Kabanata IV: Poot

2810 Words
Maaga akong nagising ngayong araw. Bumangon ako nang may ngiti sa aking labi. Mali, hindi ito matatawag na ngiti. Ang isang ngiti na may halong ngisi, poot, at purong kasamaan ay isang uri ng pagpapanggap, hindi ba? Nakakatawa ang kaisipang iyon. Dahil kadalasan, kahit kasabay na ngumingiti ang labi at ang mata, wala pa ring kasiguraduhan kung tunay nga bang masaya ang taong iyon. Tulad ng nagdaang araw, una kong pinupuntahan ang paborito kong salamin. Tititig at mag-iisip ng malalim. Sa unang pagkakataon, naisipan kong itali ang mahaba kong buhok. Malinaw ko na ngayong nakikita ang aking mukha at ang malaking pilat sa aking mata, ang sugat mula sa aking nakaraan. Isa ito sa mga dahilan kung bakit tinakpan ko ng buhok ang mukha ko. Hanggang ngayon ay ayaw ko pa rin itong nakikita. “Hindi na ako maganda.” Mayamaya ay lumapit ako sa cabinet at kumuha ako ng isang gunting. Pumili ako ng hibla ng mga buhok na tama lang sa buo kong kamay, saka ko iyon ginupit para kahit nakatali ang buhok ko ay natatakpan pa rin ang pilat. Nang matapos ang ginagawa ay lumabas na ako ng aking kwarto. Kumuha ako ng mga sangkap sa pridyider upang makapagluto ng ulam. Kinuha ko roon ang isang supot na naglalaman ng karne na mula sa hiniwa kong parte ng katawan ng lalaking si Carlo. Dala dala ang malaking tabak na kahahasa lamang, sunod kong pinutol ang mga ito sa maliliit na hugis. Hiniwa hiwa ko ito sa maliliit na parte tulad nang kung ano ang ginagawa ko sa normal na karne. Sinindi ko na ang apoy at inilagay ang mga ito sa sangkalan. Matapos gawin ay pinakuluan ko ito sa tubig na kumukulo saka nilagyan ng gulay at mga rekados. Nang sangkapan ko na ito, hinintay ko na lang maluto. Nakikita ko na medyo nag-iiba ang kulay ng karne, kumuha ako ng tinidor upang tignan kung malambot na ito. Kumuha ako ng kaunti at saka ito tinikman. Kaysarap naman pala. Ba't ngayon ko lang ito nalaman? Nang maluto na ng tuluyan ay naglagay na ako sa lalagyan upang mabigyan ang aking anak at ito rin ay kaniyang matikman. Iyon nga lang ay hindi ko siya mahanap. Kung saan saan na ako nagtingin ngunit hindi ko talaga siya makita. Dahil sa inis na nararamdaman, naisipang kong punatahan muli ang bodega kung saan naroroon ang batang si Karla. Nakakasulasok na amoy ang bumungad sa akin. Namumutla ang kaniyang balat at mukhang matigas na. Kumuha ako ng gwantes at isinuot sa aking kamay. Kumuha rin ako ng malaking sako, binuhat ko ang bangkay nito at isinilid roon. Napakabigat nito ngunit pinilit ko pa rin na buhatin at dalhin sa likod ng bahay. Dito ay may patag na damuhan. Kinuha ko ang pala sa gilid at nagsimulang maghukay. Ilang oras ko rin itong ginawa. Nang mahukay na ang ninanais kong lalim ay hinagis ko na roon ang sako. Mayroon rin akong isang litrong gas at posporo. Binuhos ko ang gas roon at sinindihan ang posporo. Sa isang iglip ay lumagablab ang apoy. Tahimik kong pinagmamasdan ang pagkasunog ng bangkay ng bata. Ginawa ko ito upang mawala ang ebidensya. Saka ko muli itong tatambakan ng lupa, at tataniman ng mga bulaklak. “Natapos rin,” sambit ko habang nagpupunas ng pawis sa mukha. Bumalik na ako sa loob ng bahay, inayos ko ang mga kagamitang nagamit. Matagal akong nag-isip. Pabalik balik ako sa silid. "Anak..." "Bakit po?" Nagulat ako sa biglang pagsalita niya sa gilid ko. Hay, salamat naman! Huminto na ang ulan pagsapit ng ilang oras. Napagpasyahan kong simulan na aking naiisip. Oras na upang isagawa ang aking plano. Lumabas ako sa aming tahanan, isang lugar lang ang kailangan kong puntahan, iyon ay ang pinakamalapit na batis sa aming baryo. Hindi naman ito malayo, ilang minutong paglalakad lamang ang ginawa ko, hindi tulad sa kakahuyan, mas malapit itong lakarin. Hinahawi ko ang mga malalaki at matataas na damong humaharang sa daan. Nang makarating ako sa mabatong bahagi ay malinaw ko nang nakikita ang batis. Naniningkit ang mga mata ko sa nakitang dalawang bulto na naroroon sa isang matayog na puno. Medyo hindi ko maaninag ang parehong itsura nila kaya mas lumapit ako. Doon ay nakita ko ang isang lalaki at isang babae na tila ay nagroromansa. Medyo nakalaylay na ang damit ng babae at litaw na ang balikat, samantalang ang lalaki naman ay wala ng pang-itaas na saplot. Mabilis ko silang nakilala. Nakakadiri silang tignan. Sinasabi ko na nga ba, mula sa malagkit nilang tinginan sa isa’t-isa kahapon sa palengke, ramdam kong may kakaibang namamagitan sa kanila. Lumapit pa ako at nagtago sa isang puno upang marinig kung ano man ang kanilang pinag-uusapan. “Ismeng, pwede bang huwag kang maarte?” tanong ng lalaki na may bahid ng pagkainip sa boses, “Hindi naman tayo mahuhuli.” Sumagot ang babaeng kaharap. “Pero Gorio, hindi ito pwedeng malaman ng asawa ko,” kinakabahan ang tono ng boses nito, “Kilala mo siya.” Hindi ko na pinakinggan pa ang iba nilang usapan dahil naasiwa talaga ako sa tono ng kanilang pananalita. Mas pinagtuunan ko ng pansin ang mga bagay sa paligid na maaari kong gamitin upang makapaghiganti. Nag-iisip ako ng maaaring gawin. Wala akong dalang kahit anong patalim. Hindi ko alam kung paano aatake sa dalawang ito nang hindi nila namamalayan. Gusto ko pa sanang mas brutal kaya lang hindi maaari, maaaring may makakita sa akin dito. Hindi ligtas, ayoko rin namang mabuko ako. Humakbang ako papalapit sa kanila, pero bago ‘yon ay kumuha muna ako ng bato sa lupa, pinili ko iyong may kalakihan. Mula sa kinatatayuan ko, nakatalikod si Gorio habang si Ismeng naman ang nakaharap sa akin. May iba silang ginagawa kaya’t hindi nito pansin ang aking presensiya. Hindi na ako nag-alinlangan na ibato ang hawak ko, ang unang pinatamaan ko ay ang lalaki sapagkat aminado naman akong hindi ko siya kayang labanan. Napadaing naman siya at bumagsak sa lupa, sapo ang kaniyang ulong duguan. Tuwang tuwa ako ng makita ang pagkabigla ni Ismeng at pagkataranta. Nakita niya naman ako na mas nagpagulantang sa kaniya, ngunit sa halip na tulungan ang kaniyang Gorio ay mas pinili niya pang tumakbo. Napailing ako. Napakawalang kwenta talaga. Hinayaan ko muna siya at nilapitan si Gorio. Mahahabol ko rin naman ang babaeng iyon mamaya. Pinukpok kong muli ang ulo niya, at inulit pa ito ng ilang beses. Hindi madaling mapatay siya lalo na’t ang gamit ko lamang ay bato, katumbas lang iyon ng isang mapurol o kinakalawang na patalim. Kaya naman iniwan ko muna siya at hinabol si Ismeng. Sumisigaw ito ngunit mas nangingibabaw ang iyak niya. Sa kakalingon sa akin habang tumatakbo ay hindi niya namamalayang may puno sa harapan niya. Naumpog siya d’on at napadaing sa sakit. Sinamantala ko ang pagkakataon para malapitan siya. Agad kong sinabutan ang kaniyang buhok at hindi naman siya makapalag. “Si Ismeng, si Ismeng,” sambit ko, pakanta ang tono ng boses, “nagtataksil sa kaniyang asawa,” dagdag ko pa habang dinidiinan ang pagsabunot sa buhok niya. Nakapikit lamang ito sa sakit at hindi magawang sumagot. “Ano na lang ang sasabihin sayo ng mga anak mo?” saad ko. Hindi siya makatingin ng diretso sa akin. “Nakakahiya ka.” Nang sabihin ko iyon ay sa wakas nagsalita siya. “Sino ka para humusga?” naiiyak niyang turan. Napaismid ako sa kaniyang sagot. “Bakit?” saad ko, sarkastiko ang tono ng pananalita. “Hindi dahil talamak na ang pagtataksil sa lipunan ngayon ay tingin mo tama na ang ginagawa mo. At saka ikaw ba, natanong mo ba iyan sa sarili mo nang pagtawanan niyo ako?” Hindi siya sumagot kaya nagpatuloy ako, “Pareho tayong umibig, at parehong nagkamali. Pero ikaw ay may mga anak na, at mabuting asawa. Ikaw ay nagtaksil at pumatol rin sa may asawa na. Malayo iyon sa pagiging batang ina, Ismeng. Magkaiba tayo ng sitwasyon.” Mas diniinan ko ang pagsabunot sa buhok niya habang sinasabi ang katagang iyon. “Huwag mo akong patayin,” nauutal niyang sambit, takot na takot. Patuloy lamang siya sa pag iyak. At sa halip na sumagot ay kumuha ako ng bato at ipinukpok sa mukha niya. Hanggang sa magkalasog-lasog ito. Wala akong balak na tumigil kun’di lang may humampas ng kung ano sa aking ulo. Napahawak ang isa kong kamay sa may parteng kumikirot at lumayo ako kay Ismeng upang tignan ang taong gumawa sa akin nito. Nakita ko ay si Gorio na may hawak na pamalo. “Walanghiya kang babae ka!” singhal niya. Hindi pa pala patay ang gago. Nanlalabo ang paningin ko. Pero bago niya pa man ako mahampas ulit ay itinarak ko sa mukha niya ang hawak kong bato. Hindi ko napansin na nabiyak pala iyon dahil sa tigas ng bungo ni Ismeng. Tumusok ang matalim na biyak ng bato sa mukha na siyang dahilan ng pagkabagsak niya sa lupa. Nabitawan niya rin ang hawak na pamalo. At sa wakas, mukhang hindi na siya humihinga. Balak ko pa sanang kaladkarin sila pauwi. Ngunit mag-iiwan ng bakas ang mga dugong mula sa kanilang katawan. Hindi iyon maaari. Kaya’t kinaladkad ko na lang ito ay may batis at pinabayaang magpalutanglutang sa tubig. Matapos ang lahat ay naligo muna ako roon, medyo hindi nagkulay ng dugo ang tubig na siyang nakakadismaya para sa akin. Pagkatapos ay umuwi na rin ako pabalik na parang walang nangyari. Bahala na sa kung anong magiging kalalabasan ng balita kinabukasan. Ang mahalaga ay napatay ko na ang dalawa. Bago pumasok sa pintuan ng aking bahay ay tumigil muna ako sa may bakuran at pumitas ng mga rosas. Binitawan ko muna iyon sa bangkuan at nagbihis ng damit. Sabay kaming nananghalian ng aking anak. Ibinagay ko sa kaniya ang mga rosas at malugod niya iyong tinanggap. Tuwang tuwa siya habang dinidetalye ko ang mga pangyayari kanina. “Masaya ka ba anak?” tanong ko. “Masaya po ako,” sagot naman niya. Napangiti ako. “Mabuti kung gano’n.” Medyo may napansin akong mga langaw na pumapalibot sa aking anak kaya binugaw ko ang mga ito. Hindi naman iyon alintana ng aking anak, bagkus ay sinusundan niya ng tingin kung paano lumilipad ang mga ito. Medyo naasiwa ako na titigang umiikot ang mga mata niya. “Itigil mo na ‘yan,” banta ko sa kaniya. Sinunod niya naman ako at ipinagpatuloy ang pagkain. Sa paglinga-linga sa loob ng kabahayan ay dumako sa aking paningin ang isang lumang kwaderno. Dinampot ko iyon at binuklat, dala ng kursyudad. Bumungad sa akin ang pamilyar na tula na matagal ko nang isinulat. Lumingon ako sa akin anak at siya’y tinanong, “Gusto mo bang marinig ang tulang isinulat ko?” Tumango naman siya na ikinagalak ko. “Ang pamagat nito ay Tahan na Anak,” sambit ko. Habang tinitignan ang mga letra ay binabasa ko ito ng mahina, sakpat lang upang marinig ng aking anak. Tahan na, anak. Nasasaktan ako, anak. Pakiusap, tumahan ka sa pag-iyak. Shh. 'Wag kang matakot, hindi kita iiwan. Narito lang ako sa tabi mo, babantayan ang bawat kilos mo. Tahan na, anak. Mahal na mahal kita. Ikaw lang ang anak kong mahal, wala nang iba. Kaya sana makinig ka, ikaw ay isang biyaya. Ano man ang sabihin nila, para sa akin, ikaw ay mahalaga. Oo anak, papatayin ko sila. Tulad ng sabi mo'y Ipaghihiganti kita. Hindi ko hahayaang saktan ka muli nila. Gagawin ko ang lahat upang ika'y mapasaya. Buong buhay ko'y inialay ko sayo, kahit anong pagod ay tiniis ko. Kahit hirap na ako, ginawa ko pa rin ito para sa ‘yo. Anak, naiiba ako sa kanila. Hindi ako magagalit kasi anak kita. Iyon ay dahil ako ang iyong ina. Anak, huwag mong gawin sa akin ito. Huwag mo akong pahirapan ng ganito. Ang isang ina na tulad ko, inaasam ang presensya mo. Pakiusap, ‘Wag ka na muling lalayo. Tahan na, anak. Kung iyan ang gusto mo, ibibigay ko. Humiling ka lang anak. Kahit ano, gagawin ko. Wala nang ibang makakapanakit sa 'yo. Ang sino mang magtatangka ay luluha ng dugo. Anak, tama na. Masakit sa akin ang makita kang ganiyan. Hindi ko kaya, anak. Tahan na, tahan na. Gusto kitang yakapin, nunit hindi ko magawa. Gusto kitang pangitiin, ngunit wala akong magawa. Anak, bakit mo ito ginawa? Anak, sana nakikita at nakakausap pa kita. Anak, sana naririnig mo ito. Sana nariyan ka pa, nasa tabi ko. Matapos n’yon ay nakatulala lang ako sa hawak na kwaderno. Nakaramdam ako ng pagkirot sa ulo kaya naisipan kong bumalik sa kwarto ko. Dahan dahan ang mga yapak, malalim ang iniisip, at nalilito, iyan ang nararamdaman ko ngayon. Napatitig ako nang matagal sa salamin na nasa aking kwarto, pinagmamasdan ko ang aking sarili. Parang may kung anong memorya ang nakakulong sa aking isipin at binaon ito sa malalim, kung saan hindi ko matatagpuan. Nais ko iyong malaman, ngunit tila maraming kamay ang pumipigil sa akin. Nakakatakot na pakiramdam. Ilang segundo pa ay may mga naririnig akong ingay na nagmumula sa labas, kaya lumabas ako ng aking kwarto. Nakita ko ang aking anak na tahimik na nakaupo, itatanong ko palang sana kung ano ang ingay na iyon ngunit hindi natuloy ang sasabihin ko nang makarinig kami ng malalakas na pagkatok. Napaatras ako sa kinatatayuan at nagsimulang kabahan. Nakaramdam ako ng takot at naalarma sapagkat baka kung sino ang mga taong nasa labas, maaaring mga awtoridad o ang taong bayan. Nakakapagtaka naman. Hindi maaaring malaman nila na ako iyon. Dahil sa takot na nararamdaman, mas pinili ko munang pakinggan at alamin kung sino ang nasa labas bago pagbuksan ng pinto ang mga ito. Mahirap na. Isang hindi pamilyar na boses ng babae ang aking narinig. “Tao po! Tao po!” sambit nito habang kinakatok ang pinto. Lumapit ako ng kaunti sa pintuan ngunit hindi ko pa ito pinagbubuksan. Mas malinaw ko ng naririnig ang mga bulungan. Narinig kong nagsalita ang isang boses ng babae. “Sigurado ka bang may tao rito?” tila tanong nito sa kausap. “Nakakatakot ang bahay, huwag na kaya tayong tumuloy?” dagdag pa nito. “My God, please umuwi na tayo,” sambit naman ng isa pa. “Umuwi kang mag-isa Maria,” tugon ng isang lalaki. Lumingon ako sa aking anak at saglit kaming nagkatitigan. Nakakunot -noo ako habang pinag-iisipan ang aking gagawin. “Mukhang may mga bisita tayo anak,” turan ko sa kaniya. Muling inulit ng isang babae ang pagkatok ng pinto. “Tao po! Tao po!” “Papasok ba talaga tayo diyan?” turan ng isang garalgal ang boses, marahil ay natatakot. “Wala namang sumasagot. Teka, umatras kayo.” Nang marinig ko iyon ay naalarma ako. Mukhang binabalak ng lakaking iyon na sirain ang pinto ko kaya napilitan akong pagbuksan sila. Bumungad sa akin ang grupo ng mga kabataan. Sa harap ko ay isang lalaking nakanganga at naiwang nakataas sa ere ang paa, sa tingin ko ito ‘yong nagbabalak sumira sa pinto. Tama nga ang aking hinala. Binagsak ko ang katahimikan sa pamamagitan ng pagtikhim. “Ano ang pakay niyo?” tanong ko sa kanila. Tila natauhan ang lalaking kaharap ko at napatingin sa kaniyang mga kasama, saka sila sabay sabay na nagtilian. Isang nakakarinding sigaw mula sa mga ito ang aking narinig. “ASWANG! ASWANG! ASWA-” Naputol ang sasabihin ng lalaki kanina nang magsalita ako. “Alam kong hindi kaaya-aya ang aking itsura ngunit hindi ako isang aswang,” sambit ko. Natahimik sila nang sabihin ko iyon. Matalim ang titig ko sa kanila sapagkat hindi ko alam ang kanilang pakay, at isa pa ay napagkamalan nila akong aswang dahil sa aking itsura. “Guys!” pagpuputol ng isa sa kanila. “Manahimik kayo, pwede ba?” bulong ng isang babae sa mga kasama niya ngunit hindi ito nakatakas sa aking pandinig. Tumikhim ito at tumingin sa akin, nginitian niya ako bago nagsalita. “Pasensiya na po, ako nga po pala si Joyce, at ito po ang mga kasama ko. Mga writers po kami na dapat magkikita-kita ngayon, dahil mula pa po kami sa iba’t-ibang lugar. Kaya lang po ay nasiraan kami ng sasakyan at wala po kaming ideya kung nasaan kami ngayon.” Napalingon ako sa babaeng nagsabi no’n at mas napakunot ng noo. Hindi ko maintindihan ang ilan sa mga sinasabi niya. Medyo nag-aalala ang emosyon na bumabakas sa mga mata niya. Marahil ay nagsasabi siya ng totoo. “Kung pwede po sana ay makikituloy po muna kami sa bahay niyo pansamantala. Bukas po ay agad kaming hahanap ng paraan para makauwi.” Dagdag naman ng isa pang babae. Tinapunan ko ng tingin ang kalangitan, makulimlim. Isa pa’y gabi na. Siguradong hindi na sila makakapunta pa sa bayan. Wala silang pagpipilian kun’di ang magpalipas ng gabi sa bahay ko. Napangisi ako ng palihim. Isang maitim na ideya ang pumasok sa aking isipan. Mukhang may mga bago kaming mapaglilibangan…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD