Year 1994 | Nakaraan |
Umaawit ang mga ibon samantalang sumasayaw ang mga dahon sa puno ng Narra na iyon. Sa ilalim nito makikita ang isang babae hawak ang pendat nitong hugis rosas sa suot nitong kwintas. Patay ang mga d**o sa paligid at matatagpuan ito sa isang burol. Walang anino ng araw at payapa ang kalangitan, tulad ng pagbibigay nito ng kapayapaan sa babae. Ito ang paborito niyang lugar. Gusto niyang napag-iisa. Sa paraang ito ay mas nakakapag-isip siya at nawawala ang kalungkutan.
“Buti pa ang mga ibon, malaya,” saad niya.
Nakatitig siya sa kalangitan, maraming bagay ang tumatakbo sa isip niya.
“Gusto kong maging malaya,” aniya sabay napabuntong hininga.
Ngunit ang maliit na bagay na ito na nagbibigay nang kapayapaan ay bigla ring mawawala sa kaniya nang marinig niya mula sa malayo ang boses ng kaniyang ina, galit na galit.
“Lilith! Lilith!”
Hindi niya ito pinansin at nananatiling nakatingin sa kawalan. Alam niya namang anong oras ay mahahanap din siya nito. Tumakas lang kasi siya, ngunit hindi niya inaasahan na ganito kabilis siya mahahanap nito.
“Nasaan ka? Lilith!” malakas na pagtawag sa kaniya.
At tama nga siya, lumitaw ang galit na galit na mukha ng ina niya, ngunit hindi siya natinag. Mabilis siya nitong nilapitan at hinili ang braso. Mahigpit ang pagkakahawak nito at nasasaktan na siya.
“Aray ko po! Aray, masakit ina!” reklamo niya.
“Tumahimik ka! Sa bahay tayo mag-uusap!” galit nitong saad.
Kinaladkad siya nito hanggang sa kanilang malaking tahanan. Umiiwas ng tingin ang mga hardinero at trabahador na nadaraanan nila, ipinagpapatuloy lang ang trabaho. Sanay na ang mga ito sa ganitong eksena. Naroon sa harap ng pinto ang kaniyang ama na walang pakialam at dire-diretsong naglakad paalis. Nalungkot siya dahil roon. Pagpasok sa loob ay nakita niya ang kanilang katulong at ang anak nito sa tabi. Nakayuko ang mga ito at hindi makatingin sa kaniya.
“Yaya,” pagtawag ng kaniyang ina rito.
Halos maiyak na si Lilith sapagkat sayaw niyang saktan ng kaniyang ina ang nag-iisang kakampi niya sa tahanan na ito. Ang katulong lamang nilang ito ang tanging nakikinig sa kaniya at tinutulungan siya.
“Bakit hinayaan mong gumalaw sa kusina ang anak ko?” galit na tanong ng kaniyang ina.
“Ngunit ina, wala siyang kasalanan, nagpumilit ako na –“ hindi niya natapos ang sasabihin.
“Tumahimik ka! Hindi ikaw ang tinatanong ko!”
“Senyora, patawad po,” mahinang sagod nito, ngunit magalang pa rin ang tono ng pananalita. “Ngunit masaya po si Lilith sa pagluluto at hindi ko kaya na pigilan siya sa isang bagay na ikakasaya niya,” dagdag niya.
Ayaw niyang magalit ang amo, ngunit ayaw niya ring gawin iyon sa kaniyang anak. Ngunit mas ikinagalit iyon ng kaniyang amo.
“Baka nakakalimutan mo ang lugar mo sa tahanang ito!” nanggagalaiti nitong saad. “Pinapasahod kita kaya wala kang karapatan na sabihin iyan!”
Matapos sabihin iyon ay tinulak siya ng Senyora dahilan upang tumulo ang kaniyang mga luha. Nagsimula na ring umiyak ang pitong taong gulang na anak nito na nasa tabi niya. Awang awa ang bata sa kaniyang ina. Hinawakan nito ang kaniyang ina, kaya tila napiga ang puso ng katulong. Wala silang magagawa dahil katulong lamang sila.
“Kapag sinabi kong hindi, hindi! Ako ang masusunod sa tahanang ito!” pagalit na saad ng Senyora.
Naalarma na si Lilith at iyon na ang pagkakataon niya upang sumabat sa usapan.
“Ina, hindi na po mauulit, patawad po,” pagmamakaawa ni Lilith sa kaniyang ina.
“Pumunta ka sa kwarto mo, huwag ka lalabas!” saad nito pagkatapos ay hinila siya papalayo.
Hindi siya makasagot. Ayaw niya ring sumagot sa kaniyang ina dahil masasamain nito ang pagpapaliwanag niya. Ayaw na niyang gumawa ng ikakagalit pa nito.
Dinala siya nito paakyat sa kanilang hagdan, patungo sa kaniyang kwarto.
“Pakiusap ina,” saad niya, umaasang makikinig o maaawa ito.
Hindi sumagot ang kaniyang ina habang pinapasok siya sa loob nang kwarto. Pagkasara ng pinto ay sumalampak sa sahig si Lilith at doon humagulgol. Iniwan na siya roon ng kaniyang ina na wala man lang sinasabi na kahit na ano. Masama ang loob niya sa kaniyang ina. Kahit kailan, pakiramdam niya ay hindi siya nito naiintindihan. Parati siyang pinagbabawalan sa mga bagay na gusto niya. Ang nais ng kaniyang ina ay siya parati ang masusunod, siya ang kokontrol sa buhay niya, siya ang magdedesisyon para sa kaniya. Ayaw niya iyon, ayaw niya ng gan’on.
Gustong gusto niya ang pagluluto. Madalas niyang pinapanood ang kanilang katulong sa ginagawa nito, at mabilis niya iyong nasusundan. Gusto niya itong matutunan at gawin. Gusto niyang makapagluto ng isang masarap na putahe. Naisip niya pa no’ng una na ito ang magigising susi upang ipagmalaki siya ng kaniyang ina.
“Arghh!” napasigaw siya sabay bato sa mga librong nasa isang estante malapit sa kaniya. Tumapon at nagkalat ang mga ito sa sahig. Doon niya binuhos ang mga sama ng loob. Marami siyang gustong sabihin sa kaniyang ina, maraming gustong ipaliwanag, at isumbat. Ngunit hirap na hirap siyang magsalita, hindi niya masabi ang mga nararamdaman sapagkat siya pa rin ang mapapasama. Mahirap ang ganoong pakiramdam. Parang sa ano mang oras ay sasabog siya. Natatakot siyang mangyari iyon.
Gusto niyang maging malaya. Matagal na siyang nakakulong na tila preso, at gusto niya nang makawala. Wala na siyang magawa habang naririnig ang malakas na pagtangis at paghingi ng tulong ng kaniyang yaya.
-
PRESENT TIME
“Inaantok ka na, anak?” ani Ina na nakapagpagulantang sa kanilang lahat.
Nagtataka ang magkakaibigan at inaakala na sila ang tinatanong nito. Ngunit kapansin-pansin na sa iba ito nakatingin. Seryoso ang mukha nito at tila totoong may kausap sa tapat ng sobrang pinggan na ang pagkain ay hindi nabawasan. Doon nagsimulang kilabutan ang lahat.
“Ang ganda ng anak ko ‘di ba?” mayamaya ay sambit nito.
Halata namang nagulat sila sa bigla nitong pagtanong. Tinignan ni Maria ang mga kasama, nagtatanong ang mukha. Matinding takot ang kanilang nararamadaman sa mga oras na iyon. Ito na ang pagkakataon na tinatanong nila sa kanilang mga sarili kung ano ang dapat gawin.
“Nasa—” hindi naituloy ni Jessa ang sasabihin nang sikuhin siya ni Jericho.
“Sakyan mo na lang.” bulong nito sa kaniya.
“Ano ‘yon?” nagtatakang tanong ni Ina.
“Ah, w-wala po, hehe,” alanganin siyang ngumiti at nanginginig ang boses.
“Ma-maganda po ang a-anak niyo,” sabi na lamang ni Jessa upang hindi ito magduda o magalit sa kanila.
“Ilang taon na po ba ‘yang anak niyo?” tanong ni Jericho.
“Labing dalawa,” sagot ni Ina.
“Ah ganon po ba,” saad niya, hindi alam kung ano ang dapat sabihin.
“Kayo po? Ilang taon na po kayo?” si Ben naman ang nagtanong.
“Dalawampu’t lima.”
“Twenty-five?” tanong niya habang binibiling kung ilan ang pagitan ng taon nito sa kaniya. “Wow. Ang bata niyo pa po pala.”
“Maaga akong nagpaloko sa pag-ibig kaya maaga akong nabuntis noon.”
“Ahh,” mango-tango siya at makahulugang tumingin sa mga kasama.
“Hindi po ba nagalit ang pamilya niyo?” si Joyce naman ang nagtanong.
Sunod sunod ang tanong nila kay Ina. Kapansin-pansin ang pag-iiwas nito ng tingin sa tuwing may itatanong sila.
Bumuntong-hininga ito bago sumagot. “Hindi niyo gugustuhing malaman ang naging reaksiyon nila.”
“Alam niyo, bata pa kayo, sundin niyo ang pangarap niyo. Maraming magulang ang tutol sa mga pangarap ng kanilang anak. Tingin nila nakakabuti iyon, ngunit hindi naman. Marami pa kayong oras upang kausapin ang inyong mga magulang tungkol sa mga gusto niyo sa buhay at kung ano ang ikasasaya niyo.”
Tumango-tango lamang ang magkakaibigan sapagkat walang maisip na isasagot.
“Ipaglaban niyo ang pangarap niyo. Kayang kaya niyo rin tuparin, basta huwag susuko,” dagdag pa ni Ina.
Dahil sa narinig na mga salita ay nanaig ang kagustuhan ni Lyca na ikwento rin ang kaniyang kasaranasan.
“Ganoon po ang sitwasyon ko. Parati kong sinsunod ang gusto ng aking magulang to the point na nasasakal na ako. Nakakapagod rin magpaliwanag sa kanila. Tingin nila lagi akong gagaya sa iba, gagawa ng mali, at bibitawan ang mga pangarap,” aniya.
“Mahala ang pamilya, ngunit mas mahalaga ka, ang kasiyahan mo,” Komenti ni Ina.
“Nasaan na po ang asawa niyo?” usisa rin ni Jessa.
Mabilis na sinagot ni Ina ng tanong. “Wala na.”
Nagulat naman sila. “Wala na po siya? As in patay na?” pag-uulit ni Jessa.
Wala itong itinugon. Siniko muli ni Jericho si Jessa dahil sa mga padalos-dalos nitong tanong.
“Ah, pasensiya na po kayo dito sa kaibigan ko. Masyadong maraming tanong,” aniya.
“Ayos lang,” sagot ni Ina.
“Ang maipapayo ko sa inyo, huwag muna kayong padalos-dalos sa mga desisyon niyo. Hindi dahil malungkot kayo sa buhay, pag-ibig na ang magigising sagot. Oo, pinapasaya tayo ng pag-ibig. Ngunit masakit ang dulo nito, para kang sinaksak ng patalim. Para lang namatay. Kasi binagay mo lahat lahat, binigay mo ang buong ikaw. Kaya sa huli, naubos ka. Nawala ka.”
Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila. Mahaba ang sinabi nito at tagos sa puso. Halatang marami nang napagdaanan si Ina sa kaniyang kabataan.
“Tama po kayo, salamat po sa payo,” magalang na tugon ni Joyce.
“Gusto ng anak ko ang may kulay ang mata,” sambit ni Ina habang nakatitig kay Jessa.
Manghang magha siya sa mga ito dahil napakagandang tignan.
“Contact lense lang po ‘yan,”natatawang sabi ni Jericho.
“Ano ba ‘yong contact lense?” nagtatakang tanong ni Ina.
“Nilalagay po iyon sa mata depende po kung anong gusto na kulay. Natatanggal din po ‘yan,” sagot ni Jessa.
Naguguluhan itong tumingin sa kaniya. “Ibig sabihin, hindi talaga ganiyan ang kulay ng mata niya?” takang tanong niya.
“Opo.”
“Ako ba’y pinagloloko niyo?”
Napakamot naman sa ulo si Jessa dahil mukhang kahit anong paliwanag nila ay hindi nito maiintindihan. Minabuti niya na lamang na sakyan ang paniniwala nito. Isa pa, mas gusto niya na sana ay may kulay na lang talaga ang mga mata niya. Hindi naman siguro masamang magpanggap.
“Ah, hehe, huwag po kayong maniwala diyan. Totoo po itong mata ko.”
Tumango na lamang si Ina. Mayamaya ay napansin niya na bigla silang nanahimik at nagbubulungan. Nagtuturuan pa ang mga ito at halatang may gusto pang sabihin. Nakakunot ang noo niya ngunit hinihintay niya lamang na magsalita ang mga ito.
“Kayo ba, hindi pa inaantok?” tanong ni Ina sa kanila. “Inaantok na kasi ang anak ko.”
Muli, naroon na naman ang matinding kilabot. Nagsitayuan na ang kanilang mga balahibo. Kasabay n’on na namatay ang ilaw ng kandila sa paligid. Muntik na silang napasigaw. Tanging liawanag na lamang ay ang nag-iisang lampara sa lamesa. Tila nasa loob sila ng isang palabas, at wala na silang matatakasan pa.
“Ito na po, huling tanong. Huwag po sana kayong magagalit?” may pag-aalangang sabi ni Maria.
Bahagya nag-isip si Ina. Baka tungkol na naman ito sa personal niyang buhay. Hindi niya alam kung masasagot niya pa ang mga iyon.
“Ano ba ‘yon?”
Nakatitig lamang siya dito. Hinhintay kung ano ang itatanong nito.
“I-iyong a-anak niyo po…” nauutal na Aad ni Maria, hindi alam kung tama ba ang itatanong.
Nagdadalawang-isip pa rin si Maria kung itutuloy niya ang itatanong rito. Tumingin siya sa mga kaibigan at pawang nanghihingi ng tulong. Kumakabog ng mabilis ang kaniyang puso, nauuna ang kaba. Tumitig ng masama si Joyce sa kaniya. Ngunit nagawa niyang bumuntong-hininga at naglakas-loob na magtanong.
“Iyong anak niyo po,” lumunok muna siya bago ituloy ang sasabihin, “Bakit hindi namin nakikita?”