Pinunasan ni Maria ang tumutulong pawis sa kaniyang mukha habang palinga-linga sa kanilang dinaraanan. Nakakapit siya kay Joyce habang nanginginig ang mga kamay. Bigat na bigat na siya sa suot na bag at sa hawak na isang malaking paper bag laman ang mga gamit niya, laptop, at ilang libro. Pansin niyang hinihingal na rin si Lyca na nasa bandang kaliwa niya. Hindi nila alam kung hanggang saan pa ang lalakarin nila, wala pa rin silang mahanap na lugar na maaari nilang silungan.
Natatakot man, lakas-loob silang naglakad papasok sa kakahuyan. Maputik at malubak din ang daan ngunit patuloy lang sila sa paglalakbay. Wala nang maririnig na reklamo kay Maria at wala na ring maririnig na mga biro kay Jericho. Lahat sila ay siniseryoso na ang kamalasang nangyayari sa kanila ngayong araw. Silang anim ay hindi mapigilang mapahinto sa segundong maririnig nila ang ingay na nagmumula sa mga uwak. Nagliparan ang mga ito mula sa malaking puno na siyang nakadagdag sa kilabot na nararamdaman.
Unti-unti na ring nagpapakita ang bilog na buwan, ngunit nananatiling madilim ang paligid. Si Ben at Jericho lamang ang may dalang flashlight sa kanila, subalit ang kay Jericho ay lumalabo na ang liwanag, hindi niya kasi ito na-charge ng matagal. Malayo na ang nalakad nila ngunit puro matatayog na puno lang ang kanilang nakikita.
“Wala ba kayong napapansin na parang may nagmamasid sa atin?” seryosong tanong ni Jessa.
“Hoy, ‘wag ka na manakot please,” pakiusap ni Maria sa kaniya.
“Hindi naman ako nananakot eh, totoo nga," sambit niya.
Tumigil sila sa paglalakad at nagmasid sa paligid. Tinalasan nila ang pandinig kung sakaling may mga ingay na hindi sa kanila nagmumula. Tinututukan pa ni Ben ng flashlight ang bawat sulok ng kanilang dinaraanan. Matagal silang naghintay ngunit wala naman silang nakita.
“Magpahinga muna kaya tayo rito?” tanong ni Lyca. Mahina kasi ang immune system niya, hindi niya na kaya pang maglakad ng malayo.
“Pero delikado kung mananatili tayo rito, baka may ahas o kung ano pang mababangis na hayop,” saad ni Joyce.
Binuksan ni Joyce ang bag at kinuha ang kaniyang mineral water. Inalok niya ito kay Lyca at malugod naman itong tinaggap ng huli. Ang ilan sa kanila ay naglabas rin ng tubig at nagsipag-inom nito. Matapos ‘yon ay naglakad ng kaunti si Ben papalayo sa mga kasama. Nanlaki ang mga mata niya at napasigaw. Nagulat naman ang kaniyang mga kasama.
“May bahay d’on guys!” ang sabi niya. Tuwang tuwa ito, tila nabuhayan ng loob sa nakita.
Lahat sila ay napatingin sa direksyong tinuturo nito. Tanaw nila ang nag-iisang malaking bahay, nakasindi ang ilaw nito mula sa loob kaya agaw pansin ito. Sa tabi nito ay may matatayog na puno. Mukha itong luma at abandonado, ngunit ang ilaw na iyon ang nagsisilbing pag-asa nila na maaaring may taong nakatira roon. Gayunpaman, hindi maaalis ang kabang nararamdaman nila.
“What if haunted ‘yan?” kinakabahang tanong ni Maria.
“Atleast more than a meet up ang mararanasan natin dito,” nakangising sabat ni Jericho. Para sa kaniya, mas marami siyang maisusulat sa kaniyang akda dahil sa kakaibang experience nila.
Umirap ito sabay sabi ng, “Gago.”
Natawa si Jericho sa narinig ngunit sinaway ni Joyce.
“Bunganga mo, Maria ah. Kanina pa ‘yan," aniya.
Mas binilisan nila ang paglalakad patungo sa bahay na kanilang nakita.
“Roses!” naibulalas ni Maria nang makita niya ang napakagandang bakuran sa harap nito. Puno ito ng mga tanim na bulaklak at napakagandang tignan. Namangha rin ang iba.
Napangiti si Joyce. “Patunay ‘yan na may nakatira rito,” saad niya.
“P-pero guys?” nanuutal na tanong ni Maria sa mga kasama. Tumikhim siya at alanganin sa sasabihin. “Are you sure? Papasok ba talaga tayo r’yan?”
Tumango si Joyce, hindi na siya nagdalawang-sip na lumapit sa pinto at kumatok rito.
“Tao po! Tao po!” sambit niya habang kinakatok ang pinto.
Patuloy sila sa pagkatok sa bahay na iyon pero wala silang makuhang tugon mula sa loob.
“Sigurado ka bang may tao rito?” tanong ni Lyca. “Nakakatakot ang bahay. Huwag na kaya tayong tumuloy?”
Hindi maiwasan ni Maria na maging emosyonal. Hanggang ngayon ay iniisip niya pa rin ang mga posibleng mangyari sa kanila.
“My God, please umuwi na tayo,” pakiusap niya, kahit alam niyang imposible ito at wala na silang ibang magagawa pa.
“Umuwi kang mag-isa Maria,” tugon ni Jericho sa kaniya.
Muling inulit ni Joyce ang pagkatok sa pintuan.
“Tao po! Tao po!”
Doon na umaksyon si Ben at pumunta sa kanilang harapan. “Wala namang sumasagot,” saad niya. Napahilamos siya sa kaniyang mukha, hanggang sa may maisip siyang ideya. “Teka, umatras kayo.”
Ang nasa isip ni Ben ay sirain ang pinto at pwersahan silang pumasok rito, ngunit bago niya iyon gawin ay hinawakan siya sa braso ni Maria upang pinigilan sa balak niyang gawin.
“Papasok ba talaga tayo r’yan?” tanong niya, garalgal ang boses. Natatalot talaga siya.
Ngunit nanlumo si Maria dahil sa kabila ng paghawak niya sa braso nito ay hindi siya pinansin ni Ben, bagay na ipinagtataka niya. Tinitigan niya ito sa mata ngunit iniiwasan nitong magsalubong sila ng tingin. Nadismaya siya dahil doon, pinili niyang dumistansya na lamang at manahimik sa sulok. Hindi na siya mangingialam sa mga balak nitong gawin.
Inangat na ni Ben ang kaniyang mga paa at talagang sisipain na ang pinto kaya lang bago niya pa ito gawin ay bigla na lamang itong bumukas. Bumungad ang isang babaeng nakabestida, maputi ito, at nakaharang ang buhok sa kaniyang mukha. Nanigas silang lahat sa kinatatayuan. Naninginig naman si Maria at hindi namamalayang napakapit muli sa braso ni Ben.
“Ano ang pakay niyo?” tanong ng babae sa mahinang boses, halos hindi na marinig ang sinasabi nito. Maliit lang ang awang ng pinto at nakasilip lang ito roon. Hindi pa rin nila nakikita kung ano ang itsura ng loob ng bahay nito.
Dahil sa sinabing iyon ng babae ay tila natauhan naman si Ben at dahan-dahang tumingin sa mga kasama, saka sila sabay sabay na nagtilian. Napangiwi ang babae sa nakakarinding sigaw ng mga ito.
“ASWANG! ASWANG! ASWA-”
Nahinto sila nang muli itong magsalita, “Alam kong hindi kaaya-aya ang aking itsura ngunit hindi ako isang aswang.”
Matalim ang titig nito sa kanila kaya napalunok sila ng laway at napayuko, doon na naisipan ni Joyce na magsalita.
“Guys! Manahimik kayo, pwede ba?” pabulong na suway ni Joyce sa kanila nang mapagtanto na wala naman silang dapat na katakutan. Sumunod naman ang mga ito sa kaniya.
Tumikhim muna siya bago sinserong tumingin sa babaeng kaharap, nginitian niya ito bago magsalita.
“Pasensiya na po, ako po pala si Joyce at ito po ang mga kasama ko. Mga writers po kami na dapat magkikita-kita ngayon, dahil mula pa po kami sa iba’t-ibang lugar. Kaya lang po nasiraan kami ng sasakyan at wala point kaming ideya kung nasaan kami ngayon,” pagpapaliwanag niya rito.
Napalingon ito sa kaniya at kumunot-noo. Naghintay sila ng sasabihin nito ngunit hindi ito sumagot.
“Kung pwede po sana ay makikituloy po muna kami sa bahay niyo pansamantala. Bukas po ay agad kaming hahanap ng paraan para makauwi,” dagdag naman ni Lyca.
Nakatitig lang siya sa mga kabataang kaharap niya ngayon, pinag-iisipang mabuti kung ano ang magiging desisyon niya sa alok ng mga ito. Mayamaya pa ay nagsalita na ito.
“Pwede naman,” saad niya na ikinatuwa nila. “Kung mapagtyatyagaan niyo ang bahay,” dagdag nito.
“Talaga po?” halos maluha sa tuwa si Lyca sa narinig. “Oh my gosh, salamat po!”
Huminga sila nh malalim at tila nabunutan ng tinik sa lalamunan. Sa wakas ay makakapagpahinga na sila.
“Okay lang naman po sa amin ‘yon, ang mahalaga po ay may matutuluyan kami,” magalang na tugon ni Joyce.
Tumango ang babae at binuksan ng tuluyan ang pinto.
“Pumasok muna kayo.”
Niluwagan nito ang pagkakabukas ng pinto at sabay sabay silang pumasok sa loob. Dahan dahan at isa-isa silang pumasok sa loob.
Nililibot nila ang paningin sa buong bahay. Madilim nga lang at tanging lampara at kandila ang nagsisilbing liwanag. Maganda naman ito ngunit halata ang kalumaan. Bakbak na ang mga pintura sa dingding. Malalaki ang mga bintana at gawa sa kahoy, ngunit lahat ng ito ay nakasara. May mga lumang portrait at paintings sa dingding, ang ilan ay burado na. May lumang piano sa sala. Kapansin pansin rin ang mga antique na nakadisplay roon pati ang malakaking vase na gawa sa marmol at mukhang mamahalin.
“Pasensiya na kung madilim,” paumanhin ng babae nang mapansin ang panginginig ng kamay ng mga ito.
“O-okay lang po,” pilit na ngiting sabi ni Joyce.
Huminto sila sa paglalakad. Pinaupo sila sa mahabang sofa at iniwan upang kumuha ng maiinom. Binitawan muna nila ang mga bitbit na gamit sa gilid. Habang wala ito ay patuloy sila sa pagmamasid sa paligid.
“Kinikilabutan ako,” pabulong na ani Maria.
“Mag-isa lang ba siya sa malaking bahay na ito? Baka may iba pa.” ani Lyca.
“Mamaya na tayo magtanong sa kaniya,” saad ni Joyce. “Mabuti na ito at may matutuluyan tayo pansamantala. Magpasalamat na lang tayo,” dagdag niya.
Tahimik silang lahat nang bumalik ang babae dala ang tray na may laman na inumin.
“Ang pangalan ko ay Lilith,” pormal nitong pagpapakilala at umupo sa isang bangkuan na kaharap nila.
Isa-isa namang nagpakilala ang magkakaibigan rito.
“Bakit hindi na lang Ina ang itawag niyo sa akin?”
Nagkatinginan silang lahat at hindi alam ang isasagot. Hindi sila sigurado kung tama ba ang narinig mula rito.
“I-ina?” pag-uulit ni Maria na may halong pagtataka.
Ngumiti ito sa kaniya, “Oo. Lubos ko iyong ikakatuwa.”
Tumikhim si Joyce at pilit na ngumiti, upang hindi maging kahiya-hiya, sundin na lamang ang nais nitong sabihin.
“Sige po!” ani Joyce.
“Saan ba kayo galing?” tanong ni Ina.
“Galing po kaming Maynila, papunta po kaming Zambales,” ani Lyca.
Naguguluhang tuminigin si Ina sa kanila. “Mukhang maling ruta ang dinaanan niyo.”
Tumango-tango sila. Biglang napatayo si Jericho sa naalala. Bumaling ang tingin ng lahat sa kaniya.
“Naalala ko po, may napansin akong malaking karatula sa daan na may nakasulat na Welcome to Baryo Libis,” aniya.
“Dito nga iyon,” sagot ni Ina.
“M-malayo ba po ba iyon rito?” tanong naman ni Ben.
“Sa totoo lang ay wala akong ideya,” sagot nito na ikinalungkot nila. “Mabuti pa’t bukas ay magtanong kayo sa ibang mga kabaryo ko dito,” dagdag niya.
“G-ganon po ba,” dismayadong tugon ni Joyce.
“Iyong natawagan po kasi naming magsusundo, baka two days pa daw po before makapunta rito.” Sambit naman ni Maria.
“Parang Wrong turn lang.” mahinang bulong ni Jessa. Hindi ito nakatakas sa pandinig ni Maria kaya tinitigan niya ito ng masama.
“Manahimik ka Jericho, please lang,” aniya.
Tumawa lamang ito ng mahina. Palihim siyang siniko ni Benny kaya’t mas lumawak ang pagkakangisi niya.
“May bakanteng kwarto sa itaas. Doon na muna kayo. Paumanhin dahil iisang kwarto lang ‘yon pero malawak naman kaya sa tingin ko’y magkakasya kayo.”
Tumango naman ang lahat, ang mahalaga ay makakapagpahinga na sila.
“May mga kundisyon lang ako na kailangan niyong sundin.”
Napatingin ang lahat kay Ina nang sabihin niya iyon.
Napalunok si Joyce bago sumagot, “S-sige po Ina.”
“Una, anuman ang marinig niyong ingay, manatili lamang kayo sa loob ng kwarto,” saad nito.
Napaisip ng malalim si Jericho sa bagay na iyon. Bakit kaya bawal nilang alamin kung sakaling may marinig silang ingay? Anong ingay iyon? Tinignan niya ang mga kasama ngunit hindi naman sila nagtanong.
“Pangalawa, huwag kayong papasok sa kahit anong silid rito. Maliwanag ba?”
Muling napaisip roon si Jericho. Anong mayroon sa mga kwarto? May lihim ba itong tinatago? Muli, hindi siya nagtanong.
“Sige po, tatandaan po namin ‘yan,” magalang na turan ni Joyce.
“Mabuti kung ganon. Halina, siguradong kumakalam na ang inyong mga sikmura, maghintay muna kayo rito habang nagluluto ako ng ating makakain,” sabi ni Ina at tumango naman ang mga ito.
Nagtungo sa kusina si Ina, inilabas niya ang mga napitas na prutas at gulay kamakailan lang. Niluto niya ang mga gulay at pinainit ang natitirang lugaw. Nang matapos, ay inihain niya ito sa lamesa at tinawag na ang mga bisita niya. Tinulungan siya ni Joyce sa pagkuha ng mga pinggan samantalang ang iba ay nagsi-upuan na.
“Sobra po ata,” turan ni Benny nang mapansing sobra ang mga nakahaing pinggan.
Napalingon sa kaniya ang lahat sa tinutukoy niya. Lumapit si Ina at nilagyan ng pagkain ang pinggan na iyon.
“Para sa anak ko iyan,” nakangiting tugon ni Ina at hindi alintana ang pagkagulat ng mga kasama.
Nagpalinga-linga sila sa paligid ngunit wala silang makitang anino ng bata. Nagsimula nang kumain si Ina ngunit sila ay tulala pa rin. Nang pagbawalan sila nito ay wala silang nagawa kun’di simulan nang sumubo. Nagtataka man, kinalimutan na lamang nila ang sinabi nito at nagsimulang kumain. Baka isa itong abuloy sa namatay na kamag-anak. Gayunpaman, hindi nawawala ang kaba ni Maria.
“Ang sarap po!” komento ni Lyca na ikinatuwa ni Ina, tinutukoy ang ulam na kinakain nila.
Nagpasalamat naman ito dahil mukhang nagustuhan ng mga bisita niya ang luto niya.
“Hindi man ako kumpleto sa mga rekados ay maipagmamalaki ang luto ko. Ito ang isa sa mga hilig ko no’ng kabataan at siya ring pangarap ko sana,” aniya.
“Talaga po?” manghang sambit ni Maria. “Parehas po tayo! Bukod sa pagiging manunulat pangarap ko ring maging Chef!”
“Mabuti kung ganon,” Ngumiti ito sa kaniya. “Mga manunulat kayo, ‘di ba?”
Tumango si Maria.
“Maihahalintulad ang pagsusulat sa pagluluto. Kailangan masarap, kailangan sakto ang timpla. Hindi sobrang tamis, hindi sobrang alat, hindi sobrang asim, at mas lalong hindi dapat matabang. Maraming bagay ang hinihingi sa pagsusulat upang masiyahan ang mga mambabasa, tulad sa pagluluto.”
Namangha sila sa mga sinabi nito.
“Tama po,” pagsang-ayon ni Joyce.
“Kung matabang ang timpla ng kwento mo, tingin mo may magbabasa? Kung sobrang tamis naman, tingin mo hindi sila magsasawa? Ganon iyon,” ani Ina.
“Bakit po hindi niyo natupad ang pangarap niyo?” nagtatakang tanong ni Joyce.
Matagal ito bago sumagot. “Mahabang kuwento.”
Napansin nilang nalungkot ito kaya pinili nilang hindi na magtanong. Nagkaroon ng katahimikan.
“Bakit po ang lalim niyo manalita at mukhang may alam po kayo sa pagsusulat?” muli ay tanong naman ni Benny.
“Mga libro.”
“Nagbabasa po kayo ng libro?” gulat na tanong ng mga ito.
Nag-isip muna ito ng matagal sa sasabihin. Hindi siya makasagot at biglang napahawak sa kaniyang ulo, bigla na lamang kasi itong nanakit.
“Ayos lang po ba kayo Ina?” nag-aalalang tanong ni Joyce sa kaniya.
Tumayo siya at inabutan ng tubig si Ina na nakahawak pa rin sa ulo nito. Pumikit si Ina ng ilang sandali pagkuwa’y sumenyas na ayos lang siya. Nakahinga naman ng maluwag ang magkakaibigan. Naroon man ang pagtataka ay hindi na nila iyon inungkat pa.
Natapos sila sa pagkain. Nakapaghusgas na rin sila ng mga kamay ngunit nanatili silang nakaupo roon. Pinagpatuloy nila ang kwentuhan. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, may sinabi si Ina na nagpagulantang sa kanilang lahat.
“Inaantok ka na, anak?”
Nagtataka sila at inaakalang sila ang tinatanong nito. Ngunit kapansin-pansin na sa iba ito nakatingin. Seryoso ang mukha nito at tila totoong may kausap sa tapat ng sobrang pinggan na ang pagkain ay hindi nabawasan. Doon nagsimulang kilabutan ang lahat.