Chapter 12- ASTORA

2971 Words
“s**t!” pagmumura ni Donovan nang makita ang walay malay na si Irene habang bitbit ng isang hindi kilalang lalaki. Nakabukas ang bintana ng silid na siguradong dinaanan ng lalaki. Pasan-pasan nito sa kaniyang balikat si Irene na tila ba isang sako lamang ng mga dayami ang bigat ng dalaga. Magkasunod na nilundag nina Donovan at Gantrick ang nakabukas na bintana upang tugisin at bawiin sa lalaki si Irene. Hindi na sila nag-abala pang dumaan sa tamang daanan sapagkat batid nila matatakasan lamang sila nito. Ilang hakbang pa lamang ang kanilang nagagawa mula nang makalabas sa bintana ay muli silang napahinto nang biglaang tumudlo sa kanilang harapan ang tatlong magkakasunod na palaso. Lumabas mula sa pinagtataguan niyang puno ang isa pang nilalang na katulad ng lalaking may bitbit kay Irene ay natatakpan din ang mukha ng tela. “Huwag kayong susunod! Hindi na sa lupa muling tutudlo ang aking mga palaso kundi ay sa mga katawan na ninyo!” babala ng nilalang. Dahil sa pisikal na kaanyuan ng nilalang na may dalang pana ay nabatid na nina Gantrick at Donovan na isa itong babae. Subalit, batid din nila na mapanganib ang babaeng ito. “Anong nangyari?” humahangos na tanong ni Kirin. Kasama ang ilan pang mga kalalakihan. “May mga nilalang na tumangay kay Irene,” tugon ni Gantrick. “ ANO? NASAAN NA SILA? BAKIT HINDI NINYO SILA HINABOL?” bulyaw ng dalaga sa magkapatid. Itinuro naman ni Gantrick ang mga palasong nakatudlo sa lupa. Naunawaan naman ni Kirin ang ibig nitong sabihin. Nang damputin ng dalaga ang palaso ay mayroon siyang tatak na nakita sa gawing hulihan nito. Hugis bungo ang hulihang bahagi ng palaso. “Isa lamang ang alam ko na gumagamit ng ganitong klase ng mga palaso.” “Sino?” tanong naman ni Donovan. “Ang grupo ng mga bandido na nanggaling pa sa Uryon.” Pilit namang inalala ni Donovan ang lugar na binanggit ni Kirin, sigurado siya na nabasa na niya ito noon sa Aklat ng nakaraan. “Ang Kaharian ng mga mangangaso?” Tumango naman si Kirin bilang tugon sa tanong ng binata. “Sila ay mga mamamayan ng Uryon bago pa sakupin ng Reyna ang buong Babylon. Dahil sa hirap na dinanas nila mula sa pamumuno nito ay napagpasyahan ng mga ito na maging bandido na lamang.” “Pero bakit nila dinukot si Irene? Inutusan kaya sila ng mga kawal na kunin siya?” tanong muli ni Donovan. “I doubt it.” Napatingin naman si Donovan kay Gantrick. “What do you mean?” “Hindi ba’t ang sabi ni Kirin ay galit ang mga bandidong iyon sa Reyna? Kaya naman mas malabo pa sa sabaw ng pusit na makipagtulungan sila sa mga kawal ng Reyna,” wika ni Gantrick. “That’s right!” Muling nilingon ng binata si Kirin. “Saan namin maaaring matagpuan ang pinagkukutaan ng mga bandidong ito?” “Ayon sa huling balita na narinig ko patungkol sa kanila ay nagkukuta sila sa kabundukan sa gawing kanluran. Sa teritoryong sakop ng Kaharian ng Alkasia,” tugon ng dalaga. “Tayo na Gantrick. Ihanda na natin ang gagamitin natin sa ating paglalakbay,” utos ni Donovan sa kapatid atsaka kagyat na pumasok sa kanilang tahanan. BUKANG-LIWAYWAY kinabukasan, bitbit ang ilang mga gamit ay lumabas na mula sa kanilang naging pansamantalang tirahan sina Donovan at Gantrick. Sa araw din na iyon ay kanila nang iiwan ang pamayanang nagkanlong sa kanila sa kabila ng naging masamang dulot nila sa mga ito. Hindi na nila nais pa na magpaalam sa mga ito sapagkat batid nila na magiging emosyonal lamang sila sa sandaling makita nila ang malungkot na mukha ng mga Babylonian. Nang tuluyan nang makalabas sa kanilang tahanan ay labis ang naging gulat nina Donovan nang makita si Kirin na matiyagang naghihintay sa kanila. Nakasandal ito sa isang puno sa tapat ng pinto. Nakasuot ito ng damit panlamig habang may bitbit din na ilang mga kagamitan. “Bakit ba napakatagal ninyo? Kanina ko pa kayo hinihintay.” Naguguluhang lumapit naman sa kaniya ang mga binata. “Anong ginagawa mo rito? At paano mo nalaman na ngayong umaga kami aalis?” “Narinig ko ang pag-uusap ninyo kahapon.” Nagkibit-balikat pa ang dalaga na para bang normal lamang ang ginawa niyang pakikinig sa usapan ng dalawa. “At sasama ka sa amin?” pagkumpirma ni Donovan. “Ano pa ba sa tingin mo?” Lukot ang mukha na tugon naman ni Kirin. “Hindi maaari. Masyadong mapanganib ang pupuntahan namin. Hindi nga natin alam kung ano na ang ginawa ng mga bandidong iyon kay Irene eh.” Mariing pagtutol naman ng binata. Ngunit hindi nagpatinag sa kaniyang kinatatayuan ang dalaga. “Kaibigan ko rin si Irene. At katulad ninyo ay labis din akong nag-aalala sa kaligtasan niya ngayon. Hindi naman maaaring tumunganga na lamang ako rito habang hinihintay na iligtas ninyo siya.” “Pero—” Naputol sa pagsasalita ang binata nang muling bumuka ang bibig ng dalaga. “Isa pa hindi ninyo kabisado ang pasikot-sikot sa Babylon. Baka nakakalimutan ninyong hindi ito ang kinagisnan ninyong mundo? Kailangan ninyo ako upang maituro ang tamang direksyon sa pupuntahan ninyo.” “She had a point. She’s actually a big help for our mission.” Segunda naman ni Gantrick. Malawak ang ngiti naman na nakatingin si Kirin sa kaniyang kapatid. “Hindi ko naunawaan ang iyong mga winika, Gantrick. Ngunit nararamdaman ko na kinampihan mo ako.” Mahinang pagtawa naman ang kumawala mula sa mga labi ni Gantrick. Tinapik niya pa sa balikat si Kirin nang lampasan niya ito. “Halika na.” Kinindatan pa muna ni Kirin si Donovan na halata sa mukha ang pagkatalo sa kanilang naging diskusyon. Isang malalim na buntong-hininga na lamang ang nagawa ng binata. “Let’s go, Don! Time is gold!” sigaw sa kaniya ni Gantrick. Nakangisi naman siyang pinalalapit ni Kirin na ikinukumpas pa sa hangin ang isa niyang kamay na tila ba mas lalo pa siyang inaasar. Habang tinatalunton ang daan palabas sa pamayanan ay napansin ng magkapatid na pawang nakasara ang mga pinto sa bawat tahanan na kanilang nadaraanan. Ipinagtaka naman nila sapagkat kahit pa nagpapahinga sa loob ng kanilang mga tahanan ang mga Babylonian ay nananatili pa ring nakabukas ang pinto ng kanilang mga tahanan. “Nasaan ang mga mamamayan?” tanong ni Donovan habang nagpapalinga-linga sa paligid. Hindi naman sumagot sa kaniyang katanungan si Kirin. Inisip na lamang ni Donovan na hindi siya nito narinig at ipinagpatuloy na lamang ang kaniyang paglalakad. Ilang sandali lamang ay narating na nila ang itinuturing na bulwagan ng pamayanan. Laking gulat ng magkapatid nang mula sa mga nagtatayugang puno sa gilid ay isa-isang nag labasan ang mga mamamayan. “A-anong ginagawa ninyo rito?” tanong ni Donovan. “Batid namin ang plano ninyong pag alis nang hindi nagpapaalam sa amin. Kung kaya naman napagdesisyunan namin na salubungin na lamang kayo sa inyong pag alis,” tugon ni Ladea, isa sa mga ginang na palaging kasama nang namayapang si Alab. Ito na rin ang tumatayong pinuno ng pamayanan. “Patawad kung binalak namin na hindi na magpaalam sa inyo.” Wika ni Donovan. Umiling lamang ang Ginang at hinawakan siya sa magkabila niyang mga balikat. “Nauunawaan namin, Donovan. Hindi mo kailangang magpaliwanag sa amin. Palagi mong tatandaan na wala kayong kasalanan sa mga naganap at hindi namin kayo sinisisi sa trahedyang nangyari kung kaya naman ay huwag mo na sanang sisihin pa ang iyong sarili. Palagi kayong mag iingat saan man kayo magpunta. Kung may pagkakataon ay muli sana kayong bumalik dito bago kayo tuluyang magbalik sa inyong mundo.” Ginawaran pa siya ng Ginang nang mahigpit na yakap. Hindi na napigilan pa ni Donovan ang mapahikbi. Tama ito, sa nagdaang mga araw ay sinisisi niya ang kaniyang sarili dahil sa pagkawala ni Alab at ng ilan pang mga Babylonian. Mabigat ang kaniyang loob na dahil sa pagkanlong sa kanila ng mga ito ay naging kapalit pa nito ang kanilang mga buhay. Subalit ngayon, dahil na rin sa mga magagadang salita at payo ni Ladea ay gumaan na ang kaniyang pakiramdam. Maya-maya ay inabot sa kaniya ni Ladea ang isang espada. “Tanggapin mo ito, Donovan. Pag-aari ni Amang Alab ang sandatang ito. Gamitin mo ito upang protektahan ang iyong sarili at iyong mga kaibigan.” Hindi lamang si Donovan ang nakatanggap ng sandata. Maging sina Kirin at Gantrick ay kapwa pinagkalooban din ng mga sandata. Binigyan din sila ng mga ito ng ilang supot na puno ng pagkain upang kanilang baunin sa paglalakbay. Ngunit ang pinakamahalagang pabaon ng mga ito sa kanila ay ang mga ngiti sa labi ng bawat isa at ang kasiguruhan na mayroon silang pamayanan na maaari nilang ituring na kanilang tahanan sa estrangherong mundong hindi nila kinagisnan. Bitbit ang tapang at kagustuhang mailigtas si Irene at Myrna ay tuluyan na ngang nilisan nina Donovan at Gantrick ang pamayanan na kasama si Kirin. Magtutungo sila sa Kaharian ng Alkasia upang mag baka sakali na tama ang impormasyon ni Kirin na sa mga kabundukan nga sa kanluran nagkukuta ang mga bandido. “Donovan, let’s take a break for a while, I can’t see anything because of this snow,” pakiusap ni Gantrick. Pinakinggan naman ng binata ang suhestyon ng kapatid. Ilang oras kasi matapos nilang makaalis sa pamayanan ay bumuhos naman ang nyebe. Nang mga sandaling iyon ay masyado nang malakas ang pagbuhos nito kaya naman ay kinakailangan na rin talaga nilang magpahinga kung hindi nila ninanais na mamatay dahil sa lamig. “Doon! Sa palagay ko ay maaari tayong magpahinga sa maliit na kuwebang iyon!” turo ni Kirin. Agad silang nagtungo sa maliit na kuweba upang doon magpalipas ng magdamag. Gamit ang ilang pirasong mga kahoy na natagpuan nila sa makipot na kuweba ay nakagawa ng apoy si Gantrick na siyang magsisilbing pampainit nila. Sinimulan na rin nilang lantakan ang ilang mga prutas na baon nila. Kinakailangan nilang magtipid sa pagkain kung ayaw nilang magutom sa paglalakbay. Habang tumatagal ay mas lalong lumalakas ang pagbagsak ng makapal na yelo. Tanging ang malakas na ihip lamang ng hangin ang maririnig mula loob ng kuweba. Dahil nga sa mas tumitindi pang lamig ay nagdikit-dikit na lamang ang tatlo upang gamitin ang init na nagmumula sa kanilang mga katawan. Dahil dito ay mas naging komportable na ang kanilang kalagayan nang mga sandaling iyon. “Donovan? Gantrick?” pukaw ni Kirin sa atensyon ng dalawa. “Hm?” sabay na responde naman ng magkapatid. “Maaari niyo ba akong kuwentuhan patungkol sa mundong pinanggalingan ninyo?” tanong ng dalaga. “Ano naman ang gusto mong malaman sa mundo namin?” tanong ni Gantrick. “Lahat,” tugon ni Kirin. “Katulad ng?” tanong pa ni Donovan. “ Kung ang kapayapaan ba sa mundo ninyo ay isa lamang din na alamat?” interesadong saad ng dalaga. Saglit na nag-isip pa si Donovan bago muling nag salita. “Ang mundo namin ay higit na mapayapa kaysa rito sa Babylon, Kirin. Ngunit bago pa nakamit ng sangkatauhan ang kapayapaan na iyon ay napakaraming digmaan muna ang naganap, maraming buhay ang nawala at maraming pamilya ang nasira…” “Kung gayon ay talagang hindi maiiwasan ang armadong pakikibaka upang makamit ang kapayapaan?” namimilog ang matang tanong ng dalaga. “Hindi. Ang armadong pakikibaka ay hindi solusyon upang makamit ang kapayapaan. Sa bawat digmaan na nagaganap ay maraming buhay ang nagiging kapalit,” sagot naman ni Gantrick. “Kung hindi ang pakikidigma ang kasagutan ay ano?” nagugulumihang tanong ng dalaga. “Pakikipag kapwa tao. Kinakailangan nating matutuhan na mahalin ang ating kapwa at igalang ang ating pagkakaiba. Sa paraang ito ay mas mauunawaan natin ang bawat isa at hindi na hahantong pa sa walang kabuluhang digmaan ang ating mga hindi pagkakaunawaan,” tugon muli ni Donovan. Inihilig ni Kirin ang kaniyang ulo sa likod ni Donovan at bahagyang ipinikit ang kaniyang mga mata. “Pagkakaunawaan huh? Sana’y katulad ninyo ay mabuhay din ako sa isang mundong mapayapa.” Nalungkot sina Gantrick at Donovan sa huling mga winika ni Kirin. Aminado sila na matagal nang hinahangad ng mga Babylonian ang isang mapayapang mundo. Nahahabag sila sa kalagayan ng mga ito ngunit batid din nila na wala silang magagawa upang akayin sa kapayapaan ang mundong matagal nang hindi nakararanas nito. “She fell asleep already,” imporma ni Gantrick sa kapatid. Matipid naman na ngumiti si Donovan at bumulong. “Someday, Kirin. Someday.” “I’ll take the first watch, you go rest, Don. I’ll wake you up after a couple of hours.” Tumango lamang ang binata. Unti-unti na rin kasing bumibigat ang talukap ng kaniyang mga mata marahil ay dahil na rin sa pagod sa paglalakbay. “Donovan,” tawag ng kung sino man kay Donovan. Muli pa’y nagmulat ang binata sa isang lugar na hindi niya inaasahan. Sa pagkakataong ito ay isang malawak na bukirin ang kaniyang natatanaw. Matamis na amoy ng mga bungang hitik na hitik ang sumalubong sa kamalayan ng binata. Sinabayan pa ito ng malamig na pag-ihip ng hangin. Napansin niya ang kaibahan nito sa malamig na mundo ng Babylon dahil sa yelong bumabalot rito. Naglakad patungo sa kaniya ang dalaga na may pulang buhok at umupo sa kaniyang tabi. Katulad niya ay ninanamnam din ng dalaga ang magandang tanawin sa kaniyang harapan. Sa pagkakataong ito ay malinaw na sa kaniya ang wangis ng dalagang may pulang buhok. Bukod sa tila nagliliyab na buhok ay matangos din ang ilong ng dalaga. Manipis ang mapupulang labi at mayroong mahahabang pilikmata. Ang wangis nito ang siyang nagpapatotoo sa deskripsiyon ng mga diyosa sa mga librong nabasa niya. Ngunit kahit pa anong amo at ganda ng mukha ng dalaga ay hindi siya nakakaramdam ng makamundong pagnanasa para rito. Sa halip ay tila ba nagbibigay ng kapanatagan sa kaniyang sistema ang dulot ng presensya ng dalaga. “Ikalawang ulit na tayong nagtagpo, ano ang pangalan mo?” tanong ni Donovan. “Ako si Astora,” matipid na tugon naman ng dalaga habang nakapagkit ang mga mata sa malawak na bukirin. “Astora? Kakaibang pangalan.” Komento ng binata. Hindi naman napigilan ni Astora ang mapahagikgik sa narinig. “Katulad ka nga ng iyong Ama.” Nakangiting wika ni Astora. “Kilala mo ang aking Ama?” gulat na tanong ng binata. Tumango lamang sa kaniya si Astora. Ramdam naman ni Donovan na wala na itong balak pang sabihin patungkol sa kaniyang ama kaya naman ay hindi na niya ito muling tinanong pa patungkol dito. Bukod pa rito’y hindi rin naman siya ganoon ka interesado sa katauhan ng kaniyang ama sapagkat hindi pa naman niya ito nakikita mula sa kaniyang pagkabata. Ang tangi lamang niyang alam ay ipinaalaga siya nito kay Myrna noong siya ay apat na taong gulang pa lamang. Magmula noon ay si Myrna na ang tumayong ama’t ina niya. Kaya naman ay hindi na siya interesado pa rito. Ibinalik na lamang niya ang kaniyang tingin sa kapaligiran. Napakatahimik at napakainit sa kaniyang kinaroroonan. Hindi kakikitaan ng kahit na ano pa mang kaguluhan o lamig ang paligid. “Mawalang galang na sa iyo, Astora. Ngunit nasaan ba tayo ngayon?” tanong muli ni Donovan sa dalagang nasa kaniyang tabi. “Hindi mo pa rin ba napagtatanto kung nasaan ka?” ganting tanong ni Astora. Sinubukang magpalinga-linga ni Donovan sa paligid upang subukang alalahanin kung mayroon ba siyang naalala sa lugar na ito. Umiling siya sa dalaga dahil wala na talaga siyang maalala na kahit na ano. “Ikaw ay nasa Babylon, Donovan.” Nakangiting wika ni Astora. Napatayo naman mula sa kaniyang kinauupuan si Donovan dahil sa labis na pagkagulat. “Babylon? Pero ang Babylon na alam ko ay malamig at nababalot ng yelo. Imposibleng nasa Babylon tayo.” Mula sa kaniyang pagkakaupo ay tumayo na rin si Astora at hinarap ang binata. “Ito ang tunay na anyo ng Babylon bago tuluyang sakupin ng Itim na Hari noon at ng Puting Reyna ang buong kalupaan ngayon.” Hindi naman makapaniwala si Donovan sa sinasabi nito. Ngunit sa kaniyang pananatili sa lugar na iyon ay batid niya na hindi nga imposibleng mangyaring nakikita niya ang sinaunang Babylon. “Bakit mo ipinakikita sa akin ang lahat ng ito, Miss Astora?” “Apat na taon matapos ang aming pagkawala sa Babylon ay bumagsak sa mga kamay ng Puting Reyna ang kabuuhan ng mundong ilang siglo rin naming sinubukang pangalagaan. Marami sa mga mamamayan ang napaslang, naghirap at dumanas nang katakot-takot na kasamaan. Ninanais ko na tulungan mo ang Babylon at ang mga mamamayan nito.” Nanlaki naman ang mga mata ni Donovan sa narinig. Hindi niya mawari kung pinaglalaruan lamang ba siya ng kaniyang pandinig. “A-ako?” duro pa niya sa sarili. Tumango naman si Astora bilang tugon. “Teka sandali lang huh? Nauunawaan ko ang saloobin mo at ang kagustuhan mong tumulong dahil ganoon din naman ang nadarama ko. Ngunit hindi ang pagliligtas sa inyong mundo ang dahilan kung bakit ako naririto—” “Hinahanap mo ang iyong ina-inahan, tama ba ko? Sa sandaling makita mo na ba siya ay magagawa mo nang tulungan ang mga mamamayan ng Babylon?” Tahimik na nag-isip naman si Donovan. Hindi niya nais na mag mukhang walang simpatya sa mga nagaganap sa Babylon. Ngunit ang tanging mahalaga para sa kaniya sa mga sandaling iyon ay ang mabawi si Irene at mahanap ang kanilang ina. "Hindi magtatagal ay muli mo nang makakapiling ang iyong ina-inahan. Sa sandaling iyon, nawa’y makapag desisyon ka na tulungan ang mga nangangailangan sa mundong ito." “Pero hindi ko alam kung anong tulong ang magagawa ko para sa mundong ito,” pag-amin ni Donovan. “Pagkatiwalaan mo lamang ang iyong sarili, Donovan.” Matapos sabihin ito ay agad na nawala sa kaniyang harapan si Astora. Muli pa niyang tinawag ang pangalan nito ngunit hindi na niya ito muli pang nasilayan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD