Hindi ko na halos matandaan kung gaano ako katagal nakatitig lang sa labas ng salaming dingding. Narinig ko ang pagbukas ng pinto pero nananatili akong nakatingin sa labas. Pakiramdam ko’y mas nagiging kalmado ako sa t'wing nakatingin sa langit.
“Miss Yume...” dinig kong tawag ni Akane.
Dinig ko ang bawat yabag niya palapit pero hindi ako lumingon. Hindi ko pa siya kayang kausapin. Gusto ko muna sanang mapag-isa pero alam kong hindi rin naman niya ako iiwan. Napakaraming tumatakbo sa isip ko at hindi ko alam kung ano bang mas dapat gawin.
“Uminom ka muna ng tsaa. Makakatulong ito para mas kumalma ka.”
Hindi ako kumibo habang patuloy siya sa pag-aasikaso. Ibinaba niya ang tasa sa mesang nasa harap ko.
Nanghihina ako.
Ngayon ko lang lalo naramdaman ang panghihina at tensyon na bumalot sa’kin habang kausap si Ezelle. Hindi ko akalaing hanggang ngayon makakaramdam pa rin ako ng takot. Pero, alam kong hindi na lang ito takot para sa sarili ko. I am more afraid on how she’d pay back. Hindi lang sa akin, pati na rin sa iba. Natatakot akong ulitin niya lang ang nangyari dati.
Napapitlag ako nang hawakan ako ni Akane sa may balikat.
“Lay down for a while, Miss Yume,” masuyong ani Akane.
Napalingon ako sa may tabi ko. Hindi ko napansin na nilagyan niya ng unan ang couch. Mula sa unan ay lumipat ang tingin ko sa kaniya.
“Mas magandang pagmasdan ang langit kapag nakahiga.” Nakangiti niyang lahad bago inayos ang unan sa dulo ng couch.
“S-salamat. Ayos lang naman ako.” Pinilit kong ngumiti sa kaniya pero alam kong alam niyang nagsisinungaling ako.
Gayunman, patagilid akong humiga habang nakatingin pa rin sa labas. Hindi pa ako nagtatagal na nakahiga ay naramdaman ko ang marahang paghaplos sa ulo ko. Nag-angat ako nang tingin. Nakatingin si Akane sa labas habang marahang hinahaplos ang buhok ko.
Lihim akong napangiti at ipinikit ang mga mata ko. Hindi ko naisip na gagawin niya ito. Simula kanina nang makaakyat kami ay hindi siya nagtanong, hinayaan niya akong makapag-isip-isip muna. Hinayaan niya ako, dahil alam niyang ‘yun ang kailangan ko. Ang mahalaga lang sa kaniya ay nakikita at nababantayan niya ako.
Dinama ko ang bawat marahang haplos ng magaan niyang kamay. Unti-unti ay tila naglalaho ang nasa paligid ko. Ang mahalaga lang sa mga oras na iyon ay ang pakiramdam na para ba akong inihehele.
It’s so calm.
Naramdaman kong bumibigat ang talukap ng mga mata ko. Hanggang ang lahat ay naging tahimik na.
[AKANE]
Pinagmasdan ko ang natutulog ng si Miss Yume. Napakapayapa ng mukha niya. Hindi ko mapigilang hindi titigan ang napakaganda at napakainosente niyang mukha.
Tumigil ako sa paghaplos sa buhok niya. Ngayon ko lang ulit siya nahawakan ng walang suot na gloves. At tila may mahikang bumabalot sa akin para haplusin ang mukha niya. Gusto ko siyang hawakan.
Dahan-dahan ay umangat ang kamay ko patungo sa pisngi niya. Siya na yata ang pinakamagandang babaeng nakita ko sa buong buhay ko. At hindi ako papayag na masaktan siya ng kung sinuman.
I don’t want to see her trembling in fear, again. Not under my watch.
“Hmmm…” bahagyang kumibo si Miss Yume dahilan para mailayo ko ang kamay ko sa kaniya.
Napangiti ako nang muling humilig siya sa unan. Malalim na ang tulog niya.
Nabaling ang atensiyon ko nang maramdaman ang pag-vibrate ng cellphone ko. Tumayo ako at kinuha ang cellphone. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti kapag naaalala ko ang araw na ibinigay niya ang cellphone na 'yun.
Da*n, sweet.
Kaagad ring sumeryoso ang mukha ko nang makitang tumatawag si Brandon. Maybe, they had it bad. Hindi ako makapaniwala sa galit na ipinakita ni Miss Aila kanina. Lalo na kung paano niya ilayo si Miss Yume mula sa Ezelliana na 'yun. May kakaiba sa nangyayari.
Sinulyapan ko si Miss Yume bago sinagot ang tawag. Pinakinggan ko si Brandon bago ako nagsalita.
“Nauunawaan ko,” simpleng sagot ko at pinatay ang tawag.
Sinuot ko ang gloves ko. Isinara nang bahagya ang kurtina at binuhay ang air-condition sa tamang temperatura. Kumuha ako ng blanket at ikinumot sa kaniya. Nang matiyak kong maayos na ang lahat ay lumabas na ako ng kwarto. Sumakay ako ng elevator at dumiretso sa 5th floor. Paglabas ko ng elevator ay nandoon na si Brandon.
“Kumusta si Miss Yume?” tanong niya.
“Natutulog siya nang umalis ako.” Naglakad kami papunta sa surveillance room. “Si Miss Aila?” tanong ko habang patuloy kami sa paglalakad.
“Nakatulog sa kakaiyak.”
“Nagsalita siya?”
Mariing umiling ito. “Hindi.”
Tiningnan ko siya. Halata sa mukha niyang nag-aalala din siya. “Ilang taon ka ng nagtatrabaho sa kaniya, wala ka bang alam kung nagkaroon siya ng kaugnayan kay Miss Ezelliana?”
“Wala. Alam mo namang hindi pwedeng pumasok ang mga bodyguard sa loob ng university. Ngayon ko lang din siya nakita kaya hindi ko rin tiyak kung anong naging ugnayan nila dati.” He answered between gritted teeth.
Tumigil kami sa tapat ng pinto ng surveillance room. Tumayo kaagad ang mga naka-duty na guard pagkakita sa amin.
“Sir,” bati nila.
Tinanguan niya si Brandon.
“The ladies will not talk for sure,” said Brandon.
Umupo ako sa harap ng isa sa mga computer. Sino ka ba Ezelliana Mondragon?
Sisiguraduhin kong walang kahit sino ang makakapanakit uli sa'yo, Miss Yume. I may not beat them down, but let me cushion the blow for you.
[YUME]
Nagmulat ako ng mga mata at unang bumungad sa’kin ay ang nagsisimula nang kumalat na dilim na labas. Bumangon ako mula sa pagkakahiga ko sa couch. Pagbangon ko ay bumagsak ang blanket na nakapatong sa katawan ko.
Nakatulog pala ako.
Inabot ko ang blanket at wala sa loob na napangiti. Wala namang ibang gagawa nito maliban kay Akane. Tinupi ko ang blanket at tumayo. Iba-iba na ang pakiramdam ko kumpara kanina, pero aminado akong may bigat pa rin sa dibdib ko.
Wala si Akane sa paligid at hindi ko mapigilan ang sarili kong hanapin ang presensiya niya.
Kumukuha ako ng tubig nang biglang bumukas ang pinto. Iniluwa noon si Akane na may dalang tray at plastic bag sa kamay. Napunta kaagad ang tingin niya sa kinatatayuan ko.
“Gising ka na pala, Miss Yume,” nakangiting aniya. Pumasok siya at pinatong ang tray sa mesa.
“Dinala ko na lang ang pagkain mo.” Binuksan niya ang plastic bag at may inilabas na maliit na tub.
Uminom ako ng tubig. Halos maubos ko ang laman ng baso. Hindi naman ako gano’n kauhaw kanina pero parang tuyong-tuyo ang lalamunan ko. Pagkababa ko ng baso ay agad sumalubong sa mga mata ko ang titig na titig na si Akane.
“Kumusta ang pakiramdam mo, Miss Yume?” tanong niya habang palapit sa akin.
“Maayos na ako. Salamat pala,” sagot ko sa kaniya.
“Gusto mo na bang kumain?” tanong niya. Tumigil siya isang hakbang mula sa akin.
Umiling ako. “Busog pa ako. Salamat.”
Tumango-tango ito na para bang sinasabing ‘nauunawaan kita.’
“May gusto ka bang gawin, Miss Yume?”
Nilipat ko ang tingin ko sa labas. “Sa totoo lang ay hindi ko alam."
Ilang segundong namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa bago nagsalita si Akane.
“Miss Yume, maghanda ka. May pupuntahan tayo,” anunsiyo niya.
Tiningnan ko siya. Nakangiti siya sa akin habang ang mga mata niya titig na titig sa akin. Alam kong pinipilit niyang gawin ang lahat para mabaling sa iba ang atensyon ko. Wala siyang alam sa tumatakbo sa isip ko o sa pinagdadaanan ko, pero pinipilit pa rin niyang unawain ako.
“Sige,” nakangiting tumango ako.
Mabilis akong kumilos. Hinintay niya ako sa labas habang nagpapalit ako ng blouse. Kumuha rin ako ng cardigan dahil medyo malamig na sa labas. Hinayaan ko na lang nakalugay ang buhok ko, naglagay ng konting face powder at lip balm bago tuluyang lumabas.
“Handa na ako.”
Tumango ito at sabay na kaming naglakad.
MAANG akong nakatingin sa paligid. Hindi ko akalaing dito niya ako dadalahin. Habang daan ay iniisip ko kung sa mall ba kami pupunta para manood ng sine o kaya naman ay sa theme park dahil tiyak doon ay mag-e-enjoy kami. Maraming magaganda at masasayang lugar kung saan kami pwedeng pumunta pero wala sa isip kong sa isang simpleng plaza lang kami pupunta.
“Anong gagawin natin dito?” tanong ko.
“Kung anong gusto mong gawin, Miss Yume.”
Hindi ako nagsalita. Tumingin ako sa labas ng bintana habang naghahanap pa siya ng lugar kung saan pwedeng mag-park.
Maliwanag sa plaza at maraming tao kahit pagabi na. Marami ring mga magtitinda ng kung ano-ano. May nagtitinda ng mga damit, mga laruan, mga accessories at mga pagkain sa gilid ng kalsada.
‘Safe bang kainin 'yon?’ gusto ko sanang itanong sa kaniya. May nakita kasi akong grupo ng mga lalaki na bumibili ng bilog na kulay orange at nakatusok sa stick. Mukhang sarap na sarap sila sa kinakain nila.
Iniiwas ko na lang ang tingin ko sa kanila nang makapag-park nang maayos si Akane. Mabilis siyang bumaba at pinagbuksan ako.
“Halika, Miss Yume.”
Malamig ang hangin sa labas at may iba’t- ibang amoy na sumasama sa hangin. Hindi ko alam kung ano-ano ang mga iyon pero hindi naman masama sa pang-amoy. Nakakapanibago lang.
“Bakit tayo dito pumunta?” usisa ko pa.
“Magandang pagbalingan ng atensyon ang mga bagay na bago sa paningin,” tugon niya.
Ito ang unang beses kong tumuntong sa isang public plaza. Nadaraanan ko lang ang mga ganitong lugar. Ang alam ko lang ay madalas sabihing mabaho raw sa mga ganitong lugar, delikado at maraming masasamang loob na paggala-gala.
“Hindi ba delikado dito?” usisa ko habang naglalakad kami.
Wala sa loob na napakapit ako sa braso niya habang iginagala ang tingin sa paligid.
Naramdaman kong tumigil siya. Nilingon ko siya para makita lang na nakatingin siya sa kamay kong nakahawak sa braso niya. Nawala ang ngiti sa labi niya at naging seryoso habang hindi inaalis ang tingin sa kamay kong nakakapit sa kaniya.
Galit ba siya?
Akmang babawiin ko na ang kamay ko pero mabilis niyang nahuli ang kamay ko at hinawakan nang mahigpit. Mahigpit, pero hindi sa paraang masasaktan ako kundi para ipaalam na gusto niya kung nasaan ang kamay ko.
“Ako ang bahala sa’yo, Miss Yume. Isa pa, hindi mo kailangang mag-alala, hindi naman delikado rito. Kung sakali man, hindi kita pababayaan.” Hinding-hindi niya inaalis sa akin ang mga mata niya habang nagsasalita.
Hindi na niya kailangang sabihin pa dahil matagal ko nang alam na hinding-hindi niya ako pababayaan. Dinala niya ako rito para malibang at mabaling sa iba ang atensyon. Alam kong hindi niya ako pababayaan.
Tumango ako sa kaniya at nagpatuloy kami sa paglalakad.
Ang mga nadaanan naming tindahan ay halos nakapaikot sa labas ng plaza. Sa loob ng plaza ay maraming bench at malawak na damuhan kung saan maraming tao ang naka-upo at parang nagpi-picnic. Maliwanag ang paligid dahil ng mga lamp post at makukulay na ilaw na nakasabit sa mga puno.
“Weekend bukas kaya maraming taong sinusulit ang oras na ito para mamasyal o magkasama-sama sila ng pamilya nila.”
Nilingon ko si Akane. “Madalas ka ba rito?”
“Minsan kapag gusto kong maiba naman ang nakikita ko.”
Natahimik ako. Nabaling ang mga mata ko ako sa isang bahagi ng plaza. Tumigil ako at tiningnan iyon.
“Playground iyon para sa mga bata,” ani Akane na para bang nabasa ang iniisip ko.
“Ahh...”
“Gusto mo bang pumunta, Miss Yume? Malalaki ang slides at seesaw nila,” nakangiting aya niya sa akin.
“Huh? Hindi. Okay la—“ Hindi na ako nakatapos sa pagsasalita dahil hinila niya na ako.
“Walang masama kung susubukan natin.” Masayang saad nito habang naglalakad kami.
Magpoprotesta pa sana ako pero parang wala naman siyang balak tumigil, kaya sumunod na lang ako sa kaniya. Tumigil kami sa tapat ng gate na hanggang bewang namin ang taas. Sa loob ng gate ay naroon ang playground. May mataas at mababang slide, seesaw, swingset, merry-go-round at iba pa.
“Halika, Miss Yume.” Binuksan ni Akane ang gate at iginaya ako papasok.
“P-pero...” Pinigilan ko siya. “H-hindi na ako bata.”
Gusto ko tuloy magmaktol sa kaniya. Oo at mas matanda siya sa akin, pero hindi naman siguro napakabata kong tingnan para sa kaniya.
“Hindi naman bata lang ang naglalaro, Miss Yume.”
“Kahit pa,” tutol ko sa kaniya.
Magsasalita pa sana ako ng isang pamilya ang makita kong palapit sa kinatatayuan namin.
“Mommy, doon tayo. Gusto kong maglaro!” sigaw ng isang batang lalaki habang tumatakbo palapit sa amin. Sa likod ay kasunod ang marahil ama’t ina nito. Sa balikat ng ama ay isa pang batang babae.
“Ako rin, daddy!” malakas na irit ng batang babae na nakasakay sa balikat ng ama.
“Oo na, maglalaro tayo pero sandali lang at gabi na,” awat ng ina habang pilit sumusunod sa batang lalaki.
“Yeheeyy!” halos sabay na wika ng batang babae at lalaki.
Tumigil sa harap namin ang batang lalaki kaya napilitan kaming tumabi ng gate para makaraan siya.
“Ate, kuya, gusto ninyo din bang maglaro?” malapad ang ngiting tanong ng batang lalaki sa amin.
“Ha?” gulat kong tanong.
“Sana. Pwede ba kaming sumali?” Gulat naman akong napatingin kay Akane. Lihim ko siyang sinamaan ng tingin.
“Anna! May kalaro tayo!” malakas na tawag ng batang lalaki sa kapatid na babae.
Nakalapit na ang ama’t ina ng batang lalaki kasama ang isa pang batang babae.
“Ikaw talaga, Sam, mang-aabala ka pa,” saway ng ama nito.
“Pasensiya na kayo sa batang ito, ha,” hinging paumanhin ng ina sa amin.
“Wala pong problema,” tugon ni Akane.
Ngumiti lang ako dahil hindi ko naman alam ang sasabihin.
Pumasok ang pamilya sa loob ng playground. Marahan akong hinila ni Akane at dahil hawak niya ang kamay ko'y napilitan akong sumunod.
Ilang sandali pa at…
“Yeheey!”
“Waaahhhh!”
Maririnig ang malakas na tawa at sigaw ng dalawang bata sa paligid.
Paano bang hindi? Malakas na idinuduyan ni Akane ang batang lalaki habang ang batang babae naman ay ang ama ang dumuduyan. Kanina pa silang ganoon at hindi ko mapigilang panoorin sila.
“Ate, ikaw naman.” Nagulat ako ng bigla na lang tumalon sabay tumakbo palapit sa akin ang batang lalaki.
Nakaupo lang ako sa bench dahil wala naman talaga akong balak maglaro. Napakasagwa nang tingnan para sa katulad ko.
“Ha? Hindi na,” pagtanggi ko.
“Sige na po, ate.” Hinawakan ako sa kamay ng bata.
“Sige na, iha. Walang masama kung paminsan-minsan ay kakalimutan natin ang edad natin at babalik sa pagkabata.”
Napalingon ako sa ina ng mga bata na umupo ito sa tabi ko. Nakangiti niya akong tinanguan.
“Ate...” Ibinalik ko ang tingin sa bata na ngiting-ngiti pa rin sa akin.
“S-sige.” Tumayo na ako at lumapit sa may duyan. Nakangiti lang si Akane sa akin. Sinamaan ko nga ng tingin pero parang wala lang sa kaniya dahil mas lumawak ang ngiti niya.
“Sabay tayo, ate,” magiliw na sabi ng batang babae sa akin.
Ang cute niya kaya nakangiting tumango ako. “Okay.”
Umupo ako sa duyan.
“Itutulak ko, Miss Yume?” He asked while grinning.
Pinandilatan ko siya, pero kinindatan niya lang ako.
Sabay kaming bumilang ng batang babae bago sabay ring inugoy. Sa una ay mabagal pero dahil unti-unti ay parang nag-e-enjoy ako ay mas binilisan ko. Tuwang-tuwa naman si Anna habang itinutulak ito ng kaniyang ama.
Bumalik uli si Sam, ang batang lalaki sa duyan at malakas ding iniugoy ni Akane. Hindi ko na halos mapigilang matawa rin dahil sa kanila. Habang malakas na umuugoy ang duyan ay nararamdaman ko ang malakas na hangin. Gumagaan ang pakiramdam ko. Sumasama ang lahat ng sama ng loob ko sa malamig na hangin.
Ilang sandali pa at may ilan pang bata ang dumating. Marahil dahil sa lakas ng tawa namin ay naengganyo sila. Bumalik na ako sa bench at pinanood kung paano nakipaglaro si Akane sa mga bata sa slide. Tawa naman ako nang tawa kapag halos madaganan na siya ng mga ito kapag nagsusunod-sunod.
“Mukhang magiging mabuting tatay ang boyfriend mo, iha.”
Natigilan ako nang magsalita ang isa sa mga nanay na naroon.
“Oo nga,” susog ng isa pang nanay.
“Mukhang mas matanda siya sa’yo, pero mas ayos iyon. Sa panahon ngayon, mas masarap makapangasawa ng medyo mas matanda ngayon.”
“Tama, mas matured na din silang mag-isip.”
Hindi na ako makasabat sa kanila.
“Gaano na kayo katagal, iha?” tanong ng isa pa.
“H-hindi po kasi kami, mali po kayo nang iniisip.” May pilit na ngiting paliwanag ko. Nagsisimula nang mag-init ang pisngi ko dahil sa mga sinasabi nila.
Parang iisang taong nagbagsak ng balikat ang mga ito. “Sayang naman.”
“Pero sa tingin ko, gusto ka niya.”
“Oo nga, kanina pa siya lingon nang lingon sa’yo.”
“Tsaka, isipin mo, parang kalalabas niya lang ng trabaho pero ikaw agad ang pinuntahan niya.”
Pinili kong huwag mangatwiran at nginitian na lang sila. Hindi ko rin naman pwedeng sabihing bodyguard ko si Akane at kaya siya lingon nang lingon ay dahil gusto niya lang tiyaking maayos at ligtas ako.
Pero, hindi ko rin maiwasang isipin ang mga sinabi nila. Hindi malabong maging mabuting kasintahan at ama siya. Kung ako nga, matindi siyang mag-alala, papano pa kaya kung sarili niya ng pamilya, o kung ‘yung babaeng mahal niya na.
Kung sinuman ang babaing iyon, napakaswerte niya kay Akane.
“MISS YUME, TUBIG.”
Inabot ko ang bottled water kay Akane. Halatang napagod siya ng husto sa mga bata pero nagagawa pa rin niyang ngumiti.
“Pasensiya ka na, Miss Yume. Napasubo ata ako doon.” Kakamot-kamot sa ulong hinging-paumanhin ni Akane.
Ngumiti ako habang nakatingin sa malaking fountain sa gitna ng plaza. Nakalabas na kami ng playground. Gabi na rin kaya umuwi na sila habang nagpa-iwan naman kami at umikot pa sa loob ng plaza.
Ngayon ay nakaupo kami sa bench habang nakaharap sa malaking fountain. Buhay ang tubig ng fountain na sinabayan pa nang pabago-bagong kulay ng ilaw.
“Walang problema,” tipid kong tugon.
“Pagod ka na ba, Miss Yume?”
Umiling ako habang sinasarhan ang tubig.
“Kung ganoon, lubusin na natin na nandito tayo.” Tumayo si Akane bago inilahad ang kamay sa akin. “Alam kong iba ito sa nakasanayan mo, pero walang masamang sumubok ng ibang bagay. Kung hindi mo talaga kaya, sabihin mo lang sa akin.”
Hindi na ako nagdalawang-isip pa at tinanggap na lang ang kamay niya. Mahigpit niyang hinawakan iyon at ginagap. I wanted to try new things and maybe it’s better if it would be with him.
Magkahawak-kamay kaming naglalad-lakad habang nagtitingin sa paligid. Pumunta kami sa mga tindahan, na tiyangge pala ang tawag. Ngayon lang ako nakakita ng 50 pesos lang ay may damit ka na. May magaganda ring dress na hindi ko akalaing sa halagang 200 ay mabibili mo na.
“Sigurado ka ba diyan, Miss Yume?” Nakailang tanong na si Akane sa akin, nakailang oo na rin ako pero para siyang sirang CD na paulit-ulit.
“Oo nga, try lang.” Kanina siya ang may sabing walang masamang sumubok tapos ngayon parang siya naman ang nag-aalangan.
“Babayaran ko na lang ang mga ito sa'yo kapag nakabalik tayo ng Galleria.” Sinipat ko pa ang simpleng manipis na plastic bag na kinalalagyan ng mga dress.
Ibang-iba kapag bumili sa mall, doon malalaki ang paper bag at magaganda pa kahit na maliit lang ang bibilhin. Samantalang dito ay napakasimple lang ng lalagyan. Handy pa. Nakakahiya lang dahil hindi sila tumatanggap ng credit card. At dahil wala akong dalang cash kaya si Akane ang nagbayad muna.
“Wag mo nang isipin iyon, Miss Yume.” Kinuha ni Akane sa akin ang plastic bag.
Tumigil ako sa paglalakad at kinulbit si Akane. “Akane, kanina ko pa nakikita silang kumakain no’n.” Itinuro ko ang tindahan na halos dumugin ng mga tao. “Ano ba iyong kulay orange na 'yon?” tanong ko.
“Kwek-kwek ang tawag diyan.”
“Kwek-kwek? Ano 'yun?” maang kong tanong.
“Iyong kulay orange ay harina na nilagyan ng food color tapos sa loob ay may itlog ng pugo.”
“As in quail?” manghang usisa ko pa.
“Oo, Miss Yume.”
“Mukhang masarap. Safe naman siya 'di ba? Kanina pa marami diyang kumakain pero mukha namang okay lang sila.”
“Gusto mong i-try, Miss Yume?”
Parang batang mabilis akong tumango. Kanina pa ako talaga naku-curious doon.
Lumapit kami sa tindahan.
“Dito ka lang, Miss Yume.”
Pinanood ko si Akane habang pilit nakikisiksik sa mga bumibili. Kumuha siya ng dalawang plastic cup at nilagyan ng kwek- kwek. May nilagay din siyang parang sauce na kulay brown. Pagkatapos magbayad ay bumalik na siya sa tabi ko.
“Heto, Miss Yume.”
Tiningnan ko ang nasa baso. Umuusok-usok pa siya, bago din sa pang-amoy ko ang amoy nito pero mukhang masarap. Itinusok ni Akane ang stick at isinawsaw sa sauce bago kinain. Pinanood ko lang siya habang ngumuguya siya.
“Miss Yume, hintay tayo ng ilang segundo.”
“Bakit?” takang tanong ko.
“Kapag bumagsak ako dito, wag mo nang kakainin iyan.”
Nawala ang pagkakakunot ako dahil sinamaan ko na siya ng tingin. Baliw ba siya?
Tumawa ito. “Biro lang, kumain ka na, Miss Yume. Masarap ito.”
Pinandilatan ko siya at sumubo ng kwek-kwek. At sa unang pagkakataon, na-try ko ang kwek-kwek.
Bago sa panlasa, kakaiba pero masarap…