? Pinatawan rin kaya si Claude ng kaparusahan? Naging fallen angel din kaya siya? "Walang nabanggit sa libro. Nakasentro kasi ang istorya kay Lyra." sabi ko sa kanya. Nakaupo kami sa labas ng coffee shop. Nabaling ang atensyon ko sa isang babaeng dumaan sa aming harapan. Nakabalabal ito ng itim at tila ba'y nagmamadali. Sinundan ko siya ng tingin at sa di-kalayuan ay nakita ko ang pagpatak ng isang paso mula sa ikalawang palapag ng isang gusali. "Miss!" tawag ko sa kanya pero mukhang di niya ako naririnig. Tumayo ako para habulin siya at di ko inaasahang sa isang iglap ay maililigtas ko siya. Yakap yakap ko na siya at lumihis ang paso sa kung saan siya naroroon. Mabilis ang mga pangyayari. Natanggal ang kaniyang balabal at nakita ko ang kanyang mukha, ang mukhang 'yon. Hindi ako maaring magkamali. Hinawakan niya ang aking magkabilang pisngi. Ngumiti siya at sinabing.. "Salamat." kasunod nito ay ang pagbabalik niya ng kanyang balabal at nagmadaling umalis. 'L--lyra.' sabi ko sa aking sarili. "Heaven!" nilapitan ako ni Mirage. Kita ko sa mukha niya ang matinding pagtataka. "Paano mo nagawa 'yon?" Napatingin ako sa aking palad at muling umilaw ang simbulong 'yon. Muli kong tiningnan si Mirage, iiling iling siya. Mukhang nakita niya rin ang paglitaw ng simbulong 'yon sa aking palad. Hahawakan ko pa sana siya nang umatras siya, "H-huwag.. Huwag mo 'kong hawakan." Patuloy pa rin ang kanyang pag-atras. "Mirage." mahina kong tawag ko sa kanya. "Akala ko namamalikmata lang ako. Akala ko panaginip lang ang lahat ng 'to. P-pero hindi. Nagkamali ako. H-heaven, paano mong nagawa 'yon?!" mangiyak ngiyak niyang tanong sa akin. "H-hindi ko alam." lalapitan ko sana siya para hawakan ngunit tinabig niya ang aking kamay. "Sinungaling! Huwag mo akong hawakan." iiyak iyak pa rin siya. "Akala ko bestfriend kita." pagpapatuloy niya. "Ano pa, ano pang hindi ko alam tungkol sa'yo?!" pagalit na tanong niya sa akin. "H-hindi ko alam." iiling iling kong sabi. "A bestfriend should never lie." matapos niyang bitawan ang mga salitang 'yon ay tinalikuran niya ako. Ang sakit, sobrang sakit na sa mismong bestfriend ko pa lahat nanggaling. Susundan ko na sana si Mirage nang marinig ko ang isang pamilyar na boses sa aking likuran, "Wag mo na siyang sundan, hindi ka niya maiintindihan." Napalingon ako sa gawi niya. Hawak niya ang libro ng Fallen Lyra. Lumapit siya sa akin at niyakap ako, "Tanging ako lamang ang makakaintindi sa'yo." Ipinakita niya sa akin ang kanyang palad at nakita ko ang pag-ilaw ng simbulong 'yon. "Pareho lang tayo." sabi niya sa akin. Hindi ko na napigilan pa ang pagpatak ng aking luha, "S-salamat Niles." Napahiwalay ako sa pagkakayakap kay Niles nang maramdaman ko ang isang presensya ng isang nilalang na hindi ko inaasahang makita. Pumapalakpak siya habang papalapit sa amin. Mas bumilis pa ang t***k ng aking puso nang makita ko ang kanyang pagngiti. "Sakripisyo ang kapalit ng bawat kasalanan." ramdam ko ang hanging dala ng paghampas ng kanyang pakpak. Lumapag siya di kalayuan sa aking harapan. "Rye?" binigyan niya ako ng isang ngiting nakapagpatindig sa aking balahibo, ang ngiting kagaya ng ibinigay niya noong una naming pagkikita. Napatingin siya sa gawi ni Niles na nasa aking likuran, "N-niles, d'yan ka lang." sabi ko sa kanya ngunit sa halip na magulat ay nakangiti lang siya sa akin. "Kamusta na aking kaibigan?" tanong ni Rye kay Niles. S-sandali, magkakilala sila? Umihip ng malakas ang hangin at unti unting nababalot ng kadiliman ang kalangitan. Muli akong napatingin kay Niles. Nag-iinat siya ng kanyang balikat habang nakangiti. Pumikit siya at maya maya pa ay lumabas mula sa likuran niya ang isang malaking itim na pakpak. Nang muli itong mumulat ay kulay pula na ang mga mata nito. "Ang tagal din mula noong huli kong ilabas ang mga ito." sabi ni Niles at lumipad ito papunta sa tabi ni Rye. 'D-dark angel.' Napaatras ako. H-hindi. Hindi ako maaring magkamali. "A—anong kailangan niyo?" tanong ko sa kanila. Napansin ko naman ang patingin ni Rye sa basag na paso sa di kalayuan. "Alam mo na ba?" hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. Sa halip na sumagot ay pinakinggan ko na lamang siya, "Ah..mukhang hindi mo pa alam. Aking kaibigan, hindi mo ba nabanggit sa kanya?" tanong pa ni Rye kay Niles. Nagkibit balikat lamang si Niles. Sa isang iglap ay naramdaman ko na lamang si Rye sa aking likuran. "Kung gano'n handa ka na bang malaman ang lahat ng bagay tungkol sa'yong pagkatao?" bulong niya, "Gusto mo bang malaman kung paano mo nagawa ang bagay na 'yon?" sa tono ng pananalita niya ay may parte sa akin ang gustong malaman ang mga sasabihin niya. "Lahat ng nangyayari ay nakaayon sa tadhana." sabi pa niya ng tatawa tawa, "Gusto mo bang malaman?" mapanukso niyang tanong sa akin. Ramdam ko ang kanyang hininga sa aking tainga. Muli, sa isang iglap ay nakita ko siya sa aking harapan. Sa pagkakataong ito ay hawak na niya ang isang bagay na muling nakapagpakaba sa akin. Ang patalim. Nilalaro niya ito sa kanyang kamay na tila ba hinahasa. Ngingiti-ngiti pa rin siya. "Papaano mo yan nakuha?!" sa aking pagkakatanda ay itinago ko ito. Isang matalim na tingin ang ibinigay niya sa akin at sa sunod niyang ginawa ay hindi ako nakagalaw. Itinutok niya sa akin ang hawakan ng patalim. "Ang isang regalo mula sa isang kaibigan ay hindi itinatago, bagkus ay ginagamit." hindi ako makagalaw. "Wag kang mag-alala, hindi kita papatayin. Dahil gaya nga ng sabi ko, ang patalim na 'to ay ginawa hindi para sa'yo." muli siyang tumawa ng nakakaloko. "Ano bang kailangan mo sa'kin?!" hindi ko alam kung saan ako ng nakakuha ng lakas ng loob para makapagsalita. Sa halip na sumagot ay inabot niya ang aking kamay. Muli niyang inilagay sa aking palad ang patalim. Hinawakan pa niya ang aking pisngi, "Gusto mo bang malaman ang isang munting katototohanan?" at kasabay ng kanyang huling salita ay ang pagbalot ng kadiliman sa buong kalangitan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD