HINDI tama na malunod siya sa pagmamahal na walang katiyakan, Oo, masaya siya. Ang totoo hindi na niya alam kung alin ang tama at kung alin ang mali. Basta alam niya, masaya siya habang kasama niya si Sebastian. Nagpapakatanga siya na pumapayag sa lahat ng gawin at sabihin nito.
Pero kailangan niyang labanan ito, ipapahamak niya ang sarili pati na rin ang buong pamilya niya. Hindi niya alam kung anong intensyon meron si Sebastian. Pero alam niya sa sarili niya na kung bubuksan lang niya ang mga mata niya ay makikita niya ang nagdudumilat na katotohanan na gusto lang nitong gantihan ang pamilya niya dahil sa ginawang panloloko ng ate Rio niya noon.
Ang totoo hulog na hulog na ang loob niya, wala na nga syang pake kahit gamitin pa sya nito. Pero paano ang mama at papa niya, paano ang mga kapatid niya. Lalo na ang ate Rio niya na mahal na mahal siya. Masaya na ito sa buhay may asawa, dahil hindi ito pinabayaan ni kuya Joaquin. Pinandigan ni Joaquin Madrigal ang bata sa sinapunpunan ng ate niya noon. Nakita niya kung gaano kasaya ang buhay ng ate niya sa piling ng asawa at ng tatlong anak.
Kung itutuloy niya ang kabaliwang ito ay tiyak na mag-aalala ang pamilya niya. At baka nga hindi pumayag ang mga ito. Baka pati ang pinakamamahal niyang trabaho ay maapektuhan pa.