Chapter One
"IKAW! IKAW ang may kasalanan kung bakit nawala ang Daddy mo! It's all your fault! Get out! Get out!"
Nagpabaling-baling ng ulo si Myca. Butil-butil ang pawis niya sa noo.
"Mommy!" sigaw niya sabay balikwas ng bangon.
Nakahinga siya ng maluwag nang mapansin na naroon pa rin siya sa silid niya. Panaginip lang pala ang lahat. Panaginip na ilang araw nang gumugulo sa kanyang pagtulog.
Naisubsob niya ang mukha sa mga palad. Saka tahimik na umiyak. Hanggang kailan ba ididikdik sa utak niya ang pangyayaring hindi rin naman niya ginusto? Hanggang kailan ba siya pahihirapan ng nakaraan?
Huminga siya ng malalim. Saka pinunasan ang mga luha. Walang mangyayari kung iiyak siya ng iiyak. Tumayo siya ng kama, saka tumayo sa may bintana. Bahagya niyang hinawi ang kurtina. Maliwanag na sa labas. Nang sulyapan niya ang maliit na orasan sa bedside table, alas-sais na ng umaga. Maaga pa nga kung tutuusin, dahil alas-nuwebe ang open ng boutique ni Chacha kung saan siya ang nagbabantay.
Alam ni Myca na hindi naman na rin siya makakatulog. Gugugulin na lang niya ang oras sa paglilinis ng bahay at pagluluto ng almusal.
Saglit siyang umupo sa gilid ng kama, at pumikit. Saka umusal ng aikling panalangin ng pasasalamat sa Diyos para sa panibagong araw na ito sa kanyang buhay.
Agad niyang inayos ang kamang hinigaan saka lumabas ng kuwarto niya. Dumiretso siya sa kusina saka nagluto ng tocino. Habang nagluluto ng sinangag, biglang tumunog ang doorbell.
"Sino naman kaya ito? Ang aga pa ah."
Agad niyang tinungo ang front door upang sinuhin ang tao. Kumunot ang noo niya nang makitang nakatayo doon sina Allie, Madi, Panyang, Chacha at Abby.
"Magandang Umaga!" sabay-sabay na bati ng mga ito.
Sumulyap siya sa wallclock. Mag-aalas siyete pa lang ng umaga. Bakit narito na ang mga ito?
"Ang aga n'yo yata? Wala ba kayong mga trabaho?" bungad niya sa mga ito. Saka pinagbuksan ang mga ito ng gate.
"Hija, dalawang araw bang advance ang tulog mo? For your information, today is Sunday." Sagot ni Panyang. Saka dumiretso ang mga ito sa loob ng bahay.
Nasapo niya ang noo. "Oo nga pala." usal niya. Masyado siyang na-occupied ng panaginip niya.
"Ano bang nangyayari sa'yo?" nag-aalalang tanong ni Abby.
"Wala. Ayos lang ako." sagot niya. Nang tingnan niya ang kaibigan. Mataman itong nakamasid sa kanya. Patunay na hindi ito kumbinsido sa sagot niya.
"Hmm... Ang bango naman!" sabi ni Panyang pagpasok nito ng kusina.
Inangat nito ang takip ng kawali. "Wow! Tocino! Pakain naman!"
"Ano 'yan? Ikaw lang? Kami rin!" protesta ni Madi.
Sinugod ng mga ito ang kusina. Kaya nakigulo na rin siya. Mabuti na lang at luto na rin ang sinangag. "Hoy teka, ako ang may-ari ng bahay na ito. Buntis pa ako. Dapat ako ang paunahin n'yo!" singit naman ni Chacha.
"Ang gulo n'yo naman eh!" reklamo niya.
"Kulang itong niluto mo, dapat dinamihan mo!" sabi pa ni Allie.
"Malay ko ba naman dito kayo kakain."
Habang abala sa pagkain muli na naman tumunog ang doorbell. "Delivery po!" sigaw ng tao sa may gate.
Kilala niya ang babaeng may dala ng dalawang paper bag. Mayet ang pangalan nito at nagta-trabaho sa Rio's.
"Wala naman ako pina-deliver ah." Sabi niya dito.
"Para po sa inyo ito. Delivery from Sir Ken."
Gustong tumirik ng mata niya. "Hay naku naman talaga oh!"
"Pakiba—"
"Huwag! Sayang 'yan!" sansala ni Abby sa sinasabi niya. Ito pa ang kumuha ng dalawang paper bag.
"Sige, thank you!" ani Abby. Hinawakan siya nito sa pulsuhan saka siya hinila pabalik sa loob ng bahay. "Girl, huwag mong tatanggihan ang grasya." Sabi pa nito.
"On the count of three, magri-ring ang phone mo. One, two, three..." sabi ni Panyang. At nag-ring nga ang cellphone niya.
Tinatamad na sinagot niya 'yon. Dahil alam na niya kung sino iyon.
Ang makulit at masugid niyang manliligaw na isa sa miyembro ng Tanangco Boys. Si Ken.
"Hello,"
"Hi My Barbie, Good Morning!"
"Bakit ka pa nagpadala ng breakfast? Ilang beses ko na bang sinabi sa'yo na huwag ka ng magpadala ng pagkain sa akin. Kaya ko naman magluto eh."
"Ah... so, natanggap mo na pala. No, ayoko nang nahihirapan ka."
"Ken, puwede ba? Ang aga aga eh." Nakukunsuming sabi niya dito.
"Barbie ko, mainit yata ang ulo mo ngayon? Sige na nga, I won't bother you for now. Enjoy your meal! Bye!"
"Ken, wait!"
Ngunit nawala na ito sa kabilang linya.
"I told you," ani Panyang.
"Ang kulit naman talaga!" naiinis niyang wika, matapos pindutin ang end call button.
"Ano bang ayaw mo kay Doctor Ken?" curious na tanong ni Madi.
"Makulit. Sunod ng sunod."
"Hala ka, ikaw rin. Baka mamaya, magsawa 'yan dahil diyan sa kasungitan mo. I'm sure mami-miss mo siya. Hahanap-hanapin mo ang presensiya niya." Ani Panyang.
"Malabong mangyari 'yon." Sagot niya.
"Huwag kang magsalita ng tapos." Ani naman ni Abby.
"Hay naku, kumain na lang nga tayo. At tigilan na lang natin ang pag-uusap tungkol diyan sa Ken na 'yan."
Wala nang kumibo pa sa mga ito. Mabuti naman kung ganoon. Natutulig na kasi ang tenga niya sa kakarinig ng pangalan ng makulit na iyon. Ilang beses na ba niyang sinabihan ito na hindi siya interesado na magpaligaw. Marami na siyang problema ngayon, kung magbo-boyfriend pa siya. Isa pa iyon sa iisipin niya. Lalo na kung si Ken din lang, huwag na. Kukunsumihin lang siya nito. Alam naman niya na pinagti-tripan lang siya nito. Palibhasa'y bago lang siya sa lugar na iyon.
Bigla ay umukilkil na naman sa isip niya ang panaginip niya. Hanggang ngayon ay hinahabol pa rin siya ng konsensiya niya. Halos isang buwan na rin simula ng dumating siya doon sa Tanangco. Pero ang nakaraan ay animo kahapon lang nangyari.
Tatlong buwan na halos ang nakakalipas simula nang mangyari ang aksidenteng kinasangkutan niya at ng kanyang Ama. Nagsisimula pa lamang siya noon matutong magmaneho, at dahil bagong bili ng Daddy niya ang sasakyan. Naging excited siya na i-test drive ang kotse. Pinigilan sila ng Mommy niya na i-drive niya ang kotse, ngunit nagpumilit pa rin siya.
Nasa highway na sila noon nang bigla siyang mawalan ng control sa kotse. Hanggang sa hindi na niya namalayan ang kasalubong nilang ten wheeler truck. Huli na para iiwas niya ang kotse, sumalpok na sila sa unahang parte ng truck. At dahil hindi naka-seatblet ang Daddy niya. DOA or Dead on Arrival ito sa ospital. Samantalang siya, bukod sa naka-seatblet na. Iniligtas pa ng Airbag ang buhay niya, kaya mabababaw na galos at sugat lang tinamo niya.
Ngunit ang malagim na pangyayaring iyon ang nagpabago ng magandang relasyon nila ng Mommy niya. Siya ang sinisi nito sa pagkamatay ng Daddy niya. Halos isumpa siya nito sa sobrang galit at pighati. Noong una ay kaya pa niyang tiisin ang lahat ng masasakit na salitang pinupukol nito sa kanya. Hanggang sa dumating na ito sa sukdulan, isang araw ay naabutan siya nito sa loob ng kusina. Nagtatawanan sila ni Manang Lita, ang kasama nila sa bahay. At ang pinag-uusapan nila ay ang Daddy niya. Inakala nito na binabastos niya ang sariling Ama. Kaya nagalit ito ng husto sa kanya.
Pinagbuhatan siya nito ng kamay at halos mabugbog siya ng tuluyan. Binuhos nito ang lahat ng galit sa kanya. Kung hindi pa dumating ang Kuya Martin niya, malamang nakalibing na rin siya sa tabi ng puntod ng Ama.
Kung maaari lang sana, na siya na lang ang nawala sa mundo. Kaysa ganito na siya nga ang nabuhay, pero daig pa niya ang labis na pinatay.
"HOY! BAKIT ba kanina ka pa tulala diyan?" untag sa kanya ni Abby.
Napakurap siya saka umayos ng upo. Naroon sila ngayon sa loob ng boutique ni Chacha.
"Kanina ka pa wala sa sarili mo. Ano bang nangyayari sa'yo?" tanong ulit nito.
Umiling siya. "Wala."
"Ano bang wala? Balisa ka kaya kanina pa."
Bumuntong-hininga siya. "Napanagipan ko na naman si Mommy eh."
"Sabi na nga ba eh. Ano? Sinisisi ka pa rin n'ya?"
Tumango siya. "Lagi naman eh. Kahit sa panaginip, sinusundan pa rin niya ako."
"Myca, hayaan mo na muna ang Mommy mo. Pasasaan ba't mami-miss ka rin no'n. For now, just enjoy your stay here. Aminin mo man o hindi, alam kong alam mo na walang kasing saya dito sa lugar namin."
Napangiti siya, dahil totoo naman ang sinabi nito. Simula nang dalhin siya nito sa lugar na iyon. Kahit paano'y natahimik ang kalooban niya. Mas na-relax siya kahit na konti. Kahit na medyo makukulit ang mga tao doon, partikular na ang Tanangco Boys na naging kaibigan na rin niya. Masaya naman siya. Bigla ay sumagi sa isip niya si Ken.
Noong una'y ayaw niyang maniwala na Doctor ito. Dahil na rin sa kakulitan nito at madalas na pagiging isip bata, mas inakala pa niyang tambay lang ito. At aaminin niya na kahit na saksakan ito ng kulit, na-aappreciate niya ang mga ginagawa nito. Kahit na alam niyang hindi naman ito talaga seryoso sa panliligaw sa kanya.
"Ayan na naman, tulala ka na naman diyan." Narinig niyang sabi ni Abby.
Tumikhim siya. "Pasensiya ka na, ha? Alam mo naman 'di ba?"
"Okay lang 'yon. Eh teka, maitanong ko lang. Kailan mo naman balak na umuwi? O kahit dalawin man ang Mommy mo?"
Nagkibit-balikat lang siya. "Hindi ko pa alam. Hindi na muna siguro ngayon. I'm not yet ready."
Tumango lang ang kaibigan niya.
"Delivery!" sigaw ni Panyang pagpasok nito sa boutique.
"Ay... ang sweet naman ni Victor!" aniya na ang tinutukoy ay ang bestfriend at ngayon nga ay nobyo na nito.
"Hep! Mali! This beautiful flowers are for you, my dear!" sabi ni Panyang.
Automatic na napasimangot siya. Hindi na niya kailangan pang hulaan pa kung kanino nanggaling ang mga iyon. Nasisiguro niyang si Ken ang nagpadala niyon.
"Ang kulit naman talaga ng isang 'yon. Ano bang gusto niyang gawin sa bahay ni Miss Chacha?"
"Maging second branch ng Hardin ni Panyang Flower Shop." Singit naman ng makulit na delivery girl.
"Tanggapin mo na lang kasi. Ikaw rin, baka mamaya kapag bigla niyang tinigilan ang pagpapadala sa'yo ng mga bulaklak. Hanap-hanapin mo 'yan." Ani Abby.
"Hindi mangyayari 'yon. Tsaka bakit ba ayaw niyang intindihin na ayaw ko sa kanya?"
"Kasi nga head over heels in love sa'yo 'yun. Ikaw lang ang ayaw maniwala eh." Si Panyang.
"Basta, alam kong hindi ako totoong gusto no'n. Maaaring na-challenge lang 'yun sa akin dahil bago lang ako sa lugar n'yo." Sagot niya.
"Eh kakulit naman nireng batang ire. Bahala ka na ngang kausapin 'yang kaibigan mo." Nakukunsuming wika ni Panyang kay Abby.
Nagkatawanan sila ni Abby. Kung hindi mo iinspeksiyunin ang kaliwang kamay ng babaeng 'yon. Hindi mo aakalain na may asawa na ito dahil sa kulit at daldal nito.
Bigla ay tumunog ang message alert tone ng cellphone niya. Galing kay Ken ang message.
Hi Barbie! Hope u like d flowers. Dey r as beautiful as u r...
In-erase niya agad ang message nito. Kung hindi siya nagkakamali, ito na yata ang panglimang bouquet na natatanggap niya sa loob lamang ng isang linggo. Buti nga nabawasan pa iyon. Noong bagong dating siya, halos three times a day siya kung makatanggap ng bulaklak dito. Kung hindi pa pinamahayan ng bubuyog ang bahay na tinutuluyan niya ay hindi ito titigil.
Ngunit nang matitigan niya ang ganda ng mga bulaklak. Agad na lumambot ang puso niya. Agad na napalis ang inis niya.
She'll always love flowers.
Naisipan niya i-text si Ken.
Tnx Ken! Take care...
She smiled after she sent her reply. Saka biglang sumingit sa isip niya ang imahe ni Ken. Aaminin niya, guwapo ito. His chinky eyes, para siyang nahihipnitismo kapag nakatitig siya sa mga iyon. Kaya't sinisikap niyang huwag salubungin ang mga tingin nito. That red lips, ano kaya ang pakiramdam kapag hinalikan siya nito? Ang matangos nitong ilong, she love to trace her finger on the contour of his nose. Hindi rin naman sila nagkakalayo ng kulay ng balat. Lamang, mas matangkad ito ng 'di hamak sa kanya. Sa tantiya niya, nasa five foot eight inches tall ito. At labis na ikinatutuwa niya ang kulot nitong buhok.
Saglit siyang nakaramdam ng pagkabog sa dibdib nang maisip niya ang mga ngiti nito.
"Uy! Napapangiti siya. Iniisip niya si Ken. May gusto ka na rin sa kanya, no?"
Natauhan siyang bigla nang bahagyang sundutin ni Abby ang tagiliran niya.
"Abby ha?" saway niya dito.
Agad nitong tinikom ang bibig, ngunit halatang pinipigilan nito ang matawa. Kung ano man ang kanina'y naramdaman niya. Ayaw na muna niyang alamin. Ang mas importante sa kanya ngayon ay ang makausad sa buhay niya at tuluyang makalimutan ang madilim na nakaraan.