Dali-daling binitiwan ni Raizen ang inaabot ng babae at umatras palayo rito na animong napaso. Mabigat ang bawat paghinga niya at nanginginig ang magkabila niyang kamao sa galit.
“Sinungaling ka.”
Hindi ito sumagot at nanatili lamang ang malumanay na mga matang nakatingin sa kaniya.
“Hindi ko kailangang inumin ‘yan dahil naaalala ko na…” Nanlisik ang mga mata niya sa bulaklak na naglalaman ng tubig sa mga palad nito. Kung para saan iyon ay hindi niya alam. Basta ang alam niya’y nagsinungaling ito sa kaniya. Dahil hindi niya iyon kailangan upang tuluyang makaalala.
Tahimik pa rin ito, tila maiging naghihintay sa pagpapatuloy niya.
“Nakita kita… naro’n ka…” aniya mula sa hirap na pagbuga ng hangin. “Dinala mo ako rito… bakit mo ako dinala rito? Anong lugar ‘to? Kasamahan ka ba nila?” puno ng galit at pagbabanta ang mababa niyang boses.
Wala pa ring imik ang babae, ang ekspresyon sa mukha ay hindi nagbabago.
Naririnig ba ako nito?
Tila nabuhay ang nakapapasong galit na naramdaman niya nang gabing iyon. Ilang hakbang palapit at marahas niyang tinabig ang hawak nitong bulaklak. Natapon ang laman niyon bago nahantong sa damuhan. Dumapo roon ang tingin ng babae ngunit mabilis ding bumalik kay Raizen, nang hablutin niya ang magkabila nitong braso. Halos bumaon na ang mga daliri niya sa higpit ng hawak niya ngunit wala siyang pakialam. Kailangan niya ng sagot at gusto niya iyong makuha ngayon na.
“Sumagot ka! Nasaan ako?!”
Parang gusto nang manakit ni Raizen nang hindi pa rin ito sumagot. Ang kulay tsokolate nitong mga mata’y nanatiling nakatitig sa pares ng namumula niyang mga mata. Wala iyong kahit na anong bakas ng emosyon bukod sa lungkot. Hindi niya maintindihan kung para saan iyon.
Patay na ba ako? Ito na ba ang kabilang buhay?
“Bakit ako narito?” Unti-unting nanghina ang mga kamay niyang nasa braso nito, hanggang sa tuluyan niya itong mabitiwan.
Tanging lagaslas ng tubig mula sa batis ang nagsilbing musika sa paglipas ng sandali.
“Narito ka dahil hindi pa tuluyang nilulukob ng dilim ang puso mo,” sa wakas ay nagsalita ito. “Nang gabing ‘yon… anong nakita mo?”
Kumukunot ang noo, sandali siyang tumitig sa mukha nito habang iniisip ang ibig nitong sabihin.
Mag-isa lang ako sa dilim. Pumapalahaw. Kahit ilang beses akong humingi ng tulong, walang dumarating. Mamamatay na yata ako. Malamig. Sobrang sakit. Gusto ko na lang mamanhid. Hindi ko na kaya…
Bawat paghinga niya’y may kaakibat na sakit na tugon ang katawan. Ilang beses niyang hiniling na sana’y matapos na ang paghihirap niya. Ngunit sa kabila nang nanlalabong mga mata, tumunghay sa kaniya ang kalangitan. Ang madilim na kalangitan na hitik sa nagkikislapang mga bituin.
Wala siyang pakialam noon sa mga ganoong bagay ngunit tila kinakausap siya ng mga iyon ngayon. Tila may gusto iyong ipahiwatig at tingin niya’y naiintindihan niya iyon.
Malala yata talaga ang mga tinamo ko… nasisiraan na ako.
Dahil sa kabila ng pagiging malupit ng mundo, may magagandang bagay pa ring narito.
Hindi alintana ang sunod-sunod na pagtulo ng mga luha, isang mukha ng babaeng nasisinagan nang kaunting liwanag ang dumungaw sa kaniya.
“Âme perdue.”
Iyon ang pinakahuling bagay na naaalala niya bago siya nagising sa lugar kung nasaan siya ngayon.
“Hindi ang alaala mo ang tinutukoy ko nang sinabi kong makakaalala ka…”
Nang nilingon niya ang babae ay noon lamang niya natantong huminahon na ang mabigat niyang paghinga.
“Tiwala. Pilit mo mang kalimutan iyon, babalik at babalik iyon sa ‘yo.” Hawak muli ang isang bulaklak na naglalaman ng tubig mula sa batis, inabot iyon sa kaniya ng dalaga.
Hindi ko alam kung paano niya nalaman ‘yon. Pero tama siya.
Sumulyap si Raizen sa mukha nito bago dahan-dahang tinanggap muli ang bagong bulaklak na inaabot nito sa kaniya. Pinagmasdan niyang mabuti ang malinaw na tubig mula sa puting bulaklak na naroon sa palad niya. Matapos lunukin ang lahat ng pag-aalinlangan ay dire-diretso niyang pinadaan ang laman nito sa lalamunan, walang ni isang patak na iniwan.
“Deux. Magbabalik ang kinalimutang tiwala.”
* * *
Natataranta, hindi malaman ni Aina kung iiyak o magwawala. Pagkatapos ng tournament ay nawala si Raizen at hindi na muling nagpakita pa. Tatlong buwan na ang lumipas magmula nang mangyari iyon at walang araw na hindi siya dinadalaw ng pag-aalala.
Maraming nagsabing nagpakalayo-layo ito dahil sa tinamong pagkakatalo ngunit kilala ni Aina ang kaibigan. Alam niyang hindi ito gagawa ng gano’ng desisyon dahil lang sa isang mababaw na rason.
Malakas ang kutob niyang may nangyaring hindi maganda rito. At ipinagdarasal niyang sana’y mali siya ng akala.
Humingi siya ng tulong sa mga magulang ni Raizen upang hanapin ang binata.
Tatlong buwan muli ang lumipas at unti-unti nang nawawalan ng pag-asa ang mga magulang ni Raizen. Ang coach, instructor at pati nang mga ka-team nito sa taekwondo ay nag-umpisa nang magnilay-nilay tungkol sa nangyari. Sa pangambang maulit ang kay Raizen, nagpatupad ng buwanang counselling ang instructor para sa bawat miyembro ng team. Upang masigurong bukod sa pisikal na training ay magagabayan din ang mental na kalusugan ng mga ito.
Malapit na ang graduation at marami na ang kumbinsidong kung hindi naglayas ay nakatagpo ng aksidente si Raizen. At malaki ang tyansang patay na ito. Ngunit sa kabila ng kawalan ng tiwala ng mga taong ito sa binata, tanging si Aina lamang ang may matibay na paniniwalang buhay pa ang kababata.
Ilang araw ang nakalipas nang tuluyan nang ipinatigil ng mga magulang nito ang paghahanap.
“Aina, hija, it’s time to stop. Raizen is gone. Kung umalis siya at may plano pang bumalik, matagal na sana niyang ginawa.”
Umiling ang dalaga nang may halong determinasyon. “Babalik si Raizen. Kilala ko ‘yon. Hindi ‘yon basta umaalis na lang at sumusuko. Babalik ‘yon!”
Gusto niyang isigaw ang mga salitang iyon dahil alam niya sa sariling pinanghihinaan na rin siya ng loob. Anim na buwan na ang nakalilipas matapos mawala ng kaibigan. Ilang beses na niyang binalikan ang huling araw na nakasama niya ito. Paulit-ulit na niyang hiniling na sana’y mahila niyang pabalik ang panahon. Ngunit wala siyang ibang magawa kundi ang maghintay at manalangin na makabalik pa ito.
“Aiz, nasaan ka ba? Bumalik ka na please…”
* * *
Kuryosong pinagmamasdan ni Raizen ang ginagawang pamimitas ng iba’t ibang bulaklak ng dalaga, ‘di kalayuan mula sa damuhang kinauupuan niya. Tila nakapinta na ang ngiting hindi mawala sa mga labi nito.
Walang kamalayan si Raizen kung gaano na siyang katagal naroon, dahil hindi kailanman bumababa ang araw mula sa asul na kalangitan. At hindi siya ang tipo ng taong naniniwala sa mga himala lalo na sa mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng siyensya. Ngunit hindi rin niya maikaiilang hindi normal ang lugar na iyon. O mas angkop ang—hindi iyon matatagpuan sa kahit anong mapa ng mundong ibabaw.
Wala na ang sakit sa katawan niya at tulad ng lugar, payapa na rin ang damdamin niya. Ngunit ang pangamba sa pagbalik ay bitbit pa rin niya. Madalas niyang naiisip na huwag nang bumalik dahil wala naman na siyang babalikan. At dahil alam niyang kahit handa na siyang magpatawad at magtiwalang muli, hindi pa rin niya kayang harapin ang mundo.
“How long have you been here?”
Sumulyap sa kaniya ang dalaga habang abala sa paggawa ng flower crown mula sa mga kinuhang bulaklak. Nabahiran ng isang matamis na ngiti ang mga labi nito bago nagsalita. “Hindi ko alam… I’ve always been here.”
“Ayaw mo bang umalis?”
“Hindi ako pwedeng umalis.”
“Bakit? Ano ba ang lugar na ‘to?”
“Kahit sabihin ko sa ‘yo… hindi mo rin naman matatandaan.”
Puno ng pagkalito at kuryosidad niyang pinasadahan ng tingin ang buong paligid. At katulad ng tanawing lagi niyang nakikita, sumalubong sa kaniya ang makulay, payapa at tila panaginip niyong panorama.
Paano kung patay na talaga ako?
“Ayaw mo bang umalis?” balik na tanong nito sa kaniya sa kalmadong tinig.
Mabilis niya itong nalingon. “Pwede akong… umalis dito? Paano?”
Malaki ang ngiti nito nang iangat ang natapos nang flower crown kapantay sa linya ng mga mata. Matapos maingat na ipinatong iyon sa taas ng ulo ay ‘tsaka binalingan ang binata.
“Na sa ‘yo ang desisyon.”
Hindi pa man nakakapagsalitang muli si Raizen ay tumayo ito at nag-umpisang maglakad na animong nagsasayaw, dahil sa bahagyang pagtalon-talon at pakikipaglaro sa mga nagliliparang paru-paro.
Nagbuntonghininga ang binata at itinumba na lang ang katawan sa damuhan. Nakadipa ang magkabilang braso habang nakatunghay sa paggalaw ng mga ulap sa kulay asul na kalangitan.
Gusto ko pa bang bumalik?
May babalikan pa ba ako?
“Wala bang naghihintay sa ‘yo?”
Napaahon si Raizen mula sa pagdipa sa damuhan. Agad niyang hinanap ang tila bulong ng babae sa tainga niya para lang maabutan itong naro’n pa rin sa malayo. Kumukunot ang noo, matagal niya itong tinitigan hanggang sa unti-unting rumehistro sa kaniya ang isang pamilyar na mukha.
Hindi niya maipaliwanag ang panlulumong nadama nang matantong halos makalimutan na niya ito.
“Aina…”
May pangamba mang lumulukob sa damdamin, hindi niya maikaiila ang naigting na kagustuhang makabalik para sa kababata.
Habang nakapako ang mga mata sa nagsasayaw na mga d**o sa kinauupuan, may isang pares nang nakayapak na mga paa siyang nakitang humakbang doon.
“Handa ka na bang bumalik, Raizen?”
Dahan-dahan niyang iniangat ang tingin para lang matagpuan ang pagtayo ng babaeng may tsokolateng mga mata sa harap niya. Bahagyang nakatabingi ang ulo nito patagilid habang ang magkabilang braso ay parehong nasa likod. Maigi itong nakatingin sa kaniya, naghihintay ng sagot.
“Anong kailangan kong gawin?” aniya.
Isang kalmadong ngiti ang iginawad sa kaniya ng dalaga bago unti-unting inilahad nito ang isang palad sa harap niya. Matapos sulyapan ni Raizen ang mapuputla nitong daliri ay muli siyang nag-angat ng tingin pabalik sa mukha nito. Nang magtama ang tingin nila’y tila may kung anong kinalabit sa damdamin niya dahil sa kung anong kinang na nakita niya sa mga mata nito.
Walang pagdadalawang-isip niyang inilagay ang palad at hinawakan ang palad nito at saka siya marahang tumayo, hindi nagbibitiw ng tingin. Tulad ng unang beses niyang magising ang parehong lamig ng kamay nito sa sarili niyang palad.
“Anong pangalan mo?”
Mahinay itong ngumiti. “Nakalimutan mo?”
“’Yun ba talaga ang pangalan mo?”
Imbes na sumagot ay sinuklian lamang nito ang mga titig niya, habang pareho silang nakatayo at magkahawak-kamay sa gitna nang malawak na gubat.
“Belle ame means a beautiful soul—that’s not a name.”
“Hindi ko kailangan ng pangalan.”
“Bakit?”
“Dahil hindi ako tao tulad mo.”
“Kung hindi ka tao… ano ka?”
“Gabay.”
“Gabay?”
“Gabay ng mga kaluluwang wasak at ligaw—mga kaluluwang may purong puso ngunit nagdadalawang-isip na muling mabuhay.”
Walang salitang lumabas sa mga labi ni Raizen nang maiwan iyong nakaawang. Tumalikod ang dalaga at nag-umpisang maglakad, hawak ang kamay niya. Nagpatianod siya rito. Pinunan ng mga nagsasayawang d**o at dahon mula sa punong hinihipan nang mabining hangin ang katahimikan nilang dalawa.
Natagpuan ni Raizen ang sarili sa harapan nang lumalagaslas na tubig. Binitiwan ng dalaga ang kamay niya upang tumayo sa tabi niya, sa harap ng batis. Nagbaling siya ng tingin dito, nagtatanong ang mga mata.
Iniangat ng dalaga ang isang kamay at mayamaya’y may lumapit at dumapo sa daliri nitong isang makulay na paru-paro—tila may kung anong iniiwang kinang ang bawat pagaspas ng pakpak nito.
Isang mahinahon na ngiti ang nakapinta sa mukha ng dalaga nang binalingan si Raizen. Gamit ang isa pang kamay ay sumalok ito ng tubig mula sa batis at ipinakita sa binata.
“Trois.”
Matapos tignan ang kamay nito’y hinarap ni Raizen ang batis at pinagdugtong ang nakakurbang mga palad. Sumalok siya sa malinaw na tubig mula sa batis at dahan-dahan itong itinungo palapit sa mukha. Ngunit natigilan siya at napabaling sa dalagang nasa tabi—ang paru-paro ay nanatili sa daliri nito, sa kamay na bahagyang nakataas sa ere. Ngumiti ito sa kaniya katulad ng marahang ihip ng hangin—payapa at kalmado.
“Makikita… pa ba kita ulit?”
Dahan-dahan nitong itinaas ang kamay hanggang sa tuluyan nang lumipad paalis ang paru-paro mula sa mga daliri nito. Paulit-ulit itong lumipad paikot sa taas ng dalaga bago nagtungo sa mga palad ni Raizen. Pinanood niya ang pagkinang ng animong gabok, mula sa bawat pagaspas ng pakpak nito patungo sa malinaw na tubig na nasa mga palad niya. Kalaunan ay muli itong lumipad paalis at humalo sa iba pang nagliliparang paru-paro sa paligid.
Handa na siyang inumin ang tubig ngunit bago iyon gawin ay muli niyang binalingan ang dalaga. Sa huling pagkakataon ay pinasadahan niyang mabuti ng tingin ang bawat parte ng mukha nito na animong kinakabisa. Dahil kahit binanggit nitong hindi niya matatandaan ang alinmang tungkol sa lugar na iyon, may parte pa rin sa kaniyang natatakot makalimot—dahil gusto niya iyong maalala. Gusto niyang bumalik at baunin ang tila paraisong lugar na iyon—kasama na ng imahe ng babaeng may kulay tsokolateng mata.
“Hindi ako makakalimot…” pinangako niya sa sarili bago tuluyang ininom ang tubig sa mga palad.
“Panibagong pag-asa at muling subok na mabuhay.”
Mabilis lumipas ang anim na buwan. Natapos ang graduation, summer vacation at nakatapak sa isang unibersidad si Aina, ngunit wala pa ring kahit anong balita mula sa kababata. Sa loob ng isang taong pagkakawala nito ay tila tinanggap na ng lahat na hindi na nga ito babalik—hindi alintana kung namatay ba ito o namuhay sa malayong lugar. Katulad ng mga lumipas na pangyayari sa ilang pahina ng libro, napakadali para sa mga taong kalimutan ito—salungat sa dalagang walang araw ang lumipas na hindi siya kinakalabit ng pangamba at patuloy pa ring pag-asa.
Ilang pugak ng isang makina ang sumalubong sa pandinig ni Raizen nang unti-unti siyang dumilat. ‘Di nagtagal ay mahinay na rumehistro rin sa pandinig niya ang ilang mabababang boses na tila nag-uusap sa loob ng isang malaking silid.
Animong may makakapal na ulap ang nakatabing sa isip niya kaya’t ilang sandali pa ang kinailangan hanggang sa matanto niya kung nasaan siya—isang ospital.
“Nurse Jane! Nurse Jane! Gising na siya! ‘Yung roommate ko gising na tignan mo!”
Mabagal niyang binalingan ang direksyon kung saan nanggaling ang boses ng isang batang lalaki.
“Gising ka na!” Isang malaki at masiglang ngiti ang ibinungad nito sa kaniya sa kabila ng pamumutla.