Tumayo na agad ako sa higaan ko at aktong di-deretso na ng banyo.
"Ah, Rylan?" tawag ni Enzo kung kaya't natigilan ako.
"Bakit na naman?" tanong ko.
"Thank you for everything." sambit niya at tila naging seryoso ang mukha.
"Thank you? Saan?" tanong ko pa.
"Sa lahat ng naitulong mo sa'kin para kalimutan si---" paghinto niya matapos mapansing mababanggit niya na naman si Janna. "Basta, salamat lang dahil nandyan ka palagi." sabi niya pa.
"Akala ko babanggitin mo na naman yung pangalan niya, eh. Magjo-joke ka na naman sana, haha. Kung ang ikina-papasalamat mo ay yung pagmo-motivate ko sa'yo para magmove on, wala 'yon. Halos wala nga akong naitulong, eh." sagot ko.
"Malaki kaya ang naitulong mo sa'kin, sobrang laki. You're a good friend." nakangiting tugon niya.
"Oo na, sige na. Kung 'yan yung makakapagpasaya sa'yo. Pero diba may pupuntahan pa tayo? Kailangan ko munang maligo." sambit ko.
"Sige, hintayin nalang kita sa labas." tugon niya at lumabas na ng kwarto ko.
Ako nama'y pumasok na sa loob ng banyo dahil gustong-gusto ko na talagang maligo. Habang naliligo ay iniisip ko pa rin yung mga pinagsasabi ni Enzo kanina. Hindi naman niya kailangang magpasalamat pa sa'kin dahil lang sa naitulong ko sa kanya. Ang tanong, nakatulong ba? At the end of the day, siya pa rin naman yung makakatulong sa sarili niyang maka-move on eh. Desisyon niya pa rin talaga yung susundin niya, hindi ang payo ng ibang tao sa kanya. Hay, ang drama ng taong yun grabe.
Matapos kong maligo ay agad akong nagbihis na. Talagang namiss kong pumorma kahapon dahil may sakit ako kaya kailangan kong bumawi. Nagsuot ako ng isang plain white v-neck shirt at isang maong pants. Sinuot ko rin ang dala kong sapatos na hindi ko pa nagagamit. Wala lang, trip ko lang suotin ngayon. Ewan ko pero pakiramdam ko? Magiging maayos ang lahat ngayong araw. Ikaw na bahala, Lord!
Nang makapagbihis at makapag-ayos na ako ng aking sarili, ay lumabas na rin ako ng aking kwarto para puntahan sila sa baba. Naabutan ko silang lima na nakatambay sa lilim ng puno ng niyog, na tinambayan namin dati ni Enzo. Nang makita nila ako ay agad nila akong sinalubong ng isang yakap, na tila masayang-masaya sila. Teka? Anong meron? National Hugs Day ba ngayon? Lols.
"We're so glad na okay ka na Rylieee!!!!" pasigaw na bati ni Kate habang yakap-yakap nila ako.
"Oo nga, Rylan. Mabuti naman at okay ka na. Makakapagbonding na tayo!" sambit pa ni Luna.
"Ahm, masaya rin ako guys. Kaya lang, nasasakal ako sa mga yakap niyo. Hindi ako makahinga." biro ko sa kanila.
"At dahil dyan, we're going to celebrate! Yahooo!" sigaw ni Renz na kumawala sa pag-akbay sa'kin.
"Agree ako dyan, pare! Lasingan time mamaya! Haha!" dagdag pa ni Vin.
"Sige, mamaya gawin natin 'yan. Pero ngayon, may pupuntahan kami ni Enzo, eh." tugon ko sa kanila.
"Saan naman?" tanong ni Luna.
"Usapang lalake lang, eh." nakangiting sambit ni Enzo mula sa gilid ko.
"Wow naman, baka mangchi-chix lang kayong dalawa ha?!" biro pa ni Kate.
"Chix? Sama kami, pre." sabik na sambit ni Renz matapos marinig ang salitang 'yon.
"Sira! Hindi kami mangchi-chix, noh. May pupuntahan lang daw kami neto." paliwanag ko pa.
"Eh, saan nga? Nakaka-curious naman." naka-pout na daing ni Kate.
"Hindi ko pa alam, eh. Hindi pa sa'kin sinasabi ni Enzo. Secret daw." sambit ko sabay tingin kay Enzo na nakangiti sa tabi ko.
"Okay, fine. Bahala na kayo. Basta kung saan man ang punta niyo, mag-iingat kayo ha? Lalo ka na, Rylan. Kagagaling mo lang sa sakit." bilin ni Luna.
"Oo nga pare, mag-ingat kayo. At kung sakaling may chix kayo, dalhin niyo rin dito. Share-share! Hahaha!" hirit pa ni Renz.
"Puro ka talaga chix!" sambit bi Kate na binatukan pa si Renz. "Tayo na nga sa hotel guys!"
"Eto naman, biro lang eh." sabi ni Renz at naglakad na sila palayo.
"Mag-iingat kami, pangako!" pahabol pa ni Enzo sa kanila bago sila makalayo.
Matapos silang makaalis ay tiningnan ko si Enzo kung anong plano niya. Tinitingnan niya lang yung paligid at tila nag-iisip.
"Pare, ano na? Saan na tayo ngayon?" tanong ko sa kanya.
"Sandali nalang, may hinihintay pa tayo." nakangiting tugon niya at tumingin muli sa malayo.
Hindi naman na ako nagsalita matapos syang sumagot. Hinihintay? Sino naman? Wala akong ideya sa gustong gawin ng taong 'to. Bakit ba kasi napaka-masikreto niya? Ugh.
Maya-maya pa ay may lumapit sa'ming isang lalakeng sa tingin ko ay taga-dito rin sa Palawan at sa tantiya ko'y nasa edad 50's na.
"Sir, nandito na po yung hinihiram niyong bangka. Ayon po, oh." sabi nito habang tinuturo yung medyo maliit na bangka sa di kalayuan.
"Sige, eto yung bayad oh. Salamat." sagot naman ni Enzo habang naglalabas sa wallet niya ng dalawang libo.
"Salamat po, sir. Sige ho." sabi naman niya at umalis na rin.
Bangka? Para saan? Medyo nagtaka tuloy ako sa mga plano nitong si Enzo? Anong meron sa bangka? May balak ba siyang mangisda? Teka, huwag niyang sabihing...
"Anong gagawin mo sa bangka?" tanong ko.
"Naalala mo yung araw na hindi tayo nakasama sa tour dito sa buong resort?" tanong naman niya.
"Oo, anong meron?" tanong ko pa.
"Dahil hindi tayo nakasama noon, ngayon natin gagawin 'yon." nakangiting sambit niya.
Bago pa ako makapag-react ay agad niya akong hinila papunta sa bangka.
"Sigurado ka ba dito?" tanong ko sa kanya bago sumampa ng bangka.
"Oo naman. Bakit? May problema ba?" tanong niya.
"Baka kasi mamaya, maligaw tayo at hindi na makabalik. Tapos tayong dalawa lang." nag-aalinlangang sabi ko.
"Hindi 'yan. Huwag kang mag-alala, kasama mo naman ako." nakangiting sambit niya na nagpakabog na naman ng dibdib ko. Shet.
Eto na naman tayo, eh. Kaya ayokong kasama 'tong si Enzo, eh. Palagi niya nalang pinabibilis yung t***k ng puso ko. Asar.
"Siguraduhin mo lang, pare ha?" paninigurado ko pa.
"Oo, akong bahala." nakangiting tugon niya. "Tara na?"
Sumampa na ako sa bangka at si Enzo nama'y ganun din. Agad naman iyong itinulak papunta sa tubig nung mga lalakeng nasa likod namin. Nang nasa tubig na kami ay kinuha na ni Enzo yung dalawang sagwan. Kinuha ko naman yung isa para tulungan siyang magsagwan. Palayo kami ng palayo sa resort at tila parang maliliit lang yung mga tao roon kung titingnan sa malayo. Nagkwentuhan lang kami ni Enzo habang patuloy na nililibot ang paligid. Ang ganda nitong buong isla, parang paraiso. Maraming mga ibon, malinis yung tubig at pati yung mga isda, makikita mo ng malinaw.
"Ang ganda, noh?" sambit ni Enzo.
"Sobra. Gusto ko kapag kinasal ako? Gusto ko dito." nakangiting sabi ko habang tinitingnan yung paligid.
"Kasal? May plano ka palang mag-asawa, noh? Haha." tugon niya.
"Oo naman, anong palagay mo sa'kin? May planong maging matandang binata? Tss." inis na sagot ko.
"Ikaw nagsabi niyan, hahaha. Pero teka? Kailan ka ba magbabalak mag-girlfriend? Tanda mo na, oh." natatawang tanong niya sa'kin na ikinainis ko.
"Sobra ka pare, ha? Mas matanda ka naman sa'kin ng isang taon!" banat ko sa kanya.
"Atleast ako, nagka-love life!" kompyansang sambit niya.
"Pero brokenhearted?" pang-aasar ko sa kanya.
Nang marinig niya 'yon ay bigla siyang sumimangot at tila naging seryoso na naman ang mukha. Teka, may nasabi na naman ba akong mali? Ugh.
"Uy, okay ka lang?" tanong ko ng hindi pa rin siya umiimik.
"Okay lang, umarte lang ako na kunwari malungkot. Tinitingnan ko lang kung anong magiging reaction mo, hahaha!" natatawang sambit niya.
"Sira ulo ka talaga, e noh?! Akala ko, dumadrama ka na naman!" sambit ko at sinuntok yung braso niya.
"Pero seryoso, may sasabihin ako sa'yo." seryosong sabi niya.
"Ano na naman 'yon?" tanong ko.
"Ilang araw din akong nag-isip isip. At napagtanto kong, tama ka nga. Marami pang tao akong makikilala at hindi lang siya. Unti-unting nawala yung sakit na nararamdaman ko, simula noong nakilala kita at dahil tinulungan mo 'ko. Eto ako ngayon, pakiramdam ko mas minahal ko yung bagong ako." litanya niya habang seryosong nakatingin sa'kin.
Hindi ko alam kung ano yung pinagsasabi niya. Nagpapasalamat siya sa'kin dahil sa mga naitulong ko? Eh, halos wala naman akong naitulong sa kanya. Kahit sino naman kayang magbigay ng payo para ma-motivate siya. Hindi ko lang alam kung bakit napaka-seryoso niya ngayon.
"Wala 'yon. Halos wala naman akong naitulong sa'yo, eh. Sinabi ko lang kung ano yung sa tingin kong tama at ginawa mo lang yung sa tingin mong magpapasaya sa 'yo. Ikaw ang may gawa ng bagong ikaw. Ikaw yung nagpabago sa sarili mo, hindi ako. Sumuporta lang ako." nakangiting tugon ko sa kanya.
"Hindi Rylan. Ikaw yung dahilan kung bakit ganito ako ngayon, na masaya lang at walang iniisip na problema. Dahil sa'yo lahat 'yon." tiningnan niya ako ng mata sa mata at sobrang seryoso.
Nagulat naman ako sa sinabi niya kahit hindi ko na siya masyadong naiintindihan. Bakit ganun nalang siya makatingin? Pakiramdam ko tuloy, bumibilis na naman yung takbo ng puso ko. Sobrang seryoso niya at ako nama'y hindi alam ang sasabihin ko. Ano ba 'tong nararamdaman ko? Sumisikip na naman yung dibdib ko dahil sa kanya, eh.
"Oo na, ako na yung dahilan. Kung 'yan yung gusto mo. So, ibig sabihin ba niyan naka-move on ka na sa kanya?" tanong ko.
"Oo." nakangiting sagot niya at tila sinsero sa sinabi niya.
Naka-move on na raw siya? Ibig sabihin ba nun, okay na siya? Hindi ko na siya tinanong dahil sa mata palang niya, alam ko na yung sagot. Sa nakikita ko sa kanya, mukhang hindi na siya nasasaktan o nalulungkot kapag pinag-uusapan namin si Janna. Sana lang talaga at totoong naka-move on na siya. Hindi ko alam kung bakit sobrang gaan na ng loob ko sa kanya nitong mga nakaraang araw. Noong una, akala ko normal lang 'to dahil masaya lang siguro ako na kaibigan ko na siya. Akala ko ganun lang, pero hindi pala.
Alam kong isa 'tong malaking kabaklaan pero sa tingin ko? Gusto ko na siya. In love na ako sa kanya. Ugh.