Chapter 15: Nang Muli Kang Makita

1943 Words
Chapter 15: Nang Muli Kang Makita SA UNANG ARAW ni pinsan sa Happy Chicken, nagpakita pa si Troy. Ngunit sa mga sumunod na araw ay hindi na siya nagpakita sa amin. Hindi ko na rin maramdaman ang pagsunod niya sa 'kin. "Sa tingin mo, tumigil na kaya siya?" tanong ko kay pinsan. Araw ng Linggo, day off namin pareho. Uuwi kami sa Igang para sa anibersaryo ng pagkamatay ni papa. "Mukhang hindi gano'n 'yon," tugon ni pinsan. Kahit ako alam kung hindi gano'n. 'Yong mga ginawa ni Troy na pananakot sa 'kin, alam kong hindi basta-basta susuko 'yon sa gusto niyang mangyari. Tinapik ako ni pinsan. "Happy birthday," sambit niya. "Sagot ko mamaya ang isang case." Tumango lang ako kay pinsan. Nauna siyang lumabas sa 'kin ng bahay. Saglit akong natigilan. Oo, kaarawan ko ngayon. Sa mismong ika-sampung taong kaarawan ko, namatay si papa. Dahil sa pangungulit ko sa kanya, nawala siya. Ang sabi ko no'n na regalo niya sa 'kin na pagbangka naming dalawa, ay pinagbabayaran ko hanggang ngayon. Nasa puso ko pa rin ang pagsisisi kaya hindi ko maipagdiwang ang birthday ko. --------- SINALUBONG AKO ng yakap ni mama pagkadating ko ng bahay. Wala pang mga tao dahil pakapananghali pa ang padasal. "Happy birthday, sa panganay ko!" bati niya sa 'kin. "Salamat 'ma," tugon ko. Ang kapatid kong si Arjane naman ang yumakap sa 'kin. "Happy birthday sa pinakada'best kong kuya!" pasigaw na bati niya. Sa tuwing naiisip ko ang lahat, nakakaramdam ako ng kirot sa puso ko. Hindi na nabigyan pa ng pagkakataon ang kapatid ko na makita si papa. Nasa sinapupunan siya ni mama nang mawala si papa. Mahigpit kong niyakap ang kapatid ko at nagpasalamat ako sa kanya. Sumali si mama, niyakap ko silang dalawa, ang mga pinakamahalagang tao sa buhay ko. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha ko. Ayaw kong ipagdiwang ang araw na 'to, ngunit ipinagpapasalamat ko ang bawat taon ng buhay ko dahil makakasama ko pa si mama at ang kapatid ko. Maaalagaan ko sila at mapuprotektahan. "Para sa 'yo, kuya!" May inabot sa 'kin na regalo si Arjane na nakabalot pa ng gift wrapper. "Regalo namin ni mama." "Bakit kailangan ninyo pang magregalo, kayo talaga," saad ko. "Ito naman, buksan mo na lang," sambit ni mama. "Ngayon nga lang kami makakapagregalo sa 'yo, eh." "Salamat," nakangiting sambit ko. Hindi naman sa hindi nila ako mabilhan ng regalo, ayaw ko lang talagang maalala na kaarawan ko ang petsang ito ng October 12. Ngunit naipangako ko na kay mama na magiging okay na ako. At iyon ang gagawin ko. Masaya kong pinunit ang balot ng regalo at sinukat ang pulang hoody jacket na laman nito. "Sakto, ah!" tuwang-tuwang sabi ko. "Baka mahal 'to, ah?" Niyakap nila ako. "Mahal ka talaga namin," sabi ni mama. "Mahal na mahal!" dugtong ng kapatid ko. --------- ALAS-DOS NG HAPON, nagdatingan na ang mga bisita. Dumating ang mga tropa ko at malalapit naming kamag-anak at ilang kapitbahay. Nakangiti ako sa mga bumabati sa 'kin, ngunit nasa loob ko pa rin 'yong pakiramdam na hindi talaga ako masaya. Hindi talaga madaling kalimutan ang pinakamasakit na araw sa buhay mo. Lumipat kami nina pinsan Mengil at mga tropa namin sa kubo para mag-inuman. Tinupad naman ni pinsan ang pinangako niya sa 'kin na isang case ng beer. Pumapasok sa isip ko na malamang kung nandito lang si Tres ay kainuman namin siya. Bago mag-umpisa ang inuman, kinantahan nila ako. Tumatawa ako sa kakulitan nila, ngunit ramdam kong may kulang talaga. Hindi ko madaya ang nararamdaman ko, ramdam ko sa loob ko ang kalungkutan. Habang nag-iinuman, bigla akong nakaramdam ng kaba at hindi mawala sa isip ko si Tres. Kakaiba ang nararamdaman ko na parang hindi ako mapakali? Dahil ba lagi ko siyang iniisip? Lasing na ba ako? Anong nangyayari sa 'kin? Bakit parang hindi ako mapalagay? "Insan, ayos ka lang?" tapik sa 'kin ni pinsan. Tumango ako. "Parang tinatamaan na ako," sabi ko na lang. Nagpaalam ako sa kanila, lumabas ako ng kubo at pumunta sa tabing dagat. Alas-kuwatro na kaya hindi na gaanong mainit. Tahimik ang paligid, walang mga batang naglalaro at naliligo sa dagat. High tide ngunit hindi malakas ang mga alon. Hindi mawala ang kabang nararamdaman ko. Ilang beses na rin akong nagbuntong-hininga. "Bakit pakiramdam ko, nasa malapit ka lang?" mahinang nasabi ko. Muli akong napabuntong-hininga at pinagmasdan ang dagat. Habang naririnig ko ang hampas ng mga alon, nararamdaman ko pa rin sa katawan ko na hindi ko pa kayang lumangoy sa dagat. Makiramdam ko, may puwersang hihila sa 'kin sa ilalim at lulunurin ako. Napatitig ako sa dagat, may kung anong bagay na biglang nagpakita. Umahon ito mula sa tubig, isang binata. Napatayo ako at hindi makapaniwala. Hindi ito dala lang ng tama ng alak. Hindi ako lasing. At hindi ito kathang-isip ko lamang. Hindi isang malik-mata. Totoong nasa harap ko ang lalaki na unti-unting tumatayo mula sa pagkaahon sa dagat. Isang binatang napakaputi at mahaba ang buhok. Wala siyang suot na damit, makikita ang payat niyang katawan na tila pagod na pagod. Nakatingin siya sa 'kin, nakatitig kami sa isa't isa. Posible pa lang ang pinakamalungkot na araw sa iyong buhay, ay maging masaya rin. "D-Dark?" hindi makapaniwalang nasambit ko. Siya si Tres. Hindi ako maaring magkamali! Humakbang ako para lapitan siya. Tumakbo na ako at niyakap siya. Totoo siya. Nasa harap ko siya. Yakap ko siya. Ngunit nawalan siya ng malay sa bisig ko. Napaupo ako sa buhangin yakap pa rin siya bago ko pa man marinig ang tinig niya matagal kong hinintay. "Dark? Dark?" paulit-ulit ko siyang tinatawag. Dumaloy na ang luha sa mga mata ko at mas hinigpitan ko ang pagkayakap sa kanya upang mas maramdaman kong narito nga talaga siya. Nagbalik na siya. Yakap-yakap ko na siya. Humahampas sa 'min ang maliliit na alon, ngunit tila madhid ako sa paligid at ang tanging mahalaga sa akin ay narito na muli siya. Nanginginig ang buo kong katawan sa sobrang saya at hindi ko na napigilan ang mapaiyak. Biglang may humablot sa paa ni Tres, ngunit dahil mahigpit ang yakap ko sa kanya kaya natangay kaming dalawa. Sobrang nabigla ako sa pangyayaring 'yon, halos dalawang dipa na kaming natangay tsaka lamang ako nakapag-react. Malabo ang paningin ko sa ilalim ng dagat, ngunit alam kong may taong humihila sa 'min hawak ang isang paa ni Tres. Hindi ko maaninag ang mukha nito at natatakpan pa ito ng mahabang buhok nito. Mahabang dilaw na damit ang suot nito. At tila ba nakakahinga siya sa ilalim ng dagat. Pinilit kong lumangoy hila si Tres upang kami'y makawala. Ngunit hinawakan na rin ng humihila sa amin ang isa kong paa at nakikita ko ang pagngiti nito na nasisiyahan na kami ay nahihirapan. Ang ngiting iyon, hindi iyon unang beses kong makita. May mga alaalang bumabalik sa utak ko ngunit hindi ko masiguro kung totoong nangyari ba? Ang araw na malunod si papa sa dagat kasama ko. Ang pakiramdam ko ngayon, ay siya rin na naramdaman ko noon. Tila nangyari na ang nangyayaring ito. Kinakapos na ako nang hininga, pakiramdam na siya rin naranasan ko noon ngunit iniligtas ako ni papa na siyang ikinapahamak niya. Hindi ko hahayaang maulit pa ang nakaraan! Walang mapapahamak sa 'min ni Tres! Sumisigaw ako! Pilit kong iniipon ang aking lakas! Sinipa ko nang paulit-ulit ang kung ano mang nilalang na hawak ang aming mga paa! Paulit-ulit! Paulit-ulit! Paulit-ulit! Hanggang mabitawan kami nito. Kusang lumayo ang babae? Hindi ako maaring magkamali, isa itong babae. Hindi ko makita ang kanyang mukha. Ngunit sa paggalaw ng kanyang mahabang buhok na na nakakatakip sa kanya, nakita ko ang pula nitong mga mata. Mabilis akong lumangoy patungong pampang hanggang naaabot na ng aking mga paa ang buhangin. Mas nagmadali ako at bumawi ng hininga. Mabilis akong umahon yakap si Tres upang makalayo sa dagat. Bago pa man ako makasigaw ng paghingi ng tulong, nakita ko nang patakbong papalapit sa amin si Mengil at ang mga tropang kainuman namin. Tinulungan ako ni pinsan na buhatin si Tres. Lahat ay 'di makapaniwala at naguguluhan sa nangyayari. "Dalhin natin siya sa bahay niya. Kailangan nating magmadali," mahinang sabi sa 'kin ni pinsan. Hindi na ako nagtanong pa. Alam kong iyon din ang dapat naming gawin. Hindi normal na tao si Tres, baka kung ano pa ang makita ng iba at upang mas maiwas na rin siya sa mas marami pang makakakita sa kanya. Binuhat ni pinsan si Tres at nakaalalay ako sa kanya. Dali-dali naming tinungo ang tricycle nila na nakaparada sa tapat ng kanilang bahay. Isinakay namin si Tres sa loob at sinamahan ko siya ro'n. Wala pa rin siyang malay. Hindi pa rin ma-process ng utak ko ang mga nangyari at hindi pa rin nawawala ang kaba sa dibdib ko. Agad namang in-start ni pinsan ang makina ng tricycle upang makaalis na kami na walang paalam at paliwanag sa lahat ng nakasaksi sa biglaang pagpapakita ni Tres. "Sandali!" narinig kong sigaw. Si mama, patakbo siyang papalapit sa amin. Inabot sa 'kin ni mama ang pulang jacket na regalo nila sa 'kin ni Arjane. "Isuot mo sa kanya," sambit ni mama. "Mag-iingat kayo, anak." Tumango ako kay mama. "Salamat, 'ma," sambit ko na may luha sa mga mata. Alam kong naguguluhan rin si mama sa nangyayari ngunit hindi siya nagtanong dahil may tiwala siya sa 'kin. Mabilis nang pinaharurot ni Mengil ang tricycle. Binalot ko ng jacket si Tres. Napakalamig ng katawan niya at mababakas ang matinding pagod at paghihirap sa kanyang mukha. "Ano bang nangyari sa 'yo?" mahinang sambit ko at niyakap siya. -------- NANG MARATING namin ang bahay ni Tres, mabilis namin siyang ipinasok sa bahay. At isinigurong naka-lock ang gate at mga pinto sa buong bahay. "Anong gagawin natin?" tanong ko kay pinsan. "Iakyat natin siya, dalhin natin siya sa kuwarto niya. Alam ko nando'n ang magbabalik ng lakas niya." Hindi na ako nagtanong pa. Pinagtulungan naming maiakyat si Tres sa hagdan patungo sa kanyang kuwarto. Nang marating namin ang tapat ng silid ni Tres, saglit umalis si pinsan, may kinuha siya sa kanyang kuwarto. "Tsaka ko na sa 'yo ipapaliwanag," saad ni pinsan habang binubuksan niya ang pinto ng silid ni Tres. Susi ng pinto ng kuwarto ni Tres ang kinuha niya. Nang mabuksan ang pinto, agad naming ipinasok si Tres at isinara ang pinto. Hindi na namin siya binuhat pa patungo sa kanyang itim na kama, inilapag namin siya sa sahig at agad binuksan ni pinsan ang ref na nasa loob ng kuwarto ni Tres. May kinuhang silver na tumbler doon si pinsan at binuksan ito. "Ano 'yan?" tanong ko. "Dugo," sagot ni pinsan. "Paupuin mo siya, painumin natin 'to sa kanya." Sinunod ko ang utos ni pinsan. Sinisigaw ng utak ko kung nangyayari ba talaga ang mga bagay na 'to? Pinainom namin kay Tres ang sariwang dugo na laman ng tumbler. Natatapon pa ang iba nito na nagkalat na sa kanyang katawan na kumalat na rin sa aking mga braso't kamay. Nanlalaki na lamang ang mga mata ko kasabay ng paghiling na sana'y magising na siya. Dumilat siya. Napasigaw siya na tila may iniinda sa loob ng kanyang katawan. Naitulak niya kami ni pinsan. Napadapa siya sa sahig at pilit bumabangon habang isinusuka ang dugong aming ipinainom. Naglawa sa sahig ang sariwang dugo. Pinagmasdan ko siya, hindi kakaibaba ang anyo niya. Hindi mahaba ang kanyang mga kuko, walang pangil at hindi pula ang kanyang mga mata. Hindi siya anyong bampira. Patuloy ang pagsuka niya ng dugo, tila hindi tinatanggap ng kanyang katawan ang ipinainom namin sa kanya. Kapwa kami ni pinsan napatulala na lamang at hindi alam ang gagawin. Lumuhod ako sa harapan ni Tres at hinawakan siya. Nakatitig kami sa isa't isa. Nararamdaman ko ang sakit na nararamdaman niya. Hindi ko matitiis na nahihirapan siya. "Anong ginagawa mo?" pag-aalala ni pinsan nang mas ilapit ko kay Tres ang aking sarili. Kapwa na kami halos maligo sa dugo. "Maaring matulungan siya ng aking dugo," sambit ko. Hinawakan ko ang mukha ni Tres. Hinang-hina na siya. Inalalayan ko ang kanyang mukha palapit sa aking leeg. Hanggang maramdaman ko ang paglapat ng kanyang malamig na labi sa aking balat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD