Kinabukasan, napagpasyahan kong gumising nang maaga para mag-jogging. Kailangan kong panatilihing malakas ang immune system ko.
Matapos mag-jogging ay kaagad na akong bumalik sa condo ko at nagpalipas muna ng fifteen minutes bago naligo. Plano kong sa university na lang mag-breakfast. Napailing na lang ako, simula nang lumipat ako rito, hindi ko pa nasusubukang magluto sa kusina ko. Marunong naman akong magluto, pero dahil magiging busy na ako buong buwan, mukhang malabo kong magagalaw ang mga kaldero at plato sa kusina ko.
Tumunog ang cellphone ko at nakita kong si Kuya Xander 'yon. Nakalimutan ko pa lang i-off ang wifi ko. Dali-dali kong sinuklay ang buhok ko saka dinampot ang cellphone at sinagot ang video call ni Kuya Xander, "Zup?"
"Woah? Good mood!"
Sa aming magkakapatid, si Kuya Xander ang masasabi kong malapit sa 'kin. Pero, dahil sa LA na s'ya nakatira at bihira na lang umuwi, hindi n'ya alam ang mga nangyayari sa 'kin.
Ipinatong ko sa drawer ang cellphone ko at ni-loudspeaker, "Ano nga kasi?"
"Bihis na bihis ka 'ata? Sa pagkakaalam ko, hindi pa pasukan."
"Gagala."
"Hindi ka pa rin nagbabago, ang tipid mong magsalita, may pinag-iipunan ka ba?"
"Nice one, bruh!"
Humagalpak s'ya ng tawa at sinamaan ko lang s'ya ng tingin habang nilalagay sa loob ng bag ko ang mga sa tingin kong kakailanganin ko—extra shirts, mini towel, pera sa wallet, gamot at syempre, extra eyeglass.
"Hindi ka pa rin natatawa sa mga joke ko."
"Joke pala 'yon?" tanong ko habang sinusuklay ulit ang buhok ko, wala na akong planong i-blow dry 'to. Magsusuot na lang ako ng bonnet.
Narinig ko na naman ang paghagalpak n'ya ng tawa. Problema ng isang 'to?
"Just called you to say take care of yourself."
Natigil ako sa ginagawa at tiningnan s'ya, "Nakain mo?"
Ngumiti s'ya, "I'm just disappointed, akala ko rito ka mag-aaral. Kumpleto na sana tayo rito."
"Don't worry, r'yan ako mag-aaral ng doctoral degree."
Nakita kong saglit s'yang natigilan, "You mean—"
Ako na mismo tumapos sa sasabihin n'ya, dahil parang hindi pa s'ya makapaniwala, "Oo, Bachelor of Medical Sciences ang kinuha kong kurso."
Akala kasi nila I'm into arts, lagi lang kasi ako sa kwarto ko, kung hindi nagbabasa or nagsusulat ng kung ano-ano lang, nagdo-drawing din ako ng kahit ano lang din.
"Ibabalita ko 'to sa kanila! Bye na! Gala well, kapatid!"
Anak ng kangaroo.
Hindi ko ulit ginamit ang kotse ko. Bahalang mabulok 'yon sa parking lot.
Pagkababa ko ng taxi ay kaagad na akong pumasok sa loob ng university at tinungo ang pinakamalapit na canteen. May kani-kaniyang canteen kasi ang bawat department. Malayo pa ang Departmen of Medicine, baka namatay na ako sa gutom kapag do'n ako bibili.
Department of Education ang unang department na madadaanan galing sa main gate ng university, kaya pumasok na ako kaagad do'n. Kahit hindi pa naman pasukan, marami-raming estudyante pa rin ang nandito sa university, baka nag-summer class o nag-take ng entrance examination.
Kaagad akong pumunta sa counter saka nag-order ng black coffee, egg sandwich, at strawberry yogurt.
Nang makuha ko na ay kaagad akong naghanap ng bakanteng lamesa. Dahil hindi naman gano'n kapuno ang canteen, marami ang bakanteng lamesa.
Saktong paglapag ko sa tray na bitbit ay ang paghablot ng kung sino sa bonnet na nilagay ko sa ulo ko. Nilingon ko kung sino 'yon at nakitang si Shaine, kasama ang mga alipores n'ya.
Anong ginagawa ng bruhildang 'to dito? Baka hindi nakapasa sa entrance examination kaya magsa-summer class? Tss. Puro lang kasi pagme-make up ang alam at walang laman ang utak kung hindi puro pagsa-shopping lang.
Tiningnan ako ni Shaine mula ulo hanggang paa, kulang na lang pati talampakan ko, walang kawala.
"Aba at nakalugay ang buhok," nakangisi n'yang sabi sa 'kin, "Kahit anong gawin mong pagpapaganda, loser ka pa rin!"
Nanatili lang akong tahimik, dahil as usual, hindi ko na naman maibuka ang bibig ko. Para bang ini-stapler at ayaw nang bumuka.
Kalma Xielo.
Kalma.
Hinawakan n'ya ang dulo ng buhok ko at marahas n'yang binitawan na sinadya n'yang matatamaan ang mukha ko. Napapikit na lang ako, dahil sa totoo lang, hindi ko na maigalaw ang kamay ko para sana ayusin ang buhok kong nagkalat na sa mukha ko.
"Ano? Tulala ka na naman? O baka naman naiihi ka na sa sobrang kaba?"
At nagtawanan silang lahat.
"Magsuot ka ng diaper next time, ha?" sabi ng isang kasama ni Shaine na akala mo ay nakagat ng putakte ang labi sa sobrang kapal.
"Oo nga, baka magkalat ka pa rito, maawa ka naman sa mga naglilinis!" sabi no'ng pinakamatanggad sa kanila na aakalain mong kapatid ni bangkay.
Kung sana may lakas ng loob lang ako para magsalita o gumalaw man lang, hindi nila ako maaapi nang ganito. Pero, wala eh. Isa akong duwag.
At dahil d'yan, nagsisimula nang lumakas ang t***k ng puso ko. Lihim kong hinahabol ang hininga, dahil para na akong iniwanan ng hangin.
Sila na lang ang nakikita ko at tanging mga tawanan na lang nila ang naririnig ko. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang yumuko at takpan ang mga tainga ko. Higit sa lahat, paulit-ulit kong naririnig ang sarili kong boses na nagsasabing 'duwag ka Xielo'.
Oo, duwag ako.
Loser.
Nagtaka ako kung ba't nawala ang ingay sa paligid at nang inangat ko ang tingin sa harapan, isang likod ng lalake ang nakaharang sa pagitan ko at nina Shaine.
Saka pa lang ako nakahinga nang maayos nang nagsialisan sina Shaine.
Anong nangyari?
Hinarap ako ng lalake at napagtanto ko na hindi ko s'ya kilala. Tinapunan n'ya ng tingin ang mga kamay ko at saka ko lang namalayan na nanginginig na pala ako.
Nagulat ako nang hinawakan n'ya ang mga kamay ko, "Hey, Miss, are you okay?"
Parang natuyo bigla ang lalamunan ko at hindi ko alam ano ang dapat na sabihin. Bumibilis pa rin ang t***k ng puso ko, hindi ko alam kung dahil pa ba 'to sa pagpa-panic ko o dahil sa lalakeng nakahawak sa mga kamay ko.
Anak ka ng kangaroo Xielo! Binitiwan n'ya ang mga kamay ko at pinulot ang bonnet ko na basta na lang pala tinapon ni Shaine sa sahig. Nang makuha n'ya 'yon ay isinuot n'ya ulit sa ulo ko at inalis ang mga hibal ng buhok ko na nagkalat sa mukha ko.
Ang creepy naman nitong nararamdaman ko! Tinatayuan ako ng mga balahibo!
"Pipi ka ba, Miss? Kanina ka pa hindi nagsasalita."
Nakakahiya ka na talaga Xielo! Umayos ka!
Tumikhim ako bago mahinang nagsalita, "Ahmm, sa-salamat."
Nakita ko ang pagngiti n'ya at umiwas ako ng tingin, baka hindi ko mapigilang mapangiti na rin.
Hayop sa kagwapuhan!
Magsasalita na sana s'ya nang may biglang sumingit sa gitna namin.
"Okay tapos na ang palabas, p'wede ka nang umalis." Pagtataboy nito sa lalakeng kaharap ko kanina.
Lumingon ang bagong dating sa 'kin at nagsalubong bigla ang mga kilay ko. Ang aroganteng lalake! Ang galing talagang tumayming!
"What's your problem, man?" iritadong sabi ni mister pogi sa aroganteng lalake.
Pasensya naman at hindi ko alam ang mga pangalan nila.
"May meeting kaming dalawa, kaya p'wede ka nang umalis, thank you." May halong sarkastiko sa boses ng lalakeng arogante.
Binaling ni mister pogi ang tingin n'ya sa 'kin, "Can I know your name?"
"Inday ang pangalan n'ya."
At walang sabi-sabing hinila ako ng aroganteng lalake papalabas sa canteen.
Saka lang ako nakabalik sa tamang huwisyo nang tuluyan na kaming makalabas ng canteen. Mabuti na lang at dala n'ya ang gamit ko, kaya hinila ko ang kamay ko sa pagkakahawak n'ya saka kinuha ang bag ko sa kamay n'ya, "Ano bang problema mo!"
"Ikaw!"
Napataas ang kilay ko sa naging sagot n'ya, "Anong ako!"
Kapag s'ya talaga ang kaharap ko, nagiging machine gun 'tong bibig ko.
"Kulang na lang tumulo laway mo sa harap ng lalakeng 'yon, samantalang hindi ka makasalita no'ng sina Shaine ang kaharap mo."
"At hinayaan mo lang ang pinsan mo sa kagaspangan ng ugali n'ya!"
"Naunahan lang ako ng mukhang pasayan na 'yon!"
"Wow, mahiya ka sa mukha mong parang kabibe!"
Pakiramdam ko tuloy para kaming mga elementary student na nag-aaway sa mababaw na dahilan.
"D'yan ka na nga!"
Bago pa man ako makalayo sa kan'ya, nahila n'ya na ang braso ko at wala akong nagawa nang iharap n'ya ulit ako sa kan'ya, "Ba't ka narito? Pasado ka naman sa entrance examination, ah."
"Ikaw, ba't ka narito?" balik kong tanong sa kan'ya.
"Kasi narito ka."
Kumunot ang noo ko at nakita ko ang biglaang pamumula ng mga pisngi n'ya. Umiwas s'ya ng tingin, "Ang-Ang i-ibig kong sa-sabihin, i-ibabalik ko 'yong schedule mo, o-oo 'yon nga!"
"Oh, akin na." Sabay lahad ng palad ko sa harapan n'ya.
"Na-Nakalimutan ko pa lang dalhin."
"May sira ba ang utak mo?"
Tumalikod na ako sa kan'ya at mabilis s'yang humarang sa dadaanan ko, "Li-Libre sa-sana kita ng lu-lunch."
"Ewan ko sa 'yo!"
Nilampasan ko na s'ya at bago pa ako tuluyang makalayo, narinig ko pa ang sigaw n'ya.
"Hihintayin kita sa canteen, Inday!"
Hindi ko alam, pero kahit naiinis ako, nagawa ko pa ring ngumiti.
"Okay, Dodong," bulong ko sa sarili.