5 : Jinns of light and darkness

1325 Words
“The progenitors of this town said that there’s two secret dimensions on the Crestfall forest for the lost souls—a paradise like place where the light never goes out and an ominous forest with darkness that has never known light. It is said that the opening of these dimensions is only found by these lost souls. “Anyone who’s in the brink of death physically and spiritually and losing their way can become a spirit wanderer. And it takes a beautiful soul and a pure heart to enter the Jinn of light’s fortress—otherwise, if the soul is tainted then it is automatically devoured by the other Jinn residing in the dark fortress. “Un, deux, trois—three portions from the spring would bring back the three lost things from the spirit wanderer. Physical pain while inside the fortress, lost trust and a new hope to live again.” Mula sa pakikinig sa pagbabasa ng kaibigan ay napadungaw si Raizen sa labas ng bintana nang madaanan nila ang isang gubat. Hindi niya maipaliwanag ngunit tila may kung ano roong humihila ng atensyon at interes niya. Nakapunta na ba siya rito noon? Hindi niya matandaan. “Parang may kulang.” “Hmn? Anong kulang?” Nag-angat ng tingin si Aina mula sa pagbabasa ng isang maliit na booklet. “Paano malalaman ng mga ligaw na kaluluwa ang gagawin nila kung walang naro’n sa loob?” “Ah!” Tila may naalalang bagay na nalimutan, mabilis na inilipat ni Aina ang mga pahina ng hawak. Tumigil siya sa isang pahina at muling nagsimulang magbasa. “There are two Jinns who reside inside these dimensions. It is known that both of them suffered immeasurably when they were still alive—but seemingly chose a different end when they died. “The one decided to pass on the light she never found to those souls who’s losing their way—the other cursed and gobbled down the souls the same way the darkness consumed her. They don’t have a given name because they are entities whose bound to not be remembered. They’re just regarded as the Jinns of light and darkness.” Bakit wala silang pangalan? Hindi maialis ni Raizen ang tingin sa direksyon nang malawak na gubat, kahit malayo na ito sa paningin mula sa bintana ng lulan nilang bus. May kung anong kumakalabit sa pisi ng damdamin niya sa simpleng pagtunghay lamang doon. Ngunit hindi niya maipaliwanag kung bakit. Tila may kung anong naroon na hindi niya nakikita—o hindi naaalala ng isip niya. Para bang may kung anong parte roong dala niya o parte niyang naroon ang naiwan. “Ayos ka lang?” Marahan niyang ipinilig ang ulo bago binalingan ang kababata sa tabi. Bumagsak ang tingin niya sa hawak nitong booklet. Nanghinayang siya kung bakit hindi niya kinuha ang iniaabot kaninang parehong booklet sa kaniya ng ilang local, bago sila umakyat ng bus. “Gusto mo ‘to? Sa ‘yo na lang?” anang dalaga bago walang pagdadalawang-isip na inilahad ang hawak sa kaibigan. Ilang beses kumurap si Raizen dito. “Sigurado ka?” Hindi napigilang matawa ni Aina nang mahina bago dahan-dahang tumango. “Mukhang masyado kang na-move sa alamat ng gubat na ‘yan eh.” * * * Isang taon matapos ang huling tournament na sinalihan ni Raizen, kung saan huli rin siyang nakita ay tila bumaligtad ang mundo pagkabalik niya. Sa labing dalawang buwang pagkawala niya’y, ‘tsaka lamang natanto ng mga magulang niya ang mga pagkukulang nito sa kaniya. At hindi man niya inasahan, wala pala sa kahit anong parangal o medalyang mapapanalunan niya ang tunay na mahalaga, kundi pagmamahal at sapat na atensyon—mga pangunahing pangangailangan na nararapat para sa isang bata mula sa mga magulang nila. Dahil kung minsan, ang pagkawala ay hindi laging nasusundan ng pagbabalik. At dahil binigyan siya ng pangalawang pagkakataon, nagsilbi iyong panibagong lakas ng loob sa kaniya para mabuhay, sumubok at magpatuloy muli. Wala na siyang nararamdaman ni itinatagong hinabang at galit sa kahit na sino. Tanging panlulumo na lamang ang nadama niya nang mabalitaang nasangkot sa isang aksidente si Denmar, kung saan tumamo ito nang malalalang injury at hindi na muli pang makapagpapatuloy sa pagta-taekwondo. Hindi na rin niya binuksan pa ang nangyari at ginawa nito sa kaniya halos dalawang taon ang nakalilipas, dahil tila ang tadhana na ang nagpataw ng tamang parusa para rito. Sinubukan niya itong dalawin sa ospital ng ilang beses ngunit kung hindi galit ay sinisigawan siya nito para palayasin. Sa daming beses ng pagtataboy nito tuwing dinadalaw niya’y kumalma ito isang beses. “Tumigil na rin ako sa pagta-taekwondo. Pero hindi dahil sa ginawa mo kundi dahil naisip ko, na wala sa kahit anong bagay na pwede mong makamit ang dahilan kung bakit mo kailangang magpatuloy mabuhay.” Matigas ang ekspresyon, hindi ito nagbaling ng tingin sa kaniya. Ngunit ‘di tulad ng mga nauna niyang pagdalaw ay mahinahon ito at tila napagod na sa pagtaboy sa kaniya—sa katigasan ng loob niya sa patuloy na pagbalik at pagbisita. “Tulad ng mga sugat na hindi tayo ang nagdulot, wala tayong kakayahang piliin kung saan tayo nanggaling. Pero tayo ang responsable sa sarili nating paghilom, gaya ng kakayahan nating magdesisyon kung saan tayo tutungo mula ro’n.” Isinilid niya ang magkabilang palad sa suot na jacket habang diretsong nakatingin dito. Ang dami niyang gustong sabihin. Ngunit imbes na isalin sa salita ang mga iyon ay wala siyang ibang ginawa kundi ang tahimik na pagmasdan ito. “Hindi ka ba makaintindi? Ang sabi ko umalis ka na.” “Nandito ako kung kailangan mo ng kaibigan.” “Hindi kita kailangan!” “Nandito pa rin ako.” “Hindi sabi kita kailangan!” Ang sumunod na katahimikan ay halos nakabibingi. Mula sa pagkakatulala sa kawalan ay unti-unting nanginig ang baba ni Denmar, hanggang sa mapamura ito at hindi na mapigilan ang sunod-sunod na pagtulo ng luha. Dinig ang mga hikbi at sigaw nito sa apat na sulok ng pribadong kwarto ng ospital. Bumalatay ang isang mahinang ngiti sa labi ni Raizen habang dinidinig ang mga palahaw nito, tila isang pamilyar na eksenang nangyari na noon sa kaniya. Hindi man kaila ang idinagdag na edad nito tulad niya noon ay animong isa pa rin itong bata ngayon sa harap niya. At hindi man niya inasahan, naiintindihan niya ito. *** Nakaupo habang dantay ang hita sa kabila, tamad na ipinahinga ng dalaga ang baba sa palad. Pinagmasdan niya ang marahang paghakbang ng binata, kasabay ng mga mumunting butil ng nagkikislapang liwanag sa ere na may kasalong abo na tila nyebe. Balot niyon ang bawat punong nasasalit na nilagasan na ng dahon, pati nang malamig na lupa sa talampakan nila. Ang kaunting sinag galing sa gasuklay na buwan ay rumereplika ng kinang sa bawat lagaslas ng batis, kaakibat nang nakabalot na dilim. “Un, mawawala ang mga sugat.” “Deux, hindi malilimot ang mga pilat.” “Trois, pagbabalik kapalit ng kaluluwa.” Eksaktong paghinto ng binata sa tapat ng batis ang pagtatapos ng dalaga sa muling paglalahad ng tatlong kundisyon. Huli ang ilang hibla nang unat, mahaba at itim na buhok ay pinaikot-ikot iyon ng dalaga sa daliri, hinihintay ang huling desisyon nito. Bahagya niyang naipaling ang ulo patagilid nang sandali pa itong matahimik. Ang buong akala niya’y nagbago ang isip nito. Ngunit nang makita niya ang unti-unting pag-angat ng isang sulok ng labi nito, dahan-dahan din iyong sumalamin sa ekspresyon niya. Tila nabuhayan, umahon siya sa pagkakaupo para lapitan ito. Nakayapak, ang itim na bestidang suot niya’y sinasayaw ng mga nagliliparang alitaptap sa ere sa kada hakbang. Angat ang magkasalikop na palad sa tapat ng dibdib, pinagmasdan niya ang walang imik na binata sa huling pagsalok nito ng tubig mula sa batis. Blangko ang mga mata nito kasalungat nang nakapintang ngisi sa labi, nang binalingan siya bago tuluyang inumin ang tubig. “Handa ka na bang bumalik, Treyton?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD