Chapter 2

1116 Words
Habang nasa biyahe ay tumutulo ang mga luha ni Rita. Kanina habang pumupuslit s'ya sa likod bahay nila Lorna para tumakas ay naririnig n'ya ang pagtatalo nito at ng kanyang ina. Nalalaman n'yang galit na galit ito sa pagtakas n'ya, dinig na dinig din n'ya ang masasakit na sinabi nito: "Kung alam ko lang na lalaki siyang ingrata, sana ay nilunod ko na lang s'ya pagkapanganak ko sa kanya! Wala siyang utang na loob!" Napahagulgol si Rita, ngunit inimpit n'ya ang kanyang pag-iyak dahil karamihan sa mga pasahero ng bus na sinasakyan n'ya ay mga natutulog. 'Nay, patawarin nyo sana ako, pero....... hindi ko talaga kaya gawin ang mga ipinapagawa n'yo sa akin.' Matapos niyang mailabas ang bigat ng kanyang kalooban ay guminhawa na rin ang pakiramdam niya at nakatulog. Pagbaba ng bus ay sumakay pa ng jeep at tricycle si Rita. Ibinaba s'ya ng tricycle driver sa tapat ng isang subdivision. "Magandang araw ho." Bati n'ya sa guwardya. "Papunta po ako sa mga del Prado, pinapunta po ako ni Andeng." Matapos makumpirma ang kanyang pagkakakilanlan ay pinapasok si Rita. Hindi ganoon kalalaki ang mga bahay sa naturang subdivision, ngunit magaganda ang pagkakagawa sa mga ito, sapat na para mamangha si Rita. Hawak ang isang maliit na papel na may nakasulat na address ay huminto si Rita sa tapat ng isang brown na gate, nang makumpirma na iyon ang villa na pakay n'ya ay agad siyang nag doorbell. "Sino sila?" Tanong ng isang matandang katulong pagkabukas ng gate. "Magandang araw po, ako po si Rita, nariyan po ba si nanay Andeng." "Ako si Andeng...." sagot ng matandang katulong. "Ikaw pala si Rita, halika, pasok ka." Dinala ni Andeng si Rita sa may patyo. "Dito ka muna ha, sasabihin ko lang kay madam Leonora na narito ka na. Sinabi ko kasi sa kanya ang pagdating mo." Hindi nagtagal, nang maiwan sa labas si Rita ay may sasakyang bumusina sa labas ng gate. Nang walang lumabas na katulong para magbukas ay muli itong bumusina. Dahil sa paulit-ulit nitong pagbusina ay nagdesisyon si Rita na pagbuksan na lamang ito. Pagpasok ng sasakyan ay huminto ito sa tabi ni Rita, nagbaba ng bintana ang nagmamaneho nito. Kumunot ang noo ng lalaki pagkakita sa kaniya. "Bago ka dito?" Hindi kaagad nakasagot si Rita, natulala lang ito sa mukha ng lalaki. Hindi naman sobrang guwapo ng lalaki, ngunit ang malamig na awra nito ay tila nagbibigay ng kung anong interes at kilig kay Rita. Nang makita ang mga tingin ni Rita sa kanya ay kumunot ang noo ng lalaki, pumalatak ito bago isinara ang bintana ng kotse. Nagmaneho na ito papunta sa garahehan. Napagmasdan na lang ni Rita ang pag-alis ng kotse, natauhan lamang ito nang tawagin na s'ya ni Andeng. Pagpasok sa villa ay naikot ng tingin ni Rita ang paligid, ngayon pa lamang s'ya nakapasok sa ganoong kagandang bahay sa buong buhay n'ya, kaya hindi n'ya mapigilang mamangha. Nang makita n'ya ang isang matandang babae na napapalamutian ng mga alahas sa sofa ay inayos n'ya ang kanyang sarili. "M-magandang araw po, madam." Bati n'ya. Ngumiti ang matandang babae. "Magandang araw din iha. Sinabi sa akin ni Andeng ang pinagdaanan mo sa inyo, at ikinalulungkot ko ang nangyari sayo." Nagustuhan kaagad ni Leonora si Rita kaya kaagad niya itong tinanggap. Nung araw na iyon ay pinagpahinga muna si Rita at hindi muna pinagtrabaho dahil nalalaman ni Leonora na napagod ito sa biyahe. Kinabukasan ay nagsimula na itong magtrabaho. Habang nagpupunas ng muwebles ay natanaw ni Rita ang pagdating ng isang lalaki, bitbit ang ilang files ay naupo ito sa sala. Nanlaki ang mga mata niya nang makilalang, ito ang lalaking pinagbuksan n'ya ng gate kahapon. "Ang guwapo, ano?" Napaigtad sa gulat si Rita nang may biglang magsalita sa tapat ng kanyang tenga. "Nanay Andeng, nakakagulat naman po kayo!" Aniya habang nakahawak sa kanyang dibdib. "Oy Rita, binabalaan kita ha; hindi ka puwedeng magkagusto sa amo natin, hindi ka puwedeng magkagusto kay ser Martin. Ako na ang nagsasabi sa'yo, kung ayaw mong mapaalis dito nang wala sa oras ay itigil mo na kaagad ang pag-illusyon mo." Ngumuso si Rita. "Si nanay Andeng naman. Hindi naman po ako nangangarap ng gising e, saka kahit ba paghanga man lang, bawal?" "Oo, bawal. Alam mo, kung tutuusin ay hindi ka dapat tatanggapin ni madam Leonora, kung hindi lang s'ya naawa sayo. Kaya makinig ka." Nagtaka si Rita sa mga sinabi ni Andeng, ngunit sinunod pa rin n'ya ang sinabi nito, dahil nalalaman naman niyang, wala naman talagang patutunguhan ang mumunting pagtingin n'ya para sa among lalaki. Sa mga nagdaang mga araw ay puro pagtanaw lang sa malayo ang ginagawa ni Rita kay Martin, ngunit sa paglipas din ng mga araw ay tila lumalaki ang paghanga at ang pagtingin n'ya para dito, lalo na nang makita n'ya kung gaano ito kabuti sa mga matatanda nilang katulong: Dahil nasa bakasyon ang pamilya ni Martin, bukod kay Leonora, ay nagawa niyang maipagdiwang ang ika-70 kaarawan ng isang katulong. Pinagpahandaan n'ya ito ng maraming pagkain at binigyan pa ng regalo. Kung titingnan ay parang kapamilya na rin ang turing ni Martin sa katulong, hinahayaan lamang n'ya na yakap-yakapin sya nito habang nagpapasalamat ito sa kanya. Dahil sa lumalaking pag-ibig ni Rita para kay Martin ay tila hindi na n'ya magawang itago pa ang kanyang nararamdaman, at dahil nalalaman niyang bawal ay sa sulat na lamang n'ya inihayag ang kanyang damdamin. Nang wala na siyang malay gawin sa labas ay nagtungo muna sa maid's quarter si Rita para makapagpahinga sandali, doon n'ya naisipang gumawa ng love letter para kay Martin. Habang nagsusulat ay nangingiti ito at kinikilig pa. Nang matapos na s'ya ay maingat niyang tiniklop ang papel, pagkatapos ay sinulatan pa n'ya ito sa labas. "Rita! Nasaan ka?" Nagitla si Rita nang marinig ang malakas na pagtawag ni Andeng sa labas, pakiramdam tuloy nya ay para siyang palihim na gumagawa ng kasalanan. Sa pagkataranta ay dali-dali niyang itinago ang sulat sa lagayan nila ng maruruming damit, na nasa ilalim lang ng double deck na kanyang hinihigaan, saka s'ya lumabas. .............. Kinabukasan ay nagtaka at kinabahan si Rita nang sabihin sa kanya ng isang katulong na ipinapatawag s'ya ni Martin. Nakaramdam s'ya ng excitement habang papunta sa kinaroroonan nito dahil ito pa lang ata ang kauna-unahang beses na ipinatawag s'ya nito. "S-ser Martin, ipinatawag n'yo raw po ako?" Iniangat ni Martin ang kanyang kamay na may hawak na nakatiklop na papel para ipakita kay Rita. "Magsabi ka ng totoo, sayo ba ang sulat na 'to?" Nang pagmasdan ni Rita ang papel ay nakilala n'ya ito bilang ang love letter na isinulat n'ya kahapon. Gulat na gulat sya nang bigla iyong sumulpot sa kamay ni Martin, paano ito napunta sa kanya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD