KABANATA VIII: Hikbi

2642 Words
Hindi nila namamalayan ang pagtakbo ng oras. Sumapit ang hatinggabi at nanatili pa rin silang gising. Marami-rami na rin ang kanilang napagkuwentuhan. Ibinahagi din ng magkakaibigan ang mga naging karanasan nila kay Ina. Napansin naman ni Ina na ang ilan sa kanila ay humihikab at bumabagsak na ang talukap ng mata. “Baka inaantok na kayo. Mabuti pang magpahinga na kayong lahat.” “Inaantok lang po, walang kayo.” “Huy!” binatukan ni Jessa si Jericho dahil sa sinabi nito. Nagtatakang tumingin si Ina sa dalawa. Nagtanawanan naman ang iba. Humingi ng pasensiya si Joyce dahil sa kakulitan ng mga kasama, tumango lamang si Ina na tila naiintindihan na ang nais niyang iparating. Kumuha muna ito ng dalawang kumot sa isang lumang kabinet saka sila hinatid sa itaas. Tahimik sila at nagpapakiramdaman. Naririnig ang mga lagitgit ng kahoy na hagdan, ngunit matibay naman ito. Hindi pa rin nila maiwasang hindi luminga sa paligid. May kakaibang awra ang hatid ng bahay na iyon sa kanila. Hanggang sa marating na nila ang pinto sa silid kung saan sila magpapahinga. “Goodnight po, salamat,” ang sabi ni Joyce. Ginaya rin ito ng iba at nagpasalamat. “Matulog kayo ng mahimbing,” iyon lamang ang sinabi ni Ina at iniwan na sila. Pumasok sila sa loob ng kwarto, simple lang ang loob nito. Madilim kung kaya’t binuksan ni Joyce ang ilaw. Iisa lang ang kama na gawa sa kahoy ngunit maluwang naman ito. Kahit sinabi ni Ina na hindi na nagagamit ang kwartong iyon, napatili pa rin itong malinis. Halata ring hindi nagagalaw ang mga unan at kumot. “Boys, sa lapag kayo ah,” ani Joyce. “Yes, madam,” sabi ni Jericho habang naglalatag ng kumot sa sahig. Sumalampak sa kama si Joyce at unang pinagsabihan si Maria nang maalala ang nangyari kanina. “Muntik na tayo kanina, Maria!” aniya. “Sorry, pero ang creepy kasi,” tugon nito. “Kahit na, paano na lang kapag naoffend siya? Sa tingin ko ay dapat muna nating isantabi ang bagay na iyon. Hindi pa natin siya masyadong kilala.” “Tama, mamaya ay baliw pala siya,” saad naman ni Jessa. “Buti na lang at hindi niya narinig ang tanong mo kanina,” may pangambang turan ni Joyce. Ngumuso si Maria at muling naaalala ang itinanong niya kanina. Hindi iyon narinig ni Ina, pinaulit ito ni Ina pero minabuti nilang huwag nang itanong ito. “Siguro ay may dahilan,” ani naman ni Lyca. Tumango-tango lamang ang iba. “Pasalamat pa rin tayo sa kaniya kasi pinatuloy niya tayo rito sa bahay niya, sa kakahuyan dapat tayo natutulog sa mga oras na ‘to,” ani Joyce. “Ben kasi, mali ang kalkyula,” pangtutuso ni Jericho. “Buti na lang pala at hindi nakasama sila bunso Drea at Mercy, eh ‘di sana narito din sila sa lugar na ito,” ani Joyce. “Hindi kasi sila pinayagang bumyahe,” ani Ben. “Naalala ko tuloy ‘yong first meet up natin,” ani Jericho, “One day lang ‘yon pero napagalitan si Maria ng parents niya.” Natawa naman si Jessa, “Oo nga.” Natahimik si Maria sa narinig ngunit pinilit na ngumiti. Naalala niya rin ang bagay na iyon, ngunit gusto niya nang kalimutan. “Naalala ko si Jericho nangungulangot pa no’n eh, kadiri!” pang-aasar ni Jessa rito. Nagtawanan naman silang lahat. Mahalaga para sa kanila ang unang araw nilang pagkikita. Doon sila nagkakilala, nagkakwentuhan, at naging magkaibigan. “Ikaw naman kunwari tahi-tahimik pero ang takaw lumamon,” banat ni Jericho sa kaniya. “Hoy, hindi ah!” pagtanggi nito. “Paano ka pala ngayon Maria?” nag-aalalang tanong ni Joyce sa kaniya. “Siguradong mas magagalit ang mga iyon kasi hindi ka nagpaalam.” “Hindi ko naman na kailangang magpaalam, matagal na akong hindi nakatira sa kanila.” Nagtinginan ang lahat sa kaniya, hindi makapaniwala ang mga ito. Si Maria kasi ang tipo na hindi lalabag sa mga magulang. “Ha? Saan ka tumutuloy ngayon?” takang tanong ni Joyce. Palihim itong sumulyap kay Benny, nangungusap ang mga mata, bagay na hindi napansin ng mga kaibigan niya. “Sa k-kaibigan,” nauutal niyang sagot. “Sinong kaibigan? Ayos ka lang ba?” tanong pa nito. “Oo, okay lang ako,” sagot ni Maria. “Okay,” hindi kumbinsidong saad ni Joyce. “Just be sure na magiging okay ka, ha?” Sinserong ngumiti si Maria kay Joyce. Malaki ang pasasalamat niya dahil mayroon siyang mga kaibigan na nag-aalala para sa kaniya. “Tulog na tayo guys,” humihikab na sabi ni Benny. Sinusubukang ilihis ang usapan dahil napansin niyang ilang si Maria sa tuwing pag-uusapan ang kaniyang magulang. Sumang-ayon naman ang lahat sa kaniya at nagsihiga na. Lumipas ang mga oras at lahat ay mahimbing nang natutulog maliban kay Lyca. Hindi niya mawari kung bakit ayaw siyang dalawin ng antok. Iba kasi ang pakiramdam niya sa bahay na ito. Kanina pa siya hindi mapakali. Kinakapa niya ang eyebags niya habang nakatitig sa kisame. Hanggang sa makaramdam siya ng uhaw. Wala siyang pagpipilian kun’di ang magtungo sa baba. Kinuha niya ang kaniyang unan at dahan dahang tumayo. Iniiwasan niya ring gumawa ng ingay upang hindi magising ang mga kasama niya. Hindi sinasadyang nayakap ni Jericho ang kaniyang kaliwang paa. Nasa lapag kasi ito natutulog katabi ng pinto kung kaya’t nahihirapan siyang makalabas. Napasabunot sa inis si Lyca. Yumuko siya at dahan dahang inalis ang kamay ni Jericho sa paa niya. “Ugh, letse,” reklamo niya. Pinitik niya ang tenga nito. Napabitaw naman ito sa paa niya at kinamot ang parteng pinitik niya. Pinigilan niyang huwag matawa. Mabuti na lamang at hindi ito nagising. Bumaba siya ng hagdan. Nagbibilang siya ng tatlong segundo sa bawat ihahakbang niya ang paa sa mga palapag upang hindi makagawa ng ingay. Hindi niya makita ang nilalakaran. Nakalimutan niyang madilim nga pala, hindi tuloy siya nakadala ng flashlight. Ilang lampara lang ang nakasindi at nasa bandang kusina pa iyon. Nangangapa tuloy siya sa dilim. Napangiti siya dahil malapit niya nang marating ang kusina, ngunit gayon na lamang ang pagkagulat niya ng makarinig ng mga hikbi ng sanggol. Nagtaasan ang balahibo niya, dahil katapat niya lamang ang kwarto kung saan niya naririnig ang pagtangis. Humakbang siya paatras. Isang malumanay na boses ng babae ang sumasabay sa mga iyon. “Tahan na anak, tahan na.” Ilang oras pa ay nawala ang naririnig na tunog. Nilakasan niya ang loob at lumapit roon, napaatras na lamang siya nang muling marinig ang tunog na iyon. “Tahan na anak, tahan na anak…” Mas lumakas ang iyak ng sanggol. Hindi alam ni Lyca kung ano ang iisipin. Napalunok siya. Hindi siya sigurado kung tama ang naririnig niya o ilusyon niya lamang. Subalit labis na siyang natatakot. Kaya sa kabila ng kadiliman at panginginig ng tuhod, tumakbo siya paakyat ng hadgan at pabalik ng kwarto. Hindi alintana ang ingay ng mga yapak niya. Pagkasara ng pinto ay habol niya ang paghinga. Kaagad siyang nagtungo sa kama at nagtalukbong ng kumot. Nagdasal siya nang nagdasal hanggang sa tuluyan na siyang dalawin ng antok. Kinaumagahan, naalimpungatan sila dahil sa tapik ni Joyce na sadyang nakakasira ng mahimbing na tulog. Panay man ang reklamo, sabik silang lahat na bumangon. Samantalang si Lyca walang ganang kinukusot ang mga mata, naaalala niya pa rin ang nangyari kagabi. “Guys alam niyo ba,” panimula niya at nagtinginan sa kaniya ang lahat, “parang may naririnig akong umiiyak kagabi,” pag-aamin niya. “Ha? Wala naman ah,” ani Jericho. Umismid si Jessa sa kaniya, “Himbing kaya ng tulog mo paano mo malalaman.” “Huwag mo kaming takutin,” ani Maria. “Ang sasarap kasi ng tulog niyo, narinig niyo sana ‘yon. Sobrang creepy,” turan ni Lyca saka ngumuso. Hula niya ay walang balak ang mga ito na paniwalaan siya. “Meron talagang iyak ng sanggol kagabi, rinig na rinig ko,” dagdag niya. “Pero ‘di ba wala namang sanggol dito?” takang tanong ni Ben. “Hindi lang ‘yon, may boses pa ng babae,” muling pagkukwento ni Lyca. “Talaga?” tanong ni Joyce. “Oo,” sagot niya rito, “P-parang boses ni Ina.” Hindi sigurado si Lyca kung si Ina ba talaga ang narinig ngunit malinaw niyang narinig ang mga ingay kagabi, alam niyang hindi siya nagha-hallucinate lang. Naintriga naman ang iba, lalo na si Ben na hindi rin makatulog ng maayos, ngunit hindi niya na napansin na lumabas si Lyca. “Anong sinasabi?” tanong niya. “Tahan na anak, tahan na. Paulit-ulit niya itong sinasabi.” “That’s weird.” Komento ni Jessa. “Baka nanaginip ka lang!” “Anong anak? ‘Di ba nga ‘yong anak niya kuno, twelve years old na! How come na may sanggol?” tanong ni Joyce. “P-paano kung may sa-sanggol d-dito?” kinakabahang saad ni Maria. “Nagmumulto! Awooo!” pananakot ni Jericho na may kasama pang aksyon. “Baka premonition? Isa ba sa atin ang manganganak?” pagbibiro ni Jessa. Nag-ilingan ang mga kasama dahil sa biro ni Jessa, saka nagtawanan. Para sa kanila, imposible ang bagay na iyon. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, isa sa mga kasamahan nila ang balisa at kinakabahan. “H-hay nako, tama na ‘yang takutan, tara na sa baba,” sambit ni Maria at nauna sa pagbaba ng hagdan. Nagtitigan naman ang magkakaibigan at napakibit-balikat na lamang. Bumaba ito mag-isa. Hindi niya nakita sa paligid si Ina, walang katao-tao sa baba. Naisipan ni Maria na lumabas at magtungo sa bakuran. Naalala niya ang mga nakitang bulaklak roon. Hindi naman siya nabigo dahil nakabukas na ang pinto. Bumungad roon ang mga pulang rosas. Labis ang tuwa niya sa nakikita. Sa tuwing nalulungkot siya ay tinitigan niya lamang ang mga tanim niyang bulaklak. Ngunit hindi siya maaaring umuwi sa tahanan nila dahil sa sitwasyon niya ngayon. “Maria.” Isang tinig ang pumukaw sa kaniyang pagninilay-nilay. Kilalang kilala niya ang boses na iyon, lumingon siya sa pinanggalingan ng boses at nakita ito. “Ben,” sambit niya, bahagyang nagulat na makita ito. “Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Maria sa kaniya. Umiwas ng tingin si Ben at kunwaring nag-inat. “Magpapahangin. Ikaw?” aniya. “Tinitignan ko ang mga bulaklak,” saad niya at muling humarap sa mga bulaklak. “Ang gaganda kasi nila,” dadgdag niya. Naramdaman niya ang paglapit ni Ben sa gilid niya. “Mahilig ka pala sa bulaklak?” tanong nito. Tumango lamang si Maria, nagpipigil ng ngiti. “Oo nga pala, bakit Maria lang ang ginagamit mong pangalan?” “Ha?” takang tanong niya. “Nickname mo lang ang Maria ‘di ba?” saad nito at ngumiti sa kaniya, “Pero hindi mo sinasabi sa amin ang buo mong pangalan.” “Hm, ayoko kasi sa isa kong name,” sagot niya. “Bakit naman?” “Kasi kung tunog banal ang Maria, iyong pangalawa kong name ay kapangalan ng isang demonyo.” “Ha? Talaga?” gulat nitong tanong. Natawa ito, “Biro lang.” Naging tahimik ang atmospera sa sandaling iyon. Lumamig ang simoy ng hangin. Bumuntong-hininga si Ben bago naglakas-loob na magsalita. “Maria, yung tungkol sa p—” hindi natuloy ang sasabihin niya sapgakat pinutol iyon ni Maria. “Huwag na nating pag-usapan,” aniya. Dahan dahang hinawakan ni Ben ang kaniyang kamay. Mahigpit, at maraming gusto pakahulugan. Marami siyang bagay na nais ipagtapat, ngunit marami ring bagay ang pumipigil sa kaniya. “Hindi ba natin sasabihin sa kanila?” malungkot niyang tanong rito. “Huwag,” matigas na turan ni Maria, wala nang ipinapakitang ekspresyon sa mukha. Tumingala si Ben at tumitig sa bughaw na langit, pinipilit pigilan ang mga luha na nagbabadyang pumatak sa kaniyang mata. “Gusto mo bang maging katulad tayo ng mga sinusulat mo?” pumipiyok na ang boses nito nang sabihin iyon. “Kailangan ba maging katulad din ako ni Lloyd?” dagdag niya. Hindi makapaniwala ang ekpresyon ni Maria nang ibaling ang tingin kay Ben. Hindi ito natuwa sa narinig. Binitawan nito ang pagkakahawak ni Ben sa mga kamay niya kahit pilit nitong hinihigpitan. Ayaw niyang kumawala, ayaw niyang matapos ang sandaling ito. “Iba ang reyalidad sa mga nababasa natin sa libro.” “Pero pakiramdam ko kasi,” lumunok muna ito at tumitig ng diretso sa mata ng kaharap. Matapang naman na tumitig pabalik si Maria na tila hinahamon siyang ituloy ang nais niyang sabihin. “Pakiramdam ko kasi na mas ginugusto mong mabuhay sa imahinasyon mo.” “Hindi totoo ‘yan,” pagalit niyang sabi, nasasaktan. “Mahal kita,” sinsero nitong pag-aamin. “Mali ang ginawa natin, mali ito,” ani Maria. “Pero mahal mo rin ako,” paninindigan ni Ben sa kanilang tinatagong nararamdaman. “Ano bang kinakatakot mo?” tanong niya nang hindi ito sumagot. Ngunit wala pa rin itong tugon. Nagkaroon ng mahabang katahimikan. “Kaya kitang ipaglaban sa mga magulang mo. Kaya ko silang harapin.” “Manahimik ka na!” naiinis na sabi ni Maria. Lumayo siya ng kaunti ngunit sinundan pa rin siya ni Ben. “Sa una lang ‘yan, hindi mo alam ang sinasabi mo,” dagdag niya. “Ang unfair mo, naging masaya ka naman.” Magsasalita pa sana si Maria ngunit naputol ito nang marinig nila ang boses ni Lyca mula sa likuran. “Maria? Ben?” Sabay silang napalingon sa pinanggalingan ng boses na iyon. Palihim na pinunasan nila ang mga luha. Ngumiti ng pilit si Maria. “Oh, Lyca?” “Thank God, Nakita ko rin kayong dalawa! Tara na sa loob. May sasabihin ako.” Walang lingunan sa isa’t-isa, sumunod sila kay Lyca na naglakad papasok sa loob. Nasa sala ang iba nilang kasama at nag-uusap usap. “Si Ina?” tanong ni Maria. “Wala nga siya, hindi namin makita,” sagot ni Joyce. “Saan ba kayo galing ni Ben? Bigla kayong nawawala,” ani Jericho. “Nar’yan lang kami sa bakuran,” paliwanag ni Ben. “Kailangan nating maglibot sa paligid at magtanong tanong sa iba,” saad ni Joyce na sinang-ayunan naman ng lahat. “Tama. Baka may malapit na sakayan, o kaya’y gumagawa ng sasakyan,” ani Lyca. “Aba, hindi naman talaga natin maaaring iwan ang sasakyan ko,” apela ni Ben. “Hindi kaya tayo maliligaw?” “O kaya let’s take a tour, malay natin may mga bagay dito na makakapag-inspire sa atin na magsulat,” ani Joyce. “Tama. Sayang naman itong experience natin kung hindi natin susulitin,” saad ni Jericho, sa una pa lang naman ay ito na ang mungkahi niya. Sang-ayon naman doon ang lahat, nais rin nila itong gawin. Sayang lang ang araw kung maghihintay sila. Mabuti pang humanap ng mga bagay na makakapagtulak sa kanila na magsulat ng kwento, mapapakinabangan pa nila iyon. Bago pa sila umalis ay pinigilan sila ni Jessa, nakahawak ito sa kaniyang tiyan. “Guys, masakit ang tiyan ko. Maiwan na lang kaya ako?” “Natatae ka ba? Takaw mo kasi,” pang-aasar ni Jericho sa kaniya. “Sige, dito ka lang ha,” bilin ni Joyce sa kaniya. Nginitian naman ito ni Jessa upang hindi na sila mag-alala. Ngunit sa loob loob niya, nais niya rin maglibot kasama ang mga ito. Gusto niya ng excitement. Gusto niya ng thrill. Pambihira naman kasi itong tiyan niya, ngayon pa sumumpong. “Mag-iingat kayo guys, bumalik din kayo agad ah,” aniya, pilit tinatago ang inis na nararamdaman. Umalis na ang mga kasama samantalang naiwan si Jessa. Dumiretso siya sa banyo. Matapos roon ay naglibot libot siya sa buong bahay upang may mapaglibangan. Ngunit hindi niya inaasahan na may malaking bagay pa siyang matutuklasan. Isang lihim na sana ay hindi niya na nalaman pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD