WALA sa loob na napaawang ang mga labi ni Ahura nang makita ang pagdating ng iba pang mga bandido.
Pinangungunahan ito ng kanilang pinuno na mababanaag sa mukha ang galit.
“Nagkita tayong muli mga Ginoo,” bati ng lalaki kina Donovan.
“Hindi ka pa talaga nadala noong huling mag tagpo ang mga landas natin huh?” sagot naman ni Donovan.
Nagkibit balikat lamang ang lalaki at itinuon ang buong atensyon kay Ahura.
“Sa pagkakataong ito ay hindi kayo ang pakay ko kung hindi ang taksil na si Ahura. Ibigay ninyo siya sa akin at nangangako akong hindi kayo masasaktan.”
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Gantrick. Sinadya niyang lakasan iyon upang iparinig at ipakita sa lalaki na nababagot na siya sa kasasalita nito.
“Napapagod na ako sa kauulit. Sinabi ko na sa mga tauhan mo na hindi namin siya ibibigay sa inyo. Mahirap ba talagang intindihin ‘yon?”
Tumawa naman dahil sa tinuran niya ang lalaki. “Hindi mo yata naiintindihan ang—”
“Ikaw ang hindi nakakaintindi hukluban. Hindi namin ibibigay sa inyo si Ahura dahil kaibigan namin siya!” sabat ni Irene.
Pumulot na rin ito ng sandata at luminya kina Donovan. Ganoon din ang ginawa ni Vector. Si Kirin naman ay iginigiya ang iba pang mga Babylonian sa isang ligtas na lugar.
“Umalis na kayo rito, Drako. Dahil sinisiguro ko sa inyo na sa sandaling itaas ko ang aking sandata ay iilan na lamang sa inyo makababalik sa pinagkukutaan ninyo.” Babala ni Vector habang nag-uunat ng mga binti at braso.
“Ang lakas naman ng loob mo upang pag salitaan ako! Sino ka ba?” tanong ng pinuno na Drako pala ang pangalan.
Napansin naman ng isa sa mga bandido ang mahabang peklat sa mukha ni Vector. Nanlaki ang mga mata nito at dali-daling nagtungo sa kaniyang pinuno.
“Pinuno! Hindi ako maaaring magkamali. Siya si Vector. Ang dating Gurdashi ng Kaharian ng Parsis!” nahihintakutang bulong ng bandido kay Drako.
Katulad nang naging reaksyon ng bandido ay nanlaki rin ang mata ni Drako dahil sa narinig. Isa kasi si Vector sa apat na kinikila at kinatatakutan na Gurdashi sa buong Babylon.
“Anong ginagawa ng isang Gurdashi sa lugar na ito?” bulong ni Drako sa tauhan.
“Sa pagkakaalam ko ay siya ang namumuno rito sa pamayanan ng Morag,” tugon ng lalaki.
Pasimpleng siniko ito sa dibdib ni Drako.
“Bakit ngayon mo lang sinabi? Wala ka talagang utak!”
Muli nitong hinarap ang grupo nina Donovan. “Vector! Vector! Ang magiting na Gurdashi ng Parsis. Isang karangalan para sa akin na makaharap ka ngayon. Ibigay na lamang ninyo sa akin si Ahura upang hindi na tayo magkaroon pa ng hindi pagkakaunawaan.”
Napalingon naman si Irene sa katabing si Ahura. “Ano raw? Gushi? Kudashi?”
Umiling naman si Ahura. “Gurdashi. Isa sa pinakamataas na Heneral sa isang Kaharian.”
“Ahh,” magkakasabay na usal nina Donovan, Gantrick at Irene.
Napangiti naman si Vector sa mabilis na pagbabago ng ugaling ipinakikita sa kanila ni Drako.
“Kung talagang hindi mo ninanais na magkaroon tayo ng hindi pagkakaunawaan ay isasama mo ang lahat ng iyong mga tauhan at mapayapa kayong aalis sa aking pamayanan.”
“Aalis lamang kami kung ibibigay ninyo sa amin si Ahura,” pagmamatigas ni Drako.
“Kung gayon ay wala na tayong dapat na pag-usapan pa.” tugon naman ni Vector.
Matapos nito ay pabulong siyang nag tanong kina Donovan at Gantrick. “Kaya pa ba ninyong lumaban?”
“Siguro?” sagot ni Donovan.
Mariing napapikit si Vector. “Hindi ko inaakalang sa ganitong sitwasyon pa ako mamamatay.”
Inismiran naman ni Donovan ang lalaki. Kahit naman hindi siya ganoon kabihasa sa pakikipaglaban ay hindi naman niya hahayaan na may mamatay sa kanilang hanay.
“Huwag kang mag alala walang mamamatay sa atin ngayong araw,” kampanteng saad ni Donovan.
“And what makes you so sure of that?” tanong ni Gantrick.
“Wild guess?” sagot ni Donovan.
“Oh great. A guess.” Nakasimangot na tugon ni Gantrick.
Muling nabaling ang kanilang mga atensyon sa mga papalapit na kaaway.
Armado ng mga palakol at maliliit na pananggalang ay buo ang loob ng mga bandido na talunin sila at bawiin si Ahura.
Hindi naman nagpatalo ang grupo ni Donovan. Triple man sa kanila ang dami ng mga kaaway ay buong giting pa rin nilang haharapin ang mga ito upang protektahan ang bagong kaibigan.
Tumakbo silang pasulong at pasalubong sa mga kaaway. Si Gantrick ang nangunguna sa kanilang hanay na mababakas sa mukha ang determinasyon na matalo at maitaboy ang mga kaaway na siyang ipinagtataka naman ni Donovan.
Ngayon lamang kasi niya nakitang determinadong mag tagumpay ang kaniyang kapatid sa buong buhay nila.
Ngunit hindi ito ang tamang panahon upang hangaan ito at isipin kung ano ang dahilan nang inaakto ng binata.
Yumuko si Donovan nang mapansin ang pag unday ng isang bandido sa hawak na palakol patungo sa kaniya. Kung nahuli pa siya ng ilan pang segundo ay sigurado siyang humiwalay na ang kaniyang ulo sa kaniyang katawan.
Binangga niya ang bandido gamit ang kaniyang katawan. Nang bumagsak ito sa lupa ay ginamit naman niya ang kaniyang sandata upang tuluyan nang wakasan ang buhay nito.
Tumumba sa lupa si Gantrick nang sipain siya ng isang bandido mula sa kaniyang likuran. Nang akmang papalakulin na siya nito ay bigla na lamang itong bumagsak sa kaniyang harapan. May dalawang palasong nakabaon sa likod nito.
Hinanap niya ang pinanggalingan niyon at natunghayan niya si Ahura sa ‘di kalayuan. Tumango ito sa kaniya na ginantihan naman niya ng isang matamis na ngiti.
Ngunit napalitan ng pag alala ang mga ngiti ni Gantrick nang mapansin niya ang bandidong papalapit sa dalaga.
Nakaumang sa likuran ni Ahura ang lalaki na may hawak na palakol.
Hindi na nag sayang ng panahon pa si Gantrick. Dumampot siya ng isang espada na nasa lupa at mabilis na ibinato iyon sa direksiyon ni Ahura. Tumama sa dibdib ng bandido ang espada at walang buhay na bumagsak sa lupa.
Sa pagkakataong ito ay si Ahura naman ang ngumiti kay Gantrick. Muli na nilang ipinagpatuloy ang kanilang pakikipaglaban.
Muling nagpakawala ng tatlong magkakasunod na palaso ang dalaga na muling nagpabagsak sa mga kaaway.
Nang maubusan ng palaso ay dumampot siya ng espada at patuloy na nakipaglaban sa mga kaaway.
Sa ‘di kalayuan ay napahinto naman si Donovan sa kaniyang ginagawa nang mapansin si Irene.
Labis ang kaniyang gulat na nadarama ng mga sandaling iyon. Matagumpay kasing napababagsak ng dalaga ang mga bandidong nagtatangkang saktan ito.
“So, all this time you freakin’ knew how to fight?” nagugulumihang tanong ng binata kay Irene nang tuluyan na siyang makalapit dito.
Napalibutan sila ng mga kaaway kaya naman ay nagtalikuran sila upang protektahan ang isa’t-isa.
“Didn’t I tell you that I am a black belter in taekwondo and practiced wushu a lot during my teenage days?” tugon ni Irene.
“You f*****g what? Taekwondo? Wushu? Who are you, the daughter of Bruce Lee?” singit ni Gantrick nang mapadikit ito kina Donovan.
Maging sina Vector at Ahura ay napadpad na rin sa kinaroroonan nina Donovan. Dahil na rin sa dami ng mga bandido ay hirap silang magapi ang mga ito.
Nang mga sandaling iyon ay tuluyan na silang napalibutan ng mga kaaway. Sa tantiya nila ay aabot pa sa dalawampu o tatlumpu ang bilang ng mga bandido na nasa kanilang harapan.
“Pwede ba na mag usap kayo gamit ang wikang nauunawaan namin?” pagbibiro ni Vector.
Pinakikiramdaman ng grupo ni Donovan ang bawat kilos ng mga bandidong nakapalibot sa kanila. Sa kabutihang-palad, ang bawat magtatangkang lumapit sa kanila ay nagagawa nilang magapi.
Subalit sa sandaling mag sabay-sabay sa pag atake ang mga ito ay mahihirapan silang depensahan ang kanilang mga sarili.
Hindi rin naman sila maaaring humingi ng tulong sa mga mamamayan ng Morag dahil iilan lamang sa mga ito ang may kaunting kaalaman sa pakikipaglaban.
Nang may umatakeng muli sa kanila ay nag tagumpay itong masugatan si Gantrick at Irene sa braso. Nauubusan na rin ng lakas sina Donovan at ang iba pa.
“Where the hell they’re coming from, goddamn it!” asik ni Gantrick habang pinipigil ang pagdurugo sa kaniyang kaliwang braso.
“Hindi ko akalain na matatapos lamang ang aking buhay sa kamay ng bandido,” saad ni Irene.
“Huwag kayong mawalan ng pag-asa! Hindi pa tayo rito mamamatay!” sigaw ni Donovan upang gisingin at palakasin ang kalooban ng mga kasama.
“Tama si Donovan. Sa sandaling panghinaan kayo ng loob ay ‘yon na rin ang sandali nang pagkatalo natin!” dagdag pa ni Vector.
“Sino ba ang pinanghihinaan ng loob?” pagtataray ni Irene.
Muli pa ay sinalubong ng grupo ni Donovan ang mga aatakeng kalaban. Ang kalansing ng mga sandatang nagdidikit ang siyang namumutawi sa kapaligiran.
Sa kabila nang kakulangan sa tao ay magiting na ipinagpatuloy nina Donovan ang pakikipaglaban. Hindi nila hahayaan na mag tagumpay ang mga bandido na mabawi ang bago nilang kaibigan na si Ahura.
Subalit sa huli ay bigo pa rin silang magapi ang mga kaaway na higit na mas marami ang bilang kaysa sa kanila. Hindi rin naglaon ay tuluyan na nga silang nagapi ng mga ito.
Ang bawat isa sa kanila ay sapilitang pinaluhod habang may nakaumang na mga palakol sa kanilang mga leeg.
“Kahit gaano pa kayo kagaling sa pakikipaglaban, kung ang inyong mga kalaban ay higit na mas marami sa inyo ay pihadong hindi kayo magwawagi,” wika ni Drako na sinundan pa ng isang halakhak.
Pilitin man na tumayo nina Donovan ay bigo rin siya, pwersahan kasi siyang pinaluluhod sa tuwing magtatangka siyang tumayo. Hindi na muling nagpumilit pa ang binata.
“Bakit ba ninyo ito ginagawa?” gigil na tanong ni Donovan.
Muling nabaling sa kaniya ang atensiyon ni Drako na ng mga sandaling iyon ay kay Ahura naman nakapagkit ang mga paningin.
“Dahil kay Ahura. Kung mapayapa ninyo siyang ibinigay sa akin kanina ay hahayaan ko pa sana na muli ninyong masilayan ang paglubog ng araw.”
Tumalikod na si Drako. “Paslangin ang mga lapastangang iyan at dalhin sa kuta ang traydor na si Ahura. Ako mismo ang papatay sa kaniya.”
“Bitiwan ninyo ako!” sigaw ni Irene nang pilit siyang itabi kina Donovan.
“Huwag ka nang pumalag!” singhal ng bandido sa dalaga.
“f**k you!” nanggagalaiting tugon naman ni Irene.
Ipinuwesto ng mga bandido nang pabilog sina Donovan, Irene, Gantrick at Vector.
Dahil dito ay nakikita ni Gantrick ang galit at pagkadismaya sa mga mata ng kaniyang mga kasama.
Si Ahura ay inihiwalay sa kanila at pilit na kinakaladkad. “Pakiusap! Ako na lamang ang paslangin mo Drako huwag mo na silang idamay pa.”
Ngunit hindi pinapansin ng lalaki ang pagmamakaawa ng dalaga.
Nagsalubong ang mga mata ng apat, kapwa hindi matanggap ang tadhanang sasapitin.
“Isang karangalan para sa akin na makasama ang mga magigiting na nilalang na katulad ninyo sa isang laban. Sa wakas ay makakasama ko na rin ang aking pamilya sa kabilang buhay.” wika ni Vector.
Hindi naman napigilan ni Irene ang kaniyang mga luha sa isiping ito na ang magiging katapusan niya. Muling nag balik sa kaniyang alaala ang mundong pinanggalingan.
Ang kaniyang mga kaibigan at ang pamilyang kumupkop sa kaniya magbuhat ng siya ay sanggol pa lamang.
Puno naman ng pagsisisi si Donovan ng mga sandaling iyon. Sinisisi niya ang kaniyang sarili dahil siya ang nag dala kina Gantrick at Irene sa tiyak na kapahamakan.
Pinagsisisihan din niya na hindi na niya maipagpapatuloy pa ang kaniyang misyon na hanapin at iligtas si Myrna mula sa kamay ng Puting Reyna.
Ngunit iba si Gantrick. Kung tinatanggap na ng tatlo na ito na ang kanilang magiging katapusan, siya naman ay hindi. Lalong nag alab ang kaniyang damdamin na magapi ang mga kaaway at iligtas ang lahat mula sa tiyak na kamatayan.
“Gantrick, Gantrick,”
Napahinto sa pag-iisip ang binata ng makarinig ng pamilyar na tinig.
Nag-angat siya ng tingin upang alamin kung tinatawag ba siya ni Irene, subalit nananatili lamang itong nakayuko.
Nagpalingon-lingon siya sa paligid ngunit wala ng iba pang babae ang malapit sa kanila na maaaring mag may ari ng tinig na kaniyang narinig. Ibinalik ng isa sa mga bandido si Gantrick sa pagkakayuko.
Hindi maunawaan ng binata kung saan iyon nag mula kaya naman ay sinubukan niyang makipag-usap dito gamit lamang ang kaniyang isip.
“Sino ka?” tanong ni Gantrick sa kaniyang isip.
“Antares” tugon ng lalaki.
“Antares? Ikaw iyong lalaki sa aking panaginip tama ba ako?” pagkumpirma ni Gantrick.
“Ako nga. Sabihin mo sa akin binata. Ano ang gusto mong maganap sa mga sandaling ito?” tanong ni Antares.
Hindi na nagdalawang salita pa si Antares dahil mabilis na tumugon sa kaniyang katanungan ang binata. “Gusto ko silang iligtas!”
“Kung gayon ay gamitin mo ang aking kapangyarihan. Magtataglay ka ng kakaibang lakas at liksi sa loob ng dalawang minuto. Gamitin mo ang maiksing panahon na iyon upang isakatuparan ang ninanais ng iyong puso.” utos ng lalaki.
“Tatagan mo ang iyong sarili. Parating na ang tulong.” Dagdag pa nito.
Kasabay nang pag tahimik ng kaniyang isipan ay ang pagliliwanag naman ng marka sa kaniyang kamay. Di nag tagal ay nakaramdam siya nang pag daloy ng kapangyarihan mula sa kaniyang kaibuturan.
Nakita naman nina Donovan ang pagliliwanag ng marka ni Gantrick. Namamangha lamang na nakamasid sina Vector at Irene sa mga nagaganap.
“Ipinagkakatiwala ko na sa iyo ang aming mga buhay, Gantrick.”
Tumango ang binata kay Donovan bilang tugon. Ang mga bandido naman kabilang na si Drako na naka-saksi sa pagliliwanag ng kamay ni Gantrick ay nagulumihan sa mga nagaganap.
“Paslangin na ninyo sila!” sigaw nito sa mga tauhan.
Agad na kumilos ang mga bandidong nakapalibot kina Donovan. Bawat isa sa kanila ay may mga nakatalgang bandido na siyang kikitil sa kanilang mga buhay.
Ngunit kung mabilis ang naging pag kilos ng mga ito ay mas mabilis na kumilos si Gantrick. Sinipa niya sa tuhod ang bandido sa kaniyang likuran dahilan upang mapaluhod ito at mas mapalapit sa kaniya.
Inagaw niya mula rito ang kaniyang espada at ibinato sa lalaking nasa likuran ni Irene. Walang buhay na bumagsak ito sa lupa. Nabigla naman ang mga bandido sa ginawang ito ni Gantrick.
Sinamantala naman nina Vector at Donovan ang kalituhan ng mga ito at mabilis na inagaw sa mga bandidong nakatalagang paslangin sila ang mga sandata nito.
Ikinabigla ni Drako ang mga naganap. Hindi niya batid kung paanong nangyari na muling nagkaroon ng lakas upang lumaban si Gantrick. Napansin din niya ang kakaibang liksi nito ng mga sandaling iyon.
Marami sa kaniyang mga tauhan ang mag isang tinalo ng binata. Ang kaninang ubod ng dami niyang tauhan ngayon ay nasa kalahati na lamang.
“Hindi ito maaari!” galit na sigaw ni Drako.
Si Ahura naman ay napangiti dahil ligtas ang kaniyang mga kaibigan. Ang mga natitirang bandido ay agad na nagtungo sa kinaroroonan ng kanilang pinuno upang protektahan ito.
Nakalinya sila sa harapan nito at ni Ahura. Sina Donovan, Gantrick, Vector at Irene naman ay taas-noong nakaharap sa mga ito.
“Ngayon ay mamili kayo. Ibabalik ninyo sa amin si Ahura o lilipulin namin ang inyong maliit na hukbo?” tanong ni Vector.
Kakikitaan naman ng takot ang mga mukha ng mga bandido kabilang na si Drako. Kagat-kagat pa nito ang labi dahil sa labis na pagkainis ng mga sandaling iyon.
Kung hindi niya ibibigay sina Ahura ay maaaring maubos ang kaniyang mga tauhan.
Subalit kung ibabalik niya sa mga ito si Ahura ay batid niyang hindi na siya magkakaroon pa ng pagkakataon na paslangin ito gamit ang sarili niyang mga kamay.
Ngunit nawala ang kaniyang mga agam-agam nang may mapansin mula sa hanay nina Donovan.
Nakaramdam ng labis na sakit mula sa kaniyang kaibuturan si Gantrick.
Pakiwari niya ay may kung anong bagay o nilalang ang umuubos sa kaunting lakas na natitira sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata nina Vector at Irene nang mawala sa balance at mapaluhod sa nagyeyelong lupa si Gantrick. Napalitan naman ng pag ngisi ang mga pangamba ni Drako.
“Gantrick! Ayos ka lang?” nag aalalang tanong ni Irene.
“Y-yeah, I think I have reached my limit,” tugon ng binata.
Inalalayan naman siya ng dalaga sa pag tayo habang sina Vector at Donovan naman ay pumwesto sa unahan ng mga ito.
“That’s fine brother,” wika ni Donovan.
“Magpahinga ka na muna, bata. Kami na ang bahala rito!” dagdag pa ni Vector.
Pumosisyon sina Vector at Donovan upang depensahan ang kanilang mga sarili ng marinig nila ang utos ni Drako sa mga tauhan nito na lumusob.
Subalit, bago pa tuluyang makakilos ang mga bandido upang umatake ay magkakasunod na palaso ang tumudlo sa lupa upang pigilin ang pag atake ng mga ito.
“Sa wakas, nakarating din sila.”