3AM na pero hindi pa rin ako makatulog simula kaninang nagkausap kami ni Enzo. Iniisip ko pa rin kasi yung pangako ko sa kanya, eh. Pangakong tutulungan ko siya sa problema niya, para makalimot at maging masaya ulit. Alam kong hindi magiging ganun kadali 'yon, lalo na sa sitwasyon niya. Wala rin akong experience tulad niya pero dahil sa pangakong binitiwan ko, paninindigan ko 'yon.
Ilang sandali pa ng pag-iisip ko ay tila bumigat na rin ang aking mata at nakatulog na rin ako, sa wakas.
Nagising ako pasado alas nwebe na ng umaga. Agad naman akong bumangon at dumiretso sa banyo para maligo. Ilang minuto lang ay natapos na ako kaya agad akong nagbihis at nag-ayos ng aking sarili. Habang nag-aayos ako ng aking sarili ay may biglang kumatok sa pinto.
Pinuntahan ko 'yon at pagbukas ko ay bumungad sa'kin ang nakangiting si Enzo. Anong ginagawa niya dito?
"Good morning, pare." nakangiting bati niya na pormadong-pormado sa suot niya.
"Oh, pare? Bakit nandito ka?" tanong ko sa kanya.
"Ah, hinahanap kasi kita. Sabi nila tulog ka pa raw kaya kinatok na kita. Magpapasama kasi ako sa'yo, eh." sambit niya.
"Magpapasama? Saan?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
"Saka ko na sasabihin sa'yo kapag nandun na tayo." seryosong sagot niya.
"Okay, sige." yun nalang yung naisagot ko at isinara na yung pinto para sumama sa kanya.
Saan naman kaya kami pupunta? Bakit mukhang seryoso siya? Teka? Huwag niyang sabihing magbi-beer house kami ng ganito kaaga?
Habang nasa elevator kami ay pinipilit ko siyang sabihin kung saan kami pupunta pero lagi niyang sinasabi na may ipapakita raw siya sa'kin. Ano 'yon? Mukha pa siyang seryoso kaya medyo kinakabahan ako. Nang magbukas ang elevator ay agad siyang naglakad habang ako nama'y sinusundan lang siya. Nakita ko ang mga kaibigan ko sa malayo habang naliligo sa dagat. Gusto ko sanang magpaalam muna sa kanila pero dahil patuloy lang sa paglalakad si Enzo ay wala na akong nagawa kung di sumunod nalang sa kanya. Lumabas siya ng exit ng resort kaya agad rin akong lumabas. Ang bilis maglakad ng taong 'to. Ano bang meron?
"Manong sa Barangay San Teresa po." pagtawag ni Enzo sa isang tricycle driver.
San Teresa? Saan 'yon at ano namang gagawin namin doon?
"Teka, saan ba talaga tayo pupunta pare?" tanong kong muli pero hindi niya pinansin 'yon.
"Sumakay ka." sabi niya kaya sumakay nalang ako sa loob ng tricycle bago siya pumasok, katabi ko.
Tiningnan ko lang siya. Ayoko na magtanong pa dahil mukhang hindi rin naman niya sasagutin 'yon hangga't wala pa kami sa lugar na sinasabi niya. Sa itsura niya ngayon? Mukhang seryosong-seryoso siya sa kung ano man ang iniisip niya. Muntik na nga akong malunod, ang lalim kasi.
Maya-maya pa ay tumigil na amg tricycle sa isang basketball court na puro mga bata lang ang naglalaro. Binayaran na niya yung driver bago kami bumaba at nagpatuloy na sa paglalakad. Anong ginagawa namin sa lugar na 'to?
Sa unahan ng pinaghintuan ng tricycle ay nakalagay ang karatulang 'Welcome to Barangay San Teresa' na nakasulat gamit ang chalk. Tiningnan ko ang paligid, isang malawak na basketball court at ilang mga bata lang ang nakikita kong nandun. Maraming mga puno at mga garden sa lugar na 'to, sa tingin ko nasa plaza kami ng Barangay na 'to. Anong kailangan dito ni Enzo?
Nagpatuloy lang kami sa paglalakad habang hindi umiimik itong si Enzo. Maya-maya ay natigilan siya sa di ko malamang dahilan. May tinitingnan siya sa malayo kaya agad kong sinipat kung ano iyon. Nakatingin siya sa parang palaruan ng mga bata na malayo sa kinatatayuan naming dalawa. Wala namang meron doon bukod sa mga batang naglalaro at dun sa dalawang parang magnobya na nakaupo sa dalawang swing.
Tama! Doon siya nakatingin sa dalawang taong nakaupo sa swing. Teka, huwag niyang sabihing? Ugh.
Unti-unti kong napagdugtong-dugtong ang lahat. Ang babaeng kasama nung lalake sa palaruan ay ang ex-girlfriend niyang si Janna? Kaya kami pumunta dito dahil taga-dito nga pala sa Palawan ang dating nobya niya at pupuntahan niya sana ito? Kuha ko na! Bakit ba hindi ko agad naisip 'yon?
Pumasok kami sa isang tila maliit na gymnasium malapit sa palaruan at umupo sa pwestong kitang-kita yung mga taong nandoon. Nang makaupo na kami ay titig na titig si Enzo doon sa dalawa. Yung titig niya na parang may galit at poot? Agad ko siyang tinanong para magkaroon ng kalinawan at katotohanan yung mga nasa isip ko.
"Siya ba 'yon?"
"Oo, siya nga. Si Janna." mahinang sagot niya habang nakatitig pa rin sa mga taong nasa palaruan.
Tiningnan kong mabuti 'yung babaeng tinutukoy niya at maganda ito. Parang model yung itsura niya ngunit pinay na pinay. Siya pala si Janna, yung babaeng mahal niya. Kaya lang, may kasamang iba eh. Mukhang nobyo niya yata. Ang sweet kasi nila, eh. May pahawak-hawak pa ng kamay habang nagswi-swing at mukhang masaya sila pareho. Tinitigan ko lang si Enzo. Alam kong masakit para sa kanya na makita 'yon kaya hinaplos ko yung likod niya para makisimpatya sa nararamdaman niya. Pero bakit pa kami pumunta dito? Kung alam naman niyang ito yung maabutan namin? Ang gulo rin ng taong 'to, eh.
"Pare, anong plano mo? Bubugbugin ba natin yung lalake? Gwapo rin, eh. Gusto mo basagin natin yung mukha?" tanong ko sa kanya.
"Huwag na. Hindi tayo pumunta dito para makipag-away, pare." sagot niya na hindi ko masyadong na-gets.
"Eh, bakit pa tayo pumunta dito?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
"Hindi ako pumunta dito para makipagbasagan ng ulo. Pumunta ako dito para sabihin sa kanyang hindi ko na siya guguluhin kahit kailan at aalis na ako papuntang Paris. Kahit masakit, pakakawalan ko na siya." malungkot na sabi niya at muling binalingan ng tingin yung dalawa.
Nang marinig ko 'yon mula sa kanya ay mas lalong tumaas yung respeto ko sa kanya bilang tao. Kakikilala ko pa lang sa kanya pero pakiramdam ko, mabuti siyang tao. Kasi kahit nasasaktan na siya, handa siyang magparaya para sa taong mahal niya.
"Kaya mo ba ba?" tanong ko sa kanya.
"Masakit pero kailangan, eh. Kasi kung hindi ko gagawin? Mas lalo akong masasaktan. At ikaw na rin naman ang magsabi sa'kin, diba? Kaya ko." tugon niya at binigyan ako ng isang ngiti na hindi ko alam kung masaya o malungkot.
Sinabi ko nga pala sa kanya 'yon, kagabi? Oo nga pala, yung pag-uusap namin kagabi. Sinunod niya. Kahit isa lang yung payo na tawagin na nating 'An Amatuer Advice', nakinig pa rin siya. Natuwa naman ako na kahit hindi ako ganun kagaling o kahusay sa pagbibigay ng payo sa isang tao, nakakatulong rin pala 'yon sa ibang tao para i-motivate sila? Astig.
"May tiwala naman ako sa'yo, pare eh. Basta kahit anong maging desisyon mo nandito lang kami, nandito lang ako." sambit ko sabay tapik ng balikat niya.
"Salamat, Rylan ha? Salamat sa pagmo-motivate sa'kin." nakangiting sagot niya.
"Ano ka ba? Diba sabi ko sa'yo, kaibigan mo na ako ngayon? Kaya kahit ano pa 'yan. Kung makakatulong sa'yo, gagawin ko." sagot ko at ginantihan ko rin siya ng ngiti.
"Alam mo, tama ka at tama sila Renz. Kailangan ko nang mag-move on kahit paunti-unti. Hangga't maaga, kailangan ko nang tapusin 'tong nararamdaman ko sa kanya." tugon niya pa.
"Ano pang hinihintay natin? Lapitan mo na, sabihin mo na yung mga gusto mong sabihin sa kanya. Nasa likod mo lang ako." nakangiting sabi ko at di rin nagtagal ay tumayo na siya.
Mabagal siyang naglakad papunta doon sa palaruan kung nasaan si Janna kasama yung lalakeng katabi niya. Ako nama'y nasa likod lang nitong si Enzo habang sinusundan ang bawat hakbang niya. Nang malapit na kami sa kanila ay napansin agad kami noong lalake na agad tumayo sa pagkakaupo para harangan kami.
"Anong ginagawa mo dito, ha? Manggugulo ka na naman sa'min ni Janna? Pwes ako na mismo yung nagsasabi ko, hindi mo na kami masisira." banta nung lalakeng ang lakas makasigaw sa harap ni Enzo.
Sasabat sana ako para sumbatan 'tong bisugong 'to kaya lang ay nagsalita agad si Janna.
"Bakit ka na naman ba nandito Enzo? Diba sabi ko sa'yo, tapos na tayo? Ano pa ba'ng gusto mo?!" eksaheradong sabi ni Janna habang nasa likod nitong bisugong nobyo niya.
"Hindi ako pumunta dito para manggulo. Gust---" hindi pa tapos si Enzo magsalita ay agad namang nagsalita yung lalake sa harap niya.
"Hindi ka pumunta dito para manggulo? Bakit nandito ka? Para pilitin si Janna na sumama sa'yo? Hoy, pare! Alam nating hindi ka na niya mahal at ako na ang mahal niya! Kaya pwede ba? Umalis ka nalang!" maangas na sabi nito na animo'y naghahamon ng suntukan. Aba sumosobra na ang bisugong 'to, ah? Tarantado pala 'to, eh?!
Tiningnan ko lang si Enzo na nakayuko at hindi makapagsalita. Alam kong mahirap para sa kanya 'to kaya bago pa ulit magsalita at maupakan ko itong lalakeng nasa harap ko ay agad ko na siyang inunahan magsalita.
"Pare, hindi ikaw ang pinunta namin dito! Kaya pwede ba? Tumahimik ka dyan! Kung ayaw mong samain ka sa'kin." banta ko sa kanya na medyo napaatras dahil sa sinabi ko.
Mas malaki naman ang pangangatawan ko kesa sa kanya na ihipan lang ng hangin ay matatangay na. Kaya dapat lang na matakot siya.
"Bakit? Sino ka ba? Huwag mong sabihing gusto mo rin ang girlfriend ko?!" sagot niya na hindi ko nagustuhan.
Bibira pa sana ako ng sasabihin sa kanya pero pinigilan ako ni Enzo. Oo nga pala, hindi siya pumunta dito para makipag-away. Kaya sinabi ko nalang kung ano yung kailangan namin kaya kami pumunta dito.
"Rylan, kaibigan niya. Pumunta kami dito hindi para makipag-away. Pumunta siya dito para kausapin ng maayos si Janna. Para magpaalam sa kanya." sambit ko.
"Okay lang, Ron. Hayaan mo silang makapagsalita." sabi ni Janna dun sa lalakeng ang sarap lunurin sa dagat.
Pagkasabi niyang 'yon ay umatras agad yung nobyo niya at lumapit si Janna kay Enzo. Ako nama'y umatras rin to give them space para makapag-usap sila. Tama lang yung layo ko sa kanila para marinig yung pag-uusapan nila. Nakatingin ako dun sa bagong nobya ni Janna, gwapo rin 'to kaya lang medyo payat pa kumpara sa katawan ni Enzo. Ang sama ng tingin niya kay Enzo habang nag-uusap sila ni Janna. Kulang nalang mag-ala wolverine siya at sugurin si Enzo doon, eh. Napansin niya akong nakatingin sa kanya kaya agad siyang tumingin sa'kin ng masama. Ano'ng problema ng isang 'to? Kung makatingin akala mo'y may galit sa'kin. Inaano ko ba siya? Palibhasa kasi mas gwapo at maganda yung pangangatawan ko sa kanya, insecure. Konti nalang talaga, sasamain na 'to sa'kin eh.
Maya-maya pa ay napukaw ang atensyon ko sa pag-uusap nila Enzo at Janna. Pinakinggan ko nalang mabuti kung ano yung pinag-uusapan nila. Hindi naman masyadong maingay dito sa palaruan dahil wala namang masyadong mga batang naglalaro kaya dinig ko yung mga boses nila.
"Alam kong hindi mo na ako mahal at hindi ako pumunta dito para ipagpilitan sa'yo 'yon. Pumunta ako dito para sabihin sa'yong hindi na kita guguluhin. Hindi na kita kukulitin kahit kailan. Aalis na ko 2 weeks from now. Magpapaalam na ako sa'yo. I'll let you go." medyo emosyunal na sambit ni Enzo.
"Yun lang ba? Hindi mo naman kailangan sabihin pa 'yan sa'kin, eh. Wala nang tayo, Enzo. You don't need to say goodbye. Gawin mo kung ano yung gusto mo." tugon ni Janna at tumalikod na kay Enzo.
Pagkatapos noon ay umalis na yung dalawa. Naiwan si Enzo na nakatayo doon sa pwesto niya at tila malungkot na naman. Agad ko naman siyang nilapitan para kamustahij ang naging usapan nila kahit ang totoo, narinig ko lahat.
"Musta, pare? Ayos ka lang ba?" tanong ko habang tinatapik yung balikat niya.
"Oo, ayos lang ako. Nasabi ko na yung gusto kong sabihin sa kanya. Okay na siguro 'yon." medyo nakangiting sagot niya.
"Tama lang 'yong ginawa mo. Ginawa mo lang yung sa tingin mong tama." sabi ko sabay ganti rin sa kanya ng ngiti.
Ngumiti lang siya sakin bilang sagot. Ilang saglit pa ay nagyaya na siyang bumalik sa resort. Nang makarating kami sa resort ay nakasalubong namin sila Luna at Kate.
"Oh, Rylan at Enzo? Saan kayo galing?" gulat na tanong ni Kate sa'min.
"Kanina pa namin kayo hinahanap. Saan ba kayo nagpunta?" tanong pa ni Luna.
Nagkatinginan lang kami ni Enzo at hindi alam ang isasagot sa tanong nila. Paano ba 'to? Marami akong kwentong dapat ikwento sa kanila. Mukhang mahaba-habang kwentuhan 'to, ah?