Nakilala ko si Zachary sa isang party ng mga businessman. Ako ay secretary ng CEO sa GRM company. Hindi ko pa rin nakalimutan ang aking naramdaman noong una ko siyang nakita. Napakagwapo niya at misteryoso rin. Panay ang sulyap ko sa kaniya habang nakikipag-usap ito sa mga nakatandang mga businessman. Napadpad ang aking mata sa kaniyang daliri at halos mapangiti ako nang makitang walang singsing ito, meaning single pa ito.
Ito ang unang beses na nagkagusto ako sa isang lalaki at sa isang kilalang tao pa kaya naman ay tinigil ko na ang kahibangan ko at kinalimutan na lamang ang businessman na iyon.
Pero tadhana yata ang nagtagpo sa amin nang hindi inaasahan na makasabay ko siya sa elevator ng building kung saan ako nagtatrabaho.
Akala ko hindi ko na siya masulyapan muli ngunit nagtataka na ako na halos araw araw na siyang pumupunta sa building namin at palaging hinahanap ang boss ko.
Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko that time lalo na’t palagi siyang nakatingin sa akin.
Hanggang sa isang araw, nagpakilala siya sa akin at nanghihingi siya ng numero para ako na raw ang kokontakin niya kapag may meeting silang dalawa ng boss ko.
Kilig. Iyon ang nararamdaman ko, kasi ‘yung crush ko ay pinansin ako pero napangiwi rin dahil alam ko naman na parte lang ito ng trabaho.
Ngunit isang araw, halos mapatalon na lamang ako sa kinauupuan ko nang bigla siyang tumawag at niyaya niya akong magdate.
At doon nagsimula ang aming storya. Sweet siya sa akin ngunit hindi kami puwede makita ng publiko dahil daw baka madawit ako sa gulo ng negosyo nila at pamilya. Naintindihan ko naman ‘yun. Kadalasan, nagd-date kami sa condo unit niya at may spare key pa ako roon. Isang taon din, isang taon din ang naging relasyon namin at sobrang saya ko dahil akala ko ay siya na, siya na ang lalaking mamahalin ko habang buhay.
Pero masyadong malupit sa akin ang tadhana dahil lamang sa isang text message sa phone ni Zach na nagbabago ng lahat. Nakalimutan niya kasing dalhin ang phone niya dahil nagmamadali ito sa pag-alis.
Nang tiningnan ko ito ay hindi nakaregister ang name pero halos maitapon ko na ang phone sa sobrang gulat nang makita ko.
Unknown Number:
Zach, please! Umuwi ka na rito. My parents wants to see us both! Please, let’s fix this marriage.
Iyon ang nakalagay sa text. Noong una, hindi ako naniniwala kaya naman dahil sa sobrang curious ko ay naghalughog ako sa mga documento ni Zach na narito sa condo unit niya and I found a ring, at marriage certificate na nagpapatunay na kasal na ang lalaking mahal ko.
Napakasakit, dahil naloko ako. Nakasira ako ng relasyon nang hindi ko alam. Wala akong alam. Ayaw kong matulad kay Mama na kinamumuhian ng lahat dahil lamang sa pagkakamali niya. Alam ni Mama na may asawa na ang Ama ko ngunit pinatulan niya pa rin niya, pero sa akin. Wala akong kaalam alam. Wala.
Umuwi ako Badian para kukuha lamang ng gamit. Pag-uwi ko ay nadatnan ko si Mama na umiinom mag-isa.
“Ma!” lalapit na sana ako sa kaniya uoang magmano pero tumayo ito at tinuro ako.
“Huwag ka nang bumalik dito! Walang hiya kang bata ka, hindi ka man lang ba nagpadala ng pera!” sigaw ni Mama na nagpapapikit sa akin.
Masakit sa akin na ganito sa akin ni Mama dahil lang sa galit siya sa Ama ko. Sobra na akong nasaktan dahil sa naranasan ko ngayon.
“Ma, pasensya na-”
“Anong pasensya? Hindi ko kailangan ng bastarda sa pamamahay ko kaya mag-empaki ka na! Letcheng buhay naman, oh!” inis na sambit ni Mama at napapikit ako nang tinapon niya ang red horse na bote kaya naman natalsikan ang paa ko at nagdurugo ng kunti.
Agad agad akong pumasok sa kwarto ko at napahagulhol. Hindi ko akalain na malas ako sa lahat. Sa pamilya at sa pag-ibig. Nang tumigil na ako sa pag-iyak ay tiningnan ko ang sarili ko sa salamin.
Mugto ang mata at magulo ang buhok. Para akong tanga na nakangisi. Baliw na yata ako. Hindi ko akalain na magiging katulad ko si Mama, isang kabit.
Habang nakangisi ako ay dumaloy na naman ang mga luha sa aking mata. Pinahiran ko ang sarili ko.
“Paubaya,” bulong ko sa sarili ko.
“Iyon ang dapat gawin, dahil hindi naman talaga siya akin, hiniram ko lang, inagaw ko lang, pero hindi sa akin,” sambit ko sa sarili at pinahiran ang luha.
Kinabukasan ay maaga akong umalis sa bahay dahil ayokong maabotan ni Mama. Inilagay ko na lamang ang sobre na may pera na panghuling sweldo ko, malapit sa unan ni Mama.
Plano ko ang magpunta sa Moalboal at doon maghanap ng matitirhan lalo na’t malapit lamang sa kompanyang tinatrabahuan ko.
“1000 pesos, isang tao sa isang buwan, libre kuryente, tubig, kwarto lang ang babayaran,” paliwanag sa akin ng landlady.
Tumango naman ako at nag-advance na ng 1000 sa kaniya.
Nang hinatid niya ako sa kwarto na inuupahan ko ay hindi naman masama. Sakto lamang sa iisang tao at tingin ko ay nakakatipid pa. Wala mang kotson pero ayos na, hindi naman kasi ako mayaman.
Inoff ko ang phone ko at napag decide na bibili ako ng bagong sim card sa Mall dahil tawag ng tawag sa akin si Zachary. Ayoko na siyang makausap muli at ayokong magkasala ulit.
Ginugol ko na lamang ang natitirang oras ko sa pag-aayos ng mga gamit ko bago lumabas para magpunta sa palengke.
“Ilang kilo ‘yung camote?” tanong ko sabay turo sa mga camote.
“60 pesos per kilo, Ma’am!” nakangising sambit ng matandang babae.
Magbabayad na sana ako nang marinig ko ang dalawang tindera na nagchichismisan.
“Grabe, kabit na nga, iyon pa ang matapang! Pinalandakan niya lang talaga sa mundo na malande siyang babae,” rinig kong sambit ng tindera habang pinapaypayan ang mga paninda.
Napalunok na lamang ako sa narinig.
“Aba, kapag talaga may babae ‘yang asawa ko, naku, sasabunutan ko talaga at ipapatulfo!”
“Sus, bantayan mo ‘yang asawa mo. Naghahanap ng mas bata.”
Nanlaki ang mata ko nang sinulyapan pa ako ng isang tindera kaya naman ay binayaran ko agad ang camote at nagmamadaling umalis doon.
Two years lang naman ang agwat namin ni Zachary. 23 na ako at si Zachary ay 25 na. Sakay ng tricycle ay nakauwi na ako sa boarding house ko.
**
[“Zel, kailangan mong mag duty, nagtataka na si boss kung bakit ka absent. Isang linggo na, wala ka man lang pa notice, hinahanap ka rin ni Mr. Villacorta.”] ani ni Sarah sa kabilang linya.
Napabuntong hininga na lamang ako at napatigil sa pagsisipilyo.
“May inaasikaso kasi ako,” mahina kong sabi.
[“Dapat nag leave ka ng letter, baka patatalsikin ka ni Boss dahil sa manners mo, ayaw pa naman niya sa mga ganoon.”]
Bigla tuloy akong nagsisi na isang linggo akong pumasok.
[“Tsaka, hindi ka rin macontact, mabuti na lamang at binigyan mo ako ng new number mo,”] dagdag pa ni Sarah.
Napabuntong hininga na lamang ako.
“Papasok na ako ngayon,” sambit ko.
[“Sige, bilisan mo.”] anito bago ibinaba.
Hindi na lamang ako nag breakfast at nagmamadaling magbihis. Sakay ng jeep, ay bumyahe ako patungo sa kompanya.
Medyo kinakabahan ako dahil baka naroon na naman si Zachary at makikita ko lamang siya ay baka mabaliw na ako sa kakaisip na ginawa niya akong kabit.
“Hay, mabuti at narito ka na. Maraming schedule na meeting si Boss ngayon at kailangan mong ayusin iyon.” Salubong sa akin ni Sarah, ang aking katrabaho at kaibigan.
Tumango lamang ako at sabay na kaming naglakad patungo sa elevator.
“Tsaka nga pala, bakit absent ka ng isang linggo?” tanong niya sa akin at pinasadahan ako ng tingin. “ Tsaka, pumayat ka, ah!”
Napakagat na lamang ako sa aking labi.
Nang makarating kami sa 25th floor ay umusbong ang kaba ko dahil baka nandito si Zachary.
“Hinahanap ako ni Zac- Mr. Villacorta?” Utal ko na tanong.
Tumango naman si Sarah.
“Oo, hinahanap ka niya. Ewan ko kung bakit, kasama niya pala ang asawa niya kahapon.”
Napalingon naman ako kay Sarah.
“Huh?”
“Huh? Bakit ka gulat? Hindi mo ba alam?” takang tanong ni Sarah.
Naglalakad na kami patungo sa opisina ng boss at kinabahan talaga ako ng todo. Nang marinig ko na dala niya ang asawa niya for the first time ay dinurog na ang puso ko.
Hindi na lamang ako nagsalita at nakinig sa kwento n’ya.
“Ang ganda talaga ni Mrs. Villacorta, bagay na bagay silang dalawa,” sambit ni Sarah na ikinatigil ko sa paglalakad.
Hindi dahil sa sinabi niya kundi dahil sa lalaki na sasalubong sa amin ngayon. Walang emosyon sa mukha nito kaya hindi ko mahulaan kung ano ito.
Yumuko na lamang ako para hindi siya makita. Ayoko siyang titigan.
“Good Morning, Sir,” bati ni Sarah at kinalabit ako.
“Good Morning, S-Sir.” nauutal kong sabi habang nakayuko.
Narinig ko ang kaniyang marahas na buntong hininga.
“No need to greet me, this will be the last time na aapak ako sa building na ito..”
Umawang ang labi ko sa sinabi niya at hindi ko magawang magsalita. Mas lalo lamang dinurog ang puso ko nang umalis na siya. Napaangat ako ng tingin at tinitigan na lamang ang kaniyang pag-layo.
Ganito dapat, Hazel. Dapat ganito ang tamang gawin. Dapat ko nang lumayo at siya ay bumalik sa asawa niya.