Kabanata III: Para Kay Anak

2592 Words
Walang hindi kayang gawin ang isang ina para sa anak, kahit kaligayahan ay nilang ipagpalit para sa anak. Ang pagmamahal ng isang ina ay hindi mataatawaran o kahit mapantayan ng kahit anong pagmamahal na maipamamalas ng kahit na sino. Kaya nilang isakripisyo ang lahat ng mayroon sila para lang sa ikabubuti ng kanilang anak. Ika nga “Isusubo nalang nila, ibibigay pa sayo.” Tila naging nakakarindi ang katahimikang bumabalot sa Baryo Libis sa mga oras na iyon. Sumasabay sa mabilis na pagtibok ng puso, malalim na paghiga, at pagtangis ang mga mahihinang yapak ng kamatayan na papalapit sa binata. Walang nakakapagsabi kung kailan, saan, at paano nagwawakas ang buhay ng tao. “Pasensya ka na, ngunit kailangan mo nang mamatay,” sambit ko habang nakatitig sa lumuluha niyang mga mata. “Sino ka?” nagtatakang tanong niya. “Anong gagawin mo? Lumayo ka!” Sumilay ang ngisi sa aking labi subalit nawala kaagad iyon nang hindi inaasahang suntukin niya ako, at inulit niya pa ito ng isang beses. Ramdam ko ang pagkirot ng aking panga, sapo ang aking mukha, lumagapak ako sa sahig. Gagamitin niya sana ang pagkakataong iyon upang tumakas ngunit hindi niya natuloy dahil maging siya ay nanghihina. Ikinagalit ko ang ginawa niya kaya tumayo ako at hinampas ko ng palakol ang bandang dibdib niya, nang dahil rito ay siya naman ngayon ang napahiga. “Please, tama na po,” nauutal na sambit ng binata, patuloy na umaatras. Kusang kumilos ang mga kamay ko at hinampas ito sa kanan niyang braso. Sa talim ng palakol na gamit ko ay naputol ito at sumirit ang maraming dugo. Nangiyak ang binata at nagsisigaw sa sakit na nararamdaman, hindi niya alam kung paano hahawakan ang kanang braso niya. Wala na siyang pagkakataon pa upang makapanlaban. Patuloy ito sa pagdaing dahil sa sakit na nararamdaman at walang magawa kun’di pagmasdan ang sumisirit na dugo mula rito. Wala na akong ibang naririnig kun’di ang mga hiyaw at paghagulgol niya. Naalarma na ako dahil baka magising ang mga tao at may makakita pa sa amin. Kaya napagdesisyunan kong dukutin na ang mata niya. Siguro kailangan na masanay ng mga kuko ko. Kailangan ko pang diinan at iikot-ikot para mas makuha ko ito. Nang mapasakamay ko na ay namamangha ko itong pinagmasdan. Mas lalo akong nasabik na dukutin naman ang sa kabila. Punong puno na ng dugo ang dilaw niyang kamiseta. Ayoko siyang patayin, ang gusto ko lang naman ay ang mga mata niya. Ngunit kung hahayaan ko siyang makatakas ay siguradong isusumbong niya ako. Baka mabulabog pa ang mga tao dito at mabahala. Hindi ganoon ang plano ko. “Kung pinansin mo lang sana ang paghanga ng anak ko sa iyo, baka naawa pa ako,” saad ko. “Pero isa ka sa mga dahilan ng pagluha niya, kaya tingin ko’y nararapat lang ito sa’yo,” dagdag ko pa. Alam kong naririnig niya pa ang sinabi ko dahil humihinga pa rin siya. Tinapik tapik ko ang pisngi ngunit bigla na lamang siyang bumagsak. Sa pagkakataong iyon tumigil ang paghinga niya, sa tingin ko ay wala na siyang buhay. Saglit akong nag-isip ng susunod na hakbang. Ibinulsa ko ang hawak kong mata nang may pag-iingat, at muling kinuha ang palakol sa sahig. Hinati ko sa dalawa ang katawan niya dahilan upang kumalat ang mga laman loob sa lupa. Tinadtad ko ang kaniyang katawan hanggang sa magkahiwa-hiwalay ang mga parte nito. Ang ulo, ang kaniyang mga braso, at mga paa. Mahirap, hindi kasi ganoon kadaling maputol ang buto ng isang tao. Pero iniisip ko na lamang na parang nagsisibak lang ako ng kahoy. Paulit-ulit, sandali pa’y naging madali na lang siyang gawin para sa akin. Hinawakan ko nang mahigpit ang hawak kong palakol. Paulit-paulit ko rin itong hinampas sa mukha niya upang masiguro na hindi siya makikilala. Nakaramdam ako ng kung anong kasiyahan. Na parang gustong gusto ko pang ulit-ulitin ito. Tila nawawala ako sa katinuan at nagiging maganda sa paningin ko ang bawat pagtalsik ng dugo sa aking balat. Punong puno ng dugo ang palakol maging ang buong kasuotan ko. Ngunit nakangiti lang akong nilisan ang lugar na iyon. Bitbit ang duguan kong palakol at ang isang pares ng bughaw na mata. Mabilis din akong nakauwi sa aking tahanan. Maingat kong binuksan ang pinto. Madilim ang sala kaya binuksan ko ang ilaw. Nakita ko ang aking anak na nakaupo sa sofa, naghihintay sa pagdating ko. Nilapag ko muna ang hawak kong palakol sa sahig bago siya lapitan. “Naghintay ka ba ng matagal, anak ko?” tanong ko ngunit hindi siya sumagot. Hinawakan ko ang dalawang palad niya at ibinigay sa kaniya ang dalawang mata, malugod niya iyong tinanggap. Natutuwa ako dahil masaya siya. Kumuha ako ng suklay at nagtungo sa likuran niya. Inumpisahan ko nang suklayin ang kaniyang buhok. Nahabag ako nang makitang nalalagas na ang ilan sa mga ito at sumabit sa hawak kong suklay. Itinabi ko na lamang iyon at umupong muli sa harap niya upang matitigan ang napakanganda niyang mukha. Ikinuwento ko sa kaniya ang mga naganap kanina. Mula sa pagdukot ko ng mata ni Carlo at pagpatay rito. Lahat iyon ay ikinatuwa ng aking anak. “Bagay na bagay sa iyo ang malarosas mong damit, anak,” sambit ko. Pinuri ko siyang muli, ang nakakatuwa lang ay sinuklian niya na ako ng isang malawak na ngiti. Isang bagay na matagal ko ng inaasam. Kung kaya’t hindi ko napigilang yakapin siya, hindi alintana ang duguan kong damit at katawan na dumikit na sa mga balat niya. Mahal na mahal ko talaga ang aking anak. Tinignan ko ang nag-iisa naming orasan, madaling araw na pala. Oras na upang matulog kaming dalawa. Maingat kong binuhat ang aking anak at dinala sa sarili niyang kwarto. Dahan dahan kong inihiga ang aking anak sa kama niya. Inayos ko ang buhok niya at inilagay ang dalawa niyang kamay sa tapat ng kaniyang dibdib. Kinuha ko ang rosas na nakalagay sa isang maliit na paso at nilagay sa kamay niya. Langta na ito at wala ng amoy. Siguro kailangan ko muling pumitas sa bakuran namin bukas. Napangiti ako at hinagkan siya sa noo. Hindi pa rin nagbabago ang anak ko. Kahit malaki na siya ay bata pa rin ang tingin ko sa kaniya. Mananatili siyang aking prinsesa, munting prinsesa. “Matulog ka ng mahimbing, anak,” sambit ko bago siya kumutan at patayin ang apoy na nagmumula sa lampara. Bumalik na ako sa sariling kwarto at pumasok sa banyo upang maligo. Tinanggal ko ang suot kong damit at binabad ito sa timba. Binuksan ko ang gripo ng tubig at nagsimulang magbuhos sa aking katawan. Tumulo ang mga dugong kumapit sa balat ko at tuluyan na itong humalo sa tubig sa sahig. Habang pinagmamasdan ko ang pulang tubig ay hindi mawala sa isip ko ang aking napanaginipan. “Ano kaya ang ibig sabihin ng panaginip ko?” tanong ko sa aking sarili. Ilang segundo pa ang nakalipas at lumabas na ako mula sa banyo. Gamit ang tuyong twalya ay pinunasan ko ang aking basang katawan at buhok. Nagpalit ako ng mas komportableng damit at naupo sa gilid ng kama. Hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang mga imaheng iyon. Napabuntong-hininga ako at humiga sa kama, tumitig lamang sa kisameng nasa itaas. Hindi ko namamalayang nakatulala lang ako roon at hindi na makabalik sa pagkatulog. Sumikat na ang araw at tumagos ang liwanag nito sa bintana ng kwarto. Dali dali akong nagtungo sa kwarto ng aking anak, natagpuan ko siya roon na gising at pinipigtas ang mga talulot ng bulaklak na binigay ko sa kaniya. Nang lapitan ko siya ay niyakap ko siya ng mahigpit. Hinaplos ko ang pisngi ng aking anak, may pagtataka sa kaniyang mukha. “Hindi ka naman mawawala sa akin anak ‘di ba?” tanong ko, may bahid ng pag-aalinlangan at takot sa aking boses. “Hindi ina, hindi kita iiwan,” sa wakas ay sagot niya. Masaya na akong marinig ang mga salitang iyon mula sa kaniya. Kumalas ako sa pagkakayap at pinunasan ang luhang dumadaloy sa aking mata. “Teka, nasaan pala ang mga bughaw na matang ibinigay ko sa iyo?” “Nilunok ko na po?” hindi siguradong sagot niya. Ngunit walang pagbabago, wala pa ring ipinapakitang emosyon ang kaniyang mukha. Hindi ko alam kung anong magiging reaksiyon sa sagot niya. Kumuha ako ng mata para lang lunukin niya? Kakaiba. Akala ko ay mas may makabuluhang bagay pa siyang gagawin roon. Ngunit mayroon pa rin na parte sa akin ang nababahala, normal ba sa mga bata ang pagkain ng mata? Malamang hindi. Pero ano nga bang magagawa ko? Iyon ang nais ng mahal kong prinsesa. “Ano ba ang lasa ng mga mata, anak?” tanong ko na may bahid ng kuryosidad. “Walang pong lasa,” sagot niya. Hindi ko mapigilang matawa dahil r’on. “Pero nagdudulot po iyon ng kakaibang kasiyahan sa akin. Pakiramdam ko po na laging nasa akin ang titig ni Carlo! Kaya salamat po, ina!” dagdag niya pa, bagay na hindi ko inaasahan. Hindi ko alam na ganoon pala iyon. Muli ay hindi ko napigilang matawa. Ginulo ko ang kaniyang buhok, ayokong sirain ang magandang araw niya. “Hindi lang iyan ang kayang gawin ng isang ina para sa kaniyang anak,” sambit ko, maging ang sarili ay hindi alam kung saan nagmula ang mga katagang iyon. “Talaga po?” tanong niya. Tumango ako. “Oo naman.” Ngumiti ako bago muling magsalita. “At sa tingin ko’y umaga na. Halika at pupunta tayo ngayon sa bayan, ipagbibili kita ng bagong damit!” Tumango-tango naman siya bilang pagtugon. Inayusan ko saglit ang aking anak. Binihisan at sinuklayan ko ang buhok niya. Ganoon din ang ginawa ko sa aking sarili. Hindi kasi maaari na lumabas akong ganito ang itsura. Paniguradong magiging tampulan ako ng kantiyaw ng mga taga-baryo. Naalala ko noong lumabas ako, kinatakutan ako ng lahat at tinawag na baliw o ‘di kaya’y aswang. Aswang? Sana nga’y baliw na aswang na lang ako. Para hindi ko na kailangan pang humanap ng rason upang mapatay ko silang lahat. Magkahawak kamay kami ng aking anak na lumabas ng tahanan. Saglit kaming huminto para pumitas ng rosas sa aking hardin. Saka kami nagpatuloy sa paglalakad. Nakarating kami sa may bangketa kung saan may tindang mga damit. Napukaw agad ng atensiyon ko ang nakasabit na bestidang itim na may disenyong mga rosas. Itinuro ko iyon sa tindera ngunit hindi niya ako pinapansin. Abala ito sa kausap niyang ginang habang inaayos nito ang mga sapatos na paninda niya. “Nakita mo ba iyong si Esang?” tanong nito sa kasama. “Iyak daw ng iyak sa barangay dahil ang anak niya ay nawawala!” “Totoo ba ‘yan Inday?” gulat na saad ng kausap. “Hindi ba’t sinasaktan ni Esang ang anak niya?” dagdag nito. “Aba’y ewan ko!” sagot niya, “Para ngang biglang naging anghel ‘yang si Esang at naglaho lahat ng kasamaan sa katawan!” “Himala nga’t hindi iyon nagsugal kanina, Inday,” saad ng kausap na tinutukoy ang tinderang kaharap ko. Rinig na rinig ko ang usapin ng mga kababaihan rito at sa iba pang sulok. Nakakarindi ang mga boses nila. Pero tama ba ang pagkakarinig ko? Si Esang, iniiyakan ang nawawala niyang anak? Hindi kapani-paniwala. Malamang ay bahagi lang iyon ng pakitang-tao niya. “Totoo ba?” biglang singit ng isang matandang mamimili sa gilid ko. “Nasaan kaya napadpad ang anak niya?” “Pabayang ina si Esang kaya hindi na nakakapagtakang maglaho ng parang bula ‘yang si Karla at matagpuan na lang na palutang-lutang sa ilog!” sagot naman ng tinderang tinatawag nilang Inday sa tanong nito. “Maghunos-dili ka nga sa pinagsasabi mo, Inday!” muling saad ng kausap. “Baka mamaya’y magkatotoo iyan at kawawa naman ang bata ‘pag nagkataon!” Nakakatawa dahil wala silang ideya na nasa puder ko ang tinutukoy nila at kasalukuyang walang mata. Ano kaya ang magiging reaksiyon nila kapag nalaman nila iyon? Hindi pa natapos ang usapan nila nang muli na naman itong magsalita, “Ano bang dahilan at biglang nagbago ‘yang si Esang? Nakakagulat ha!” “Hindi ba ganiyan naman tayong mga ina?” sabat ng matandang mamimili kanina sa gilid ko. “Hindi natin natitiis ang ating mga anak. Kahit sabihin pa nating anak sa pagkakasala si Karla, hindi pa rin mababago no’n ang katotohanan na iisa lang ang dugong dumadaloy sa kanilang ugat,” dagdag niya pa. “May punto ka r’yan,” saad ni Inday, tumatango. Medyo nainip na akong nakatayo rito kahit interesante ang pinag-uusalan nila. Napagdesisyunan ko nang kalabitin ang tindera. Lumingon naman ito sa akin kaya itinuro ko na ang damit na gusto ko. Kinuha niya naman iyon at ibinalot. “Isang daan,” sambit niya, tinutukoy ang presyo. Ibingay ko sa kaniya ang perang hinihingi niya, pagkatapos ay mabilis kaming lumisan sa lugar na iyon. Hindi pa kami nakakalayo nang may lalaking sumigaw at itinuro ako. “Oh!” gulat nitong sabi. “Tignan niyo nga naman kung sino ang naririto!” Matapos niyang sabihin iyon ay naramdaman ko ang mga matang nakatingin sa kinatatayuan ko. Napahinto ako sa paglalakad. Ang akala ko ay walang makakapansin sa amin. Siniguro ko pa na ako ang tinutukoy ng lalaking iyon. Doon ko naman napansin na napalingon na sa akin ang lahat. “Si Lilith, ang batang ina!” bulalas nito matapos ay nagtawanan silang lahat. Nakaramdam ako ng kahihiyan at napayuko na lamang. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa supot ng damit na binili ko. “Hindi ba wala naman ‘yang anak?” biglang tanong ng isang ginang na hindi ko kilala, nagtataka. Nanlaki ang aking mga mata at tinignan nang masama ang babaeng iyon. Napakuyom ako ng kamao sa galit na nararamdaman. Pagsisisihan mong sinabi mo ‘yan! “Ano ka ba naman Ismeng,” sabi ng lalaki sa ginang na nagsalita kanina. “Hindi mo ba nakikita ang batang katabi ni Lilith?” dagdag niya. Nakangisi ito, may bahid ng pang-aasar sa kaniyang mukha. Ganoon din ang ibang nasa paligid. “Ay, oo nga ano?” saad naman ng isa pa. “Malabo na kasi ang mata ko, patawad. Naku, kay gandang dalaga naman pala niyan!” Muli ay nagtawanan na naman ang lahat ng pagkalakas lakas, na para bang may kung ano silang nasasaksihan na sobrang nakakatuwa. Mabilis kong hinila ang aking anak at lumisan sa lugar na iyon. Siguro nga mali ang desisyon ko na magpakita pa sa kanila. May humarang pang lalaki sa daan ko ngunit tinulak ko siya ng malakas at agarang tumakbo. Mas mabuti na ang lumayo. Dahil kung hindi ako nakapagtimpi ay baka kung ano pa ang nagawa ko sa kanila. Pag-uwi namin ng bahay ay padabog kong ibinagsak ang mga dala ko sa bangkuan. Nakakainis talaga. Sino ba sila sa akala nila para gawin iyon? Tama bang pagtawanan at ipahiya kami ng aking anak? Ibabato ko pa sana ang bangko sa harap ko ngunit naalarma ako nang biglang umiyak ang aking anak. Natatarantang humarap ako sa kaniya at dali-dali siyang niyakap. Parang pinipiga ang aking puso dahil sa nakita, hindi ko alam ang aking gagawin. “Shhh,” pagpapatahan ko rito, “Tahan na, anak.” “Patayin mo sila ina, patayin mo sila.” Natigilan ako sa sinabi niya. Doon na tumalim ang titig ko at tila binabalot ng galit ang aking puso. “Oo, patayin ko sila anak, ” sambit ko na nauutal ng bahagya, “Kaya tahan na ha? Tahan na.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD