Chapter 4 - Ashrah

1453 Words
Papunta na ako sa sinabing lugar ni El sa message n'ya. May instruction naman s'yang nilagay, kaya madali ko lang siguro 'yong mahahanap. May dalawang buwan pa bago ang pasukan, at ayon na rin kay El, magre-report ako sa BAS ng three times a week. Wala namang problema sa 'kin. Pero mas okay sana kung nasa condo ko lang ako at buong dalawang buwan na nakahiga lang at magbasa nang magbasa. Wala na akong magagawa kung hindi ang sundin ang kahit anong iuutos ni El, dahil pumirma na ako ng kontrata at parang ngayon lang nag-sink in sa utak ko ang ginawa kong katangahan kahapon. There's no turning back. Bumuntonghininga ako. Kapag talaga hindi ko nakuha ang gusto ko, ipapakulam ko talaga ang El na 'yon. Gusto kong tumapang at mawala ang panic attacks ko. Sinunod ko ang nakalagay  na instruction sa message ni El at kasalukuyan na akong nasa harap ng pinto nang sinabi ni El na room 000, na nasa fifth floor ng building na katabi ng Administration Building. Room 000 talaga? Hanep ah? Hindi ko alam, pero kinabahan ako bigla. Huminga ako nang malalim at lakas-loob na pinihit ang doorknob saka 'yon dahan-dahang tinulak. Gano'n na lang ang pagkagulat ko nang sumalubong sa 'kin ang isang maliwanag na kapaligiran at ang nakapagpalaki sa mga mata ko ay isang malalim na bangin ang nasa harapan ko. Isang hakbang na lang at mahuhulog na ako. Kaya kaagad ko 'yong sinarado at napaatras hanggang sa tumama na ang likod ko sa dingding. Anak ng kangaroo! What was that! Napahawak ako sa dibdib ko, dahil sa sobrang bilis nang pagtibok  ng puso ko. Habol ko na rin ang hininga ko at pinagpapawisan na ako nang malamig. Pinto pa lang 'yan, pero para na akong nakaharap kay kamatayan! Sandali nga, pa'no nagkaroon ng bangin sa loob ng isang building? At para na akong hihimatayin nang bumukas ang pinto at may lumabas na babaeng nakasuot ng laboratory coat, nakasalamin sa mata at kahit magulo ang buhok n'ya, papasa naman s'yang model sa mga magazine kahit na sa tingin ko ay nasa late forties na s'ya. Kulang na lang talaga lumuwa ang mga mata ko sa sobrang pagkagulat. Sa'n nanggaling ang babaeng 'to? "Ikaw ba si Arzamella?" Inayos n'ya ang salamin at tinanggal sa mukha n'ya ang ilang hibla ng buhok n'ya. Nang hindi ako sumagot ay kaagad n'ya akong tinaasan ng kilay, "I am talking to you, kid." Matuto sana tayong magsuklay bago magtaray. Matangkad naman ako at nakasalamin naman s'ya sa mata, pero kung tawagin n'ya akong kid, akala mo nakakalat 'yong sip'on ko sa mukha ko. Mabuti na lang talaga at nasa loob ko lang 'yong kamalditahan ko, "Oo, a-ako nga." "Get inside." Napalunok ako ng laway. Anong get inside pinagsasabi nito? H'wag ko lang maririnig na patatalunin n'ya ako sa bangin. At dahil ayaw kong nakikitang nakataas ang kilay n'ya, humakbang na ako papasok sa pinto. Pero, para na talagang lalabas ang mga mata ko sa sobrang pagkamangha at hindi ko na napigilan ang bibig ko na magtanong, "Nasa'n na 'yong bangin?" Ang kaninang maliwang na kapaligiran ay napalitan ng mga laboratory equipment, mga naglalakihang monitor, stretcher bed, computers at iba pang kagamitan na ngayon ko lang nakita. Ang bangin na nakita ko kanina ay wala na at isang nakamamanghang laboratory ang nakikita ko ngayon. Pa'no nangyari 'yon? O baka naman namalik-mata lang ako? Pakiramdam ko tuloy, niloloko ko lang ang sarili ko. "Isa lang 'yon sa mga naimbento ko at tinawag ko 'yong camouflage system." Grabe! Ang astig! Gustuhin ko man s'yang purihin, pero nanatili akong tahimik. Ganito talaga ako. Lahat ng nararamdaman ko, ako lang ang nakakaalam. Nasanay lang talaga ako na walang mapagsabihan, dahil nga wala naman akong kaibigan. Pero, dahil sa kuryosidad, hindi ko mapigilang magtanong, "Ahm, bakit kailangan pa ng camouflage system?" "Always remember the number one golden rule, walang dapat na makaalam na may BAS. At dahil hindi maiiwasan na may mga tangang estudyante, kahit nakalagay na sa pinto na restricted area, papasukin pa rin nila." Sabagay, may punto naman s'ya. Naglakad s'ya papunta sa isang stretcher bed at sinusundan ko lang s'ya, "I'm Jamaica Apango. Isa akong doktor at kalaunan ay naging scientist. Ako ang mag-o-orient sa 'yo, dahil hindi makakarating si El na lagi namang nangyayari. Kapag may mga katanungan ka, tanungin mo lang ang laboratory assistant natin, si Amor—isa s'yang AI robot." Akala ko isang typical na AI robot si Amor, kaya laking gulat ko nang may lumapit na isang babae parang kasing edad ko lang, "Ako si Amor." Kahit wala naman akong iniinom ay bigla akong nabulunan. Nagtatakang tingin ang itinapon ni Dok Jamaica sa 'kin. Pakiramdam ko talaga naging engot ako ng mga one fourth, simula nang tumapak ako rito sa Axfhell University. Nang makalma ko na ang sarili ay pilit akong ngumiti, "Ro-Robot ba talaga s'ya?" Nanlaki ang mga mata ko nang biglang tinanggal ni Amor ang kamay n'ya at nakita ko ang mga wire sa loob no'n. Tiningnan n'ya ako, "Naniniwala ka na?" Mabilis pa sa kidlat na tumango kaagad ako. Mabuti na lang at nagsalita kaagad si Dok Jamaica, baka nahimatay na ako sa sobrang kaba. Ang hina ko talagang nilalang. "Before anything else, kailangan muna kitang i-check, if you're physically fit." Kaagad akong lumapit sa kan'ya at hindi na nilingon si Amor, "Ba-Bakit kailangan pa n'yan?" "Ang headgear na ginagamit sa pagla-log in ay konektado sa utak ng tao. The capability of your brain is reflected to the capability of your body. Kapag mahina ka mentally, maaapektuhan no'n ang buo mong katawan. Sa bawat paggamit ninyo ng headgear, kukunan ko muna kayo ng vital signs, including your temperature, heart rate, blood pressure, blood sugar at ang makabagong teknolohiya na tumitingin kung mentally stable ang isang tao—ang BSM o Brain Stability Machine." "Ibig bang sabihin, kung anong nangyayari sa amin sa loob ng GSO, apektado ang physical body namin?" Bigla akong kinabahan sa sarili kong tanong. "Of course not! What I'm trying to say, dapat mentally at physically healthy ka. Hindi naman p'wedeng maging player ang isang masakitin, hindi ba?" Napahinga ako nang maluwag. "Pero..." Ay, anak ng kangaroo! Ba't may hirit pa? "Kung anong mangyayari sa 'yo sa loob ng GSO, mararamdaman mo 'yon na para bang nangyayari mismo sa totoong buhay. For example, nasugatan ka, masasaktan ka at mararamdaman mo ang sakit. Pero 'yong katawan mo rito sa real world ay safe and sound." Akala ko ano na. Okay, medyow marami na akong alam at so far, kampante pa naman ako. Maliban na lang kay Amor. Palihim ko s'yang nilingon at kaagad ko ring binalik ang tingin ko kay Dok Jamaica nang makita kong nakatingin pala si Amor sa 'kin. Ang creepy! Nagsimula na nga sa pagkuha ng vital signs ko si Dok Jamaica. Ang pinakahuling ginawa n'ya ang pagkuha sa brain stability ko, gamit ang BSM. Parang isang helmet na may mga wiring na hindi ko alam kung sa'n naka-connect. Umilaw 'yon ng limang segundo saka nawala ang ilaw at tinanggal na ni Dok Jamaica ang helmet. Naging abala na s'ya sa computer n'ya at wala akong magawa. Kaya naman, minabuti kong tingnan na lang ang mga picture frame na nakasabit sa dingding ng laboratory. Dalawang frame lang ang nakakuha sa atensyon ko. Siyam na estudyante na naka-uniform. Ang isang frame naman ay may siyam na tao rin, na may kakaibang mga damit at ang iba sa kanila ay may matutulis na tainga, at lahat sila ay may iba't ibang kulay ng buhok. May bitbit silang mga armas. Biglang nagsalita si Dok Jamaica, "You're fit!" Napansin n'ya 'atang tahimik ako, kaya nilapitan n'ya ako, "Sila ang unang siyam na miyembro ng BAS. Natigil sila sa pagsali sa tournament, dahil natapos na ang kontrata ng pangsampung miyembro na kasalukuyang nasa America na." Kahit papa'no, naalala ko naman na kailangan ng sampung miyembro para makasali sa tournament. Tinuro n'ya ang frame na mga naka-uniform na estudyante, "Ito sila sa totoong buhay." Limang babae at apat na lalake. Sa tingin ko, ahead sila ng two years sa 'kin. "Ito naman ang mga avatar nila sa loob ng GSO." Ibang-iba nga sa tunay na mukha nila. Somehow, I feel excited. "Makikilala mo rin sila. Papunta na si Honey rito, s'ya ang sasama sa 'yo sa loob ng Armenza." Armenza is the 7th world inside the GSO. "May naisip ka na bang hero's name mo?" Nilingon ko si Dok Jamaica saka tumango, "I'll be Ashrah, inside the GSO. Isang Arabic word, kung sa English, number ten. Ako ang pangsampung miyembro ng BAS." Pakiramdam ko, ito na ang simula. Iiwan ko na ang pagiging talunan at aaralin kung pa'no maging matapang. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD