“Let’s go!”
Sama sama sila Maria, Ben, Joyce, Jericho, at Lyca palabas sa tahanan na iyon. Hahanap sila ng mga tao na maaaring pagtanungan. Muli na naman nilang dinaanan ang mga matatayog na puno at masukal na d**o. Umaga naman kaya hindi sila ganoong natatakot. Ngunit posible pa rin na maligaw sila lalo na’t hindi nila kabisado ang lugar. Ang hirap na ng daan dahil lubak at medyo maputik. Tiniis na lang nito kesa naman wala silang gawing paraan.
Ilang oras pa, nakakita rin sila sa wakas ng mga kabahayan at ilang tao sa labas nito. Dikit dikit ang mga bahay, maliit kumpara sa bahay ni Ina, at gawa lamang sa kahoy. Magulo at maingay sa lugar na ito. Tila masigla ang mga tao at abala sa mga gawain.
Nakita nila ang mga batang naglalaro ng tumbang preso sa daan. Natuwa si Joyce at nais niyang lapitan ang mga ito. Lumingon ang mga ito sa kaniya at nginitian niya. Ngunit walang ekspresyon ang mga mukha nila. Bago pa man siya makalapit ay nagsitakbuhan ang mga ito. Nagtatakang sinundan nila ang mga ito. Nang makita ang mga babae at lalaki na nagkukwentuhan sa labas ng mga bahay ay napalingon ang mga ito sa kanila. Natahimik ang lahat.
“Bakit ganito sila umakto?” takang tanong ni Maria.
“Para silang takot na takot,” ani Joyce.
“Wala naman tayong virus at hindi naman tayo mukhang zombie,” turan ni Jericho.
Wala silang makuhang paliwanag sa mga nasaksihan. Ang labis pa nilang ipinagtataka nagsipasok ang mga ito sa loob ng bahay at iniwan ang mga gamit na pinagkakaabalahan nila kanina. Tulad ng batya, sinampay, pagkain, at bilao ng gulay.
Tila balisa ang mga tao at takot na takot, animo’y hindi sila sanay makakita ng bagong mukha. Hirap silang magtanong sa mga tao sapagkat lahat ay umiiwas. Pabalik na sila nang may makasalubong na isang ginang, bitbit ang timba na may lamang mga isda. Napatigil ito nang makita sila, ngunit hindi sila iniwasan. Hindi alam ng magkakaibigan kung paano aakto dahil baka tumakbo rin ito.
Ngunit hindi naman iyon nangyari. Nagsalita ito sa wakas at tinanong sila.
“Sino kayo? Ano ang pakay niyo? Saan kayo nanggaling?” sunod sunod nitong tanong.
Magalang na ipinaliwanag ni Joyce ang mga nangyari at kung saan sila tumutuloy.
“Wala na atang marunong gumawa ng sasakyan sa amin. Wala na kasing gumagamit n’on rito.”
“Ganon po ba,” dismayadong ani Joyce.
“Sa malaking mansion kayo nakatira? Sa may mga rosas ka niyo?”
“Opo, bakit po?” sagot ni Lyca.
Umakto ang ginang na tila kinikilabutan.
“Iyong babae na nakatira sa malaking bahay? Satanista ata ‘yon e,” aniya.
Nagulat ang lahat sa sinabi nito ngunit mas pinili ni Joyce na maging kalmado upang mas maraming malaman na impormasyon ukol dito.
“Paano niyo po nasabi?” tanong niya.
“Sabi sabi ng ilan, sumasamba raw iyon sa demonyo. May nakakita sa kaniya na duguan at gumagawa ng ritwal sa likod ng bahay nito,”pagkukwento nito.
“Nakita niyo na po ba?” paninigurado ni Jericho.
Umiling-iling ito bago nagsalita. “Kailangan ko ng umalis. Ayokong madamay. Mag iingat kayo! Umalis na kayo rito! Baka nakuha na rin ng demonyo ang mga kaluluwa niyo!”
Pagkatapos nitong sabihin iyon ay kumaripas na ito ng takbo. Naiwang nakanganga ang mga magkakaibigan, naestatwa sa kinatatayuan. Wala silang nagawa kun’di pagmasdan na lamang ang ginang na papalayo sa kanila.
“Tara, daan tayo dito,” yaya ni Ben sa kanila nang may makitang isa pang daan.
Sa daang ito ay may malawak na bukirin at matatanaw ang ilog. Doon ay may nakita silang lalaki na nagpapastol ng kambing.
“Tanungin natin iyon,” ani Lyca.
“Huwag na kaya,” sabi naman ni Maria.
“Aalamin natin ang totoo,” determinadong saad ni Joyce.
Lumapit sila rito at mabuti na lamang at hindi rin ito umuwias sa kanila.
“Magandang araw po, maaari po ba magtanong?” panimula ni Joyce sa magalang na tono.
“Sino kayo? Ano ang pakay niyo? Saan kayo nanggaling?” tanong ng lalaki.
Tila inulit lang nito ang sinabi ng ginang kanina. Nagkatinginan ang magkakaibigan. Kakaiba talaga ang baryong ito para sa kanila. Itinanong ni Joyce kung kilala ba nito si Ina ngunit iba ang sinagot nito.
“Ah, ‘yong mangkukulam? Nakakatakot ‘yon e,” sagot naman nito.
“Kilala niyo po ba ang anak niya?” tanong naman ni Maria.
Hanggang ngayon kasi ay bumabagabag pa rin sa isipan niya ang tungkol roon. Baka mayroon itong masabi na makakapagbigay sa kanila ng sagot.
Napaisip ang lalaki ngunit mabilis rin itong sumagot. “Ah, ‘yong anak, baka pinatay niya rin. Hindi ko nakikita ‘yon rito.”
Sa bandang kaliwa ay may nakitang batang babae si Jericho. Nilapitan niya iyon dahil sa tingin niya mas magsasabi ito ng totoo.
“Hindi nagsisinungaling ang mga bata,” sambit niya sa mga kasama.
Tinanong rin nila ang bata. Nakahinga sila ng maluwag nang hindi nito inulit ang sinagot ng ginang at ng lalaki sa kanila kanina.
“Bago lang po kami rito, ngunit sabi ng magulang ko huwag daw po kaming lalapit doon dahil sasaniban kami ng demonyo,” saad ng bata.
Naisip niya rin itanong ang tungkol sa anak ni Ina ngunit bigo pa rin sila sa naging sagot nito.
“Anak po? May anak ba ‘yon?” nalilitong turan nito.
Lumayo na sila sa lugar na iyon. Nang makalayo ay napansin nila na doon lamang lumabas ang mga taong nagsipagtago nang makita sila kanina. Gulong gulo ang isip nila sa mga narinig.
“Sobrang naloka ako, guys!” bulalas ni Lyca.
“Ano ba ‘yang mga naririnig natin, puro masasama,” ani Joyce.
“Sobrang natatakot na ako,” sambit ni Maria.
“Paano si Jessa roon? Naiwan pa siya,” ani Ben.
Isang matanda ang bumungad sa kanila at humarang sa kanilang daraanan. Puti na ang buhok nito at pakuba na maglakad.
“Narinig ko ang pinag-uusapan niyo kanina,” aniya.
Hindi naman nakasagot ang magkakaibigan kaya ipinagpatuloy nito ang nais sabihin.
“Malungkot lang ‘yon, nangungulila. Malubha ang pinagdaanan niya sa nakaraan kaya siya nagkaganoon. Walang alam ang mga tao rito. Hindi nila alam ang sinasabi nila,” sambit nito.
“Ano po ba ang totoo?” tanong ni Joyce.
“Walang katotohanan,” ang sagot nito.
Ang sagot na iyon ay mas nag-iwan ng palaisipan sa kanila.
“Ano pong ibig niyong sabihin?” muli ay tanong ni Lyca.
Nag-iwas ito ng tingin at hindi na sinagot ang huling katanungan.
“Mauuna na ako. Kailangan ko pang pakainin ang mga alaga kong hayop.”
Naisipan na nilang umuwi sapagkat wala rin silang mapapala. Tanghaling tapat na ng mga oras na iyon. Tagaktak ang mga pawis nila sa paglalakad. Uhaw na uhaw na rin ang iba ngunit wala silang baong tubig.
Nang makabalik sa tahanan, pumasok na ang iba sa loob ngunit nagpa-iwan muli si Maria sa bakuran. Hinawakan ni Ben ang mga kamay niya.
“Maria,” pagtawag nito.
“Kausapin mo ako,” pakiusap niya.
Tumingin si Maria sa mga mata nito. Ito ‘yong mga matang nagpa-ibig sa kaniya. Ito ‘yong mga matang nagpatibok ng puso niya. Ito ang matang bumuhay sa kaniya na ngayon ay sinasaktan niya. Matang ngayon ay nangungulila at lumuluha.
“Magsabi ka sa’kin,” muling saad niya, “Kung kailangan mo ng tulong ay nandito lang ako.”
Naging emosyonal rin siya nang mga oras na iyon. Bumibigay na ang puso niya. Gusto niya itong yakapin, gusto niyang hagkan.
“Mahal kita, hindi ako susuko,” sambit ni Ben.
Doon na tuluyang nanlambot ang mga tuhod ni Maria at napaluha. Hindi niya na kaya pang pigilan ang nararamdaman niya.
Ngunit ang tanging nabigkas niya lamang ay, “Sana nga Ben, sana nga.”
Matapos n’on ay napagpasiyahan ng dalawa na pumasok na sa loob at kamustahin ang mga kasama. Iniwan nilang nakabukas ang pinto. Pagkapasok ay napansin ni Maria na natataranta ang kaniyang mga kasama kaya tinanong niya ito.
“Anong meron?” tanong niya.
“Hindi namin makita si Jessa, pati si Ina,” nag-aalalang sabi nito.
“Are you sure? Baka nasa loob lang ng bahay?” ani Maria.
“Nalibot na kasi namin, maliban sa mga saradong pinto na ibinilin sa ating huwag buksan. Mabuti pa samahan niyo kaming maghanap,” paliwanag nito.
“Nariyan lang ‘yan, naghahanap ng werewolves,” biro ni Ben.
Lumapit si Jericho sa kanila nang sabihin niya iyon.
“Funny ‘yon bro, pero may blood stains kaming nakita sa kusina.”
“B-blood stains?” nauutal na tanong ni Maria.
Tumango lamang si Jericho. Mayamaya ay may napansin si Maria na kakaiba sa suot nito. Nakacoat ito, nakasombrero, at nakasalamin.
“Ano ‘yang suot mo?” nagtatakang tanong niya.
“There is a missing moppet, and you need a genius!” wika ni Jericho at umakto na parang detective.
“Lagot ka kay Jessa, you called her a moppet!” pang-aasar ni Lyca sa kaniya.
Nagtawanan ang mga ito na natigil lamang nang biglang sumara ng malakas ang pinto. Nahihintakutan sila at patakbong nagtungo sa pinto. Kinakalampag nila ito dahil hindi talaga nila mabuksan.
“Bakit sinara?” takang tanong ni Joyce.
“Jessa, kung ikaw man ang nasa likod nito at ginagawa mo ‘to para takutin kami, please lang!” bulalas ni Maria.
Ngunit wala silang makuhang tugon. Wala nang ibang labasan kundi ang pintong iyon. Taka ang bumabakas sa kanilang mata.
Sabay sabay silang napalingon sa likod nang makarinig ng mga yabag.
“Mga anak…”
-
KABANATA X PREVIEW:
Sa natitira kong oras, ginamot ko ang aking sugat. Nang ibaling ko ang tingin sa higaan ay nakita ko ang itim na bestidang may desenyo ng mga pulang rosas. Ito ang binili namin ng aking anak sa bayan. Ito na siguro ang tamang araw upang isuot ito. Hinubad ko ang aking kasalukuyang suot at ginamit ito. Napatingin ako sa salamin, tinignan ang aking sarili. Kasya pala sa akin, tamang tama ang sukat.
Naririnig ko ang malalakas nakalabog at paghampas mula sa loob ng tokador. Hayaan ko lang ito. Hindi naman siguro siya mamamatay sa loob n’on. Kinuha ko ang mga bilugang mata sa lamesa kahit dumudulas ito sa aking kamay. Sa wakas ay wala na rin ang mga pagtangis ng mga sanggol, tahimik na ang lahat. Sumulyap muna akong muli sa aking paboritong salamin bago lisanin ang silid na iyon.
“D’yan ka muna Jessa, isipin mo na lang na naglalaro tayo ng tagu-taguan. At habang hinahanap ka ng mga kaibigan mo ay tutugisin ko sila isa-isa.”