Chapter 7
Cataleen’s Pov
NAPANGANGA ako habang nakatayo sa harap ng gate na kulay itim. Namangha ako dahil ang tangkad ng gate. Para bang sinadya ang ganitong gate para walang makaakyat ng basta-basta. Wala talagang magtatangkang umakyat sa gate dahil baka pagdating do’n sa taas ay labas na ang dila dahil sa pagod.
Iniwan na ako ng driver na naghatid sa akin. Ang sabi niya ay buksan ko daw ang gate gamit ang susi na inabot niya sa akin. Wala daw kasing magbubukas sa akin kay baka tubuan daw ako ng ugat kapag tatayo lang ako dito at maghihintay na may magbukas sa akin.
Tinignan ko lang ang susi na binigay sa akin ng driver at nagdadalawang isip kung papasok ba ako o hindi. Pero kapag hindi ako tumuloy ay baka masampahan ako ng kaso ni sir Hadeon lalo na’t naka perma na ako ng contract.
Napakamot na lang ako sa likod ng ulo ko habang para akong tanga na nakatayo parin dito sa harap ng gate. Kanina pa kasi talaga ako kinakabahan at hindi alam ang gagawin. 30 minutes na yata akong nakatayo dito at hindi talaga ako gumalaw. Naglalaban ang isip at puso ko kung tutuloy ba ako o hindi. Pero mas nananaig talaga ang pera eh, kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin ako umaalis sa harap ng gate.
“Bahala na nga..” sabi ko pa at agad akong lumapit sa gate at binuksan ito gamit ang susi na binigay sa akin ng driver. Hindi ko alam na nangangain pala ng bobo ang gate na ‘to. Ang hirap pala buksan. Nagtagal ako ng 20 minutes kakaikot sa susi para lang mabuksan ang pisteng gate na ‘to.
Nabuksan ko din naman ito kaya natuwa ako na para bang isang achievement ang nagawa ko. Tinulak ko na lang ang gate para makapasok na ako. Ang bigat pa naman dahil nga sa ang taas nito. Pinilit ko nalang ilusot ang katawan ko at ang dala kong bag dahil yun lang ang kaya kong gawin para mabuksan lang ng konti ang gate. Mabuti nalang at sexy body ako.
Nang makapasok ako ay isinara ko ding muli ang gate. Sabi kasi do’n sa rules na nabasa ko ay wag na wag ko daw iiwan na nakabukas ang gate. Para namang wala akong sariling isip sa ginagawa ni sir Hadeon. Matic ko naman talagang isasara ang gate. Papansin talaga yun eh.
Ang lawak ng bakuran ng lugar na ‘to. Pero wala man lang halaman. Hindi yata fan ang may-ari ng bahay sa mga halaman. Pwede yata akong magtanim dito ng mga gulay dahil isang taon din naman akong titira rito. Wala naman sa rules na bawal akong lumabas at magtanim ng gulay.
Naglakad na lamang ako papunta sa malaking bahay. Kung ang gate ay itim, ang bahay din ay kulay itim. Yung balahibo ko tuloy sa katawan ay nagsitayuan. Nakakakilabot naman talaga ang lugar na ‘to. Para bang dinala ako ni sir Hadeon sa huling hantungan ko.
Kinailangan ko pa talagang maglakad ng 20 minutes para lang makarating ako sa harap ng bahay. Wala man lang akong makitang tao, sobrang tahimik. Hindi ko malaman kung bakit walang katao-tao. Pinagtitripan nga yata talaga ako ni sir Hadeon. Makakatay ko na talaga siya ng buhay.
Nakatayo lang ako sa tapat ng pinto at tinitigan ito ng mabuti. Iniisip ko kung papasok ba ako sa loob ng bahay ay makakalabas pa kaya ako ng buhay. Ang sabi ko pa naman sa ate ko ay maninilbihan lang ako at uuwi uwi din ako kapag day off ko. Hindi pa naman nakasulat sa rules ang day off ko kaya sana ay meron. Kapag talaga wala ay magsusumbong ako na hindi ako binibigyan ng day off.
Lumapit ako sa pinto at sinubukan pihitin ang siradura. Akala ko nga ay lock, ngunit nagulat ako na bukas pala kaya nabuksan ko ang pintuan.
Tinulak ko ng mahina ang pintuan. Kabado ako bali baynte at baka makakita ako ng kung ano-ano dito. Kapag talaga hinimatay ako ay ewan ko nalang talaga kung anong mangyayari sa akin.
Huminga ako ng malalim at hinanda na ang sarili ko para pumasok sa loob. Kung ano man ang mangyari sa akin ay tatanggapin ko na lamang dahil mukha akong pera.
Wala akong makitang tao. Ang tahimik ng bahay. Yung tahimik niya ay nakakabingi. Parang ang sakit pakinggan sa teynga.
“Wala naman yatang tao dito eh..” sabi ko pa sa mahinang boses. Lumingon pa ako sa kaliwang bahagi ko at agad akong napatili dahil may nakita akong tao. Pero pota.. ako lang pala. Malaking salamin pala ‘to na kitang kita ang kabuuan ng tao kapag nakatayo ka dito. Bwisit! Akala ko pa naman may tao.
Sinubukan kong maglakad habang ingat na ingat sa bawat hakbang. Nagmukha akong magnanakaw dito na naglalakad. Kapag talaga lumabas ang may ari ay mapagkakamalan talaga niya akong magnanakaw. Ang mas worst pa ay baka mabaril pa ako.
“H-Hello!!” Sabi ko kaya nag echo ang boses ko dahil sa sobrang tahimik. Ang laki pa naman ng bahay. Mukhang hindi pa yata ito ang sala eh kundi entrance pa lang ng bahay.
Sa kakalakad ko ay napadpad ako sa sala. Napatili na naman ako at halos atakihin sa puso nang may makita na naman ako. Putangina naman kasi.. ang lakas ng trip ng may-ari ng bahay na ‘to. Naglagay ba naman ng estatwa na nakakatakot. Para bang demon dahil may maliit na sungay. Bwisit talaga! Buti hindi ako hinimatay sa gulat.
Itinapat ko ang palad ko kung nasa’n ang puso ko. “Okay ka pa heart. Kaya mo ‘to..” pagkakausap ko sa puso ko.
Mukhang nandito na ako sa sala. May dalawang mahabang sofa kasi akong nakita na kulay itim. May dalawang maliit na upuan at ang gitna nito ay glass table at may ashtray na nakapatong do’n na kulay gray. Ayaw ko pa naman na nakakaamoy ng sigarilyo.
“Who gave you the right to step foot in my house?”
Nagulat ako ng may marinig akong boses. Halos nag echo yun sa buong sala. Yung boses niya ay lalaking lalaki at mahahalata sa boses din niya na hindi niya nagustuhan na nakapasok ako.
Agad akong tumingin sa paligid upang hanapin ang taong nagsalita. Inangat ko ang mukha ko dahil may second floor akong nakikita dito sa sala. May hagdan din kaya baka nando’n ang taong nagsalita.
Hindi nga ako nabigo dahil may nakita akong taong nakatayo sa itaas at nakatitig siya sa akin. Napakurap kurap ako ng ilang beses dahil ang gwapo ng lalaki kahit pa nga hindi ko siya makita ng malapitan. Aba, nagiging malinaw ang mata ko kapag gwapo eh. Mali talaga yung sinasabi ng iba na kalabasa ang pangpalinaw ng mata.
“You haven’t answered my question. Who are you?” Tanong niyang muli habang nakikita kong bumababa siya sa hagdan. Napalunok ako ng ilang beses at hindi alam ang isasagot. Dapat ba sabihin ko ako si Mrs. Cataleen Blair Fortalejo Valconeri. Eh paano kung hindi maniwala ang lalaking ‘to.
Pinagmamasdan ko lang siya habang bumababa ng hagdan. Ang gwapo niya. Hindi naman sila magkamukha ni sir Hadeon kung kuya niya ito. Ang sabi din naman niya ay level 0 ang kagwapuhan no’n kaya baka hindi ito ang kuya niya. Baka naman caretaker lang ito at umaasta na amo. Merong ganun eh, kunwari tagapagmana kung umasta. Pa english-english pa siya. Matisod sana siya.. matisod papunta sa akin.
Medyo malapit na siya sa akin. Doon ko lang nalaman na ang tangkad pala niya. Ang katawan niya at matipuno. Yung braso pa lang niya kapag sinakal ako ay patay talaga ako agad.
“It seems you have no plan to answer my question.” Sabi niya sa kalmadong boses ngunit mapanganib ang titig niya.
Biglang nag snapped ng daliri ang lalaki at narinig ko ang tunog no’n. Nagtaka pa ako kung bakit niya ginawa yun ngunit laking gulat ko ng may lumabas na isang malaking aso na itim. Nanlaki ang mata ko at halos mataranta dahil nakalabas pa ang dila nito.
Nagulat ako ng biglang tumakbo papunta ang aso sa akin kaya hindi ko alam ang gagawin ko. Naalala ko na naman nong bata ako na hinabol ako ng aso ng kapitbahay namin kaya nakagat ang ibaba sa pwetan ko kaya ayon na turukan ako ng anti-rabies.
Pero mukhang makakagat na naman yata ako ng aso. Kasalanan talaga ‘to ni sir Hadeon eh. Mahulog sana siya sa kinauupuan niya.
Napatakbo na lamang ako habang dala-dala ang backpack ko. Imbes na nabibigatan ako ay nawala na sa isip ko yun dahil sa malaking aso. “Waaa!!! Tulong!!” Sigaw ko pa kahit alam ko naman na walang tutulong sa akin. Mangiyak ngiyak na ako sa takot dahil sa asong humahabol sa akin. Paikot ikot lang kami sa sala.
“M-Magpapakilala na ako please..” sabi ko sa lalaking pogi pero pinahabol naman ako sa aso.
Bigla na naman niyang pinitik ang daliri niya kaya tumigil ang aso sa kakahabol sa akin kaya napaupo na lamang ako sa sahig dahil sa pagod. Hinahabol ko ang paghinga ko at ngayon ko lang din naramdaman ang sakit ng balikat ko dahil sa dala kong backpack.
“Now, speak.” Sabi ng lalaki. Nagulat na lang ako ng makita ko siyang nasa harapan ko na.
Kinailangan ko pa talagang iangat ang mukha ko para lang makita ang mukha niya. Ang tangkad naman kasi siya tapos nakasalampak pa ako ng upo dito sa sahig.
“W-Wait lang naman.. kita mo na ngang hinihingal ang tao eh,” reklamo ko habang hinahabol pa rin ang hininga.
Yung aso naman ay nasa gilid ko. “Ilayo mo nga muna yang aso na yan!” Sabi ko pa sa lalaki dahil nakakatakot. “Gawin kong adobo yan eh.” Dagdag ko pang sabi.
Hindi naman nagsalita ang lalaki kaya tumingin ako sa kanyang muli kaya nakita ko na naiinis na siya. “Ito na nga magpapakilala na..” sabi ko na lamang saka pinunasan ang noo ko gamit ang palad ko.
Sinubukan ko nalang tumayo para naman hindi mangalay ang leeg ko. “Nandito ako dahil kay sir Hadeon. Pinadala niya ako dito sa bahay na ‘to.” Pagsisimula ko.
Hindi naman siya nagsalita at mataman lang siyang nakatitig sa akin. Dahil malapit siya sa akin ay kitang kita ko ang kulay ng mata niya. Kulay abo ito at ang gandang pagmasdan. Sigurado ako na hindi talaga ‘to kapatid ni sir Hadeon dahil black naman yung mata ng animal na yun.
Ang tangos ng ilong ng lalaki, maputi ang kanyang balat at may umiigting na panga tulad ng sabi ng ibang babae. Yung braso nga niya ay kitang kita ang ugat. Kahinaan ko pa naman yan. Pero hindi nga pala ito ang oras para kumarengkeng ako sa taong ‘to. Ang pinunta ko dito ay si Remus Eleazar Valconeri at hindi ang lalaking ‘to.
“Ahm.. nandito ako para kay Remus Eleazar Valconeri. Nandito ba siya?” Tanong ko sa lalaki.
Kitang kita ko sa mukha niya ang pagkagulat ng sabihin ko yun. “Wag ka ng magulat sa sinabi ko. Pero siya talaga ang pinunta ko. Kasi.. ahm.. paano ko ba sasabihin sayo.. ako kasi yung pinadala ni sir Hadeon bilang asawa ni Remus. Nandyan ba siya? Assistant ka ba niya? Nasa kwarto ba siya?” Sunod-sunod kong tanong.
Hindi naman siya sumagot kaya napakamot ako sa likod ng ulo. Nagtatanong ng maayos eh pero hindi man lang ako sinagot.
“Ayaw mo ba sagutin ang tanong ko? Okay, ganito nalang. Para maniwala ka sa sinasabi ko ay tawagan mo si sir Hadeon. Siguro naman kilala mo ang kapatid ng boss mo, ‘di ba? Doon mo itanong sa kanya ang nangyayari para malaman mo na nagsasabi ako ng totoo.” Wika ko upang paniwalaan niya ako.
“Nga pala, yung Remus ba matanda na ba? O pangit? Sabi kasi ni sir Hadeon na level 0 daw yun eh. Pina-rate ko kasi sa kanya kung anong level ang itsura ng kuya niya at ang sabi niya ay level zero daw. Kaya sigurado akong pangit yun at matanda na din siguro kaya nag hired nalang ng asawa for one year kaysa sa maghanap. Mga mayayaman talaga, kayang kaya gawin ang gusto kapag may pera.” Mahaba kong sabi habang iniiling pa ang ulo ko sa harapan ng lalaki.
“What the hell are you talking about, woman?” Tanong niya na halatang naiirita sa pinagsasabi ko.
Hindi naman ako nakasagot at napakamot na lamang ako sa tungki ng ilong ko. Paano ba naman kasi ang talim ng tingin niya. Pero imbes na matakot ako ay nahulog pa yata ang panty ko. Walanjo!
Bigla siyang may kinuha sa bulsa niya kaya kinabahan ako at baka kung ano na. Pero nakita ko na cellphone pala kaya medyo nakahinga na din ako ng maluwag.
May tinatawagan yata siya. Nakasunod lang ang tingin ko sa kamay niya. Dinala niya ang cellphone sa kaliwa niyang tenyga. Siguro ay tinatawagan niya si sir Hadeon. Duda talaga siya sa kagandahan ko eh.
“What the hell are you doing, Hadeon Eleazar?! Why did you send a woman here?!” Galit na sabi ng lalaki. Pero hindi yun ang nakakuha ng atensyon ko kundi ang pangalan na binanggit niya. Eleazar din pala si sir Hadeon. Magkaiba lang ng unang name sa kuya niya.
Mukhang nagsasalita sa kabilang linya si sir Hadeon dahil tahimik ang lalaking masungit. Kulang nalang may lumabas na apoy sa bibig niya. Yung kilay pa naman niya magkasalubong.
“Tsk. Nagpadala ka na nga lang ng babae, bobo pa.” Sabi ng lalaki saka pinatay ang tawag.
Masama ko siyang tinignan. “Sinong bobo ha?! Wag ka ngang pabibo! Hindi naman ikaw ang pinunta ko dito. Papansin! Makabobo ka sa akin. Eh ang galing-galing ko nga sa Math eh. 1+1=2. Letche ka!” Galit na galit kong sabi. Sino bang hindi maiinis kung harap harapan ba naman akong tawaging bobo.
“Shut up! You’re in my house, so watch your mouth, woman!” Sabi niya sa pagalit na boses saka siya nagsimulang naglakad palayo sa akin.
Doon ko lang narealize at talagang nanlaki ang mata ko na siya pala si Remus Eleazar Valconeri. Kaya siguro siya nagalit dahil sabi ko pangit siya. Eh ang hinahanap ko kasi ay pangit na lalaki dahil ayon kay sir Hadeon level 0 daw. Malay ko bang isang Greek God ang Remus Eleazar Valconeri. Kaya pala tinawag niya akong bobo. Bwisit! Hindi man lang nagpakilala agad. Ang dali-dali naman sanang sabihin na siya si Remus para hindi ako nagmukhang tanga na hinahanap ang pangit na tao dito sa bahay na ‘to.