Abut-abot ang pagalit na natamo niya sa kaniyang coach at instructor nang sumunod na practice. Tinanggap niyang lahat iyon kahit kung minsan ay hindi pa rin maiwasan ni Raizen ang mangatwiran, lalo na dahil naniniwala siyang nasa tama siya.
Twenty laps sa oval? Ayos lang.
Isang linggo bago ang local tournament ay muntik pa siyang hindi isinali ng coach nila dahil sa nangyari. Gayunpama’y nagpatuloy pa rin siya sa araw-araw na practice at sa dapat niyang gawin. Dahil kung may manipestasyon lang ang tyaga at determinasyon, siya na marahil iyon.
“Aiz, pakopya naman ng assignment sa Stat o… sige na, please?”
Nginitian ni Raizen ang kaibigan. Magdidiwang na sana ito ngunit ang katuwaan nito’y napanis dahil sa sunod niyang sinabi. “Tuturuan na lang kita. Ikaw mag-isa ang magsagot pagkatapos.”
Tinawanan lamang niya ang pagsimangot ni Aina. Alam naman nitong hindi siya nagpapakopya pero lagi pa rin siyang sinusubukang kopyahan. Ito lang ang natatanging may lakas ng loob na magtanong sa kaniya. Ang iba nilang kaklase ay lumalapit sa kaniya para magpaturo.
Dumating ang araw ng tournament. Lulan ng isang minibus ang taekwondo team ng school nina Raizen, patungo sa isang local high school na gaganapan ng nasabing kumpetisyon. Ang iba pang high school teams na lalahok sa patimpalak ay naroon na nang marating nila iyon.
Hindi man ito ang unang pagkakataon ni Raizen na sumali sa ganitong kumpetisyon, hindi pa rin mawala sa kaniya ang kaunting kaba—kabang dala ng pananabik.
Dalawang taon din niyang pinaghirapang makuha ang itim niyang belt. Walang-awat siyang nag-ensayo sa kabila ng pagod at hirap. Ngunit ngayong narito siya ulit sa isang tournament para patunayan ang sarili, tila nasuklian ang lahat ng pagtitiyaga niya. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit gusto niyang pinaghihirapang makuha ang mga bagay: dahil iba ang sarap ng bungang dala ng mga pagsusumikap.
Matapos magpalit ng uniform at ilang pangunahing prosesong dapat gawin, nagtungo si Raizen sa final weight check pagkatawag sa bout number niya. Dumiretso siya sa holding area pagkatapos niya roon at doon ay nakita niya ang ilan pang estudyanteng kasali sa tournament. Ngunit may isa roong pumukaw ng pansin niya.
“Hey, shitface! Sinong nagsabi sa ‘yong pwede kang mag-compete ngayon sa tournament? Tingin mo may pag-asa kang manalo, ha?”
Kumunot ang noo ni Raizen nang maaktuhan ang ginawang paghampas ng palad sa ulo ng lalaking sumigaw sa isa pang lalaking naro’n. Pareho itong nakasuot ng uniform para sa competition at mukhang sa parehong school nanggaling.
“Sorry, Denmar. Gusto ko talagang sumali—”
Napahakbang ng isa si Raizen nang muli nitong hinampas sa ulo ang parehong lalaki sa mas malakas na paraan.
“Hindi ko hinihingi ang paliwanag mo!” Hambog na humalakhak ang lalaking tinawag nitong Denmar, na siyang sinundan din ng tawanan ng ilan pang lalaking nakapalibot dito. Ang ibang naroon naman ay kung walang pakialam ay napapailing na lang, tila sanay na sa munting palabas na iyon.
Tila may isang bumbilyang nasindihan sa isip niya, nang tuluyang mamukhaan ang lalaking sentro nang maliit na kumosyon. Denmar. Naimbitahang sumali sa eksklusibong training ng Philippine Taekwondo Association, ang national team.
Hindi maikaiilang magaling itong athlete sa kabila ng usap-usapang kaakibat ng paghusay nito ang siya ring paglaki ng ulo.
Pero anong karapatan niyang maghari-harian at umaktong animong pinatatakbo niya ang mundo? Hindi tama ‘yon.
Aktong pahakbang na si Raizen palapit upang kausapin ito sa ginagawa, nang muling tinawag ang bout number niya. Oras na ng sparring match niya.
Bago magtungo sa mat ay sinulyapan pa muna niya ang grupo. Naabutan niyang nasa kaniya na ang tingin ni Denmar. Tulad ng asta ay mayabang itong ngumisi nang magpalitan sila ng tingin.
Naipanalo ni Raizen ang mga match at kasalukuyang siya na ang magco-compete sa huling winning match, kung saan makakalaban niya ang isa sa nakakuha nang pinakamataas na puntos, tulad niya.
Denmar.
Katulad kanina ay naroon pa rin sa asta nito ang kahambugan. Pangisi-ngisi lamang ito at tamad siyang pinagmamasdan, hindi pa man nagsisimula ang match.
Matapos mag-bow sa referee at katunggali ay nagbigay na ng signal ang referee upang simulan ang sparring match.
Isang beses tinamaan ni Raizen ng reverse side kick ang kalaban at ang halos tumapos ng laban ay isang hook kick niya. Halos magwala ang mga manonood nang tumumba si Denmar, ngunit mabilis ding nakabawi at pinaulanan siya nang magkakasunod na sipa. Mahigpit ang paglalabanan ng puntos ng dalawa hanggang sa huli. Kaya’t halos hindi humihinga ang mga nasa paligid nang inanunsyo na kung sino ang nanalo.
Sa kabila ng sigawan ng mga kagrupo niya ay hindi mawari ni Raizen ang sayang nararamdaman. Naipanalo niya ang huling match at siya ang may pinakamataas na puntos. Siya ang mag-uuwi ng medalya sa sinalihan niyang division. Hindi pa rin siya makapaniwalang natalo niya si Denmar.
Kuntento na siya roon ngunit hindi niya alam na may mas ikaliligaya pa pala siya sa mga nangyayari.
“Raizen, anak, I’m so proud of you!” Dad?
“Aiz? Is it true? You won the tournament? Oh, you made me so proud!” Tila panaginip ang pagkakarinig niya sa boses ng sariling ina sa kabilang linya.
Naroon ang daddy niya. Pumunta ito at napanood ang pagkakapanalo niya.
Maingay ang mga kagrupo niya sa pagsisiya ngunit wala nang ibang mas importante para kay Raizen ng mga oras na iyon, kundi ang mga salitang narinig niya sa mga magulang.
Sa wakas.
“Congrats, Raizen!” maligayang sigaw ni Aina pagkababa ng tawag mula sa Mommy niya.
Tuwang-tuwa ang lahat para sa pagkakapanalo niya. Ngunit kung anong ikinabilis ng katuwaan at pagbati ng mga ito sa panalo niya’y siyang bilis din ng pagbawi niyon, nang ianunsyo ang pagkakamali ng pagbibigay ng puntos umano sa huli nilang match.
Masinsinang usapan ang naganap sa pagitan ng coach at instructor niya sa mga staff ng tournament. Ipinaliwanag sa kaniyang mabuti kung saan nagkamali at ayaw niya itong tanggapin. Mali, hindi sa puntos nagkamali. Dahil hindi kasama ang puntos sa dahilan kung bakit gusto siyang i-disqualify sa kumpetisyon.
“He attacked a helpless man in an amusement park! Nabali niya ang ilong! Anong karapatan niyang mag-compete at iuwi ang medal?!”
Walang ni isang nagdepensa at tumayo sa tabi niya. Walang kahit na sino ang naglakas-loob na panigan siya.
“Huh? Anong kinalaman ng insidenteng ‘yon sa competition?!” Bukod sa kaibigan niyang walang boses para pakinggan ng mga ito.
“You attacked a man? Raizen, hindi kita pinalaking bayolente! Paano mo nagawa ‘yon?”
Hindi totoo ‘yon.
“Athlete ka at hindi basagulero! Sinasabi ko na nga bang babalik at babalik sa ‘yo ‘tong ginawa mong kalokohan!”
Hindi patas ‘to.
“Baka nagkamali nga sa pagpuntos. Si Denmar ‘yung kalaban niya imposible namang matalo siya ni Raizen, eh wala pa naman siyang napapatunayan!”
Hindi. Pinaghirapan ko ‘to.
Sa ilang salita lamang ay mabilis nabali ang paningin at paniniwala sa kaniya ng mga tao, na kanina lamang ay hindi magkamayaw sa pagbati sa pagkakapanalo niya. Ngunit imbes na magsalita at magpaliwanag ay walang ibang nagawa si Raizen kundi ang matabang na matawa.
Mukhang nakabuo na ng matibay na desisyon ang mga tao. At sino nga ba ako? Alam ko naman na sa simula’t sapul pa lang may paunang paghuhusga na sila sa akin. Dahil ito lang ako. Isang hamak na anak sa labas. Ginawa ko ang lahat para baguhin ang tingin sa akin ng mga tao, kahit na alam kong sa likod nito ay naghihintay lang silang magkamali ako. Isang beses. Isang pagkakamali lang at mabilis nilang maituturo ang mga kamalian ko. Na parang may malaki akong kasalanan sa mundo. At kahit anong gawin kong tama, mas lagi pa ring matimbang kung paano ako iniluwal dito.
Buong buhay niya, wala siyang ibang ginawa kundi ang maging isang mabuting halimbawa para sa iba. Pero bakit nga ba ang dali-dali para sa mga taong husgahan siya? Bakit ang dali-daling ibalewala ang lahat ng pagtitiyaga niya?
Ilang taon ng buhay niya ang inilaan niya para lang sa isang pagkakataong iyon. Para lang sa isang saglit na iyon kung kailan naramdaman niyang ipinagmamalaki sya ng mga magulang niya.
Tumalikod siya dahil ayaw na niyang makipagtalo. Pero hindi pwedeng gano’n na lang. Hindi siya papayag na hindi didinggin ng mga ito ang gusto niyang sabihin.
“Hindi ako nandaya. Hindi nagkamali sa pagbibigay ng puntos. At lalong-lalo nang hindi ako nanakit nang walang dahilan. Tapos na ang match at nanalo ako. Bakit ngayon lang sasabihin sa aking hindi ako pwedeng mag-compete kung kailang natapos na ang tournament?”
Umiling ang coach niya, hindi maipinta ang mukha nito nang tinapik siya sa balikat. “Tanggapin mo na lang ang pagkatalo mo, Raizen. May susunod pa namang tournament. Kasalanan mo rin naman kung bakit kinailangang maging ganito.”
“Paano ko naging kasalanan, coach? Nando’n ka sa amusement park, alam mo kung ano talaga ang nagyari. Bakit hindi mo sabihin sa kanila ang totoo?”
Umiling lamang ito at walang interes siyang binalewala. Ang naiiwang dismayadong tingin sa kaniya ng instructor, mga kagrupo pati nang daddy niya’y nakapanghihina.
“Raizen… ang daya nila! Sigurado akong may ginawa ang hayup na Denmar na ‘yon!”
Mahigpit ang kuyom ng magkabila niyang kamao. May paghihimagsik na namumuo sa kalooban niya ngunit wala siyang magawa. Tahimik na lamang niyang tinanggap ang desisyon kasabay ng mga hikbi ng nag-iisang kaibigang nanatili sa tabi niya.
* * *
May pagtatakang tinignan ni Raizen ang babae. Alam niya kung paano ako makakaalala? Sino ba talaga ang babaeng ‘to?
Hindi pa man nakakasagot si Raizen ay nag-umpisa na itong maglakad.
“Saan ka pupunta?”
Hinipan nang malakas na hangin ang mahaba at alun-alon nitong buhok nang nilingon siya, patuloy sa paglalakad ngunit ngayo’y patalikod na.
Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kaniya. “Sumunod ka kung gusto mong malaman.” Mahina itong humagikgik bago patalon-talong nagpatuloy sa paglakad. Bawat pasibol pa lamang na bulaklak na hinahaplos ng mga kamay nito’y kusa at unti-unting yumayabong.
Umawang ang mga labi ni Raizen para sa mga salitang hindi niya naimutawi. Paano niya nagagawa ‘yon?
Namamangha sa panonood dito at sa kung paano itong sabayan ng mga nagliliparang paru-paro sa paglalakad, dahan-dahan siyang humakbang upang sumunod dito.
Samu’t saring kumpol at hilera ng mga halaman at bulaklak ang naro’n sa pataas at pababang daang tinahak nila, kasama na ng ilang nagtatayugang nasasalit na puno. Habang tumatagal ay mas lumalakas ang tunog ng lagaslas ng tubig mula sa isang batis. Hanggang sa huminto ang babaeng may kulay tsokolateng mata sa harap nito.
Si Raizen ay marahang dinungaw ang malinaw na tubig sa batis, at sinundan ng tingin ang pagkakaporma nang malalaking bato bilang haligi nito.
“Deux.”
Lumipad patungo sa babae ang atensyon niya nang marinig niya ito. Hawak ang isang puting bulaklak na may lamang tubig mula sa batis, inilahad nito sa kaniya iyon. Sandali pa muna niyang tinitigan ang nakangiti nitong mukha bago may pagdadalawang-isip na hinawakan ang bulaklak.
Ngunit nang eksaktong dumampi ang palad niya rito’y muling nagbalik sa kaniya ang kahuli-hulihang alaalang nalimot niya.
“Aiz, ‘lika na… uwi na tayo,” ani Aina, bagsak ang magkabilang balikat sa dismaya at lungkot.
“Mauna ka na.” Ngumiti siya sa kaibigan at marahang ginulo ang buhok nito.
“Sumabay ka na sa ‘kin. ‘Wag ka nang sumakay sa minibus!” iritableng untag nito sabay sulyap sa mga kagrupo ni Raizen na nagbubulungan at pasulyap-sulyap sa banda nila. Humalukipkip si Aina at taas-noong tinapunan pabalik ng tingin ang mga ito. “Anong tinitingin-tingin ng mga ‘to?”
“Aina…”
“Nakakainis!” Pumadyak ito sa sahig at iritableng dumaing bago pinagtuunang muli ng atensyon ang kaibigan.
Masama man ang loob, pahapyaw na napangiti si Raizen dito, iniisip na sa kabila ng nangyari, maswerte pa rin siya kahit paano dahil may isang taong laging handang tumayo sa tabi niya.
“Sige na, oo na. Umuwi na tayo. Magpapaalam lang ako kay coach.” Nagliwanag ang mukha ni Aina sa sinabi niyang iyon.
“Okay! Comfort room lang ako saglit, kita tayo sa labas ng gym! Bilisan mo!” Naghahadaling tumakbo ang dalaga sa CR matapos iyong ideklara.
Nauna si Raizen sa labas ng gym pagkatapos makapagpaalam sa coach at instructor niya. Wala na halos estudyante sa labas ng gym nang hinintay niya roon si Aina.
Ilang segundo ng pagtayo niya roon nang may isang van ang huminto sa harap niya. May pagtataka niyang kinuwestyon ang pagbukas ng pintuan niyon, katapat ng mismong kinatatayuan niya.
“Kunin n’yo,” anang pamilyar na boses mula sa loob ng van.
Hindi pa man natatanto kung ano ang ibig nitong sabihin, natagpuan na lamang ni Raizen ang sariling binibitbit ng dalawang kalalakihan papasok sa loob ng van.
“Sino kayo? Anong kailangan n’yo sa ‘kin?” Nang aktong manlalaban sana siya’y mabilis siyang natigilan nang muling marinig ang pamilyar na boses.
“Ang lakas ng loob mo. ‘Kala mo siguro kung sino ka para isiping matatalo mo ako.”
Isang lingon mula sa passenger seat at namilog ang mga mata ni Raizen nang makilala kung sino ito.
“Denmar.” May namuong nagsisilakbong galit sa kalooban niya habang nagpapalitan sila nito ng tingin. “Sa’n n’yo ‘ko dadalhin?!”
Napadaing ang dalawang kalalakihang dumampot sa kaniya nang makatanggap ang mga ito ng pagsiko mula kay Raizen.
Mabigat ang paghinga niya nang umalingawngaw sa buong van ang halakhak ni Denmar mula sa passenger seat.
“You didn’t attack a helpless man? Oh, right. Ano pala ang ginagawa mo sa dalawang iyan kung gano’n?”
“Hindi ko alam kung paano mo nalaman at nagamit ang tungkol sa insidente sa amusement park. Pero kung gusto kong saktan ang taong ‘yon, pati nang mga ito, sa tingin mo may pagkakataon pa sila para dumaing?” Igting ang panga at magkabilang kamao, puno ng galit niyang tinitigan ang mukha nito, ngayo’y wala nang bahid ng kahit kaunting ngisi iyon.
“Ano pang hinihintay mo riyan?!” Nang una’y inakala niyang para sa kaniya ang sigaw nito.
Huli na ang lahat bago pa man siya makapanlaban, nang maramdaman niya ang marahas na pagtama ng isang hand chop direkta sa batok niya. Nawawalan ng ulirat, nahagip ng paningin niya ang lalaking pinagkakatuwaan ni Denmar nang nasa holding area sila.
Nagising si Raizen dahil sa ilang sipa at tadyak na natatanggap. Rinig ang mga kuliglig sa tahimik na paligid. Wala siyang makita hindi dahil sa dilim kundi dahil sa nandidilim niyang paningin. Kung gaano na karaming sipa ang natanggap niya ay hindi niya alam.
“Sino ka sa akala mo, ha?! Ako? Tingin mo matatalo mo ako nang gano’n-gano’n lang?! Sino ka ba?! Anak ka lang naman sa labas! Basura ka lang!”
Unti-unti niyang nasilayan ang mahinang liwanag ng headlight mula sa isang sasakyan, ‘di kalayuan sa kanila. Sa nanlalabong paningin ay sinubukan niyang aninagin ang lugar ngunit hindi niya nagawa, nang paulit-ulit siyang makatanggap ng mga tadyak. Sa tagiliran, braso, hita, sikmura.
“Denmar, pare tama na. Baka mapatay mo—”
“Kung iniisip mong makakabangon ka pa pagkatapos nito, pwes mali ka! Dahil sisiguraduhin kong hindi ka na makakasali sa kahit anong competition pagkatapos nito!”
Ramdam ang magaspang na lupa sa pisngi at tila nagdedeliryo sa naiiwang kirot ng bawat sakit na natatamo, narinig niya ang sariling mga palahaw na halos makadurog tainga dahil sa pagkakabali ng kaliwang braso niya. Hindi matapos-tapos ang mga daing at singhap niya sa nakaliliyong sakit na dulot niyon.
“Denmar!”
Umiikot ang paningin at hindi magkamayaw kung paano pahuhupain ang sakit, sunod niyang naramdaman ang pagkakabali ng isang binti.
“Tangina, mapapatay mo ‘yan!”
Hindi na rumerehistro kay Raizen ang mga boses na naririnig. Wala nang ibang umookupa ng atensyon niya kundi ang nagsusumigaw at lumalatay na sakit na umaatake sa kaniya.
“Anong gagawin natin dito?”
“Iwan n’yo na! Hayaan n’yo na lang d’yan…”
“Kunin n’yo ang mga gamit niya pati nang lahat ng pagkakakilanlan.”
Kulang ang salitang durog upang ipaliwanag ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Punong-puno siya ng poot at tila walang paglagyan ang hinanakit niya sa hindi pagiging patas ng mga tao, lalo na ng mundo. Wala siyang ibang makita at maramdaman kundi ang kalupitan niyon.
Hanggang sa unti-unting maupos ang pisi ng pag-asang mayroon siya. Hanggang sa mabulag siya ng dilim na lumulukob sa puso niya.