Chapter 19: Pagkabihag

2524 Words
Chapter 19: Pagkabihag NAGISING AKONG nakahiga sa isang silid na maraming machine, naririnig ko ang tunog ng mga ito. May mga chemical din na masangsang ang amoy. Hindi ako makakilos dahil sa metal na nakabalot sa katawan ko. Tinangka ko itong sirain ngunit walang naging epekto. Hindi dahil sa sobrang tibay ng metal kundi dahil humina ako. Nararamdaman ko sa katawan ko na nawala ang kakaibang lakas ko bilang bampira. Nilibot ko ang aking paningin. May mga taong abala sa kanilang ginagawa, hindi ko matukoy kong pangkaraniwang tao sila o mga bampira? Naka-laboratory gown sila. Agad kong natukoy ang ginagawa nila. Pinag-eekspirementohan nila ako! At ramdam ko na ang pag-iba ng sarili ko. Hindi ko sila marinig sa malayo, wala na ang matalas na pang-amoy at paningin ko, at wala na ang kakaibang lakas ko. Hindi ko na rin magawang komontrol ng bagay gamit ang isip ko! "Aaaaahhhh!" malakas na sigaw ko. Nilingon ako ng mga naroon nang maagaw ko ang kanilang pansin. Hindi ko makita ang mukha nila, may suot silang goggles at mask. "Sino kayo? Anong ginawa n'yo sa 'kin? Pakawalan n'yo ako!" sigaw ko. Nagbukas ang salaming pinto at pumasok ang isang binata na agad kong nakilala, si Troy. "Hayop ka, pakawalan mo ako!" sigaw ko sa kanya. Ngumisi at patawa-tawa lang ang gago. "Lumabas muna kayo, iwan n'yo muna kami," utos niya sa mga naroon. "Nasaan ako? Anong ginawa n'yo sa 'kin?!" muling sigaw ko kay Troy habang papalapit siya sa 'kin. May hawak siyang remote. Pinindot niya ito at gumalaw ang metal na kamang kinahihigaan ko. Tumayo ito kaya nakaharap ko siya. "Welcome back to the world, Sleeping Beauty!" nakakairitang bati niya. "Pakawalan mo ako, hayop ka!" Pinipilit kong kumilos upang makawala ngunit hindi ko talaga magawang masira ang metal na nakakabit sa katawan ko. "Pakawalan n'yo ako!" Ngumiti lang si Troy. "Relax," aniya. "Dalawang buwan kang walang malay. Chill ka lang." "Ano?" gulat na saad ko. Hindi ko alam kung nagsasabi siya ng totoo. "Anong sinabi mo?!" Hindi niya ako pinansin. May tiningnan siya sa kanto ng silid at kinuha ang bagay na naroon, isang hose ng tubig. "Maligo ka muna, amoy bulok ka na," natatawang saad ni gago at pinabuga sa akin ang tubig mula sa hose na sobrang lakas ng pressure. Tiningnan ko siya ng nanlilisik kong mga mata ngunit pinagtawanan niya lamang ako habang patuloy na pinabubugahan ng tubig ang buo kung katawan na kanyang kinatutuwa. Hinagis ni Troy ang ulo ng hose sa sahig nang makontento siya sa paglalaro sa 'kin at matalim niya akong tiningnan. Nakipagtitigan ako sa kanya. Iniisip kong patalsikin siya ngunit hindi ko na talaga magawa. Wala na ang mental power ko na telekinesis. "Magsalita ka, anong ginawa ninyo sa akin!" madiing sambit ko. Ngumisi siya at tiningnan ako na parang nakakaawa. "Hindi ka na namin kauri. Isa ka na lamang hamak na tao. Isang mahinang nilalang. Na aming pagkain." Mistulan akong nabingi sa sinabi niya. Hindi ako naniniwala, dahil paanong naging posible 'yon? Pero tila ba nakikita ko na ang isang paa ko sa hukay. Na hindi na ako makakalabas ng lugar na ito ng buhay. Yumuko ako. Tumawa ako. Tumawa ako nang tumawa nang malakas. Na siyang ikinagulat ni Troy. "Nawala ka na ba sa katinuan?!" inis na sigaw niya. "Matagal ko nang nais maging tao," sambit ko at hinarap ko siya. "Sa wakas, normal na ako!" Matalim kong tinangnan si Troy ngunit nakatawa ako. Dahil iyon ang totoo. Matagal ko nang nais maging tao. Oo, may alinlangan ako sa sinabi niya. Ngunit palagay ko ay hindi naman siya magbibiro sa sitwasyon kong ito. Asar na nilapitan niya ako at sinakal. "Nahihibang ka na ba? Mamamatay ka na!" pananakot niya. Nakangiting tinitigan ko siya. "Matagal ko nang pinangarap mamatay!" Diniinan niya ang pagkakasakal niya sa akin na halos hindi na ako makahinga. "Pero paano siya? Pa'no si Arjay?" nakangiting demonyong tanong niya. Sinamaan ko siya ng tingin ngunit tinawanan niya lamang ako. "Magiging katulad siya ng ibang taong narito, katulad ni Selena. Walang sariling pag-iisip. Sunod-sunuran at kinukunan ng dugo para sa mga taga-resort. Magiging pagkain na lamang siya!" "Uubusin ko kayong lahat, kapag may ginawa kayo sa kanya!" nanggagalaiting banta ko kay Troy nang pakawalan niya ako. Nanlisik at naging pula ang mga mata niya. Nakita ko sa mukha niya ang galit kasabay nang paglabas ng mga pangil niya at bigla niya akong muling sinakal. Bumaon sa leeg ko ang mga kuko niyang humaba. Naramdaman ko ang sobrang hapdi. Ngunit hindi ako makasigaw sa diin ng pagkakasakal sa akin. Nararamdaman ko ang pagdaloy ng dugo sa aking leeg, at naramdaman ko na rin ang panghihina. "Bakit ba hanggang ngayon, peste pa rin kayong dalawa sa buhay ko?" gigil na saad ni Troy, nilapit niya pa ang mukha niya sa mukha ko upang mas maramdaman ko ang kanyang galit. "Bakit hindi kayo mawala! Nagkaganito ako dahil sa inyo!" Nais kong tanungin kung ano ang ibig niyang sabihin ngunit hindi ako makapagsalita. Siya ang dahilan kung bakit ako pumunta rito sa resort. Ano ba talaga ang meron sa kanila? Sino sila? Ano ang kaugnayan ko sa kanila? Naging madilim ang lahat. Nawalan ako ng malay. ----------- SA PAGGISING ko, may kulay asul na likidong in-inject sa akin ang isang nakasuot ng laboratory gown. At ang iba ay abala sa pagkabit ng kung anong apparatus sa aking katawan. Hindi ko alam kung ilang oras o araw akong walang malay. Hindi ako makapagsalita dahil may nakasubong bagay sa aking bunganga. May metal na nakakabit sa aking mga paa at kamay, maging sa aking leeg na nakakabit sa kinahihigaan ko upang hindi ako makagalaw. Pagluha na lamang ang nagawa ko. Hindi ko na alam kung buhay pa ba ako. Dahil tila walang buhay at pag-asa na akong nararamdaman. Ngunit dahil sa kanya, nagpapakatatag ako. Inaalala ko ang kanyang ngiti, boses niya, at kanyang halimuyak. Nananatili akong humihinga dahil sa kanya. Mabubuhay ako dahil sa kanya. Ang madilim kong lugar. Ang safe place ko. "Dark..." mahinang nausal ko at muling naging madilim ang lahat. ---------- LOOB NG BANYO ang tumambad sa akin sa pagdilat ko. Itim ang tiles, stainless ang sink at ang bowl, at may shower na may salaming harang. Nakahiga ako sa sahig na hubo't hubad. Medyo hilo at kumakalam ang tiyan. Na hindi matukoy kung ano ang maaring makabusog sa akin. Bumangon ako. May pares ng itim na damit sa stainless na kabinet, at may grey na towel. Nang akmang kukunin ko ang mga damit upang magbihis, tumigil sa pagkilos ang katawan ko. Nakita ko ang sarili ko sa salamin, hindi ko maigalaw ang sarili kong katawan. Kahit iniisip ko, hindi ko magawa. May kumukontrol sa aking katawan. Ngunit wala ito sa paligid. Kumilos ang katawan ko, tumalikod ako at hinarap ang shower. Humakbang ang mga paa ko papasok rito. Umangat ang kamay ko at binuksan ang shower. Maligamgam ang tubig na kahit paano ay napapawi ang pakiramdam na sobrang pagod ko. Hindi ko pa rin kontrolado ang katawan ko. Kusa pa rin akong gumagalaw habang naliligo. Nagsabon mag-isa ang katawan ko at mag-shampoo hanggang sa matapos. Humakbang ang mga paa ko patungo sa tuwalyang nakatupi katabi ng pares na mga itim na damit. Nagpunas ang katawan ko. Kahit hindi pa gaanong tuyo ay nagbihis na agad ang katawan ko, nagsuot ng itim na underwear, itim na long-sleeved na polo at itim na pantalon. Humarap sa salamin at pinagmasdan ko ang sarili ko. Medyo mahaba na ang buhok ko, hinawi ng kamay ko ito. Hinarap ng katawan ko ang pinto, binuksan ito at humakbang ang mga paa ko palabas. Tumambad sa 'kin ang kuwartong walang pintura ang semento, ngunit malinis ang paligid. May kamang stainless na pang-isang tao na may kutson at puting nakabalot na tela, at may isang puting unan. May mesa sa gitna na stainless rin at gano'n din ang upuan. Dalawa ang upuan na magkaharap. Tumuloy ang mga paa ko sa paghakbang hanggang sa upuang nakaharap sa metal na pintuan. Naupo ang katawan ko nang tuwid na nakapatong ang mga kamay ko sa aking mga hita. Nagbukas ang pinto, sumilip papasok ang pulang tela sa baba. Pumasok ang babaeng suot ang mahabang pulang damit. Dinig sa kabuuang kulob na kuwarto ang tunog ng kanyang paghakbang dahil sa pulang sapatos niyang suot na may mahabang takong. Nakangiti ang babae. Nakalugay ang mahaba niyang buhok sa kanyang harapan. Pulang-pula rin ang kanyang labi. Ang may saltik na si Sharon. May dala siyang gintong tray na may pagkain na kumalat ang amoy sa loob ng kuwarto. Nilapag ni Sharon ang tray na may inasal na buong manok na pinaliguan ng sauce. Naupo siya sa tapat ko. "Alam kong gutom ka na. Last time, hindi mo tinikman ang inihanda naman. Don't worry, luto 'yan." Mas lumaki ang ngiti niya. Demonyo talaga ang bampirang ito. May dalawang staff ng resort na naka-uniform ang pumasok kasunod ni Sharon, babae at lalaki. At nakangiti rin sila na para akong bisitang pinagsisilbihan. May dalang tray ang lalaki na may pitsel na puno ng tubig at isang mahabang baso. Ang babae naman ay tray na may apat na cup na kanin. nilapag nila iyon sa harap ko at agad din silang umalis. "Kain ka na," nakangiting sambit ni Sharon nang kaming dalawa na lamang ang nasa silid. Gusto ko siyang sugurin ngunit hindi ko pa rin maigalaw ang aking katawan. "Itigil mo na 'to." Alam kong siya ang kumukontrol sa akin. Mukhang hindi lang isang kakaibang kakayahan ang meron siya. "Bakit mo ba 'to ginagawa?" "Dahil kaya ko," sagot niya. Hindi nawawala ang nakakairitang ngiti niya. "Kumain ka na, Crisanto." "Sino ka ba talaga?" tanong ko sa muling pagtawag niya sa totoong pangalan ko. Nang mamatay sa aksidente ang nanay at tatay ko, binago ko na ang pangalan ko. Ang magulang ko lamang ang nakakaalam ng totoong pangalan ko. Na itinago ko upang tuluyang umiwas at makapagtago sa mga taong nakakakilala sa aming pamilya. "Bakit mo 'to ginagawa sa akin?" Ngumisi siya. Kusang umangat at gumalaw ang mga kamay ko at kinuha ang kutsara't tinidor. Nagsimula akong kumuha ng pagkain at sumubo. Ngunit hindi ko iyon kagustuhan. Hindi niya tinatantanan ang pagkontrol sa aking katawan. Nagustuhan ko ang lasa ng pagkain. Ngunit hindi pa rin ako ang kusang ngumunguya. Maging ang paglunok. Nababalot ako ng galit ngunit wala akong magawa! Minumura ko siya sa isip ko. At sa isip ko, hinihila ko ang kanyang ulo sa kanyang katawan hanggang sa humiwalay! "Walang espesyal sa iyo. Sadyang may karapatan lang akong gawin ang nais kong gawin sa iyo, dahil ako ang may likha sa iyo." Pinandilatan ko siya. Nais kong magsalita ngunit hindi ko magawa. Patuloy ang pagsubo at pagnguya ko ng pagkain. "Ako ang dahilan kung bakit nabuhay ka nang matagal. Ngunit wala kang silbi sa akin. Batid kong hindi ka magiging kaisa ng aking mga hangarin, kaya narito ka at mistulang kasangkapan sa aking mga binabalak. At iyon ang naging silbi mo. Masasabi kong tagumpay ang aming pag-aaral. Gumana ang anti-vampire vaccine kaya ngayon masasabi kong normal na tao ka na lamang. May mga pagsusuri pa kaming gagawin, kaya huwag kang mamamatay, Crisanto." Naging matalim ang tingin niya sa 'kin. Para siyang demonyong mula sa impreyno. Tumayo siya at humalakhak nang napakalakas. Nabubulunan ako ngunit patuloy lang ako sa pagkain at halos hindi na ako makahinga. "Sulitin mo na iyan. Maaring iyan na ang iyong huling hapunan." Tumalikod siya. Ngunit muli rin akong hinarap. "Tumakas ka rito. At mabuhay ka. Balikan mo ako kung nais mong masagot ang iyong tanong. Iyon ay kung buhay kang makakalabas sa aking kaharian." Muli siyang tumawa at tinalikuran ako. Tuluyan siyang naglakad at lumabas ng pinto. At naramdaman ko na kontrolado ko na ang katawan ko. Uminom ako ng tatlong baso ng tubig. Muli akong kumain. Kumain nang kumain hanggang maubos ko ang lahat na pagkain. Upang magkaroon ako ng lakas. Tatakas ako! Aalamin ko ang sinabi niya! At pagbabayarin ko sila! ---------- LUMIPAS ANG mga araw wala ng pagkaing dinala sa akin. Bawat paggising ko, may isang baso ng sariwang dugo na nakapatong sa mesa. Sinubukan kong inumin no'ng una, ngunit isinuka ko. Hindi iyon tinatanggap ng katawan ko. At ang lasa no'n ay hindi ko na gusto. Tubig sa sink ng banyo ang naging laman ng tiyan ko sa mga araw na lumipas. Nagbabago na ang katawan ko. Mahina. Payat. Maputla. Ngunit wasto pa rin ang isip ko. Hindi ako nawawalan ng pag-asa! Makakalabas ako! Dumilat ako at bumangon. Muling may isang baso ng sariwang dugo sa mesa. Hindi ko alam kung gabi ngayon o umaga. Pero sa palagay ko ay umaga dahil bukas ang kusang nagliliwanag na ilaw sa loob ng silid na kinaroroonan ko. At magsasara naman ito makalipas ang ilang oras, na sa palagay ko, gabi na iyon. Walang orasan sa silid. At hindi ko alam kung ilang buwan na mula nang mabihag ako. Hindi ko ginalaw ang baso ng dugo tulad ng mga ginagawa ko nitong mga nakaraan. Ito ang pagsusuring sinasabi ni Sharon. Kung talaga bang 100% na tagumpay na ang sinasabi niyang pag-aaral. Hindi ko akalaing posible ito. Napatulala na lamang ako. May kamatayan na ako, na dati ko pang nais. Pero hindi ako dapat mamatay. Dahil kailangan kong muling makita ang taong minamahal ko. Muling naglalaro ang tadhana. Sadya bang may mga pinagtatagpo, ngunit hindi magiging kayo hanggang dulo? Bakit kailangan nating maramdaman ang pagmamahal? Para lang ba masaktan? Napahalakhak ako. Palakas nang palakas. " Gago! Gago! Gago!" paulit-ulit kong sigaw habang pinagtatawanan ang sarili ko. Ang kalagayan ko. At ang kadramahang naiisip ko. Bumukas ang pinto. Pumasok si Troy na naaktuhang nakatawa pa rin ako. Ngumisi siya na may pangmamaliit na titig sa akin. Diretso siyang naglakad palapit sa akin. "Nasiraan ka na?" sambit niya. Kinuha niya ang basong may lamang dugo at nilagok ito. Pumikit siyang nakangiti. Ninamnam ang dugo at ang lakas na maibibigay no'n sa kanyang katawan. Tumayo ako. Nakangisi siyang dumilat at pinukol ako ng tingin. "Kung gano'n, tao ka na ngang talaga? Nakakawalang gana." "Ikaw ang unang nagbalita niyan sa 'kin, nagulat ka pa?" "May kayabangan ka pa rin." "Makakalabas ako rito. At uubusin ko kayong lahat!" Ngumiti lang ang gago. "Kung hindi lang dahil sa ginagawa nila sa 'yo, isang pitik ko lang sa 'yo ngayon, todas ka na." "Pero hindi mo pa rin puwedeng gawin," pang-aasar ko. "Makalabas ka man, wala ka na rin namang babalikan." "Anong sinasabi mo?" napakuyom na tanong ko. "Ang taong matagal mong hinintay at sa wakas ay muling natagpuan, muling iniwan ka na." Makikita sa ngiti ni Troy na ikinatutuwa niya talaga ang balitang hatid niya. "Wala na sa isla si Arjay. At hindi na siya babalik pa." "Ano ba talaga ang nalalaman mo tungkol sa 'kin? At anong nalalaman mo tungkol kay Joana?" Humakbang ako palapit kay Troy. "Magsalita ka!" sigaw ko. Humakbang rin papalapit sa akin si Troy. At nagkatapatan kaming dalawa. Alam kung wala akong laban sa kanya, ngunit hindi ako naduduwag sa tulad niya. "Kilalang-kilala kita. Kilalang-kilala ko si Joana. At alam kong ang tungkol kay Arjay. At hindi ako papayag na maging masaya kayong dalawa!" madiin at may galit na sambit niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD