PALAKAD-LAKAD si Ira sa sala. Hindi ito mapakali. Naroong sumisilip ito sa cellphone ni Xyrus na nakalapag sa ibabaw ng center table o kaya sisilip sa labas ng bintana. “Okay ka lang, baby?” Nilingon ni Ira si Xyrus na nakaupo sa sofa. “Hindi ko alam. Kinakabahan ako. Hindi ba sabi ng kauasap mo na baka tatawag daw ang mga magulang niya. Bakit hindi pa sila tumatawag? Saan ba siya manggagaling? Gaano kabilis kaya iyong sasakyan niya?” Natawa si Xyrus. Napakamot din ito ng ulo. “Baby sa Pasig pa manggagaling si Jak. Hindi ko alam kung ano ang gagamitin niyang sasakyan. Kung SUV ang sasakyan niya, malamang apat hanggang limang oras ang biyahe. Pero kung gagamit siya ng chopper, ilang minuto na lang ang hihintayin natin bago siya dumating. May helipad naman sa rooftop ng bahay na ito.”

