NAGTATAKANG napalingon si Donovan kay Vector. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
Hindi na nito nagawa pang sumagot sa kaniyang katanungan nang mula sa makapal na usok na pumapalibot sa kanilang kinaroroonan dahil sa mga nasusunog na kabahayan ay lumabas ang tatlong lalaki na kapwa nakasakay sa mga kabayo.
Bahagya namang natulala sina Donovan, Gantrick at Irene sa mga bagong dating.
Kumikinang kasi dahil sa sinag ng araw ang mga baluti nito.
Maging ang mga kabayong sinasakyan nila ay may mga makikinang din na baluti.
Ngunit hindi ang mga baluti na iyon ang kapansin-pansin sa mga ito para sa kanilang tatlo kung hindi ang nag iisang sungay nito sa ulo.
“Is that a…” nakangangang wika ni Irene.
“Unicorn?” pagtatapos ni Gantrick sa katanungan ng dalaga.
“Holy s**t!” anas naman ni Donovan dahil sa labis na pagkamangha.
Muling gumalaw ang bagong dating. Nagtungo sila sa unahan nina Donovan at Vector at hinarap si Drako na kitang-kita sa mukha ang labis na takot.
“Tapos na ang laban na ito bandido. Pakawalan mo ang dalaga at lisanin ang pamayanang ito at huwag na huwag ka nang magbabalik pa. Kung ikaw ay magmamatigas ay wala na akong magagawa pa kung hindi ang labanan kayo,” binunot ng bagong dating ang kaniyang espada at itinuro ang gawing likuran ng mga ito.
Tila naman nakikisama ang hangin sa mga sumunod na nangyari. Nahawi ang makapal na usok at iniluwa niyon ang hindi bababa sa limandaang Babylonian na kapwa mga armado at nakasuot din ng baluting pandigma.
Mga matapat na kawal ng Babylon na naghihintay lamang sa kautusan ng kanilang pinuno upang atakihin at lipulin ang mga bandido sa sandaling mag matigas ang mga ito.
Awtomatiko namang inalis ng isa sa mga bandido ang taling gumagapos sa mga kamay ni Ahura at pinakawalan ito kahit na hindi ito ipag-utos pa ng kanilang pinuno.
Matapos nito ay pilit na nilang isinama paalis si Drako. “Hindi pa dito natatapos ang lahat ng ito, Ahura.” Bulong niya sa dalaga nang lagpasan siya nito.
Ngumiti lamang ang dalaga sa kaniya bilang tugon at mabilis na tinawid ang munting espasyo patungo sa mga kaibigan nito.
“Pinuno tayo na! Hindi natin sila kakayaning labanan sa ngayon!” pilit ng isang bandido kay Drako.
Hindi nag tagal ay tuluyan na ngang nilisan ng mga bandido ang Morag. Nang masiguro na wala na ang mga ito sa paligid ay muling tinungo ng bagong dating ang kinaroroonan nina Vector.
Bumaba ito sa sinasakyang kabayo at hinubad ang helmet na siyang pumoprotekta sa ulo nito. Mayroon itong mahaba at kulay puting buhok na nakatali patungo sa likurang bahagi ng ulo nito.
Maganda ang postura nito at mababakas sa hitsura nito na mayroon itong mataas na katungkulan sa Babylon.
“Ikinagagalak ko ang muli nating pagkikita, Vector. Nang matanggap ko ang iyong mensahe ay agad akong kumalap ng maliit na pwersa at nag lakbay patungo rito.”
Tinanggap naman ni Vector ang nakalahad na kamay nito. “Maraming salamat sa iyong pagdating, Urbed. Kung hindi dahil sa inyo ay malamang patay na kami ngayon.”
“Walang anuman, Gurdashi.” Tugon ng lalaking nagngangalang Urbed.
Napadako kina Donovan at Gantrick ang tingin nito. “Sila ba ang tinutukoy mo sa iyong liham?”
Magkasabay na lumapit sina Vector at Urbed kina Donovan. Inalalayan naman ni Irene at Ahura si Gantrick na muling makatayo. Isa-isa silang ipinakilala ni Vector sa lalaki.
“Ikinagagalak kong makilala ka, Donovan!” Nakangiting bati ni Urbed sa binata.
“Gayundin ako, Ginoo!” tugon naman ni Donovan.
Matapos maapula ang apoy sa kabuuhan ng Morag ay pansamantalang nagtayo ng mga tolda ang mga tauhan ni Urbed para sa mga napinsala ng naganap na sunog.
KASAMA ng grupo ni Donovan sa loob ng isang tolda sina Vector at Urbed.
Mayroon daw itong mahalagang sasabihin sa kanila.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Sasanayin namin kayo ni Vector sa larangan ng pakikipaglaban upang matulungan ninyo kaming magapi ang pwersa ng Puting Reyna,” wika ni Urbed.
Nagtaka naman ang dalawang Gurdashi nang hindi man lamang umalma sa kanilang deklarasyon ang mga ito.
“Sabi mo sa liham ay mahihirapan tayong kumbinsihin sila, bakit parang hindi naman sila tutol sa nais nating mangyari?” bulong ni Urbed kay Vector.
“Pumapayag kami sa nais ninyong mangyari,” basag ni Donovan sa katahimikan.
Lumawak naman ang pagkakangiti nina Vector dahil sa narinig. “Mabuti naman at—”
“Ngunit sa isang kondisyon,” putol ng binata kay Vector.
Nagkatinginan ang dalawang Gurdashi dahil sa tinuran ng binata. “Mainam! Nakikinig kami.”
“Papayag kaming tulungan kayo na mapalaya ang Babylon kung tutulungan ninyo kaming mahanap at mailigtas ang aming ina.”
Kinabahan naman sina Donovan nang ang mga Gurdashi naman ang hindi umimik sa pagkakataong ito. Mataman lamang silang pinagmamasdan ni Urbed.
“Hindi pa ninyo hinihiling ito sa amin ay mayroon na tayong mga kasamang kumakalap ng impormasyon sa kinaroroonan ng inyong ina.”
Nakangiting tugon ni Urbed sa kondisyon nina Donovan.
Nag liwanag ang mga anyo nina Donovan. Ngayon ay hindi na lamang sila ang mag hahanap kay Myrna mayroon na silang makakatulong na gawin ito ngayon.
Subalit kailangan din nilang pangatawanan ang kanilang ipinangako.
Mabigat na responsibilidad ito para sa kanila at pakiramdam niya ay kumuha sila ng malaking bato na ipupukpok mismo nila sa kanilang mga ulo.
Pero ito ang ninanais ng kanilang mga puso. Nais nilang makawala ang Babylon mula sa pagkakagapos ng mga ito mula sa kanilang mga sariling takot.
Gusto nilang maranasan ng mga ito ang kalayaan at kapayapaan na sa paniniwala ng mga ito ay alamat lamang.
“Kailan mag sisimula ang aming pagsasanay?” tanong ni Irene.
“Sa makalawa. Gamitin muna ninyo ang buong araw bukas upang magpahinga sapagkat hindi madali ang mga pagdaraanan ninyong apat,” sagot ni Urbed.
Lumabas na sina Donovan sa tolda upang sulitin ang nalalabi nilang oras na makapagpapahinga sila.
“Nasaan si Kirin?” tanong ni Donovan sa mga kasama.
“Mag mula noong mag simula ang laban natin sa mga bandido ay hindi ko na siya muli pang nakita,” ani Ahura.
“Sana ay nasa maayos siyang kalagayan,” wika naman ni Irene.
Habang sila ay naglalakad upang kumustahin ang mga apektadong mamamayan at itanong sa mga ito kung mayroon ba silang maitutulong ay nakita nila si Kirin na naglalakad ‘di kalayuan sa kanila.
“Kirin!” tawag ni Irene sa kaibigan.
Agad namang lumapit ito sa kanila nang mamataan sila nito. “Ayos lang ba kayo?”
Tumango naman si Gantrick sa dalaga.
“Saan ka nanggaling? Bakit bigla ka na lamang nawala?”
Tila nabigla naman sa katanungan ng binata si Kirin. “Ah…inilikas ko kasi ang mga mamamayan kanina noong mag simula ang inyong laban sa mga bandido. Wala rin naman akong alam sa pakikipaglaban kaya naman ay inilayo ko na lamang sila mula sa inyo.”
“Ah ganoon ba? Mabuti naman. Akala ko ay may masama nang nangyari sa’yo,” saad ni Irene na hinawakan pa ang dalaga sa mga kamay.
Mataman lamang na tiningnan ni Ahura si Kirin. Hindi kasi siya kumbinsido sa naging rason nito. Hindi naman aabutin ng mag hapon ang paglilikas sa mga mamamayan kung ang tanging iiwasan lang naman ay ang pook nang pinaglalabanan nila kanina.
Hindi na lamang siya kumibo at ipinagpatuloy na lamang ang paglalakad.
Hindi niya nais na pagdudahan si Kirin dahil kaibigan niya ito. Sa tingin naman niya ay hindi sila magagawang pagsinungalingan ng dalaga.
Naghiwa-hiwalay na sila sa paglalakad.
Nais din kasi ni Ahura na mapag-isa muna ng mga sandaling iyon. Habang siya ay naglalakad, nakakita siya ng isang bata sa tabi ng isang nakatumbang puno.
Mukhang malungkot ang bata base na rin sa paraan ng pagkakaupo nito.
Nakayuko kasi ito at nakasubsob ang mukha sa kaniyang mga tuhod. Nilapitan niya ang bata.
“Bakit ka malungkot?” tanong ni Ahura nang makalapit dito.
Hindi ito nag-angat ng tingin sa kaniya.
Nagpalinga-linga pa siya sa paligid upang hanapin kung sino man ang magulang ng bata. Nang mabigo ay umupo na lamang siya sa tabi nito.
“Nasaan ang iyong ina?” muli niyang tanong dito.
Nang marinig ng bata ang salitang ‘ina’ ay nag-angat ito ng tingin. Doon lamang napagtanto ni Ahura na si Atticus pala ang batang ito. Sa halip na sumagot ay nanatili lamang na nakatingin sa kawalan ang bata.
Nag-alala naman si Ahura para rito kaya naman ay napagpasyahan niyang hanapin ang ina nito. Nang makatayo siya ay pinigilan siya ng bata.
“Hindi na po ninyo makikita ang aking ina,” nagtataka naman siyang napatingin sa bata.
Nang mapansin niya na hindi ito nagbibiro ay muli siyang bumalik sa kaniyang pagkakaupo. “Ano’ng nangyari, Atticus?”
Nataranta si Ahura sa pagpapahid ng luha ng bata nang sunod-sunod na pumatak ang mga iyon.
“Nasa loob po ako ng aming kubol noong simulang sunugin ng mga bandido ang aming tahanan. Hindi ko po magawang lumabas dahil malakas na ang apoy at unti-unti na nitong tinutupok ang aming tahanan. Iniligtas po ako ng aking ina mula sa apoy pero…”
Hindi na naipagpatuloy pa ni Atticus ang pagkukuwento dahil napahagulgol na ito ng iyak. Mabilis naman siyang niyakap ni Ahura upang payapain ang kalooban ng bata.
“Tahan na, magiging maayos din ang lahat, Atticus.”
Halos madurog ang puso ni Ahura sa kaniyang napag-alaman. Nauunawaan niya ang pighating nararamdaman ni Atticus dahil sa pagkawala ni Reymel na siyang tumayong ama-amahan niya noon.
Ngunit mas mahirap ang sitwasyon ni Atticus ngayon. Anim na taong gulang pa lamang siya. Ngayon kasi nito kinakailangan ang pag-aaruga ng isang ina.
At masakit para kay Ahura na isiping hindi na ito magagabayan pa ng ina sa kaniyang paglaki. Alam ni Ahura ang hirap na lumaking walang kinikilalang ina kaya naman ay labis ang pag-aalalang nadarama niya para rito.
Ilang minuto pa ang lumipas ay inihatid na ni Ahura si Atticus sa pansamantalang tolda na binuo para sa mga nawalan ng tirahan dahil sa sunog.
Ipinangako rin ni Vector kay Ahura na nasa mabuting mga kamay ang bata.
KINABUKASAN ay nagkulong lamang sa loob ng kaniyang kubol si Ahura. Sinunod kasi niya ang payo nina Vector na magpahinga hangga’t maari. Sa tingin naman niya ay ganito rin ang ginagawa ng iba pa.
Subalit kahit na maghapon siyang nakahiga ay hindi pa rin mawala sa kaniyang isipan si Atticus. Nahahabag kasi siya rito lalo na’t alam niya kung anong hirap ang pagdadaanan nito. Ang lumaking walang magulang.
Kaya naman ay napagdesisyunan niyang lumabas muna upang dalawin ang bata at aliwin na rin ito pansamantala. Bago pa siya makalabas ay naulinigan niya ang ingay na nagmumula sa magkatapat na kubol nina Gantrick at Donovan.
Laking gulat ng dalaga nang makita niya si Atticus. Humahagikgik pa ito habang nakasampa sa mga balikat ni Donovan na tila hindi naman napapagod sa katatakbo.
“Oh, mabuti naman at lumabas kana! Akala namin ay hanggang bukas ka na matutulog sa iyong kubol, Ahura!” bati sa kaniya ni Kirin nang makalabas siya ng kubol.
“Ano’ng nangyayari dito?” nagtatakang tanong ni Ahura kay Irene na siya namang naghihiwa ng prutas.
“Narinig kasi namin na kasama sa mga namatay ang ina ni Atticus. Kaya naman sinusubukan namin siyang aliwin kahit ngayong araw lang,” sagot ni Irene kasabay nang pag-aabot nito ng prutas sa dalaga.
Naupo si Ahura sa tabi ni Irene at pinanood sina Donovan at Atticus na tawa nang tawa. “Saan pala ninyo narinig ang tungkol sa ina ni Atticus?”
“Kay Gantrick. At pagkatapos ay nagtanong-tanong kami sa totoong nangyari noong mamatay ang ina ng bata,” sagot ni Irene.
“At?”
“Nalaman namin na kaya pala hindi kasama ni Atticus ang kaniyang ina ng sandaling sunugin ang kanilang kubol ay dahil pinagsasamantalahan pala siya ng isa sa mga bandido. Nagawa lamang siyang tulungan ng ilang mga kalalakihan mula sa pamayanang ito nang paslangin nila ang bandido. Nang mailabas niya ang kaniyang anak mula sa nasusunog na kubol ay muli siyang nagbalik sa loob niyon upang kunin ang kwintas na alaala sa kaniya ng ama ni Atticus noong nabubuhay pa ito pero hindi na siya muli pang nakalabas nang buhay.”
Bumigat ang loob ni Ahura dahil sa narinig. Hindi niya akalain na ganitong klase pala ng trahedya ang sinapit ng pamilya ni Atticus. Lalo tuloy siyang nahabag sa bata.
Kaya naman ay gagawin niya ang lahat upang matulungan sina Donovan upang mapalaya ang Babylon mula sa kamay ng Puting Reyna.
Para wala na ring bata ang makaranas ng mga naranasan niya at mararanasan pa lamang ng paslit na si Atticus.