Year 1995 | Nakaraan |
“Yaya!”
Sigaw ni Lilith habang niyayakap ng mahigpit ang yaya na papasok sa kaniyang kwarto, kasama nito ang kaniyang anak. Nginitian niya rin ito habang kumakaway. Umupo sila sa gilid ng kaniyang kama.
“Lilith! Kumusta ka? Okay ka lang ba?” nag-aalang tanong nito habang hinahaplos siya sa mukha.
“Okay lang po ako. Patawad po sa ginawa ng aking ina,” ani Lilith at napayuko sa kahihiyan.
Ngumiti ang yaya sa kaniya, “Huwag mo nang alahanin iyon.”
“Salamat po sa laging pag-iintindi,” sambi ni Lilith.
“Syempre, mahalaga ka sa’kin.”
Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila. Ang anak nito ay abala sa paglalaro ng mga manika sa gilid ng kama niya. Labis na ikinatutuwa at pinagpapasalamat ni Lilith na mayroon siyang napakabuting yaya.
“Maaari po ba akong magtanong?” biglang saad niya.
“Oo naman, kahit ano," sagot nito.
“Nasaan po ang tatay niya?” turo niya sa anak nito.
Hindi inaasahan ng katulong ang tanong na iyon. Halatang malungkot, ngunit pinilit niya pa ring ngumiti.
“Iniwan kami, pinagpalit sa ibang babae,” aniya.
Napakunot-noo si Lilith sa narinig. “Bakit ganoon po? Hindi po ba niya kayo mahal?” inosenteng tanong niya.
“Siguro nga, kasi nagawa niya kaming iwan," may bahid ng kalungkutan ang tono ng boses ng kaniyang yaya nang banggitin niya ang mga salitang iyon.
“Bakit po kayo nagkaanak kung hindi niya po kayo mahal? Hindi po ba para lang po iyon sa mag-asawa?” tanong nitong muli, puno ng kuryusidad.
“Kaya ikaw kapag pipili ka ng lalaki sa hinaharap, dapat yung mahal na mahal ka,” bilin sa kaniya nito sa halip na sagutin ang tanong.
Napatango lamang si Lilith.
“Para sa akin ay biyaya pa rin ang aking anak,” dagdag nito.
“Ang swerte po ng anak niyo,” ani Lilith. Lubos siyang naiinggit dahil mapagmahal na ina ang kanilang katulong. Nakikita niya ng lubos ang kaibahan nito sa kaniyang magulang.
“Bakit po sila ina laging galit sa akin? Parang hindi po nila ako mahal,” malungkot niyang saad.
“Huwag mong sabihin iyan, siguro iyon lang ang paraan nila upang ipakita ang pagmamahal nila sa iyo. Iba iba kasi ang mga magulang.” Saad ng katulong.
“Kapag nagkaanak po ako ay mamahalin ko ng sobra!”
Nang dahil sa narinig ay naluha ang katulong, alam niya kung gaano kasakit para sa anak ang makaramdam ng ganitong pagkasabik sa pagmamahal ng magulang. Nasasaksihan niya ang trato ng kaniyang amo sa kanilang anak. Naaawa siya rito. Hindi niya tuloy naiwasang yakapin ito ng mahigpit.
“Hindi ko po tatratuhin katulad ng ginagawa sa’kin nila ina. Hindi ko po hahayaan na maging malungkot ang aking magiging anak. Dapat parati siyang masaya, ipinapangako ko po iyan," determinado niyang saad.
Napangiti ang katulong sa narinig, ngunit nasasaktan pa rin. Wala siyang magawa kundi yakapin ang bata at punasan ang luha nito, upang maiparamdam na hindi siya nag-iisa.
-
Malabong mga imahe ang nakikita ko, magulo ang mga ito at paputol-putol ang mga eksena. Wala akong maintindihan, hindi ko alam kung paano at kung ano ang nangyayari. Pero ang bawat paggunita nito sa akin, may nararamdaman akong kirot sa aking puso. Tila ang mga imaheng ito ay patalim ng aking nakaraan, sinasaksak ako nito at sinasaktan.
Dumilim ang paligid at bigla biglang lumiliwanag. Nasisilaw ako ngunit nang makita kong mabuti ang aking kaharap, nakikita ko na naman ang aking sarili. Nasa harap ako ng isang malaking salamin. Malaki ang aking tiyan at ako’y lumuluha ng dugo. Gusto kong lapitan ang sarili ko, ngunit hindi ko magalaw ang aking paa.
Nasasaksihan ko ang pagkabasag ng salamin, ngunit kahit basag na ito ay may repleksiyon pa rin ako sa salamin. May mga nahuhulog na mga talutot ng rosas sa sahig na mula sa itaas. Naguguluhan pa rin ako. Pero ang sakit ng nararamdaman ko sa aking tiyan, sa sobrang sakit ay napaluhod ako.
“Shhhhh,” rinig kong saad ng mahinang boses, tila pinapatahan ako.
“Huwag kang matakot,” anito, “Hindi kita iiwan, narito lang ako sa tabi mo, babantayan bawat kilos mo.”
Hindi ko kilala kung sino ang nagsasalita. Hindi ko maintindihan ang binibigkas ng tinig, ngunit naririnig ko ito. Pati ang mga boses na iyon ay hindi malinaw, mistulang radyo na nasira. Hanggang sa may makita akong lalaki sa likod ng taong kamukha ko. Hindi ko masilayan ang kaniyang mukha sapagkat malabo ito. Ngunit tinatawag niya akong “mahal”.
Hindi ko alam kung bakit inaasam ko ang tinig niya, dahil tila pinapawi nito ang sakit na aking nararamdaman. Parang ang nakikita ko sa mga nakaharap sa salaming iyon ay isang masayang pamilya. Unti-unting nawawala ang aking malay. Nabigo akong lapitan sila.
Sumisilip ang liwanag sa talukap ng aking mata. Makalipas ang ilang segundo ay nagising muli ako. Naglalakad sa kadiliman. At biglang mahuhulog sa kawalan.
Parang nakarating na ako dito? Parang nakita ko na ito? Parang nangyari na ito? Puro katanungan na lamang ang nabubuo sa aking isipan. At hanggang ngayon ay wala pa rin akong mahanap na sagot.
Wala akong nakikita kun’di ang kadiliman. Subalit may naririnig akong mga boses. Marami at sabay sabay na nagsasalita. Nakaramdam na naman ako ng sakit. Kasabay nang paglapat ng dalawang mabibigat at malalaking kamay sa aking tiyan, at hinahaplos nito. Masakit. Maka-ilang beses niya rin itong ginawa. Nararamdaman ko na may kung anong mayroon sa loob ko ang unti-unting nawawala… namamatay.
“Tahan na, anak. Huwag ka na muling iiyak. Nasasaktan ako, anak. Pakiusap, tumahan ka sa pag-iyak.”
Naiisip ko ang malaki kong tiyan sa salamin. Hindi maaari. Nais kong sumigaw. Umiyak. Nais kong patayin ang taong gumagawa sa akin nito. Ngunit wala akong magawa, kun’di ang lumuha.
“Tahan na anak, tahan na.”
Lumitaw ang isang babae. Nagmamakaawa ako sa kaniya subalit hindi niya ako naririnig. Tumatawa ito. Napapikit ako ng mariin sa sandaling pinapasok na naman ng mga tinig na iyon ang buong sistema ko.
“Anak! Anak! Anak!”
Tumatangis ang mga sanggol. Habang ako ay nakaratay. Kinakapos ng hininga. Nararamdaman ko ang ginaw. At nakikita ko ang liwanag.
Hindi ko namamalayan, nagising na pala ako mula sa isang panaginip.
“Napanaginipan kong muli,” Ang nasambit ko matapos punusan ang mga pawis na tumutulo sa aking mukha.
Kung maaari lang sana na huwag na akong matulog ay ginawa ko na. Kung maaari ko lang sanang gupitin ang talukap ng aking mata tulad ng ginawa ko kay Karla upang manatili akong nakamulat at hindi na pumikit pa. Ngunit naisip ko na huwag na, sa susunod na lang. Baka may kaakibat na kahulugan ang mga panaginip ko, at nais kong malaman iyon.
Tumayo ako mula sa pagkakahiga, una kong nilapitan ang salamin. Naalala ko rito ang aking panaginip. Hindi ko alam kung bakit napatitig ako sa aking tiyan. Hindi naman iyon malaki. Nakakapagtaka lamang. Kung sino man ang gumagawa ng panaginip ay nais ko siyang makita at paslangin. Kalituhan ang dulot niya sa aking sistema.
Tulad ngayon, hindi ko maintindihan kung bakit ako umiiyak. Kung para saan ba ako umiiyak. Ipinikit ko ang aking mata para sa kapayapaan. At pagmulat ko, napadako ang aking paningin sa gunting na katabi ng kandila. Walang salitang hinablot ko iyon at pinakatitigan. Napakarami palang nakakalat na gunting sa bahay ko. Siguro dapat gawin kong kapakipakinabang ang lahat ng ito.
Ginupit ko ang aking mahabang buhok. Wala ng silbi ang pagpapaganda. Hindi ko na kailangan ng buhok upang maging kaaya-aya. Wala naman na akong silbi. Nakakainis dahil sa bawat paggupit ko sa hibla ng aking buhok, naririnig ko ang nga pagtangis. Nagpalinga-linga ako sa bawat sulok ng aking silid. Wala akong makitang anino ng aking anak. Itinuloy ko ang paggupit kahit na ako’y naiiyak.
Umikli ang aking buhok ngunit hindi pantay pantay ang pagkakagupit. Ngunit hindi pa ako kuntento, ang nais ko ay wala na akong makikitang buhok. Subalit nabitawan ko ang gunting ng hindi sinasadya. Hilakbot ang aking naramdaman ng mapansin ang unti-unting paglaki ng aking tiyan. Nasa panaginip na naman ba ako?
Ngunit naririnig ko ang iyak mula sa loob nito. Pinulot ko ang gunting at sinugatan ang aking tiyan. Poot, pighati, hindi ko na alam. Sa sidhi ng aking nararamdaman ay hindi na ako nakapag-isip ng maayos. Mas lalong lumakas ang pagtangis. Natauhan ako bigla.
“Tahan na anak, tahan na anak.”
Hindi ko alam kung paano patitigilin ang pag-agos ng dugo. Natataranta ako.
“Tahan na anak! Tahan na! Tahan na!”
Napahinto ako. Nakarinig ako ng kalabog malapit sa kinatatayuan ko. Nasaksihan ng batang si Jessa ang lahat. Hindi ko namamalayang naiwan kong nakabukas ang pinto. Magtataka pa sana ako kung ano ang ginagawa niya rito. Ngunit naalala ko na may mga bisita pala ako kahapon. Ang mga manunulat na iyon…
Nagtititigan lang kami sa isa’t-isa. May gulat at takot na bumabakas sa mata niya. Ngunit kahit ganoon, maganda pa rin ang mga ito. Maganda pa rin ang mga mata niya. Bigla kong naisip na baka ito ang magpapahinto sa mga pagtangis ng sanggol.
Hindi naman siguro kabastusan kung hihingin ko ang dalawa niyang mata? Magpapaalam naman ako. Ngumiti ako ng malawak at lumapit sa kaniya. Kaya lang ay no’ng tumakbo siya ay nagsimula na akong mangamba. Hindi maaari.
Hinabol ko siya kahit hirap na hirap ako. Tumutulo pa rin ang dugo sa ginawa kong sugat at lalo itong sumasakit tuwing gagalaw ako. Ngunit mabuti na lamang at natalisod siya dahil sa kaba at pagmamadali. Nang makahabol at makalapit sa kaniya ay hinila ko ang kaniyang buhok. Kaagad kong tinakpan ang bibig niya dahil binabalak niyang sumigaw. Ayokong makagawa kami ng ingay. Kinaladkad ko siya papasok sa silid. Kahit nahihirapan pa rin ako dahil iniinda kong sugat sa aking tiyan. Nililibot niya ang paningin sa loob ng kwarto ko, aaminin ko na nakakatakot ito sapagkat madilim rin at maraming kandila sa paligid. Napansin ko na tutok ang mata niya sa mga librong nakakalat sa sahig.
“Pahingi ng mata mo,” diretso kong sambit sa kaniya.
“I-ikaw… B-baliw k-ka...” nanginginig ang boses niya at nauutal.
Hindi ko pinansin ang sinabi niya. Tinali ko ng mahigpit ang mga kamay at paa niya sa may bangko. Kahit nagpupumiglas siya ay mas malakas pa rin ako.
“B-bitawan mo ‘ko! B-bita—mmmph!”
Hindi natuloy ang sasabihin niya nang lagyan ko rin ng busal ang bibig niya. Nagsimula siyang maluha. Ngumiti ako ng pagkatamis-tamis upang maibsan ang kaniyang takot.
“Ssshh mabilis lang ‘to,” sambit ko. “H-hihingin ko lang sana ang m-mata m-mo.. b-baka sakaling huminto sa pagtangis ang mga b-bata.”
Nakita ko ang ekpresyong hindi ko pa nakikita nino man. Base sa ipinakita niyang reaksiyon ay labis ang kaniyang takot na mawalan ng mata. Naalala ko, isa siyang manunulat. Sigurado ako na iniingatan ng mga tulad niya ang mata at kamay nila. Dahil iyon ang natatanging paraan upang makahayag, upang makapagsulat. Nasaan nga naman ang pangarap nila kung wala na silang paningin at pandama?
Narinig ko na naman ang mga boses kanina. Hindi ko alam kung bakit ko ito naririnig. Siguro nga’y nababaliw na talaga ako.
“Anak, huwag mong gawin sa akin ito. Huwag mo akong pahirapan ng ganito. Ang isang ina na tulad ko, inaasam ang presensya mo.”
Tumatangis muli ang mga sanggol. Mas malakas. At ang tinig na iyon, paunti-unting lumilinaw. Ngunit hindi ko matukoy kung sino ang sumasambit nito. Nararamdaman ko na ang sakit ng sugat, pakiramdam ko ay nanghihina ako.
Minadali ko ang pagkilos. Ito ang pang-tatlong beses na ilalapat ko ang aking kamay sa dalawang bilugang mata ng tao. Sariwa pa sa isipan ko ang mga iyon, kabisado ko na kung aling parte ang hahawakan upang mas mabilis itong makuha maging kung anong ugat ang dapat putulin. Namimilipit sa sakit ang batang hawak ko. Subalit nakatuon ang atensiyon ko sa dalawang matang nakatitig sa akin.
Nadismaya ako nang may kung anong bagay na nahulog sa mata na iyon. Kulay berde iyon, manipis, at maliit na bagay. Napagtanto ko kung ano ito. Ibig sabihin, hindi talaga ganito ang kulay ng mga mata niya. Niloko nila ako.
Matapos kong kunin ang mga mata niya, hinila ko siya at isinilid sa malaking tokador. Inalis ko ang mga nakasabit na bestida. Humihinga pa naman siya, ngunit hindi na siya nagpupumiglas dahil siguro sa panghihina. Parang siyang lumuluha ng dugo.
Sa natitira kong oras, ginamot ko ang sugat ko. Nang mapatingin sa kama ay nakita ko ang isang bestida. Kulay itim at may desenyong pulang rosas. Ito ang binili namin ng aking anak sa bayan. Ito na siguro ang tamang araw upang isuot ito. Kasya pala sa akin, tamang tama ang sukat.
Naririnig ko ang mga malalakas nakalabog at paghampas mula sa loob ng tokador. Hayaan ko lang siya r’yan. Hindi naman siguro siya mamamatay sa loob n’on. Kinuha ko ang mga bilugang mata kahit dumudulas ito sa aking kamay. Wala na ang pagtangis ng mga sanggol, tahimik na ang lahat. Sumulyap muna ako sa aking paboritong salamin bago lisanin ang silid na iyon.
“D’yan ka muna Jessa, isipin mo na lang na naglalaro tayo ng tagu-taguan, at habang hinahanap ka ng mga kaibigan mo ay tutugisin ko sila isa-isa.”