Chapter 13- CONFUSION

2506 Words
“DONOVAN? DONOVAN!” Napamulagat si Donovan dahil sa pagtawag at pagyugyog sa kaniyang katawan ni Gantrick. May kalakip na pagmamadali ang ginagawang paggising nito sa kaniya. “Are you okay? You’re having a nightmare,” bungad sa kaniya ng binata. “What?” gulat na tanong niya. “You’re sleep talking and you’re calling some random names,” dagdag pa ni Gantrick. Napaupo naman si Donovan dahil sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na ang magandang tanawin na kaniyang ninanamnam sa kaniyang panaginip ay isa pa lang bangungot sa reyalidad. “Anyway, It’s your turn now.” Tinapik pa siya nito sa kaliwang balikat bago ito tuluyang humiga. Hindi naman mawala sa isip ni Donovan ang mga sinabi sa kaniya ni Astora. Hindi mawala sa kaniyang isipan ang kagandahan ng mapayapang Babylon. Agad pumasok sa kaniyang isipan ang nakangiting wangis ng mga mamamayan sa pamayanang pinanggalingan nila. Nais niya na makita rin at maranasan ng mga ito ang kapayapaan na matagal nang hinahangad ng mga ito lalo na ni Alab. Ngunit kahit pa gustuhin niya ito ay batid niya na wala siyang magagawa upang mabago ang kapalaran ng Babylon. Para sa kaniya ay isa lamang siyang dayo sa lupaing iyon na may pansariling misyon. Wala siyang karapatan na makialam at baguhin ang takbo ng buhay sa Babylon kahit pa gaano niya gustuhing makatulong. Ibinalik na lamang niya ang kaniyang atensyon sa pagbabantay sa paligid. Hindi sila maaaring matunton ng mga taga-sunod ng Reyna dahil tiyak na kamatayan ang kanilang kahaharapin. Katulad noong bago niya ipikit ang kaniyang mga mata ay hindi pa rin tumitigil ang malakas na hangin at pagbuhos ng makapal na nyebe sa labas ng kanilang kinaroroonan. Pinagmasdan niya ang mga nahihimbing na kasama. Kahit kailan hindi niya inaasahan na darating ang panahon na siya ay maglalakbay sa isang estrangherong mundo. Nababasa lamang niya noon ang mga ganitong kuwento sa mga libro. Hindi niya akalain na magkakatotoo ang lahat ng iyon. Ang malamig na ihip ng hangin na nagmumula sa b****a ng kuweba ang nagpanumbalik sa kaniyang kamalayan. Wala sa sarili siyang napayakap sa sarili at nilingon ang nagyeyelong paligid sa labas. May napansin si Donovan na gumagalaw mula sa isang malaking puno sa tapat ng kuwebang kanilang kinaroroonan. Dahil na rin sa malakas ang ihip ng hangin na may dalang mabibigat na nyebe ay naningkit pa ang mga mata ng binata upang mapagmasdan niyang mabuti ang bahaging iyon ng puno. Nanigas mula sa kaniyang kinalalagyan si Donovan nang mapagtanto kung ano ang dahilan ng mga paggalaw. Ang mga halimaw na minsang nang humabol sa kanila ang bumungad sa kaniyang mga mata. Ngayon niya lamang napagmasdan nang mas matagal ang anyo ng mga ito. Ang mga ito ay may anyong pusa ngunit ilang daang beses ang laki kumpara sa mga pusang nakita na ni Donovan sa kanilang mundo. Mayroon itong mahahabang tainga, matatalas na pangil at dalawang buntot na kapwa mayroong tila tinik sa pinakahulihang bahagi. Dahan-dahan niyang niyugyog ang katabing si Gantrick. Mahina itong umungol at sa halip na bumangon ay tinalikuran lamang siya nito at ipinagpatuloy ang pamamahinga. Dahil sa pagkapikon ay binatukan niya ito. Papungas-pungas naman na bumangon ang binata. “Jeez, Don! What the hell is wrong with you? Sampung minuto pa lang ako nakahiga ginigi—” Napakunot ang noo ni Gantrick nang mabilis siyang putulin ni Donovan sa pagsasalita nang hindi man lamang siya nito nililingon. Sinundan niya ang tinutumbok ng tingin ni Donovan. Nahigit niya ang kaniyang hininga nang makita ang mga halimaw na nasa labas ng kuweba. Base sa ikinikilos ng mga ito ay tila ba mayroon silang sinusubukang matunton. Kaliwa’t kanan kasi ang ginagawang pag singhot sa paligid ng mga ito. Awtomatiko namang niyang ginising si Kirin na mahimbing pa rin ang pagtulog. “Umaga na ba?” Katulad nang ginawa ni Donovan sa kaniya ay agad niyang inilapat kay Kirin ang kaniyang palad upang patahimikin ito nang hindi man lamang ito nililingon. Ngunit tila may kakaiba sa bibig ng dalaga. Pakiramdam niya ay may telang bumabalot rito. Napatingin naman siya kay Donovan na halata sa mukha ang pagkagulat. “You f****d up," saad ni Donovan. Dahil dito ay nagtataka niyang nilingon ang dalaga. Halos naging kasing-kulay ng mansanas ang mukha ni Gantrick nang mapagtanto kung saan lumapat ang kaniyang mga kamay. Sa halip kasi na sa bibig ni Kirin ay sa mayabong na dibdib ng dalaga niya natagpuan ang kaniyang mga palad. Mabilis niyang inalis mula rito ang kaniyang kamay at ninenerbiyos na napatingin kay Kirin. Napalunok si Gantrick dahil madilim ang anyo ng dalaga. Kung gaano kaamo ang mukha nito sa tuwing ito ay nakangiti ay ganoon naman kadilim ang anyo nito nang mga sandaling iyon. “Ano sa palagay mo ang ginagawa mo, Gantrick?” tanong ni Kirin na sinabayan pa ng isang nakakatakot na ngiti. “H-hindi ko sina—” Ang tunog mula sa malakas na sampal ni Kirin ang namutawi sa paligid. Halos matupi naman ang mukha ni Gantrick dahil sa lakas niyon. “Hindi ito ang panahon para riyan. Huwag kayong mag-ingay kung hindi ay mamamatay tayong lahat dito,” ani Donovan. Lalo namang kumunot ang noo ng dalaga dahil sa narinig. “Ano ba ang—” Natigilan ang dalaga nang makita sa labas ng kuweba ang tatlong halimaw. Katulad nina Gantrick ay hindi rin siya muli pang umimik at nagpalipat-lipat ang tingin sa magkapatid at sa mga halimaw. Nang hindi na niya matiis pa ay tumayo siya at lumabas sa kuweba. Tinangka naman siyang pigilin nang magkapatid subalit hindi na nila ito nagawa pang pigilan. “What the hell is she doing?” tanong ni Gantrick. “Kirin! Bumalik ka rito baka kainin ka niyang mga halimaw na iyan!” mahinang sigaw niya sa dalaga. “Kirin! Bumalik ka!” segunda naman ni Donovan. Namutla ang dalawang binata at halos panawan ng ulirat nang ngumiti sa kanilang gawi ang dalaga habang tumatakbong palapit sa kaniya ang tatlong halimaw. “She’s a f*****g psycho! Let’s go, Don!” sigaw ni Gantrick habang binubunot ang kaniyang espada. Natigilan sila sa tangkang pagtakbo patungo sa dalaga upang iligtas ito nang marinig nila ang paghagikgik nito. Sa kabila ng malakas na ihip ng hangin na sinabayan pa ng nyebe ay hindi naging madali na makita ang paligid. “K-Kirin?” nagdadalawang-isip na tawag ni Donovan. “Narito ako!” Sinundan nila ang pinanggalingan ng tinig. Natunghayan nil ana nakahiga si Kirin sa makapal na yelo habang dinidilaan naman ng halimaw ang pisngi nito. “A-anong nangyayari?” naguguluhang tanong ni Gantrick. Bumangon ang dalaga mula sa pagkakahiga at hinarap ang magkapatid. Napabunghalit siya nang tawa nang makita ang gulong-gulong ekspresyon sa mukha nina Donovan. “Hindi nila kayo sasaktan. Nais lamang nilang makipaglaro.” “Huh?” sabay na wika ng magkapatid. “Kafir ang tawag sa mga nilalang na ito. Hindi sila nananakit ng ibang nilalang nang walang dahilan.” Paliwanag ni Kirin. “Pero hinabol nila kami noong una kaming makarating dito sa Babylon.” Kontra naman ni Gantrick. “Sa gubat na hindi nababalutan ng yelo niyo sila unang nakita, tama ba ako?” Tumango naman ang mga binata sa tanong ni Kirin. “Sa lugar kasi na iyon naninirahan ang mga Kafir. Nagkataon siguro na nakita nila kayo at ninais nila na makipaglaro sa inyo. At sa pakiwari ko ay sinusundan nila ang inyong amoy kaya naman narating nila ang lugar na ito.” Naliwanagan naman ang isip ng dalawa. Maya-maya pa ay lumapit sa kanila ang dalawa pang mga Kafir. Nag aalangan man ang mga binata ay kapwa nila nilaro ang mga ito. Hinaplos-haplos nila ang makakapal na balahibo nito at nilaro ang gawing baba ng mga Kafir na katulad nang ginagawa ng mga tao sa mga pusang alaga nila. Inakay nila ang mga ito na pumasok sa kuweba. Dahil may kaliitan ang lugar ay hindi rin nagkasya ang mga ito. Tanging isa almang sa tatlong mga Kafir ang nakapasok at ang dalawa naman ay nanatili na lamang sa may gawing b****a ng kuweba. Nakadagdag sa init ang presensya ng mga bagong kaibigan nina Donovan. Dahil sa makakapal na balahibo ng mga ito ay parang nagkaroon na rin sila ng mga kumot. “This feels nice,” saad ni Gantrick habang nakapikit at nakaunan sa Kafir na pinangalanan nilang Coffee. Ang iba naman ay sina Latte at Cappuccino. Si Kirin naman ay nakayakap kay Coffee. Habang si Donovan naman ay nanatili lamang na nakasandal sa likuran ni Latte na siyang kasalukuyang nakahambala sa b****a ng kuweba. Sa pagkakataong ito ay hindi na nila kinakailangan pa na bantayan ang paligid dahil ang kanilang mga bagong kaibigan na ang gagawa nito. Muling ipinikit ni Donovan ang kaniyang mga mata upang ipahinga. Ilang sandali lamang ay matagumpay na siyang nahulog sa malalim na pagkakaidlip. NANG tumigil na ang pagbagsak ng nyebe mula sa kalangitan at humupa na rin ang ngitngit ng hangin ay napagpasyahan na nina Donovan na ipagpatuloy na ang kanilang paglalakbay. Naging malaking kapakinabangan naman para sa tatlong manlalakbay ang pagdating nina Coffee, Latte at Cappuccino. Ang mga Kifir kasi na ito ang siya nagsilbi nilang sasakyan upang mas mapabilis ang kanilang paglalakbay. Ang dating kalahating araw nilang paglalakad sa malamig na panahon ay umaabot na lamang ngayon ng ilang oras sa tulong ng mga bago nilang kaibigan. Pansamantala silang nagpahinga malapit sa isang batis. Bagama’t umaagos ang tubig niyon at hindi nag yeyelo katulad ng ilan pang mga ilog at batis na kanilang nadaanan ay napakalamig naman niyon. “Malapit na ba tayo, Kirin?” tanong ni Donovan sa dalaga matapos sumalok ng tubig at inumin iyon gamit ang kaniyang mga palad. “Oo. Matapos natin na malampasan ang pamayanang iyon ay mararating na natin ang paanan ng kabundukan na ayon sa mga balita ay pinagkukutaan ng mga bandido,” tugon naman ng dalaga. Matapos ang kalahating oras nang pamamahinga ay tinungo na nina Donovan ang pamayanang namataan nila. Ang mga Kafir naman ay pansamantala muna nilang iniwan malapit sa batis. Kinatatakutan pa rin kasi ito ng mga Babylonian sapagkat hindi nila madalas na makasalamuha ang mga Kafir mag mula pa man noon. Nagpaalam na ang tatlo sa kanilang mga alaga. Hahanap na lamang muna sila nang maaari nilang daanan kung saan hindi makikita ng mga Babylonian ang mga Kafir. Malaki ang pagkakaiba ng pamayanang ito sa pamayanang pinanggalingan nila. Ang mga tao rito ay tila ba natatakot kahit ang tingnan man lamang sila. Nang mapansin kasi ng mga taga-rito ang kanilang pagdating ay agad na nagpasukan ang mga ito sa kanilang mga tahanan. Ang sa pakiwari nilang pamilihan na kanina ay maraming Babylonian ang nagkukumpulan ay tanging ang nagtitinda na lamang ang natira. “This is weird,” bulong ni Gantrick sa sarili. Kakaiba ang pakiramdam ni Kirin sa pamayanang ito. Hindi niya maunawaan kung bakit ganoon ang kaniyang pakiramdam ng mga sandaling iyon. Ngunit isa lamang ang batid niya. Hindi pa siya nagkakamali sa mga naging kutob na niya magmula pa noon. “Maging alisto kayo, hindi maganda ang pakiramdam ko sa lugar na ito.” Babala ng dalaga. Kapwa hinawakan naman nina Gantrick at Donovan ang dulo ng kanilang mga espada upang maging handa sa kung ano mang kapahamakan ang nag-aabang sa kanila. Maya-maya lamang ay lumakad patungo sa kanila ang isang matangkad na lalaki na mayroong malaking katawan. Kung ikukumpara sina Donovan sa laki nito ay para lamang silang mga batang tumabi sa isang taong nasa hustong gulang na. “Maligayang pagdating sa aming munting pamayanan!” Nakangiting bati ng lalaki sa kanila. Hindi pa rin inaalis ng mga lalaki ang kanilang mga kamay sa kanilang mga sandata. “Maraming salamat, kaibigan. Kami ay mga manlalakbay na nagnanais lamang na dumaan sa inyong pamayanan.” Nakangiti rin na tugon ni Donovan. “Siyang tunay? At saan naman ninyo binabalak na magtungo at kinakailangan pa ninyong dumaan sa aming pamayanan?” muli pang tanong ng lalaki. Mas lalo namang napahigpit ang pagkakahawak ni Donovan sa kaniyang sandata. May napansin siyang kakaiba sa tono nang pagtatanong ng lalaki. Ilang sandali muna silang nagtagisan ng tingin ng lalaki bago siya muling tumugon sa tanong nito. “Sa kuta ng mga bandido.” Nanlaki naman ang mga mata ni Kirin sa tahasang pag-amin ni Donovan sa lalaki. Hindi niya inaasahan na kaswal lamang na sasagutin ng binata ang katanungang iyon. Maging ang lalaki ay bahagyang nagulat. Katulad ni Kirin ay hindi rin niya inaasahan ang ginawang pag-amin ng binatang kaharap. “At sa anong kadahilanan?” tanong ng lalaki. “Hindi ko na maaari pang sagutin ang iyong katanungan, kaibigan. Paumanhin.” Tugon naman ni Donovan. Naging mabilis ang sunod na mga nangyari. Inundayan ng espada ng lalaki si Donovan na sa kabutihang-palad ay nagawang makaiwas. Hindi naman makapaniwala ang lalaki na nagawang iwasan ng binata ang kaniyang surpresang pag-atake. Makailang ulit pa niya itong sinubukan na patamaan ngunit maliksi lamang itong naiiwasan ni Donovan. Pagkalansing ng mga sandata na lamang ang maririnig sa paligid dahil sa mga pag atakeng pinakakawalan ng lalaki. “Bakit mo ba ako gustong patayin?” tanong ni Donovan sa gitna nang pagsalag niya sa mabibigat na pag unday nito ng sandata. “Hindi kami naparito upang makipaglaban!” Tila wala namang naririnig ang lalaki na patuloy pa rin sa pag atake. Naghahanda naman nang tumulong sina Gantrick at Kirin kay Donovan ngunit hindi rin nila ito naituloy nang may mga kalalakihang humawak sa magkabila nilang mga braso upang pigilin sila sa tangkang pag galaw. Nang sa wakas ay nagawa nang magapi ni Donovan ang lalaki habang nakatutok sa leeg nito ang kaniyang sandata ay siya namang pagtawag sa kaniyang pangalan ni Kirin. Nang lingunin niya ang mga kasama ay natigilan ang binata. Ang kaniyang kapatid kasi at si Kirin ay mayroong mga sandatang nakaumang sa kanilang mga leeg na anumang oras ay magagawang kitilin ang kanilang mga buhay. Kasabay nang malalim na buntong hininga ay ang mariing pagpikit ng binata dahil sa sitwasyong kinalalagyan nilang tatlo. “Ibaba mo ang iyong sandata, binata. Kung hindi ay kasabay kong babagsak ang iyong mga kaibigan.” Walang ibang nagawa si Donovan kundi ang sundin ang utos ng lalaki. Batid niya na hindi ito nagbibiro sa ibinigay nitong babala. Dahan-dahan niyang ibinaba ang kaniyang sandata at binitiwan ito. Maya-maya ay ilang pares ng mga kamay ang sapilitang humila sa kaniya. Iginaya sila ng mga ito sa isang malaking kubol na pakiwari nila ay matagal nang hindi nagagamit. Pilit silang itinapat ng mga ito sa haligi ng kubol at itinali roon. Nagpupumiglas pa si Kirin ngunit wala rin itong naitulong bagkus ay napagod lamang siya. Nanatili namang nakatayo sa kanilang harapan ang lalaki na nakaharap kanina ni Donovan. Magka-krus pa ang mga braso nito na animo’y isang maestrong pinagagalitan ang kaniyang mga mag-aaral. “Ano ang tunay ninyong layunin sa pagtungo sa kuta ng mga bandido? Ano ang ipinagagawa sa inyo ng Reyna?” tanong ng lalaki. Nagsalubong ang kilay ng tatlo at nagkatinginan pa dahil hindi nila lubusang mapaniwalaan ang sinabi ng lalaki. “Huh?” sabay-sabay na wika ng tatlo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD