“This call won’t take long, anak ha. Sandali lang—hello? Bakit ka tumawag? I’ll order my secretary to call your school if there’s anything that needs to be settled. Is there anything else you need?”
“Kinulang ba ang allowance mo? I’ll wire you a few thousands, okay? I’m in a meeting, I need to hang up. May kailangan ka pa ba?”
Magulang. Gusto sana niyang sabihin.
Ang matamis na ngiting nakapinta sa mukha ni Raizen magmula pa ng paggising ay tila napanis sa mga narinig. Sa bawat taon ng parehong araw, ito ang palagi niyang naririnig at inasahan na rin niya ito. Ngunit may parte sa kaniyang umaasang baka magmilagro ang langit, at maalala ng mga ito kung ano ang mayroon sa araw na iyon.
“Wala na po. Salamat, mag-iingat po kayo.” Pagkatapos na pagkatapos niyang banggitin ang huling salita ay tila otomatikong naputol ang linya.
Nakabibinging katahimikan ang bumalot sa apat na sulok ng bahay. Mag-isa na naman siya.
Isang mabigat na buntonghininga na lamang ang pinakawalan niya bago mapait na napangiti sa sarili. Pagkahugot ng posporo sa bulsa ay sinindihan niya ang kandila sa cake na naroon sa harap niya. Sandali siyang pumikit para banggitin sa isip ang hiling na taon-taon niyang hinihingi: Sana maalala ni Mommy at Daddy ang birthday ko next year.
“Happy birthday,” usal niya sa sarili bago hinipan ang kandila.
Umiikot lamang ang mundo niya para sa mga bagay na tingin niya’y makatutulong sa kaniya, upang kahit paano’y matapunan siya ng pagmamahal o kahit man lang pansin ng mga magulang.
“Congrats, Aiz! Humakot ka na naman ng medal sa recognition ah?”
“Napakasipag mong bata! Proud na proud siguro sa ‘yo ang parents mo.”
“May plano ka sigurong magtayo ng museum para sa mga trophies at medals mo ‘no?”
Maging top student? Tumakbo at maluklok bilang opisyal ng student’s government? Manalo sa mga competition? Mag-uwi ng mga medal at parangal? Taekwondo? Pati ang pagiging athlete ay pinatos niya. Madali lang ang mga iyon para kay Raizen. Ang mahirap ay ang manlimos ng approval mula sa mga magulang niyang may kani-kaniyang pinagkakaabalahang pamilya.
All his life, he feels like he owe something to the world. And every day is an atonement for a crime he didn’t even commit: being born as an illegitimate child.
Dahil kung wala siya, walang ebidensya ng pagtataksil. That’s why he has to live every day to prove that he’s well-deserve with his given life. Pero ayos lang iyon. Dahil mas matimbang ang pagmamahal niya sa mga magulang at handa siyang gawin ang lahat para lang ipagmalaki siya ng mga ito. Walang puwang para sa kaniya ang sumuko.
“Happy birthday, Aiz!”
Isang ngiti ang bumakas sa mga labi niya.
“Aina, anong ginagawa mo rito?” Kahit hindi lingunin ay kilala niya kung kaninong boses ang narinig.
Binalewala nito ang tanong niya at nag-umpisang kumanta. “Happy birthday to you… happy birthday to you!”
Natatawa, dahan-dahan niya itong nilingon. Agad tumambad sa kaniya ang hawak nitong maliit na cake na may nakasinding dalawang numerong kandila: One at eight.
“Happy birthday, dear Raizen… happy birthday to yaaa!” Humagikgik si Aina matapos hipan ng binata ang kandila.
“Nag-abala ka pa talaga.”
Pilya itong ngumisi. “Para ka namang bago nang bago, Aiz boy. Ako lang naman ang nagmamahal sa ‘yo.”
Napahalakhak na lamang siya nang kumindat ito nang may kasamang finger heart.
“Salamat!” Matapos kunin ang hawak nitong cake ay inabot niya ang tuktok ng ulo nito at ginulo ang buhok.
“Naalala ba nila?” Nang magpalitan ng tingin ang dalawa at manatiling tahimik si Raizen ay tila nakuha agad ng dalaga ang sagot sa tanong niya. Ang malaking ngiti niya’y mabilis naging bahaw.
“Ayos lang. Sunday ngayon kaya paniguradong abala ang mga ‘yon sa mga pamilya nila.” Inabala ni Raizen ang sarili sa pag-ayos ng hawak na cake para lang itago ang dismaya.
“Have I told you this before, Aiz? I hate your parents. They’re so unfair!”
Mapait na napangiti ang binata bago nagbuga ng hangin at nilingon ang kaibigan.
“Kada birthday ko ‘yan ang sinasabi mo.”
“Dahil kada birthday mo hindi ka nila naaalala!” mabilis na tugon nito, ang tensyon sa boses ay bakas.
Pabiro itong pinandilatan ni Raizen. “Ikaw ba ang anak at parang mas masama pa ang loob mo kaysa sa akin?”
Nanlambot ang ekspresyon ni Aina habang pinagmamasdan ang kababata. Eighteenth birthday nito ngayon ngunit sa paningin niya’y isa pa rin itong bata tulad ng unang beses nilang magkakilala—nang panahong namayao ang mga magulang niya at kinupkop siya ng lolo at lola niya.
Hindi niya maiwasang makaramdam ng panlulumo noon ngunit nang makilala niya ang binata at malamang mag-isa ito, dahil tila walang pakialam dito ang mga magulang, hindi niya maiwasang mamangha. Dahil ‘di tulad niya’y hindi ito kailanman umiyak o nagreklamo. Ngunit sa lahat ng tao, siya ang pinakanakakakilala rito at kahit itago ay ramdam niya ang lungkot nito ngayon. Nasasaktan man para sa kaibigan ay mas pinili niyang idaan sa biro ang pagdamay dito.
“Ang mga ibon… na lumilipad… ay mahal ng Diyos, ‘di kumukupas. ‘Wag ka nang malungkot…”
Unti-unting napangiti at kalaunan ay muling napahalakhak si Raizen sa biglang pagkanta muli nito.
Baliw talaga kahit kailan, Isip niya.
“Let’s have fun today, mah boy! Come with me!”
Walang ibang nagawa ang binata kundi ang magpatianod sa paghila sa kaniya ng kaibigan.
“Saan tayo pupunta?” Tamad niyang tinunghayan ito nang nakasakay na sila ng train.
Tanging pilyang ngisi lamang ang isinukli nito sa kaniya.
Natagpuan na lamang ni Raizen ang sariling nakatayo sa b****a ng isang amusement park makalipas ang ilang minutong byahe.
“Aina, ayos ka lang?” Hindi niya malaman sa sarili kung matatawa o mamamangha sa kaibigan.
Ano kami, bata?
“We’re here!” maligaya nitong bulalas bago hinila ang binata papasok sa loob.
Tuwang-tuwa si Aina at halos lahat ng rides na naroon ay nasakyan nila. Hindi nakatanggi si Raizen dahil kahit ‘di niya aminin ay gusto rin niyang masubukan iyon, noon pa mang bata siya. Gayunpama’y walang panahon ang mga magulang niya sa kaniya, sa ganito pa kaya?
Pagod na siya ngunit ang kaibigan ay tila hindi nauubusan ng enerhiya. Sa kasiyahan nito’y hindi sinasadyang nakasagi. Sa kasamaang palad ay tila masama ang timpla nang mataas na lalaking nasagi nito at mukha pang mananakit.
“Sorry! Hindi ko po sinasadya!” paulit-ulit na hinging paumanhin ni Aina, sising-sisi sa nagawang pagtapon ng iniinom ng lalaki.
“Sorry lang?!”
Agad humarang si Raizen sa pagitan ng kaibigan at nang pasugod na sanang lalaki. Mabilis na inatake ng amoy ng alak ang ilong niya nang makaharap ito. Isang lingon sa natapong inumin at kumunot ang noo niya nang makumpirma ang hinala.
Bawal ang alcoholic beverage dito ah?
“Pasensya na po,” kalmado at nanunukat niyang saad dito. “Papalitan na lang namin—”
“Anong papalitan?! Tingin mo mapapalitan mo ‘yon?! Punyetang buhay ‘to, wala nang nangyaring tama!”
Napasinghap ang nasa likod ng binatang si Aina dahil sa biglaang pagpupuyos ng lalaki. Nagulat man, hindi iyon pinahalata ni Raizen. Alam ng lalaking bawal ang ginagawa niya kaya’t marahas ang reaksyon nito. Hindi na dapat niya ito gagalitin, ngunit dahil likas na sa kaniya ang magtama ng mga nakikitang mali ay hindi niya napigilan ang sarili.
“Humingi na kami ng pasensya. Kung ayaw mong palitan namin ang natapon, siguro pwede na nating tapusin ‘to rito. Ayaw mo rin naman sigurong mapatapon palabas dahil sa paglabag ng simpleng utos.”
Tila nag-apoy ang galit sa mga mata ng lalaki ngunit hindi ito gumalaw sa kinatatayuan, imbes ay pumako lamang ang mariing titig sa kaniya.
“Tara na, Aina.” Tinanggap iyon ni Raizen bilang pagsuko kaya’t walang anu-ano’y tinalikuran na nila ito.
Ngunit ilang sandali lamang ang binilang at hindi pa man sila tuluyang nakalalayo ay laking gulat niya nang marinig ang malulutong na mura nito, na siyang sinundan ng walang habas na pagsugod.
“Aina!” Nagimbal si Raizen nang mabilis nawala ang kaibigan sa tabi dahil sa paghablot na ginawa nang mataas na lalaki. Hawak nito ang dalaga sa panga.
“Raizen!” maluha-luha nitong sigaw.
Umakma siya ng paglapit ngunit kumuyom lamang ang mga kamao niya nang tinapunan siya ng may pagbabantang tingin ng lalaki.
“Tarantadong bata ka. Ako pang tinakot mo? Dapat sa inyo, tinuturuan ng leksyon!”
Nagtilian ang mga taong nasa paligid nang pinadapo ng lalaki ang malapad nitong palad sa pisngi ng dalaga. Humantong ang huli sa sahig at ilang sandali pang hindi nakagalaw para lang indahin ang sakit na natamo.
“Aina!” Walang paglagyan ang galit na sumiklab kay Raizen nang tila gatilyong kinalabit niyang sinugod ang lalaki.
Wala siyang pakialam kung mas malaki ito sa kaniya o kung ano ang kaya nitong gawin. Dahil sigurado siyang hindi siya papayag na hindi nito pagbabayaran ang ginawa.
Dala ng tila nagliliyab at nakapapasong galit, halos mawala na sa sarili si Raizen nang mandilim ang paningin niya.
“Raizen! Raizen, tama na!”
Mabigat ang paghinga at mabilis ang bawat dugong dumadaloy sa kaniya nang magbalik sa ulirat. Tumambad sa kaniya ang bulagta nang lalaki. Duguan ang ilong nito at wala nang kahit anong bakas ng malay. Pinagtitinginan ng mga tao ang komusyong naganap ngunit hindi ito lingid sa kaalaman at pansin ng binata.
Pagkalingon sa taong nakahawak sa braso niya’y tila umurong at agad napalitan ng panlulumo ang galit niya sa nakita. Biyak ang bandang gilid ng labi nito at nagdurugo. Namumula rin ang malaking bahagi ng panga ng dalaga na mukhang anumang oras ay mamamaga o magkakapasa na.
Wala na siyang sinayang na sandali nang sinapo niya ang braso nito at hinila paalis. Hindi niya maiwasang sisihin ang sarili sa nangyari. Kung hindi niya ginalit ang lalaki ay hindi sana mahahantong iyon sa sakitan. Hindi sana masasaktan si Aina.
Palabas na sila ng amusement park nang hinarang sila ng ilang staff doon. Binigyan na nang paunang lunas ang dalaga matapos silang dalhin sa head quarter ng amusement park. Naroon na ang lalaki at may malay na ito, masama ang tingin sa kaniya at animong nakamamatay.
“Hindi dapat niya ginagamit ang skills niya sa taekwondo sa mga sibilyan! Propesyunal siya! Itong kliyente ko walang kalaban-laban! Nakita n’yo ba ang ilong niya? Paano kung nabali ‘yan?”
Tahimik si Raizen buong sandali habang kausap ng coach niya ang abogado nang mataas na lalaki, pati na ang mga staff ng amusement park.
“Pasensya na ho. Ako nang bahalang magsuhito sa kaniya. Baka pwedeng iareglo na lang natin ang nangyari para hindi na rin kayo maperwisyo sa pagsampa ng reklamo.”
“Pasensya? Magagamot ba ng pasensya ang tinamong sugat at kahihiyan ng kliyente ko?!”
Tiim-bagang at kuyom ang magkabilang kamao, hindi na nakapagtimpi si Raizen. Magsasalita na sana siya nang naunahan siya ni Aina.
“Sugat? Nakikita n’yo ba ‘tong ginawa niya sa mukha ko?! Hinablot niya ako at pinagbuhatan ng kamay! Raizen only tried to apprehend him! At naaamoy n’yo ba siya?! He’s been drinking a beer inside and he’s evidently drunk! Siya ang gumawa at nag-umpisa ng gulo! Siya ang unang nanakit! Ilang beses kaming humingi ng pasensya pero hindi siya nagpaawat dahil lasing siya at wala sa sarili!”
Natahimik ang lahat dahil sa sigaw ng dalaga. Matapos may tumestigo sa nangyari ay tuluyan nang naiareglo ang gulo nang walang reklamo ang naisampa.
“Sorry. Nasaktan ka tuloy dahil sa ‘kin.”
“It’s not your fault, Aiz.”
“It is.”
“Ay ang tigas ng ulo.”
“Sorry pa rin.”
“Okay!”
“At… salamat.”
“Para ka namang bago nang bago.”
May ngiting dumapo sa labi ng binata sa narinig. “Mahal mo talaga ‘ko.”
“Sus, oo naman!”
* * *
Bumungad kay Raizen ang parehong kisame ng bahay-kubo. Katulad ng unang beses niyang paggising dito ay walang pagbabago ang lugar. Kita niya ang liwanag sa labas mula sa nakabukas na bintana. Hindi niya alam kung gaano siya katagal nakatulog pero mukhang inabutan siya nang muling pagsikat ng araw.
Sinubukan niyang umupo at sandaling natigilan para lang hintayin ang kirot ng katawan, ngunit laking pagtataka niya nang hindi na siya namilipit sa sakit. Ramdam pa rin niya iyon sa ilang parte ng katawan ngunit hindi na katulad ng unang beses niyang magising.
Dahan-dahan siyang tumayo mula sa hinihigaan at iika-ikang tinungo ang puwang palabas ng bahay-kubo. Bahagya siyang nasilaw sa liwanag ng araw na sumalubong sa kaniya. Unti-unti, hinayaan niya ang mga matang masanay sa liwanag hanggang sa malaya iyong lumibot sa paligid.
Tumambad sa harapan niya ang hilera ng iba’t ibang klaseng halaman at bulaklak kasama ng mga nasasalit na nagtataasang puno, mayroong matataas na halamang animong baging na nakalaylay mula sa mga iyon. Sa ‘di kalayuan ay rinig niya ang paglagaslas ng tubig.
Isang mabilisang pasada ang ginawa niya sa mga bulaklak, halos karamihan ng kulay at klase na alam niya’y naroon. Daisy, hyacinth, tulips, daffodils, lavender at marami pang iba. ‘Di mabilang na mga paru-paro ang malayang nagliliparan sa paligid kasabay nang mabining pag-ihip ng hangin. Sandali niyang sinulyapan ang asul na kalangitan para lang masiguro kung nasa daigdig pa siya at hindi sa isang paraiso. Nang magbalik siya ng tingin sa paligid ay muli siyang sinalubong nang payapang tanawin. Tila isang panaginip.
Sa pagkakamangha ay hindi na niya alintana ang paglapit sa kaniya ng babaeng may kulay kapeng mga mata.
“Nagustuhan mo ba?”
Sa isang iglap ay tila nilukob siya nang matinding pagdududa. Hindi niya pa tuluyang naaalala ang lahat ng nangyari ngunit isa lang ang nasisigurado niya: wala na siyang tiwala sa mga tao. Lalo pa’t wala siyang nakuhang ni isang sagot sa babae sa dami ng tinanong niya rito, nang unang beses siyang magising.
Umatras siya palayo rito at binantayan ang distansya sa pagitan nilang dalawa na animo’y delikado ito.
“Sino ka?”
Nanatiling nakatanaw ang babae sa malawak na hardin, ang maamong ngiti ay hindi kailanman nawaglit sa mga labi. “Belle ame… ‘yon ang tawag nila sa akin dito.”
Is that even a name?
“Bakit ako narito? Anong lugar ‘to?”
Tumingala ito at suminghap matapos ay dahan-dahang nagbuga ng hangin. Ang puting bestidang suot ay nililipad ng nagdaraang hangin nang pinagsalikop ang magkabilang palad sa likod. Maiging pinagmamasdan ni Raizen ang bawat kilos nito hanggang sa wakas ay bumaling ito sa direksyon niya.
“Gusto mo na bang makaalala?”