DINALA nila Vector sina Donovan sa lugar na may malaking espasyo. Kataka-taka naman para sa apat ang presensya ng buong hukbo ni Urbed sa paligid.
Unang pinalapit ni Urbed sina Donovan at Irene. “Kayong dalawa ang unang mag lalaban. Ipakita ninyo sa lahat nang matatapat na mga kawal ng Babylon na naririto ang naging pag unlad ng inyong mga kakayahan sa pakikipaglaban. Ang mga matatapang na kawal na ito ang siyang magiging hurado kung sino-sino sa inyo ang magwawagi!”
Malakas na hiyawan naman ang itinugon ng mga kawal sa paunang salita ni Urbed. Pinagpawisan naman nang malagkit si Donovan dahil sa dami ng mga manonood.
Habang si Irene naman ay naninikip na ang dibdib ng mga sandaling iyon.
Pumagitna sa kanilang dalawa si Urbed. “Sa pagkakataong ito ay totoong mga sandata na ang gagamitin ninyo.
Lumaban kayo na para bang dito nakasalalay ang mga buhay ninyo. Pansamantala muna ninyong alisin sa inyong mga isipan ang inyong pagkakaibigan. Maliwanag ba?”
“K-kailangan ba talagang totoong mga sandata ang gamitin namin?” kinakabahang tanong ni Irene. “Hindi ba puwede na kahoy lang—”
Napapikit pa si Irene nang ihagis ni Vector sa kanilang harapan ang isang sibat at isang espada.
Nagdadalawang-isip naman na dumampot ng sandata ang dalaga.
“Pick your weapon. We won’t be able to finish this task if we do not fight against each other. Go on, I’ll be fine.”
Sa huli ay wala ring nagawa si Irene kung hindi ang damputin ang sibat na nasa kaniyang harapan nang kunin ni Donovan ang espada sa tabi nito.
“Be gentle on me, okay?” pakiusap ni Irene.
“Sure, no worries!” tugon ni Donovan.
Nang akmang aatake na ang binata ay agad siyang napahinto. Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil naging mas mabilis ang pagkilos ni Irene kaysa sa kaniya.
Natagpuan na lamang kasi niya ang kaniyang sarili na nakabaling pakaliwa ang ulo upang maiwasan lamang ang sorpresang pag atake ni Irene.
“Hey! Are you trying to kill me?”
Kinindatan siya ni Irene. “You’re still alive, Don.”
“Silly girl.”
Gamit ang kaniyang espada ay itinaboy niya palayo sa kaniyang mukha ang mahabang sibat ni Irene. Naging dahilan naman ito upang pansamantalang dumistansya sa kaniya ang dalaga.
Makailang ulit pa siyang inatake ng dalaga na sa kabutihang-palad ay matagumpay naman niyang naiiwasan.
Habang sinasalag ang mga ginagawang pag-atake ni Irene ay sinubukan ni Donovan na makalapit rito.
Nang matagumpay niyang matawid ang distansya nilang dalawa ng dalaga ay siya naman ang nagsimulang umatake.
Sunod-sunod niyang inunday kay Irene ang kaniyang espada.
At dahil nga malaki ang pagkakaiba nila sa lakas ay naging mas mabigat ang tinatanggap na mga atake ni Irene.
Nahihirapan siyang tapatan ang lakas ng binata kaya naman ay pilit siyang dumidistansya dito.
Subalit tila nababasa na ni Donovan ang mga susunod na galaw ni Irene. Sa tuwing ito ay magtatangkang lumayo nang bahagya ay siya namang pag-abante ng binata palapit dito.
“Kaya mo ‘yan, Irene!” sigaw ni Ahura para palakasin ang loob ng dalaga.
“Beat that piece of meat, Irene! Kick his butt!” pagpapalakas loob din ni Gantrick.
Nawala ang atensyon ni Donovan sa kaharap at kagyat na napalingon sa kapatid at kaibigan na walang ibang panalangin kung hindi ang matalo siya ng mga sandaling iyon.
“I’m your brother dipshit!” Nakasimangot niyang sigaw sa kapatid. Nakangiting nag peace sign lamang ito sa kaniya na tila ba inaasar pa siya.
Sinamantala naman ni Irene ang pagkakataon at malakas na sinipa si Donovan sa tagiliran.
Nang mapansin niyang ininda ng binata ang kaniyang ginawang pag-atake ay ginamit naman niya ang sibat na hawak-hawak ngunit nagawa na itong sanggain ni Donovan.
“Not so fast, little girl!”
Kagyat na yumuko ang dalaga nang mapansin niyang papalapit na mula sa gawing kaliwa ang braso nito upang subukan siyang pasukuin sa pamamagitan ng pagsakal sa kaniya.
Nang matagumpay na maiiwas mula sa tiyak na pagkatalo ay sinipa niya ang binata sa binti dahilan upang mawala ito sa balanse. Mababakas naman sa mukha ng binata ang pagkabigla dahil sa kaniyang ginawa.
Pero bago pa ito matumba ay nagawa pa rin nitong makapagpakawala ng isang malakas na sipa.
Maswerte na lamang si Irene dahil nagawa niya itong masalag sa tamang oras dahil kung hindi ay sigurado siyang sa kaniyang mukha tatama ang paa nito.
Sabay na bumagsak sa lupa ang dalawa.
Mabuti na lamang at nababalot ng makapal na yelo ang kanilang binagsakan kaya naman ay hind nila masyadong ininda ang wala sa oras na pagbagsak nila.
Naghiyawan ang lahat ng mga kawal na nakasaksi sa kanilang labanan.
Napahanga ng dalawa ang lahat maging sina Urbed at Vector dahil sa laki nang inunlad nila pagdating sa pakikipaglaban.
Lubos silang hinangaan ng lahat lalo na noong mapagtanto ng mga ito na ang sandata ng bawat isa sa kanila ay kapwa nakatutok sa isa’t-isa.
Unang tumayo si Donovan na kagyat namang inalalayan si Irene sa pagtayo. Habol man ng dalawa ang kanilang pag hinga ay hindi na nila ininda pa iyon.
Ipinagmamalaki nila ang kanilang mga sarili dahil ‘tulad nga ng sinabi ni Vector bago pa sila mag simula sa kanilang pagsasanay ay mas naging bihasa nga sila sa larangan ng pakikidigma.
Lumapit sa kanila si Vector at hinarap ang mga kawal na nasa iba’t-ibang direksiyon. “Hindi maitatanggi na napakganda nang ipinakitang laban sa atin nina Donovan at Irene. Mga kawal sino para sa inyo ang nanalo?”
Umikot pa ito upang harapin ang lahat. “Mag ingay para kay Irene!”
Hindi lang hiyawan ang narinig sa buong kapaligiran. Naging malakas din ang palakpakan mula sa mga kawal na sinabayan pa ng pag sipol ng marami.
Napangiti si Irene dahil sa suportang tinatamasa niya mula sa mga matatapat na kawal ng Babylon. Hindi niya inaasahan na magiging ganito ang reaksyon ng mga ito sa pinakaunang laban niya mag mula noong mag simula sila sa pag eensayo.
“Well done!” bati ni Gantrick sa dalawa nang makabalik ang mga ito sa kanilang dating pwesto. “You really kicked my brother’s ass.”
Sinamaan naman siya ng tingin ni Donovan. Natawa na lamang si Irene sa ginawang pagbibiro ni Gantrick. Sunod na lumapit sina Ahura at Gantrick kay Vector.
“Alam naman na ninyo ang dapat ninyong gawin. Lumaban kayo na para bang dito nakasalalay ang mga buhay ninyo.”
Sabay na tumango ang dalawa. Ilang saglit lamang ay inihagis n ani Vector ang mga magiging sandata nina Gantrick at Ahura. Isang espada para sa binata at palaso’t pana naman para sa dalaga.
“Simulan na!” anunsiyo ni Vector.
Sabay na dinampot nang magkabilang panig ang kanilang mga sandata.
Magkaharap silang lumalakad na paikot sa kanilang kinaroroonan. Nagpapakiramdaman.
Si Gantrick ang unang gumawa nang hakbang upang umatake. Mabilis naman na nagpakawala ng palaso si Ahura patungo sa binata ngunit agad itong nasangga ni Gantrick gamit ang kaniyang espada.
Makailang ulit pang nagpakawala ng kaniyang mga palaso ang dalga subalit madali lamang itong naiiwasan ng binata. Nang tuluyan na ngang makalapit sa kaniya si Gantrick ay inunday nito ang hawak na espada sa paglalayong sugatan at pasukuin ang dalaga.
Pero bago pa tuluyang magtagumpay sa kaniyang ginawang pag-atake si Gantrick ay natagpuan na lamang niya ang kaniyang sarili na mabilis na napaatras nang gamitin ni Ahura ang hawak na pana upang patamaan sana siya sa mukha.
At dahil nga sigurado siya na makatatanggap siya ng pinsala sa sandaling tamaan siya nito ay dumistansya si Gantrick kay Ahura. Subalit ang pagkakataong ito lamang pala ang hinihintay ng dalaga.
Kasabay nang kaniyang pag-atras ay ang pagpapakawala naman ng sund-sunod na palaso ni Ahura patungo sa lalaki na nagawa naman nitong iwasan at salagin.
Ngunit hindi pa rito natatapos ang pag-atake ni Ahura. Habang abala sa ginagawang pag-iwas at pag salag sa kaniyang mga palaso ang binata ay patakbo naman siyang lumalapit dito.
Binabalak niyang sapilitan itong patumbahin gamit ang mga natutunan niyang teknik sa pakikipaglaban. Nang makalapit siya sa lalaki ay sinipa niya ang kamay ni Gantrick na may hawalk na espada.
Napangiti siya ng mabitiwan ito ng binata. Ngayon ay siya na ang mas nakalalamang sa labanan. Dahil nagamit na niya ang lahat ng kaniyang mga palaso ay tanging ang pana na lamang ang natatangi niyang sandata ng mga oras na iyon.
Inihampas niya ito kay Gantrick na nabigla man ay hindi pa rin maiwasan ang mabigla ng binata sa kaniyang ginawa. Dahil sa lakas ng pwersa na ginamit ni Ahura nang ihampas niya ang pana kay Gantrick ay nabali ito nang salagin ni Gantrick gamit ang kaniyang braso.
“May lihim ka bang galit sa akin?” Nakangiwing tanong ni Gantrick kay Ahura habang hinihimas ang nasaktang braso.
“Paumanhin, sinusunod ko lamang ang ipinag-uutos ni Vector!”
Napangiti naman si Gantrick sa naging tugon sa kaniya ni Ahura. Siya naman ang umatake sa dalaga. Pinaulanan niya ito ng suntok. Nagagawa namang iwasan at sanggain ni Ahura ang lahat ng ito.
Kaya naman ay sa pagitan ng kaniyang pagsuntok ay sinasabayan na rin niya ito nang pag sipa.
Nagpagulong-gulong naman si Ahura sa lupa nang tamaan siya ng malakas na sipa ng binata.
“Hey! That was too hard! Go easy on her, you idiot!” sigaw ni Donovan nang makitang gumugulong si Ahura sa lupa.
“Jerk!” bulyaw naman ni Irene kay Gantrick.
Napailing na lang si Gantrick sa mga narinig. Isang malaking insulto kasi kay Ahura kung hindi niya seseryosohin ang laban na ito sa kabila pagpapakahirap nito upang matalo lamang siya.
Malakas si Ahura kaya naman natural lamang na mahirapan siya sa mga pag-atakeng ginagawa nito. Dahil na rin sa liksi nito sa pagkilos ay mabilis lamang nitong naiiwasan ang mabibigat na suntok na kaniyang pinakakawalan.
Hinihingal na dumipensa si Gantrick nang muling bumangon mula sa kaniyang pagkakahiga si Ahura. Muli ay may hawak na naman itong mga palaso.
Ang mga palasong nasalag niya kasi na tumudlo sa lupa ay muli pala nitong kinuha habang siya ay nagpapagulong—gulong sa lupa.
“Damn it!” bulong ni Gantrick sa sarili.
Alam niya kasi na kinakailangan na naman niyang iwasan ang lahat ng mga palaso na pakakawalan ni Ahura.
Nakangiti si Ahura sa binata na tila ba inaasar pa ito. Kaya naman bago pa pakawalan ng dalaga ang mga naipong palaso nito ay mabilis na kumilos si Gantrick. Nagtatakbo siya patungo sa dalaga.
Hindi na rin naman nag aksaya pa ng panahon si Ahura. Taliwas sa iniisip ni Gantrick na gagawin ng dalaga ay tumakbo rin itong pasalubong sa kaniya.
Nag sigawan naman ang mga kawal na nakapalibot sa kanila dahil sa lakas ng loob ni Ahura. Hindi nila akalain na sa halip na paulanan ng mga palaso ang papalapit na katunggali ay magagawa pa nitong salubungin ang binata.
Natahimk ang mga kawal nang tuluyan na ngang magkalapit ang dalawa. Si Gantrick ang unang kumilos. Sinubukan niyang patamaan si Ahura ng suntok subalit nagawa itong iwasan ng dalaga.
Kasabay naman nang pag iwas nito ay nagpakawala ito ng palaso sa kabila nang magkalapit na distansya nila.
Nabigla man sa ginawa ni Ahura ay nagawa niyang ilihis ang direksyon ng palaso bago pa ito tuluyang kumawala mula sa mga kamay ng dalaga at tumama sa kaniya.
Makailang ulit pa itong nangyari. Kaya naman ang mga palasong bigo na tumudlo sa katawan ni Gantrick ay kung saan-saang direksyon lumilipad.
Umabot pa nga ang ilan sa mga ito sa kinaroroonan nina Donovan.
“Huwag ninyo kaming idamay!” sigaw ni Irene matapos maiwasan ang palasong patungo sana sa kaniyang direksyon.
Hindi naman na pinansin nina Ahura at Gantrick ang pagrereklamo nito bagkus ay ipinagpatuloy na lamang nila ang kanilang ginagawang paglalaban.
Nagpakawala si Gantrick ng isang malakas na sipa. Bagama’t nasalag ito ni Ahura ay ininda pa rin niya ito. Kaya naman bago pa muling tumama sa kaniya ang mga atake ng binata ay inunahan na niya ito.
Dahil sa mas maliit ang katawan at mas magaan siya kaysa rito ay nagtungo sa likuran nito habang iniiwasan ang mga suntok ni Gantrick. Nilundagan niya ito sa likuran, ipinalibot niya ang kaniyang mga binti sa katawan ng binata habang iniipit ng kaniyang braso ang leeg nito.
Nagpapapasag si Gantrick sa paglalayong makawala mula sa pagkakaparalisa sa kaniyang mga galaw ng dalaga. Sa tuwing sinusubukan niyang alisin ang mga brasong nakapalibot sa kaniyang leeg ay lalo namang humihigpit ang pagkakakapit nito roon.
Napaluhod na si Gantrick sa lupa dahil sa kakulangan ng hangin sa katawan na siyang nagpahina sa kaniya. Kaya naman ay bago pa siya tuluyang panawan ng ulirat ay makailang beses niyang tinapik si Ahura sa braso tanda ng kaniyang pagsuko.
Mabilis naman siyang pinakawalan ng dalaga. Sabay silang napahiga sa malamig na lupa. Tagktak ang mga pawis at habol ang paghinga.
“Ayos ka lang ba, Gantrick?” tanong ni Ahura sa lalaki.
“Oo. Pero akala ko talaga papanawan na ko ng ulirat dahil sa ginawa mo,” sagot naman ni Gantrick.
“Paumanhin,”
“Huwag kang humingi ng paumanhin. Ginawa mo lamang ang nararapat. At malugod kong tinatanggap ang aking pagkatalo,”
Napangiti naman si Ahura sa tinuran ng binata. Ito lamang ang unang lalaki na tumanggap nang pagkatalo mula sa kaniya. Ang lahat kasi ng mga tinatalo niya noon na mga bandido ay hindi matanggap na nagawa silang talunin ng isang babae.
Kaya naman labis niyang ikinatutuwa na mayroon pa palang mga nilalang na tanggap ang pagkakapantay-pantay ng bawat isa. Mapa-lalaki man o babae.
Tahimik na lumapit sa kanila si Vector.
Dali-dali naman silang tumayo ni Gantrick. Katulad nang matapos ang laban nina Donovan at Irene kanina ay hinarap din ni Vector ang mga kawal ng Babylon na nakasaksi sa kanilang tunggalian.
“Isang napakagandang laban din ang ipinagkaloob sa atin nina Gantrick at Ahura. Tama ba ako?” pasigaw na tanong ni Vector sa lahat.
“Oo!” sabay-sabay na sigaw naman ng mga kawal sa paligid.
Kuntento namang napangiti si Vector.
“Ngayon, kinakailangan na nating mamili kung sino sa kanila ang nag wagi! Mag ingay para kay Ahura!”
Dumagundong ang buong paligid sa
malakas na hiyawan ng mga kawal na sinabayan pa nang mayabong na palakpakan. Maging sina Irene at Donovan ay nakikisigaw na rin.
“Ngayon ay mag ingay naman para kay Gantrick!”
Gulat na nagpalinga-linga sa kaniyang paligid si Gantrick nang ang mga kawal na sumisigaw para kay Ahura ilang sandali pa lamang ang nakararaan ay ang mga kawal din na sumisigaw ng banggitin ni Vector ang kaniyang ngalan.
Mababakas naman sa mukha ni Gantrick ang pagtataka ng mga sandaling iyon.
Kaya naman ay muling nag salita si Vector kasabay nang paglapit nina Irene at Donovan sa kanila.
“Ang tunay na dahilan kung bakit namin kayo pinaglaban-laban ay upang maipamalas ninyo ang naging resulta ng inyong naging pagsasanay sa loob ng ilang mga linggo. Hindi ito patungkol sa kung sino ang nagwagi. Patungkol ito sa respetong natamo ninyo mula sa mga kawal ng Babylon at sa mga disiplinang natutunan ninyo sa ilalim ng aking pagsasanay. Kaya naman para sa aming lahat, kayong apat ang nagwagi sa maliit na patimpalak na ito!”
Muli pa’y ang malakas na hiyawan ng mga kawal ang bumalot sa paligid.
Maligaya namang nagyakapan sina Ahura at Irene habang sina Donovan at Gantrick naman ay pinagdikit lamang ang kanilang mga kamao bilang tanda ng kaligayahan.