"There's nothing wrong with being bitter. Remember, medicines usually taste bitter, but they make us feel better."
"SORRY, best friend," paawang sambit ni Zinnia sa akin. Si Zinnia ang best friend ko mula Grade 1 hanggang ngayong 2nd year college namin.
Sabi ng guro ko noon sa Values, wag agad magtiwala kahit kanino, kahit na sa mga magulang mo.
Naaalala ko pa noon, iyan ang naging diskusyon namin sa klase—pagtitiwala. Matapos niyang sambitin ang nasa itaas, isang kaklase ko ang nagtaas ng kanang kamay niya upang magtanong. Napansin naman ito ng aming guro, kung kaya't tinawag siya nito at tumayo.
"Sir, paano niyo naman po nasabi na wag kami magtiwala sa aming mga magulang? E, mga magulang namin sila?"
Napuno ng bulong-bulungan ang apat na kanto ng aming silid-aralan. May mga nagsasabing masama si Sir kaya gano’n. ‘Yong iba'y nagsasabing dahil ulila na si Sir kaya't nasasabi niya ang mga bagay na iyon sa mga magulang. Natigil ang tila huni ng mga bubuyog kong kaklase ng magsimulang lumapit si Sir sa kaklase kong nagtanong sa kanya. Bahagyang tinapik nito ang kanyang kaliwang balikat at nagtungo ito sa harap ng aming white board at nagsulat gamit ng isang white board marker na may taglay na matingkad na tinta. Dahil sa linaw nito, nababasa ko ang mga katagang sinusulat niya: r**e. SAPILITANG PAGTATRABAHO. PAGPATAY.
Nagimbal ang lahat sa mga katagang sinulat niya. Humarap siya sa amin at nagsuot siya ng isang makabuluhang ngiti. At nakadama ako ng isang pagbabago sa atmospera ng buong paligid.
"Isipin niyong mabuti ang koneksyon niyan sa sinabi ko kani-kanina lamang. Paalam." Umalis na siya sa aming silid-aralan.
May gumuhit namang tandang pananong sa mukha ng mga kaklase ko, pero sa akin? Hindi. Walang tanong na bumuo sa aking isipan. Dahil alam ko ang koneksyon ng mga katagang iyon sa nasambit niyang pahayag.
"Hmm, pwedeng layuan mo muna ako?" Iyan na lamang ang nasambit ko kay Zinnia. Tumungo lamang siya at lumakad palayo.
"Walang dapat pagkatiwalaan, maliban sa sarili mo." Iyan ang kaisipang nabuo sa akin mula noon.
Kung kaya't napagtanto ko, lahat ay kaya kang lokohin at iwan kaya dapat doble... triple o mas madami pang pag-iingat ang dapat mong gawin. Iyan ang tunay na reyalidad sa likod ng pag ibig. Sabi nila, kapag nakapasok ka na sa laro ng pag-ibig, maaaring manalo o matalo o mawalan.
Sa kaso ko, natalo na nga ako, nawalan pa!
Well, para maintindihan niyo, umpisahan natin sa umpisa.
Ang araw na kung saan nasali at nakapasok ako sa mundo ng mapanlinlang na pag ibig.
ARAW ng unang Lunes ng buwang Hunyo. Hay, ang pinaka-kinaiinisan ko sa lahat ng mga araw. Sa mga nagtatanong kung anong meron, well ito lang naman ang first day of class! At dahil sa mabait akong estudyante, ayokong pumasok sa kadahinalang tinatamad ako.
"Ericka, bumangon ka na! Male-late ka na!" bulyaw sa akin ng aking ina. Agad kong inayos ang kwarto ko pati na rin ang sarili ko. Bumaba na ako't nagtungo sa hapag-kainan upang sabayan ang aking ina sa pag-aalmusal.
“Ayos na ang gamit mo," paalala niya sa akin. Sinagot ko na lamang siya ng isang masayang ngiti.
Palakad na ako papunta sa aming eskwelahan kaso may biglang tumawag sa akin. Nilingon ko ito't napag-alamang si Zinnia pala. Maganda, petite ang pangangatawan, may tuwid na itim na buhok at may magandang pares ng mata. Para sa aki'y perpekto na siyang babae.
"Sabay na tayong pumasok," sabi niya habang palapit sa akin at may kung anong hinahalungkat sa bag niya.
"Tara na, uy anong hinahanap mo diyan sa bag mo? Don't tell me wala kang ballpen?" pang-aasar ko sa kanya.
"Heh! First day of class ngayon, natural may ballpen ako," sabi naman niya't patuloy pa rin sa paghahalungkat.
"Ito na nga!" sambit niya ng buong galak na parang nanalo siya sa isang Lotto.
Napalingon naman ako sa kanya't nabigla dahil may inaabot siya sa akin na kung ano.
"Ano 'to?" tanong ko habang hawak ang isang maliit na kahon na may pulang balot.
"Buksan mo kaya," sabi niya. Ginawa ko naman ito't nakita ko ang nilalaman ng naturang kahon. Isang bracelet na may kulay na silver at naka-ukit dito ang initials ko na "E.A."
"Para saan ito?" takang tanong ko. Ngumiti siya bago sagutin ang tanong ko.
"Friendship bracelet natin 'to," sabi niya at isinuot sa akin ang bracelet.
"Suot mo naman ito sa akin," sabay abot ng "friendship bracelet".
Tumuloy na kami sa eskwelahan. Ang mundong puno ng kaalaman at kung ano-ano pang mga bagay na sinasabing magbibigay talino sa mga indibidwal na gaya ko.
Kasalukuyang nag-uumpisa na ang diskusyon nang may kumatok sa pinto.
"Good morning, sorry I'm late," pahayag ng isang binata.
Gwapo, may pagka-chinito at parang may mabait na aura.
"Miss, pwede bang maki-upo?" tanong niya sa akin.
"Ah, o-oo!" sabi ko na lamang. Bakit gano’n, may kung ano akong naramdaman sa kanya.
Bumilis ang pintig ng puso ko at may mga umaatakeng paru-paro sa sikmura ko.
Bakit kaya?