LINGGO ng umaga, nasa kasarapan siya ng kanyang pagtulog nang gisingin siya ng malakas na tunog ng telepono na nasa bedside mini table. Masakit ang kanyang ulo at mabigat ang kanyang katawan, sa tantiya niya wala pang dalawang oras siyang nakatulog. Nanood siya simula alas otso ng gabi ng series ng money heist, pinilit niya iyong tapusin kung kaya’t inabot siya ng madaling araw.
Sinulyapan niyang muli ang telepono na noo’y patuloy parin sa pagring. Nasa isip niya na baka si Christine na manager ng resort ang tumatawag kaya hinayaan niya iyon. Dumapa siya at tinakpan niya ng unan ang kanyang ulo para bumalik sa pagtulog.
“Hayst! Matutulog pa ako eh.” mareklamong sambit niya nang marinig mula ang pagring ng telepono.
Tinatamad siyang bumangon kaya gumapang siya sa kama para maabot niya ang telephone handset. Humikab muna siya bago niya iyon tinapat sa kanyang tainga at magsalita.
“H-hello…”
“Good morning. Is this Ms. Santibañez?” boses ng lalaki sa kabilang linya.
“Y-Yes, s-speaking.”
“Trix!”
“Sir Dylan?” gulat na sambit niya. Hindi niya inakalang boss niya ang kanyang kausap. Hindi niya ito nakilala sa boses.
“Yes, it’s me! Alam kong naka-leave ka pa, pero kailangan talaga kitang makausap ngayon. I found out that there was a large amount missing in our funds this month. I need to talk you about this personally.”
“H-ho?” tanging salitang namutawi sa kanyang bibig. Nasapo niya ang kanyang dibdib na ngayo’y malakas ang kabog.
“Go back here in Manila immediately. Ipapasundo kita diyan.”
“Okay, sir.”
NAPAHILAMOS siya ng dalawang palad habang nakasandal sa headboard ng kama. Mahigit limang minuto na ang lumipas buhat nang makausap niya ang kanyang boss ngunit mapahanggang ngayon balisa at kinakabahan parin siya. Minasahe niya ang kanyang noo dahil mas lalong sumakit ang kanyang ulo sa kanyang nabalitaan.
Palaisipan ngayon sa kanya kung paano nangyari na may nawawalang pera dahil ngayon lang ito nangyari. Hindi niya alam kung anong pagpapaliwanag ang gagawin niya mamaya, kailangan niyang magsalita ng maayos upang mapatunayan na wala siyang kinalaman.
Tumayo siya mula sa kama at inauna niyang inayos ang kanyang mga gamit bago maligo at ayusin ang sarili. Sinigurado niyang wala siyang nakalimutang ilagay sa kanyang bag at suitcase.
Matapos niyang maligo ay binilisan niya ang pagbihis dahil anumang oras darating na ang kanyang sundo. Habang wala pa ay palakad-lakad muna siya sa loob ng silid na iyon para makapag-isip ng maayos. Naririnig niya ang pagtunog ng kanyang tiyan kaya napagpasyahan niyang bumaba muna para kumain ng agahan.
“Good morning, Trix. Pacheck out ka na pala. Tumawag kanina sa’kin ang kapatid ni Sir Daniel, gusto ka niyang makausap. Hindi ka raw kasi niya makontak dahil nakapatay ang cellphone mo, kaya ayon ibinigay ko sa kanya ang telephone number na nasa kwarto mo.” wika ni Christine.
“Kaya nga Tin eh. Sayang hindi tayo nakapagbonding, akala ko kasi may one week pa ako rito.”
“Okay lang ‘yon, balik ka na lang dito. O siya, eatwell may iche-check lang ako, kita na lang tayo mamaya kapag nariyan na ang sundo mo.”
NATAMANG tapos na siyang mag-agahan ng lumapag ang private chopper ni Dylan sa helipad ng resort. Bumaba ang dalawang lalaking sakay na sinalubong ni Christine at ngayo’y kasunod na nito na naglalakad patungo sa kinaroroonan niya.
“Ma’am, sinusundo ka na namin. Hinihintay ka ni Mr. Monteverde sa office niya.” wika ng piloto.
“Antayin niyo na lang ako dito. Kukunin ko lang ang bag at maleta ko.” aniya.
Tumango naman ang dalawang lalaki. Sinamahan siya ni Christine pabalik sa bahay-kubo na pansamatalang naging tirahan niya sa mountain resort na ito. Pagdating nila roon sumaglit muna siyang pumasok sa loob ng banyo para makapagtoothbrush.
“Sayang hindi ako nakabili ng mga souvenirs.” nanghihinayang na turan niya habang naglalakad silang dalawa ni Christine pababa ng hagdan.
Napadaan siya kahapon sa souvenir shop at may nakita siyang magandang puting T-shirt na may print ng pangalan ng resort. Tumawag rin ng kanyang pansin ang isang dream catcher na nakasabit sa may pintuan. Balak niya iyong bilhin ngunit nagmamadali siyang bumalik sa kanyang kwarto dahil lumalakas ang ambon at wala siyang dalang payong.
“E di, bumili ka ngayon. Samahan kita.” saad ni Christine.
“Huwag na lang, inaantay na ako ni Sir Dylan.” pagtatanggi niya.
“Hayaan mo na ‘yon. Paghintayin mo rin paminsan-minsan ang mayayaman. Hindi ka naman siguro aabutin ng isang araw sa pagpili ng bibilhin.” Lihim siyang natawa sa sinabi nito.
IBINIGAY ni Christine sa dalawang lalaki ang kanyang maleta, ito na rin mismo ang nagpaalam na pupunta muna sila sa souvenir shop.
Pagpasok palang nila sa souvenir shop ay ang dream catcher agad ang kanyang itinuro sa babaeng nagtitinda. Sunod ay pumili siya ng limang T-shirt na kanyang bibilhin para may maisuot siya sa tuwing pupunta ng palengke.
“Ito Trix bigay ko sa’yo.” Inabot ni Christine ang isang wooden calendar.
“Ang naman nito! Thank you so much, Tin. Ilalagay ko ‘to sa desk ko sa office.
“Tara na, Ma’am.” Sabay silang napalingon sa lalaking nagsalita.
“Ito namang si Elmer, nanggugulat!” sita ni Christine.
“Bilisan niyo na, Ma’am Trix.”
“Nagmamadali? Wala pa nga kaming five minutes dito.” masungit na boses ni Christine.
“Kung bibigyan mo ako ng number mo kahit isang oras pa kayo dito sa loob. Ayos lang!”
“Tsee! In your dreams, Elmer!” bulyaw ni Christine.
Nagpapalit-palit ang tingin niya sa dalawa. Ilang sandali pa ay nakita niya ang lalaking lumabas na walang paalam.
“Oy, girl!” Tinusok niya ang tagiliran nito. “‘Wag gano’n, baka bumaliktad ang bao ng niyog. Baka isang umaga magising ka na lang, ikaw na ang humahabol sa Elmer na iyon.”
“Asa siya!” tipid nitong tugon.
"Bagay kayo, Tin! Ang guwapo niya ha." tukso niya, na ikinangiwi naman ni Christine.
"Eeewww! Sa'yo na lang, jowain mo, Trix."
"Ito naman, napakapihikan!"
Nakita niyang umikot ang eyeball nito.
"Ayoko talaga sa lalaking iyon. Napakababaero, binuntis ng g*gong iyan ang dating manager ng resort na 'to na pinalitan ko. Ngayon, ako naman ang binabalak niyang pagdiskitahan. Pakyo siya sa'kin!" mataray na wika ni Christine. Kinuha nito ang hawak niyang paper bag na may laman ng kanyang pinamili.
PAGLABAS nila ng souvenir shop inabot ni Christine sa kanya ang cellphone number nito na nakasulat sa resibo ng kanyang pinamili.
"Huwag mong ibigay kay Elmer ha. Hindi ako makakapagtrabaho ng maayos sa panggugulo niyan." bilin pa ni Christine.
"Don't worry. Hindi ko ibibigay." aniya at nagpatuloy sila sa paglakad patungo sa kinaroroonan ng dalawang piloto.
"Thank you talaga, Tin. Hindi mo ako pinabayaan dito, napakasaya ng vacation experience ko." aniya.
"Balik ka dito, Trix."
"Sana lang may palibreng bakasyon ulit ang boss ko. Kasi kung sahod ko lang ang aasahan ko, can't afford, Tin."
"Text and call na lang tayo para mas lalo pa tayong maging close. Malay mo magawi ako sa Maynila, puwede tayong magmeet at magbonding kung sakali."
"Sige." Niyakap niya ito bago siya pumasok sa loob ng private chopper.
HABANG papataas ay nakikita niya pa ito mula sa bintana na kumakaway.
Napangiti siya habang nakatingin sa lawa na nasa ibaba. Laking pasasalamat niya sa nakatagong paraiso dahil nakalimot na siya at nakalanghap ng sariwang hangin, nagkaroon pa siya ng panibagong masayang alaala sa loob ng isang linggo. Higit sa lahat, nakakilala siya ng bagong kaibigan na si Christine at Brent.
"Ohh, sh*t!" Natampal niya ang kanyang noo nang maalala niya na nakalimutan niya ang calling card ni Brent na inilagay niya sa drawer ng mini table.
Kung hindi lang siya nasa himpapawid babalikan niya pa iyon. Sinisisi niya ang kanyang sarili kung bakit doon niya pa iyon inilagay at hindi na lang sa kanyang wallet o sa bulsa man lang ng kanyang bag. Binuksan niya ang kanyang bag at sinilip niya sa loob ang kanyang cellphone na hanggang ngayon ay nakapatay parin.
Balak niyang tawagan si Christine para ipakuha niya ang calling card ni Brent at ipatext na lang ang contact number na nakalagay roon. Subalit, inisip niya rin na nangako siya sa kanyang sarili na bubuksan niya lang muli ang kanyang cellphone pagkatapos ng isang linggo. Ganoon siya sa kanyang sarili na kung ano ang kanyang ipinapangako, tinutupad niya.
Isinara niya ang zipper ng kanyang bag at umayos ng upo. Binaling niya ang tingin sa magandang tanawin para maiwaglit ang lahat sa kanyang isipan. Nais niyang makapag-isip ng maayos para maging kalmado, lalo na't problema ang sasalubong sa kanya sa kanilang paglapag.
PATAKBO niyang tinungo ang opisina ng kanyang boss para mabilis niya itong marating. Batid niyang naiinip na ito dahil kanina pa ito naghihintay sa kanya. Habol-hininga siyang kumatok ng marating ang pintuan.
"Come in!"
Ubod ng lakas niyang itinulak ang pinto. Nakita niya si Dylan na nakatuon ang atensiyon sa binabasang laman ng isang folder. Nakasuot lang ito ng puting plain na T-shirt at nakashort ng itim.
"Sir?" mahinang pagtawag niya nang makalapit. "Let me help you to check that. Baka may nakaligtaan lang akong hindi nailagay o baka may mali akong nailigay." patuloy niya.
"Trix, I'm sorry to say this, but you are no longer my secretary." wala emosyon na sabi nito. Ni hindi rin ito tumingin sa kanya.
Napatigagal siya sa narinig at nagsimula nang magtubig ang kanyang mga mata. Tila hindi siya makapaniwala sa sinabi ng kanyang boss. Sa mahabang panahon na pinagkatiwalaan siya nito, tatanggalin siya ng ganoon lang kadali. At ang mas masakit, hindi man lang siya nito hinayaan magpaliwanag.
"Sir, wala na po ba kayong tiwala sa'kin?" pigil ang iyak na tanong niya.
Napaangat ito ng mukha.
"Hoy! Huwag kang umiyak dito." Napatayo si Dylan at niyakap siya.
Tuluyan na siyang napahagulgol sa balikat nito.
"Binibiro lang kita, Trix. I'm sorry."
Umiiyak man ay nakahinga siya ng maluwag. Pakiramdam niya para siyang nagising sa isang masamang panaginip nang malaman na biro lang ang lahat.
"Totoo po? Prank lang po ang lahat?" tanong niya habang nagpupunas ng luha.
"'Yung sinabi kong may nawawalang pera sa funds natin, prank iyon. Pero 'yung hindi ka na sekretarya ko, totoo iyon." natatawang wika nito.
"Po? Bakit niyo naman ako tatanggalin, Sir?"
"Tatanggalin? Hindi naman, lilipat ka lang."
"Lilipat? Saan? Sir, naguguluhan na ako." Kumunot na ang kanyang noo.
"Lilipat sa kompanya ni Blake."
Nagulantang siya sa sinabi nito. "What? Ako lilipat sa kompanya ni Blake?"
"Do that for me, Trix. Kahapon lang bumalik si Blake galing Amerika. Nagresign kasi ang PA niya, kaya nakiusap siya sa'kin na kung maaari ikaw na lang ang ipalit niya. Don't worry, mataas ng 20% ang pasahod niya sa'yo."
Napaupo siya sa silya na nasa tapat ng desk nito. Pakiramdam niya nanlambot ang tuhod niya sa narinig. Kung kailan nakalimot na siya kahit papaano ay makikita naman niya ang mukha ng lalaking iyon at ang malala araw-araw na niya itong makakasama. Kung tatanggihan niya naman, siya rin ang kawawa. Mawawalan na siya ng trabaho at mapapahiya pa siya kay Dylan.
"Ikaw naman ang mawawalan ng sekretarya, sir."
"Don't worry about me, Trix. Nandiyan naman si Maurice, I think nasa tamang edad na siya para magtrabaho at kumita ng para sa sarili niya."
"Sige, sir. Start na ako bukas doon." pumapayag na sambit niya kahit labag sa kalooban.
Habang nakatingin si Dylan sa kanya at kausap niya sinusubukan niyang pag-aralan ang bawat kilos at pananalita nito. Naglalaro sa isipan niya na baka may alam na ito tungkol sa nangyari sa pagitan nilang dalawa ni Blake.
"Thanks, Trix! Tatawagan ko lang si tatay na nasa baba para ipahatid kita sa apartment mo. Magpahinga ka at maghanda para sa unang araw mo bukas. Tiyak mapapalaban ka kay Blak--- I mean, sa trabaho kasama si Blake." wika nito na halatang pinipigilan ang pagtawa.
"Sir, magsabi ka nga sa'kin ng totoo. May naikuwento ba si Blake sa'yo tungkol sa'kin?"
"Wala naman, Trix. May dapat ba akong malaman?"
Umiling siya. "Wala naman. Sorry. Kinakabahan lang talaga kasi ako, alam mo naman na magkaaway kami ng lalaking iyon. Para mo po akong sinanla sa demonyo."
"Mabait naman si Blake at hindi naman kita ilalagay sa sitwasyon na ikakapahamak mo."
"Hindi parin panatag ang loob ko. Bukas pa naman ang kompanya mo kung sakaling babalik ako 'di ba?"
Hindi ito sumagot bagkus nagkibit-balikat lang.
Maya-maya pa ay pumasok ang tatay ni Kathy at inaya na siyang bumaba dahil naroon na sa loob ng sasakyan ang kanyang suitcase at bag. Nagpaalam siya ng maayos kay Dylan at sumunod sa tatay ni Kathy pababa sa ground floor.
HABANG nasa parking lot sila at papasok siya sa loob ng sasakyan ay hindi niya maiwasang tingalain ang mataas na building. Mahabang taon na naging bahagi ng buhay niya ang dalawampu't limang palapag na gusali. Nakakalungkot lang isipin na isang umaga nagising siya at malaman na lang na huling araw na niya rito.
Bukas lilipat siya sa ibang kompanya. Bagong trabaho, bagong boss, bagong katrabaho pero iisa lang ang kanyang dahilan na hindi nagbabago. Iyon ay ang patuloy na magtrabaho para mabigyan ng maayos na buhay ang kanyang mga magulang at matupad ang pangarap na mapagtapos sa pag-aaral ang mga kapatid kahit pa may isa nang bumitaw.