Helena POV
Umaga pa lang, magulo na ang bahay.
Nag-aaway na naman ang kuya ko at ang asawa niya. Paulit-ulit na lang ang eksena, pero sa tuwing maririnig ko, parang bago pa rin ang sakit.
“Saan ka na naman kagabi?” sigaw ni Lena. “Inumaga ka na naman ng uwi! Hindi ka ba nahihiya? Nagawa mo pang uminom, eh wala ka na ngang trabaho. Mahiya ka naman kay Helena, siya na ang kumakayod para sa atin. Siya ang nagpapaaral sa mga anak mo!”
Tumahimik ang sala.
Napatingin sa akin ang kuya ko. Matalim. Mapanghusga.
“Dapat lang,” malamig niyang sabi. “Kesa kung saan-saan mapunta ang pera niyan. Sa kalandian niya.”
Parang may humampas sa dibdib ko.
Hindi na siya naghintay ng sagot. Tumalikod siya at pumasok sa kwarto, iniwan akong nakatayo roon, wasak, tahimik, at lunod sa mga salitang matagal ko nang kinikimkim.
Napakagat ako sa labi para pigilan ang luha.
Minsan, gusto ko na silang layasan. Iwan ang bahay na ito. Iwan ang mga taong paulit-ulit na sinusumbatan ako ng kasalanang matagal ko nang pinagsisihan.
Walong taon na ang lumipas, pero iyon pa rin ang bukambibig nila.
Ang relasyon ko kay Aries—isang lalaking may asawa at mga anak.
Dahil sa kahihiyan, inatake sa puso si Papa.
At kahit kailan, hindi na nila ako pinatawad.
Sa bahay na ito, ako ang bumubuhay,
pero ako rin ang laging may kasalanan.
Napatingin sa akin si Ate Lena. Kita ko sa mga mata niya ang awa, siya lang ang may malasakit sa akin. Siya pa ngang hindi ko kadugo.
“Pasensya ka na, Helena,” mahinahon niyang sabi. “Pagsasabihan ko na lang ang kuya mo.”
Tumango lamang ako. Wala na akong lakas para magsalita pa. Tahimik akong tumalikod, handa nang pumasok sa kwarto, dala ang bigat na matagal ko nang pasan.
Isa akong professor sa isang sikat na unibersidad, Brent University, kung saan karamihan sa mga estudyante ay mayayaman at may kaya sa buhay. English Literature ang tinuturo ko. Tatlumpu’t dalawang taong gulang na ako. Walang asawa. Walang anak. Ang tanging pamilya ko lang ay ang nag-iisa kong kuya—si Richard.
Lima ang anak nito.
Isa ang nasa kolehiyo.
Dalawa sa high school.
Dalawa sa elementarya.
At ang bunso—nasa kinder.
Sa totoo lang, halos ako na ang bumubuhay sa pamilya nila.
Nahinto sa pagtatrabaho si Ate Lena dahil sakitin ang bunso nilang si Joana. Ang kuya ko naman ay isang tricycle driver, ako pa ang bumili ng tricycle niya noon. Pero hindi rin siya nagtatagal sa trabaho. Laging nagre-resign. Laging may dahilan.
Kasama rin namin si Nanay, na nagtitinda ng karne sa palengke.
Ako naman, bukod sa pagiging guro, kung anong puwedeng pagkakitaan, ginagawa ko. Nagbebenta ako kung ano-ano. Kahit live selling ng mga undies, pinasok ko na rin. Wala akong arte pagdating sa paghahanapbuhay, basta marangal.
Sa isang masikip na bahay sa squatter area kami nakatira, sama-sama, magkakadikit, walang sariling espasyo.
Sa bahay na ito, ako ang provider.
Ako ang sumasalo.
Ako ang nagbubuhat.
Pero ako rin ang laging may kasalanan.
Pagdating ko sa Brent University, parang palaging may hangganang hindi ko tinatawid, isang linya sa pagitan ng mundong ginagalawan ko at ng mundong kinabibilangan ng mga estudyante ko.
Malawak ang campus. Malinis. Tahimik. May mga sasakyang mamahalin na isa-isang pumapasok sa parking lot—SUV, sports car, mga kotseng minsan ko lang makita sa billboard. Ang mga estudyante, maayos ang bihis, may hawak na kape na mas mahal pa sa kinikita ko sa isang araw ng live selling.
Naglakad ako sa pasilyo habang naririnig ang tawanan nila—mga usapang bakasyon sa ibang bansa, bagong bili na gadgets, at planong party sa weekend. Para sa kanila, normal lang ang ganitong buhay.
Para sa akin, panaginip.
Sa loob ng classroom, nakaupo sila sa malalambot na upuan, may laptops at tablets. May aircon na sapat para palamigin ang init ng mundo. Habang nagtuturo ako ng English Literature, mga tulang tungkol sa pag-ibig, sakripisyo, at pagkawala—napapangiti ako sa pait.
Ironiya ng buhay.
Tinuturo ko ang kagandahan ng mga salita, pero sa labas ng silid-aralan, ako mismo ay nabubuhay sa mga salitang paulit-ulit na sumasakit, wala kang kwenta, may kasalanan ka, may utang ka sa amin.
Kapag natapos ang klase, babalik ako sa masikip naming bahay. Sa ingay. Sa sumbat. Sa responsibilidad na hindi ko naman pinili pero hindi ko rin kayang talikuran.
Dito sa unibersidad, tinatawag nila akong Professor Helena, may respeto, may dignidad.
Pag-uwi ko sa bahay, ako lang si Helena, ang babaeng kailangang kumayod para mabuhay ang lahat.
At minsan, sa pagitan ng dalawang mundong iyon, tinatanong ko ang sarili ko:
Hanggang kailan ko pa kayang buhatin ang buhay na hindi naman sa akin nagsimula?
Pagpasok ko sa classroom, agad kong naramdaman ang pagbabago ng hangin. Tahimik sa simula, hanggang sa magsalubong ang mga mata namin ni Shean.
Nakasandal siya sa upuan, bahagyang nakangiti. Ang ngiting alam kong may kasunod na biro. Ang ngiting ilang beses ko nang sinubukang baliwalain.
“Good morning, class,” maayos kong bati.
“Good morning, Professor,” sabay-sabay nilang sagot.
Tinapik ko ang mesa at sinimulan ang lecture. “Our topic for today is poetry. How poets express longing, love, and loss through words.”
May mga umiling, may napangiti. Si Shean, nakataas ang kilay, tila may sariling mundo.
“Who wants to volunteer?” tanong ko, pilit na kalmado ang boses.
Agad niyang itinaas ang kamay.
“Sir—este, Ma’am,” nakangising sabi niya, sinadya. “Pwede po ako?”
May ilang nagtawanan. Napatingin ako sa kanya, babala ang tingin ko, pero imbes na umatras, lalo lang lumapad ang ngiti niya.
“Sige,” sagot ko. “Go ahead, Shean.”
Tumayo siya sa harap, hawak ang libro pero halos hindi tumitingin dito. Sa halip, diretso ang titig sa akin.
“Poetry,” panimula niya, “is when you find the right words for the person you can’t say them to.”
May bulungan sa klase. Uminit ang batok ko.
“Like when,” dagdag niya, bahagyang nakangisi, “you admire someone from afar… someone you’re not supposed to.”
May tumikhim. May humagikhik.
“Shean,” mahigpit kong saway, “stick to the text.”
Ngunit nagtagpo muli ang mga mata namin. May lambing. May hamon. At may kung anong pamilyar na kirot sa dibdib ko, isang pakiramdam na ayokong pangalanan.
“Opo, Ma’am,” sabi niya, pero halata ang biro. “Some poems are dangerous because they tell the truth.”
Naupo siya. Bumalik ang ingay sa klase. Ako naman, pilit inayos ang sarili, binalik ang atensyon sa lesson—pero alam kong may linya na namang bahagyang nabura.
Sa gitna ng mga taludtod at talinghaga, isang tanong ang paulit-ulit na umuukit sa isip ko:
Ako ba ang tinutukoy niya—
o isa lang akong tula na pinaglaruan?