25 ang mga umaga sa sharjah ANG sabi nila, kung gusto mong maramdaman ang pulso ng lunsod, sa kahit na anong panig ng mundo, hintayin mong magising ito mula sa pagkakahimbing. Doon mo makikita kung paano ito kumikislot, kung paano ito bumabangon, kung paano nito pinahahalagahan ang oras, kung paano nito linulustay ang oras. Tahimik ang lahat habang binabaybay ng company car ang Al- Whada. Alas siyete y medya na ng umaga at kanina pa hinagod ng bukangliwayway ang siyudad. Nakatambad na ang mga kuwadradong mga bahay, yari sa bato at simento. Payak ang itsura ng mga bahay, at ewan kung bakit naiisip niya ang mga nuno sa punso sa tindig at tabas ng mga iyon, bagamat hindi naman kurbado, pero kakulay ng lupa, kakulay ng buhangin. Marami sa mga yarda ng mga bahay na iyon ang masisinop kahi

