31 si vito “DALAWANG tao, lumulutang.” “Ano kamo?” “May nakita ka ano?” “Ha?” “Huwag mo nang ipagkaila, nakita ko ’yung mukha mo kanina.” Pagkaraan ng tatlong singsing ng usok, nagsalita muli si Vito. “Kumusta na’ng asawa mo?” “Nagtuturo pa rin.” “Inalagaan ko si Jo nu’ng maliit ’yan. Madalas siya sa bahay namin, palibhasa, kalaro niya si Greta.” “Nakuwento nga niya . . .” Ayaw ni Antoniong pahabain pa ang usapan kaya’t nagpanggap siyang naiirita sa mga langaw na dumarapo sa mesa. “Nakita ko rin ’yung nakita mo.” Tiningnan na ni Antonio ang matanda, napansin ang pagkibot ng balbas nito sa baba, parang sa kambing, habang nagsasalita. “Dalawang tao, lumulutang.” “Babae?” “Ewan. Basta, nung nakita ko ’yun sa stockroom, akala ko namamalikmata lang ako. Akala ko pagod lang. Dalaw

