7

2110 Words
"Dadalhin kita sa bahay, mamaya..." ito na naman ako sa padalos-salos kong desisyon. Pero naisip ko rin, na ito na ang tamang panahon. Kung kailangan ko ng tulong niya, kailangan ko rin siyang ipakilala kay Papa at sa mga kapatid ko. Ayaw kong magsinungaling, at ayaw ko ring malaman nina Papa na makikibahay ako na hindi nila alam. Mas mahirap ng mabuko sa huli at baka umiyak lang ako ng dugo para magmakaawa. "Okay..." ngumiti ito at kinuha ang bitbit kong grocery para kina Papa. Hindi naman ako makangiti-ngiti, kinakain ako ng sariling kaba. Kaya siguro di na rin nakakapagtaka kung tahimik ako ng buong byahe. Ang tanging nasasabi ko na lang ay ang tamang direksyon. Mas lumakas ang tahip ng sariling dibdib ng nakita ang bungad patungo sa amin... halos gusto ko na lang magmakaawa na bumalik na lang kami at baka pwede na sa susunod. Kaso, naisip ko rin ang bahay... nagmumukha akong manggagamit, pero paano naman kami? Paano sina Papa? Ito na nga oh! Binibigay na sa akin ang solusyon. Kailangan ko lang panindigan. "D-dito..." sabi ko sabay silip sa bakuran ng bahay. Hindi ako sigurado kung nandiyan sina Papa at ang mga kapatid ko. Umaga pa lang kanina ay nakapagpaalam naman ako na uuwi ako ngayon, sandali nga lang. "Relax, ako ang kakausap." Gagap niya sa kamay ko. Para akong basang sisiw nang lumingon sa kanya. Sabay ngiti ng kaonti. Ngumiti rin naman siya at niyakap ako ng mahigpit. Nakahinga naman ako ng kaonti kaso nang nakita si Papa na lumabas mula sa gilid ng bahay ay biglang bumalik ang kaba ko kanina. Para akong mahihimatay habang nakatitig sa mukha ni Papa na matamang nakatitig sa kasama ko, bago natauhan at muling tumitig sa akin. "Magandang umaga." Bati ni Ulysses at humakbang ng isang beses para bumati sa Papa ko. Di hamak ang layo ng katawan nilang dalawa. Nagmukhang maliit tuloy si Papa na nakaawang ang labi bago tinanggap ang kamay ni Ulysses na nakalahad noon sa harap nilang pareho. "Nia, ito na ba ang taga-bangko?" silip niya sa akin. Nalaglag ang panga ko sa tanong ni Papa. Si Ulysses nama'y natawa ng kaonti. Dahil sa nangyari nawala ng kaonti ang kabang nararamdaman ko. Lumapit ako sa kanila at kagat labing pinagtuunan ng pansin si Papa. Na mas lalong kumunot ang noo. "P-pa, sa loob po tayo." Aya ko, at pasimpleng hinaplos sa braso si Ulysses na nalingunan pala ni Papa kaya mas lalong naging klaro sa paningin namin ang pagtataka nito. "Mabuti pa nga..." aya nito at tumalikod. Naglakad papunta sa pintuan ng bahay. Nagkatitigan kami ni Ulysses, bago sumunod. "Nasa kapitbahay ang mga kapatid mo, Nia. Akala namin mamaya ka pang hapon makakauwi." Salita ni Papa at may inayos sa maliit na mesa na nasa sala, bago naupo roon. "Upo kayo..." dugtong pa nito. Para naman akong mapapaso sa kaba ng tumabi sa akin si Ulysses, mas lalo tuloy nagtaka si Papa. Naninigas na nga ako sa nararamdamang kaba rito, pagkatapos dito naman sa tabi ko tumabi ang isa. "Nia, magtapat ka nga. Boyfriend mo ba ito?" Napasinghap ako sa gulat... hindi kaagad nakasagot. Mas lalo tuloy naging klaro ang pangungunot ng noo ni Papa. "Aba'y! Kung hindi naman, kung hindi rin taga-bangko, bakit mo pa dinala rito?" Hindi naman galit si Papa, kilala ko ang boses ni Papa pag galit ito. Nagiging buo at tumataas. Kaya alam ko na normal pa ito para sa sitwasyon namin ngayon. Hindi ko lang talaga maipaliwanag ng maayos sa kanya ang sitwasyon. "P-pa... tutulong siya sa'tin para mabayaran iyong utang natin sa bangko." Lapit ko ng kaonti. Nanlaki ang mga mata niya at gulat na tumitig sa akin bago lumipat sa katabi ko. "Iho, alam mo ba kung magkano ang utang namin?" gulat pa rin na tanong ni Papa. Tumawa ng kaonti si Ulysses at sumilip sa akin. Parang may naalala kaya natawa na lang bigla. "Oo, sinabi na ni Nia. Kahit magkano, babayaran ko." Dumoble ang pagkakabigla ni Papa sa narinig, napalunok na ako at napayuko na ng tuluyan. Alam ko na maraming katanungan sa isip ni Papa. At masasagot na yan maya-maya lang. "S-sigurado ka ba riyan? Teka, kayo ba ni Nia---" pabalik-balik ang pagturo ni Papa sa'ming dalawa. Tinitigan ko muna si Ulysses na dahan-dahang tumango, napatango na lang din ako--- hindi sigurado sa mga pinaggagawa. "Nia..." baling ni Papa sa akin, malungkot ngunit wala namang galit. Hindi ko alam kung bakit naging gano'n ang reaksyon nito. Pwede naman siyang magalit. Sigawon ako, o itaboy. Kaya laking pagtataka ko kung bakit gano'n lang. "Bubukod ka na ba?" malungkot na tanong ni Papa. Gulat na gulat na napasinghap ako sa narinig... natumpok kaagad ni Papa ang sana'y pakikipag-usap namin sa kanya tungkol sa pagtira ko sa bahay nina Ulysses. Sigurado ako kanina na hindi basta-basta akong mapapayagan sa pagtira sa iisang bubong kasama ang lalaking hindi niya pa man talaga nakilala. Kaya gano'n na lang ang gulat ko, napipilan sa sitwasyon, at halos hindi kaagad nakasagot. "Hindi ko ho pababayaan." Napakagat labi ako sa biglang pagsingit ni Ulysses... napabuntong hininga nga si Papa, at ramdam ko ang pagkakanginig niya. Parang ewan, parang nagpipigil lang ito. Hindi lang siguro maisatinig ang totoong nararamdaman, sa takot na baka magsigawan kami rito. "Hindi kita masusumbat riyan, Nia. Dalawang taon, dalawang taon akong naging pabaya. Gusto mo na ba talagang lumagay sa tahimik?" namumula ang mga mata ni Papa. Parang maiiyak kaso hindi nga lang talaga makapagsalita. "Papa..." Umiwas ito sa pagtawag ko at bigla na lang tumayo bago tumalikod sandali. Saka muling humarap. "Magkape muna tayo... at marami tayong pag-uusapan." Tukoy niya sa aming dalawa ni Ulysses, "Ayaw ko na maging dehado ang anak ko sa desisyon niyong yan, kaya kailangan kong makausap ka rin mamaya." Tumango naman si Ulysses. Para naman akong mabubuwal, sa sobrang kaba. Yong akala kong sigawan at galit na naiisip ko mula kanina ay hindi naman nangyari. Smooth. Walang ano. "Kakausapin ko lang ang Papa mo." Paalam ni Ulysses pagkatapos ng tahimik na pagkakape. Doon lang yata ako huminga ng normal, hindi ko alam kung ano ang dapat na maramdaman dahil sa nagkahalo-halo na ang lahat simula pa kanina. Gusto ko nga sanang sumilip doon kaso naisip ko rin na usapang lalaki iyon. Tulad lang din sa mga napapanood ko at hindi pwedeng okay lang pagkatapos ng kaonting pagsang-ayon ni Papa. Alam ko, pinagbibigyan niya lang ako kasi naging kulang siya sa mahabang panahon. "Ate!" Napatalon ako sa gulat nang nakitang nagtatakbo ang mga sariling kapatid para yakapin ako ng mahigpit. "Na-miss kita." Nguso ni Andolf, na siyang alangan pa no'ng una para yumakap sa akin. Natawa tuloy ako at tinanong sila kung kumusta ang mga araw nila sa eskwela. Na hindi ko alam na medyo nahihirapan pala sila sa preparatory stage. Kung sana malapit lang ako, di sana'y may magtuturo at tutulong sa kanila. Alam ko si Papa kahit naman siya ang tigahatid at sundo sa mga kapatid ko ay gahol din sa oras lalo na at may sarili na siyang trabaho. Ayaw ko namang tumigil sa pagtatrabaho at baka pare-pareho lang kaming mahihirapan. "Ate, sino po yong kausap ni Papa sa harap? Pinagpepyestahan no'ng ate at mga kaibigan ng kalaro namin ni Andolf." Nagpigil naman ako ng ngiti, at hindi na rin nakakapagtaka kung pinagpyepyestahan nga ng mga tao sa labas. Sa Bayan nga, halos mabali na ang leeg no'ng mga babae sa kakalingon sa kanya. Dito pa kaya? Maliban sa matangkad at maganda ang katawan, biniyayaan din si Ulysses ng gwapong mukha. "Magiging asawa ng Ate niyo..." Napasinghap ako sa gulat at napatitig sa pintuan kung saan nakita ko si Papa na namumula pa rin ang mga mata ngunit kita ang panatag sa mukha niya. Siguro nagkausap na sila ng mabuti, at hindi lang biro ito na pwede kong baliwalain. "Nagjojoke ka Papa... ang bata pa ni Ate. Tapos po yan?" Natawa na lang si Ulysses sa paratang ni Andolf. Hindi ko alam kung ako ba dapat ang mainsulto sa binitawang tanong nitong kapatid ko o si Ulysses... ang huli nama'y halatang naaliw na lang sa sinabi ni Andolf. "Age doesn't matter, little man. Papakasalan ko naman ang Ate mo pag okay na ang lahat." Nanlalaki ang mga mata ko sa gulat, at nahuli pala ni Papa iyong reaksyon ko. Pinanlalakihan ako ng mga mata. Naitikom ko naman ang bibig. Alam ko ang mga titig na iyon. Winawarningan ako sa isang bagay. Bagay na ayaw niya.... Ayaw niya yatang ako ang malugi rito. Sinigurado niya yatang si Ulysses ang papakasalan ko balang araw. Ako naman ang dehado kung sakaling hindi. Pero naisip ko rin, diyata't si Ulysses ang lugi rito? Siya ang tatabasan ko ng pera, pero ako pa rin ang makikinabang sa kanya sa huli? "Ate... Papakasal ka?" naiiyak na tanong ni Andolf nang hinila-hila niya ang dulo ng sout kong t-shirt. Napamaang naman ako, at hindi alam kung paano ko sasabihin sa kanya na hindi naman sa gano'n... I mean, hindi pa sa ngayon. At hindi pa ako sigurado kung ako ba ang papakasalan ni Ulysses. Sa dami ng babae sa mundo, na higit na maganda at pang-beauty queen ang tabas, swerte na kung ako ang makakatuluyan niya. "Hindi pa naman sa ngayon." Ngiwi ko pagkatapos na sabihin iyon. Nag-usap-usap pa kami ng mga kapatid ko pati nakisali na rin si Papa. Si Ulysses nama'y kita ang amusement sa mga nakikita. Maya-maya nga lang ay may tumawag sa kanya para mag-excuse ito. Lumapit naman si Papa sa tabi ko nang lumayo ang dalawang kapatid para maglaro malapit sa kusina at sa mga silid namin. "Nia, kung sakaling magbago ang isip mo. Wag kang mahihiyang magsabi sa akin. Tatay mo pa rin ako. At responsibilidad kita. Napakabata mo pa para lumagay sa tahimik. Kung pwede lang..." Ginagap ko naman ang kamay ni Papa at kinulong sa dalawa kong kamay bago ngumiti. "Pa, para sa inyo." Napasinghap ito sa gulat, biglang nanigas ang bawat himaymay ng mukha niya. Dumiin ang pagtikom ng labi niya. Parang manununtok. Nagulat naman ako sa sinabi ko. Tila parang iba ang gusto kong sabihin kanina. "Pa! Sabi ko para sa inyo... sasabihin ko pag nagbago pa po ang isip ko." Nahimasmasan naman ito at napabuntong hininga. Maya't maya ay nag-aya si Ulysses na kumain sa pinakamalapit na kainan sa bungad. Aayaw pa sana si Papa ngunit ginawang bala ni Ulysses ang tungkol sa bahay. Ang loan sa bangko. At kung kailan nito babayaran. Napahinga na lang ako ng malalim at gumilid para magtago at makapag-isip-isip gayong wala na namang saysay iyon. Nasiyahan naman ang mga kapatid ko. Ni hindi ko pa nagawang pakainin ang mga kapatid ko sa labas simula ng nagtrabaho ako. Sa halip na ipanggastos sa ganito ang sweldo ko, mas mabuting ibigay na lang ng buo para sa budget nila. Naisip ko nga, iba talaga ang nagagawa pag madaming pera. Ginagawa na lang papel na pwedeng itapon anytime. Hapon nang nagdesisyon na kami ni Ulysses na umalis. Sina Andolf halata ang pagkakadisgusto. Parang gusto niya yatang sumama kung hindi lang dahil may pasok ang mga ito bukas. "Yong Papa mo, gustong ma-meet si Sapphire." Natigilan ako sa pag-aayos ng seatbelt. Medyo nanlalaki ang mga mata ko nang lumingon sa kanya. Nagpapagasolina muna siya ngayon para wala ng stop over sa susunod na byahe. "Sinabi mo?" hindi makapaniwalang tanong ko. Hindi naman sumagi sa isipan ko na sasabihin niya iyon kay Papa. Yong sa amin, labas naman ang anak niya roon. Ayaw kong madamay iyong bata. "Oo, dapat naman talagang malaman niya ang lahat para magtiwala siya sa akin. Ang bata mo pa, Nia. Sa tingin mo gano'n lang kadaling ibinigay ka sa akin ng Papa mo?" ngumiti siya at binayaran ang gasoline. "Pinahirapan ka niya?" "Hm... hindi naman, pero nagsa-psychology yata ang Tatay mo kanina sa akin." Tawa niya. Kinagat ko naman ang pang-ibabang labi at napaiwas bago ngumisi. Naiinis ako sa mga nangyayari sa buhay ko pero ewan ko nga ba... at dahil crush ko naman siya kaya okay lang. Kahit nakakatakot. Hindi ko naman alam kung seryoso ba siya talaga sa akin. O dahil sa kailangan niya lang ako para sa anak niya at sa personal na bagay? Okay lang naman siguro... para sa pamilya ko. Kahit nagmumukha akong gold digger. Hindi naman ako sasang-ayon kung hindi ko naman gusto ang tao. Hindi naman siguro ako maeexcite paminsan-minsan kung hindi ko naman ito gusto? Ako pa ba ang mamimili gayong iyong makakasama ko sa iisang bubong ay napakagwapo na nga, mukhang mabait pa... sana nga mabait talaga. "Magkikita kami ng Papa mo sa susunod na Linggo... saka kita kukunin sa restaurant na pinagtatrabahuan mo. Nia... I think you should resign."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD