CHAPTER 23: Mutant Vampire

2319 Words
CHAPTER 23: Mutant Vampire "FATIMA, GAWIN MO na." Narinig kong tinig ni Michelle. Natigilan ako. "Ang pagpapalit ng bombilya bukas. Palitan na natin 'yan mukhang palyado na talaga," pagpapatuloy ni Michelle. "Kaya nga," dugtong ni Hannah. Kumurap-kurap at nagbukas muli ang ilaw. Nagkaharap-harap kaming muli. "Kami na lang ni Mengil bukas ang magpapalit," presenta ko sa kanila. "Good idea," ani Tina. "Baka bumigay pa ang aapakan ni Fatima kapag siya ang sumampa," biro niya pa. Natawa kaming lahat. "Grabe kayo sa akin!" simangot ni Fatima. "Bakit kayo, kakayanin ba?" ganti niya sa apat. Muling nagtawanan na lang sila. Napangiti ako. May katabaan silang magkakaibigan na pare-parehong masiyahin. Siguro dahil sa sobrang close kaya sila pare-pareho na rin ng katawan. Pero lahat sila magaganda. Tuluyan na akong nagpaalam sa kanila at lumabas ng pinto. Nagulat pa ako nang bigla na namang namatay ang ilaw sa loob at naalala ang nakita ko kanina. Napailing ako. Siguro namalik-mata lang ako kanina sa nakita kong pagliwanag na kulay pula ng kanilang mga mata. Baka may liwanag lang na tumama. Naglakad ako patungong sa palengke kung saan ko hihintayin si Tito Andoy. Halos sarado na lahat na mga business establishment at mga kabahayan. Wala na rin mga taong naglalakad sa kalsada at mangilan-ngilan na lang ang naririnig kong tunog ng sasakyan. Inalerto kasi ang mga tao tungkol sa gumagalang killer. Buti maliwanag ang daan dahil sa mga ilaw sa poste. Kinuha ko sa bulsa ko ang pocket knife. Inaamin kong kinakabahan ako. Malapit lang ang Gogon kung saan may pinatay. Mabuti nang maging handa. At pakiramdam ko, may nakasunod sa 'kin. Ganito siguro talaga kapag nabuo na sa utak mo na baka may biglang umatake sa 'yo. Biglang tumunog ang cellphone ko na ikinagulat ko. "Hello, 'ma?" "Nakita mo na ba sina Tito mo? Pauwi na ba kayo?" tinig ni mama sa kabilang linya. Halatang nag-aalala siya. "Kaka-out ko pa lang po. Papunta na po ako sa palengke, baka po nandoon na sila," sagot ko. "Sige na po, 'ma. Baka tumatawag po sila." Pinatay ko ang tawag nang makapagpaalam si mama. Biglang namatay ang ilaw sa poste sa may harapan ko at bigla rin namatay ang nasa likuran ko. Naging madilim, ngunit bakas pa rin naman ang kalsada dahil sa ilang ilaw sa malayo. Walang ibang tao at sarado na ang mga ilang bahay at gusali. Hinawakan ko nang mahigpit ang hawak kong pocket knife nang ilabas ko ang talim nito. Bago ko pa i-on ang flashlight ng cellphone ko, may isang malaking ilaw mula sa motorsiklo ang tumama sa akin. Maririnig ang tunog nang makina nang mag-start ito. Naaaninag ko ang lalaki na nakasampa sa motor. At alam kong nakatingin ito sa akin dahil tutok na tutok sa akin ang liwanag ng headlight ng motor. Bago ko pa man subukang tumakbo palayo dahil hindi maganda ang kutob ko, humarurot na ang motor palapit sa akin at hindi na ako nakakilos. Hindi normal ang naging bilis nito. Mas nakaramdam ako ng kaba nang makaharap ko ang lalaki. Mga mata lamang niya ang nakikita ko dahil nakasuot siya ng helmet. Inalis ng lalaki ang kanyang helmet. Nakahanda ako sa posible niyang gawin. "Troy?" sambit ko nang makilala ko siya. Itinutok ko sa kanya ang hawak kong maliit na patalim. Parang wala lang sa kanya ang banta ko. Pinatay niya ang ilaw ng motorsiklo at makina nito nang muling umilaw ang mga ilaw sa poste. Nakangisi siyang bumaba ng motor at inilapag ang helmet sa upuan, at tumayo siya na mas lumapit sa 'kin. Nasa bandang leeg niya na ang talim ng hawak ko. Itim lahat ang suot niya at maging ang maong na jacket. Nayayabangan talaga ako sa tao na 'to. Hindi pala siya tao. Isang bampira. Nang maisip ko 'yon at ang nangyaring p*****n sa barangay ng Gogon, mas lalo akong nakaramdam ng kaba. "Anong kailangan mo?" Hindi ako nagpatinag. Hindi ako papaya na saktan ako ng bampirang ito. Ilang beses ko na siyang nakaharap at makailan ulit na niya akong tinakot at pinagbantaan. Ngayon pa ba ako matatakot? "Kung sasabihin mo na naman na umalis ko ng isla, nagsasayang ka lang ng oras. Alam ko kung ano ka. At hindi ako natatakot sa 'yo," madiing saad ko. Halos gumuhit na ang patalim na hawak ko sa kanyang leeg. Ngumisi siya at tiningnan niya ako na parang paslit na bata na naghahamon ng away sa kanya. "Sa tingin mo matatakot ako sa laruan mo?" tanong niya. Ididiin niya sana ang leeg niya sa talim ng hawak ko ngunit binawi ko ang aking kamay. "Tsk! Mahina," pangmamaliit niya. Tinulak ko siya. Ngunit ni hindi siya napaatras. Nakahanda ang kamao ko na paulan ang mukha niya ng suntok. Pero baka ikapahamak ko lang iyon kaya nagpigil ako. "Ano ba talaga ang nagawa ko? Ano ba ang kailangan mo sa akin? Lumayo na ako kay Tres. Wala na akong kinalaman sa kanya!" Napataas ang boses ko. "Kaya ano?! Bakit ako?! Bakit n'yo ako ginugulo?!" At mas lumakas pa ang boses ko. Sa mga salitang 'yon, may damdamin sa loob ko na aking pinakawalan. Naging seryoso ang mukha ni Troy. Wala siyang salitang binigkas. Tinitigan niya lamang ako. Nang akmang aalis na ako, hinawakan niya ako sa braso. Muling hinarap ko siya, gano'n pa rin ang mukha niya. Seryoso pa rin siya, wala ang ngisi at nawala ang yabang at pangmamaliit niya sa 'kin. "Delikado sa labas lalo sa gabi. Sa iyo na ang motor na ito. Service mo sa pagpasok mo," sabi niya na 'di agad maproseso ng utak ko. "Anong kalokohan 'to?" tanong ko na hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Inabot niya ang isang kamay ko at ibinigay sa akin ang susi ng motor. Branded na motor na alam kong bagong labas na model. Itim at pula ang kulay nito. Gumapang ang inis sa katawan ko. "Anong trip 'to?" "Kaya kong gawin kaya ginagawa ko," sabi niya. Bumalik ang angas niya sa pagsasalita. "Kupal ako, 'di ba? Kaya umeepal ako." Natigilan ako. Naalala ko ang usapan namin ni insan nang mabanggit namin siya. Ibig bang sabihin napakinggan niya 'yon? Nakamasid siya at nasa paligid lang nang mga oras na 'yon? "Tigilan ninyo na ako, pakiusap," muling naging pakiusap ko. "Layuan n'yo na ako. Ayaw ko nang ma-involve sa kagaya n'yo." Muling naging seryoso si Troy. "Huli na." "A-Anong sinasabi mo?" "Basta makinig ka lang sa akin. Hindi ka mapapahamak, pati pamilya mo," sambit niya at mabilis siyang nawala sa harapan ko. Nanlambot ang mga tuhod ko pero gusto kong sumigaw. Kaba, takot at galit ang nararamdaman ko. Na gulong-gulo ang isip. Hindi maproseso ng utak ang mga sinabi niya. Napatitig na lang ako sa motor. Iniisip kung gagamitin ko o iiwanan ko na lang kasama ang susi. Isinuot ko ang helmet at sumampa ako sa motor. Kung ano man ang mangyari, bahala na. Hindi mapapahamak ang pamilya ko kung susunod lang ako sa kanya, kaya susundin ko siya. Nadatnan ko nang nasa palengke sina Tito Andoy at Tito Ramon. Sinabi ko na lang sa kanila na pahiram ng Happy Chicken sa 'kin ang motor dahil sa alanganing schedule ng pasok ko. Nagpasalamat ako sa kanila at humingi na rin ng paumanhin sa abala. >----------- ARJAY PINAGMASDAN KO ANG motor pagkababa ko. Hindi ko talaga alam kung ano ang mararamdaman ko. At nangangapa ako sa nangyayari. Palaisipan pa sa akin ang sinabi ni Troy kanina, na huli na para lumayo ako sa kanila. "Ano ba ang ikakapahamak ko?" natanong ko sa sarili ko nang maalala ko ang sinabi ni Troy na sundin ko lang siya upang hindi ako ang mapahamak pati ang pamilya ko. Bigla akong napahawak sa dibdib ko. Nakaramdam ako ng matinding kaba at hindi ko alam kung bakit. At siya ang nasa isip ko. "Dark?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD