KISHA’S POV
Dumating ang personal assistant ni Kenzo kinabukasan. May photoshoot siya ngayon pero wala akong balak na sumama sa kanila. Hindi ko nagamit ang day off ko kaya ngayon ko iyon gagamitin. Kahit isama ako ni Renzo ay tatanggi ako.
Pupunta ako sa Prime Heights ngayon para sabihing magre-resign na ako bilang bodyguard ni Renzo at humanap na lang sila ng ibang papalit sa akin.
Wala akong balak magbantay sa isang lalaking mukhang malaki ang sayad sa utak. Hindi ako psychiatrist. Kaya kaysa maubos ang pasensya ko at sa kaniya bumaon ang bala ng baril ko. Aalis na lang ako.
Isa pa, matapos ang nangyari sa amin, alam kong mahihirapan nang bumalik sa dati ang relasyon namin. Nagiging vocal ang kabastusan ng bunganga niya. Na para bang normal na sa kaniyang amining pinagnanasaan niya ako. Hindi ko alam kung biro lang ba o hindi ang mga sinasabi niya pero babae pa rin ako at ang awkward para sa akin. Hindi ko lang pinapahalata sa kaniya.
Kagabi ko na naayos ang gamit ko. Nilagay ko na ang lahat ng iyon sa maleta. Hindi rin lang ako makatulog kaya ang ginawa ko ay nag-impake na ako. Pero kahit late na akong natulog ay maaga pa rin akong gumising.
Hindi ako magsasabi kay Renzo na magre-resign na ako bilang bodyguard niya dahil alam ko naman na hindi siya papayag kaya ang gagawin ko ay gugulatin ko na lang siya para wala na siyang magawa pa.
Paglabas ko ng kwarto ko ay naabutan ko na si Jules na nasa living room. Nakaupo siya sa sofa at agad na ngumiti sa akin ng makita ako habang inaayos ang salamin niya.
Payat siya at may salamin, pero matangkad siya. Mahaba rin ang straight na buhok niyang lampas hanggang balikat na nakapusod ngayon. Siya ang personal assistant ni Renzo.
“Hi, Kisha, good morning.”
“Hello.”
“May photoshoot si Renzo ngayon para sa isang alak.”
Tumango lang ako sa kaniya. Memoryado ko naman ang schedule ni Renzo kaya alam kong may trabaho siya ngayon.
Mula sa day off ko ay ngayon pa lang sana ako babalik pero dahil nga sa nangyari ay nawalan ako day off.
Sabay kaming napalingon kay Renzo nang marinig ko ang yabag niya pababa ng hagdan.
Naka-casual shorts lang siya, white shirt at white shoes. May suot rin siyang sombrero, lalaking-lalaki ang dating niya. Casual lang ang suot niya pero sigurado akong kapag nakita siya ng mga fans niya ay magtitilian ang mga iyon.
“Are you feeling okay now?” nag-aalalang tanong niya sa akin nang makalapit siya.
Tumango ako.
“Good. May photoshoot lang kami today. Do you want to go with me or do you want to stay here?”
“No, I think dito muna ako. I want to rest more,” pagdadahilan ko.
“Okay. Kasama ko naman sina Jules, so you don’t have to worry kahit na hindi ka sumama. Mas mabuting magpahinga ka na lang muna,” malambing iyong boses niya na para bang concern na concern siya sa akin kaya hindi ako sanay.
Tumango ako sa kaniya. Maayos naman na ang pakiramdam ko. Nilagnat lang ako kahapon pero okay na ako ngayon. Medyo uncomfortable pang lumakad pero kaya ko namang tiisin. Hindi ko talaga inaakalang lalagnatin ako dahil sa nangyari sa amin.
Tumingin ako sa mukha niya. Siya nga ang dapat kung tanungin. Medyo may maliit na bukol pa rin siya sa noo, pero hindi naman iyon halata kung hindi titigang mabuti. Ngunit may pasa rin siya sa tagiliran dahil sa nagawa ko kagabi. Pero hindi ko binuka ang bibig ko para magtanong.
Matapos ang mga kagaguhan niya kahapon, ang mga pang-aasar niya. Parang mas inaalala pa niya ako ngayon. Pero pumayag na lang ako sa gusto niya, hindi dahil masama pa rin ang pakiramdam ko kundi dahil may iba akong pupuntahan ngayong araw.
Nagtatakang tumingin naman sa akin si Jules.
“Sure ka hindi natin isasama si Kisha? Baka mamaya, hanapin mo siya kapag nasa photoshoot ka na,” wika pa ni Jules habang nakatingin kay Renzo.
“Gusto ko siyang isama, pero alam kong kailangan pa niyang magpahinga.”
“May nangyari ba?” tanong sa akin ni Jules.
“Wala,” mabilis na sagot ko.
“Bakit ba ang dami mong tanong?”
“Nakapagtataka lang kasi na hindi natin isasama si Kisha gayong ayaw na ayaw mong umalis dati na hindi siya kasama,” paliwanag ni Jules.
“Basta, okay lang na hindi siya sumama today. Uuwi din agad ako pagkatapos ng photoshoot,” saad ni Renzo at bumaling sa akin. Ngumiti pa siya. “Sige, mauna na kami. Tawagan mo ako kapag may kailangan ka,” paalam niya sa akin bago umalis.
Nauna na siyang lumabas. Humarap naman sa akin si Jules.
“Sige, mauna na kami. Tatawagan na lang kita kapag kailangan,” paalam ni Jules bago nagmamadaling sumunod kay Renzo.
Ako iyong bodyguard niya pero mas pinili niyang iwan rito at hindi sumama sa kaniya para bantayan siya. Ibig sabihin, hindi talaga niya ako kailangan ang proteksyon ko. Kinuha lang naman ako ng kakambal niya kung sakaling may magtangka sa buhay niya pero sa nakikita ko ngayon, mukha namang kaya talaga niya ang sarili niya.
Nang makaalis na sila ay muli na akong bumalik sa kwarto ko. Kinuha ko na ang gamit kong nakalagay sa maleta. Mabuti na lang at umayon sa akin ang pagkakataon. Madalas si Renzo, siya ang nakabuntot sa akin. Iyong kahit aalis ako saglit gusto niyang sumama. Tipong mas binabantayan pa niya ako kaysa sa siya ang babatanyan ko. Pero mabuti na lang at ngayong araw ay siya na ang nagsabi na maiwan ako. Ibig sabihin, para na rin niyang sinabi sa akin na hindi niya kailangan ng bodyguard.
Kumuha ako ng isang sticky notes at dinikit ko iyon sa pinto ng kwarto ko.
‘I resign.’
Iyon lang ang nakasulat doon kung sakaling magtaka siya at hindi niya ako madatnan dito sa condo. Gets naman na siguro niya iyon.
Wala na akong balak na bumalik pa rito. Hindi pwedeng manatili pa rin ako sa trabaho ko gayong may namagitan na sa amin.
Lumabas na ako ng condo niya at mabilis na sumakay ng elevator. Sa parking area na ako dumiretso. Pinindot ko ang car key na hawak ko at umilaw ang sasakyan ko. May tinawagan na ako kagabi upang kunin ang motorbike ko at dalahin ang kotse ko kaya kotse ang gamit ko ngayon. Agad ko nang nilagay ang maleta ko sa likod ng kotse bago ako sumakay at nagmaneho papunta sa headquarters namin.
Kakausapin ko ang boss namin upang magpaalam nang magre-resign na ako.