Chapter 11- CRUELTY

2591 Words
PABILIS nang pabilis ang ginagawang pag hakbang nina Donovan at Gantrick patungo sa Komandante. Ibinaba niya panandalian ang espadang nakatutok sa leeg ni Alab. Hinawakan ng Komandante si Alab sa buhok at pilit na iniharap kina Donovan na kasalukuyang tumatakbong papalapit sa kanilang kinaroroonan. Nakakikilabot na ngisi ang ibinigay sa kanila ng Komandante. Matapos nito ay buong lakas niyang itinulos ang hawak na espada sa likuran ng matanda na tumagos sa hanggang sa tiyan nito. Kagyat namang bumagsak si Alab sa lupa. Hindi maibsan ang pagkamuhing nadarama ng magkapatid dahil sa pananakit ng Komandante kay Alab. Nang ilang metro na lamang ang layo nila sa kaaway ay buong pwersang lumundag si Gantrick at iwinasiwas sa hangin ang nadampot niyang espada. Malalakas na pagkalansing ng mga nagku-krus na sandata ang sumunod na narinig mula sa dalawang nagtutungaliang kalalakihan. Sunod-sunod ang ginagawang pag-unday ng espada ni Gantrick. Mabilis naman itong nasasangga at naiiwasan ng Komandante. Makikita ang malaking kalamangan ng Komandante pagdating sa pakikipaglaban. Nang muling mag krus ang kanilang mga espada ay isang malakas na sipa ang pinakawalan ng Komandante. Mabilis na nabago ang takbo ng labanan. Ang kaninang paulit-ulit na umuunday ng kaniyang sandata ay siya naman ngayong pilit na sinasalag ang mabibigat na pag-atake ng kalaban. Sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataon ay ipinamamalas ng Komandante ang kaniyang lakas sa pamamagitan ng kaniyang mga kamao. Makailang ulit siyang nagpakawala ng malalakas na suntok na tumatama naman sa maamong mukha ni Gantrick. Batid ni Gantrick ang layo ng agwat ng kanilang mga lakas. Nauubusan na siya ng lakas. Hindi rin maitatanggi na iniinda niya ang bawat atakeng natanggap niya. Napaluhod na siya dahil sa panghihina. Malakas na halakhak naman ang kanilang narinig galing sa Komandante. “Hanggang dito na lamang ba ang kaya mong gawin, dayo? Inaasahan ko pa naman na may itinatago kang lakas. Subalit pinupuri ko ang iyong talent.” Blangko ang ekspresyon ni Donovan habang nasa kaniyang mga braso ang duguang si Alab. Habang abala ang Komandante sa pakikipagbuno sa kaniyang kapatid ay inilayo naman niya mula rito si Alab at dinala sa kinaroroonan nina Irene. “Do…no…van…” nahihirapang usal ni Alab kasabay nang pagtaas ng kaniyang kamay na tila ba may kung anong bagay na inaabot. “Narito po ako Amang,” tugon naman ni Donovan sa matanda. Patuloy lamang si Alab sa pag abot sa hindi nakikitang bagay. “Nakikita ko na… ang liwanag… na siyang…hangganan ng ating bu…hay,” “Amang huwag mong sabihin iyan, hahanap kami ni Irene ng manggammot upang malunasan ang iyong—” Pinigilan ni Alab ang tangkang pag-alis ni Kirin sa kaniyang tabi. “Matagal na akong hini…hintay ng aking mga kaibigan. Donovan, hu..wag ninyong hayaan na mapuno ng galit ang inyong mga puso. Kayo…na lamang…ang pag-asa ng…Babylon.” Mahigpit na pinisil naman ni Donovan ang kamay ni Alab. “Nauunawaan ko po.” Kasabay nang panlalabo ng paningin ni Alab ay ang nakangiting wangis ni Kimor naman ang kaniyang nakikitang papalapit mula sa liwanag. Pilit niyang inaabot ang nakalahad na kamay ng dating Hari. “Ki…mor…” Hanggang sa huling sandali ng kaniyang mahabang buhay, ang dating tagapayo ng yumaong Haring Kimor ay nilisan ang Babylon na mayroong mga ngiti sa kaniyang mga labi. “A-Amang?” Hindi na napigilan pa nina Irene at Kirin ang mga naglandas na luha nang makumpirma nilang tuluyan na silang iniwan ni Alab. Blangko ang ekspresyon ni Donovan na tumayo at tumalikod upang harapin ang direksyon ng Komandante at ni Gantrick na kasalukuyan nang nakaluhod sa lupa. “Don?” tawag ni Irene sa lalaki. “Stay here with them, Irene. I’ll be back after killing that son of a bitch.” Hindi maipaliwanag ni Irene ang takot na kaniyang nadama ng mga sandaling iyon. Pakiramdam niya ay hindi si Donovan ang nakatayo sa kaniyang harapan. Tinapik pa ni Donovan sa balikat si Gantrick nang tangkain pa nitong tumayo sa kabila ng labis na panghihina. “Rest for now, Brother.” “Ikaw naman ang pagbibigyan kong umatake ngayon bata. Masyadong mahina iyang kasama—mo?” Labis ang pagkabigla ng Komandante pati na rin ni Gantrick nang sa isang iglap lamang ay nasa harapan na ng Komandante si Donovan. Blangko ang ekspresyon nito ngunit sumasalamin sa mga mata nito ang galit na pilit niyang sinusupil. Dalawang segundo pa lamang ang nakalilipas nang lumitaw ito mula sa kaniyang harapan ngunit ang isang kamay nito ay nakataas na sa ere habang hawak ang espada nitong nasa kaniya pang upak kani-kanina lamang. Mabilis at mabigat ang ginawang pag-unday ni Donovan sa hawak niyang sandata. Nagawa man na sanggain ng Komandante ito ay hindi niya pa rin naiwasang masugatan dahil sa atakeng iyon. Batid niya na may kakaiba sa lalaking kaharap. Hindi ordinary ang liksi at lakas na ipinamalas nito. Malakas din ang unang binata niyang nakaharap subalit mas higit na maliksi at malakas ang isang ito kaysa sa nauna. Maging si Gantrick, Irene at Kirin ay magkahalong pagkagulat at paghanga ang nararamdaman sa ipinamamalas na lakas ni Donovan. Sa isang iglap lamang ay nagawa niyang patahimikin sa pagsasalita ang mayabang na Komandante. Tahimik ang buong paligid maging ang mga natitirang kawal sa ilalim ng pamumuno ng Komandante ay nabigla rin sa biglaang pagbabago ng sitwasyon. Tahimik lamang silang nanunuod sa duwelo ng mga kalalakihan. Pinaulanan ni Donovan nang mabibilis at mabibilis na pag unday ng kaniyang sandata ang Komandante. Hirap man ay kahanga-hangang nagagawa pa rin nitong salagin ang mga pinakakawalang atake ng binata. “Magaling! Ikaw na yata ang hinihintay kong makakatapat sa akin, binata. Ano ang iyong ‘ngalan?” tanong ng Komandante habang magka-krus ang kanilang mga espada. “Donovan. Huwag mo iyang kalilimutan sapagkat ang pangalan ko ang huling bagay na maaalala mo bago mo lisanin ang mundong ito!” tugon naman ng binata. Sinipa ng Komandante si Donovan sa tagiliran dahilan upang bahagyang mapaatras ang binata. Sinamantala naman ito ng Komandante upang siya naman ang umatake sa kaharap. Sa pagkakataong ito ay si Donovan naman ang sumasalag sa mga binibitiwang atake ng Komandante. Ngunit hindi ito nagtagal sapagkat muli siyang nakahanap ng pagkakataon upang muling baliktarin ang sitwasyon. Nang sa tingin ni Donovan ay magagawa na niyang wakasan ang laban sa huling atake na pakakawalan sana niya ay pinadausdos naman ng Komandante ang kaniyang sandata patungo sa katawan ni Donovan. “Donovan!” sigaw ni Gantrick. Kapwa napalugod ang Komandante at Donovan. Pareho kasi silang nagtagumpay sa kanilang mga huling atake. Ang sandata nilang dalawa ay kapwa nakatulos sa kanilang mga tagiliran habang ang isa nilang kamay ay parehong duguan dahil sa tangka nilang pagpigil na mas lumalim pa ang pagkakabaon ng mga espada sa kanilang mga katawan. Mabilis silang lumayo sa isa’t-isa. Ang mga kawal ng Komandante ay mabilis na naglapitan sa kanilang pinuno. Habang si Gantrick at Irene naman ay nilapitan si Donovan at inalalayan sa pagtayo. Nanlamig naman sina Irene at Gantrick at napako sa kanilang pagkakatayo nang mapagtanto na nakatutok sa kanila ang mga palaso ng mga kawal. Sa isang utos lamang ng Komandante ay magagawa nitong wakasan ang kanilang mga buhay. “s**t! We’re surrounded,” bulong ni Irene. Laking gulat nilang tatlo nang utusan ng Komandante ang kaniyang mga kawal na ibaba ang kanilang mga pana. “Magkikita pa tayong muli Donovan. Ipagpalagay na lamang natin na naging table ang ating duwelo sa ngayon.” Hindi naman na muli pang sumagot si Donovan dahil na rin sa panghihina dahil sa tinamo niyang sugat. “Tayo na!” utos ng Komandante sa kaniyang mga kasama. Kasabay nang pagtatapos ng bukang-liwayway at pag silip ng araw ay ang pagtatapos naman ng pinakaunang laban nina Donovan at Gantrick laban sa mga taga-sunod ng Reyna. Marami man ang napaslang mula sa hanay ng mga Babylonian ay marami rin naman sa kanila ang nakaligtas dahil na rin sa tulong nina Donovan. Tuluyan na ring naapula ang apoy na siyang lumalamon at sumisira sa mga pinakamamahal na tahanan ng mga mamamayan. Naupo sa isang sulok sina Donovan, Irene at Gantrick. Pinagmamasdang buong paligid. Ang mga natupok na tahanan, ang mga mamamayan na nakahandusay sa lupa at wala nang buhay. Ang kanilang mga kaanak na naghihinagpis para sa kanilang pag panaw. Ramdam nila ang bigat nang emosyon na bumabalot ngayon sa buong pamayanan. Idagdag pa rito ang pagkawala ni Alab na siyang tumatayong pinuno ng pamayanan. Unti-unting bumibigat ang talukap ng mga mata ni Donovan. Dahil sa pagod at sugat na natamo niya sa labanan ay tila ba nawawalan na siya ng lakas na panatilihing mulat ang kaniyang mga mata upang sana’y madamayan lamang sa pagdadalamhati ang mga Babylonian. Ngunit hindi na niya magawa pa na pag labanan ang pamilyar na kadiliman at sensasyong humihila sa kaniya. Nilingon niya ang kinaroronan ni Alab. Nasa tabi nito ang tumatangis na si Kirin. Ang sandaling iyon na lamang ang huling alaala niya sa mabuting si Alab. Ito na rin ang huling pagkakataon na hahayaan niyang may masaktan pa nang dahil lamang sa kanila. NAGMULAT si Donovan ng kaniyang mga mata. Pilit inaalisa kung nasaan siya ng mga sandaling iyon. Nang maalala ang mga huling pangyayari ay agad siyang napabalikwas mula sa pagkakahiga. Sumidhi ang labis na kirot sa kaniyang tiyan. Nang tingnan niya ito ay mayroon na itong benda na pinalooban ng ilang mga halamang gamot. Naalala niya tuloy ang panahon noong si Gantrick ang sugatan at nang gamutin ito ng mga misteryosong nilalang. Dahan-dahan siyang tumayo at hinahanap ang kaniyang damit panlamig. Mahinay siyang naglakad sa pasilyo ng tahanan at nagtungo sa labas nito. Malamig na hangin ang sumalubong sa binata. Ang dating maingay at puno nang kasiyahan na pamayanan ay tila ba isa na lamang malawak na libingan sa ngayon. Binabalot na ito nang nakabibinging katahimikan. Ang dating patag na daan ngayon ay magkakahilerang puntod na lamang ang mamamataan. Sa patuloy niyang pagtalunton sa malamig at tahimik na pamayanan ay tanging walang buhay na ngiti lamang ang naibibigay sa kaniya ng mga nagluluksang Babylonian. Hindi siya nakarinig ng kahit na ano mang masasakit na salita sa mga ito sa kabila nang mga naganap sa kanila. Inaasahan na niya na kamumuhian siya ng bawat isa sa mga ito sapagkat sila ang dahilan nang trahedyang naranasan ng mga ito. Subalit mali ang kaniyang sapantaha, sa halip na galit ang makita niya sa mga mata ng mga mamamayan ay ang pag-unawa at kalungkutan lamang ang kaniyang nabasa mula sa mata ng mga ito. Habang naglalakad siya pabalik ay mayroong isang paslit ang nadapa sa kaniyang harapan. Agad niya ito tinulungan na makatayo. Namamasa na ang mata ng bat na anumang oras ay tila ba papalahaw nan ang pag iyak. “Ayos ka lamang ba?” tanong ni Donovan. Napangiti pa ang binata nang sa halip na umiyak ay nagtapang-tapangan na lamang ang bata. Mapupula ang pisngi nito na bumagay sa maputi at makinis na balat nito. Dahil sa pagpipigil nito na umiyak sa kaniyang harapan ay pinamulahan na rin ito ng ilong. Lalo namang napangiti si Donovan dahil dito. Pinilit na ngumiti ng bata. “Opo, maraming salamat po. Uuwi na po ako.” Nakangiting tinanguan naman niya ang bata. “Mag iingat ka sa’yong pag uwi.” Ipinagpatuloy na niya ang kaniyang paglalakad pabalik sa kanilang pansamantalang tahanan. Nang marating niya ang pintuan nito ay muli siyang napalingon sa tumpok ng mga puntod na nasa harapan nito. Natanaw niya ang isang pigura na nakaupo sa harapan ng isang puntod. Wala itong suot na damit panlamig. Hindi nito inaalintana ang lamig at patuloy lamang sa kaniyang pagluluksa. Naglakad si Donovan patungo rito. “Hindi ka ba nilalamig, Kirin?” Nagpahid ng luha ang dalaga at agad na umiling. Maya-maya ay naramdaman na lamang ng dalaga ang init na hatid ng damit panlamig. Ibinalot kasi sa kaniya ni Donovan ang suot nito at naupo sa kaniyang tabi. “Kumusta na ang pakiramdam mo, Donovan? Magaling na ba ang mga sugat mo?” tanong ng dalaga. “Heto, maayos naman na kahit paano. Hinihintay ko na lang ang tuluyang paggaling ng mga sugat ko. May kalaliman din kasi ang regalo sa akin ng Komandanteng iyon.” Pagbibiro pa ng binata. Bahagya namang ngumuti si Kirin kay Donovan bago niya muling malungkot na tiningnan ang puntod na nasa kaniyang harapan. “Ikaw, kumusta ang sugat mo?” tanong naman ni Donovan. Naguluhan naman sa kaniyang tanong si Kirin. “Huh? Hindi naman ako nakipaglaban kaya wala akong naging sugat.” Matipid na ngumiti si Donovan at tumingala sa kalangitan. “Hindi lang naman sa pisikal na pangagatawan tayo nasusugatan. Pati rin naman ang ating mga puso ay nagdurugo rin, Kirin.” Dahil sa tinuran ni Donovan ay muling nag landas ang mga luhang kanina pa pinipigilan ng dalaga. “Nang mapaslang ng mga taga-sunod ng Puting Reyna ang aking mga magulang ay pansamantala akong kinupkop ni Amang Alab. Makailang ulit akong tumakas patungo sa aming lumang tirahan mula sa kaniyang pangangalaga dahil pakiramdam ko ay hindi tunay ang kabutihang ipinakikita niya sa akin. Hanggang sa tuluyan na niya akong hindi sundan at hanapin…” pagsisimula ni Kirin. Taimtim naman na nakikinig lamang sa kaniya si Donovan at pinanatili lamang ang kaniyang mga mata na nakatuon sa kalangitan sapagkat batid niya na hindi nais ng dalaga na makita niya pang muli ang pagtangis nito. “Akala ko ay doon na matatapos ang pagpapakita niya sa akin nang huwad na kabutihan noon hanggang sa isang araw ay nagulat na lamang ako na sa labas ng aking pintuan ay mayroong mga pagkain at prutas ang sa akin ay nag-aabang. Alam ko sa aking sarili na mula ito sa kaniya. Sa bawat araw ay palaging ganoon ang aking natutunghayan sa bawat paggising ko sa umaga. Isang araw ay napagtanto ko na lamang na totoo ang lahat ng kabutihang ipinakikita sa akin ni Amang Alab. Dahil doon ay tuluyan na ngang napalapit ang aking loob sa kaniya. Hindi man ako muli pang nagbalik sa lugar na ito simula noon ay hindi naman nawala sa akin ang respeto at pagmamahal na nadarama ko para sa tumayong ama ko sa maiksing panahon.” Dagdag pa ng dalaga. Tumango-tango naman si Donovan sa dalaga. “Tunay ngang mabuting nilalang ang Amang Alab. Masuwerte ka at nakilala mo siya. Hindi madaling makalimutan ang sakit na ating nadarama sa kaniyang pagkawala, Kirin. Ngunit, pasasaan ba’t maghihilom din ang bawat sugat na iyon at mapapalitan ng kaligayan ang bawat pighati na ating nararanasan.” Sumagap muna ng hangin si Donovan bago tuluyang tumayo mula sa kaniyang pagkakaupo. “Salamat, Donovan.” Napangiti naman si Donovan at ipinagpatuloy na ang kaniyang paglalakad pabalik sa kanilang pansamantalang tahanan. Napansin pa niyang nakatayo mula sa pinakamalapit na puno mula sa kanilang kinaroroonan kanina ni Kirin ang kaniyang kapatid. “That was a great speech, bro.” biro nito sa kaniya. “Shut up, man!” tumatawang saway niya rito. Nagtuloy-tuloy na siya papasok sa kanilang tahanan. Nakasunod naman sa kaniya si Gantrick. Buo na ang desisyon niya. Kinakailangan na nilang lisanin ang lugar na ito upang wala nang masaktan pa ng dahil lamang sa kanilang tatlo. “Let’s go to Irene’s room. I have something to tell her,” wika ni Donovan. Tumango naman si Gantrick at sinundan lamang siya sa paglalakad. Nang marating tapat ng silid ng dalaga ay ilang beses itong kinatok ng binata ngunit walang sumasagot mula sa loob ng silid. “Maybe she’s not here. Let’s come back later.” Suhesyon ni Gantrick. Kakaiba naman ang naging pakiramdam ni Donovan kaya naman ay napagdesisyunan na lamang niyang pumasok nang tuluyan sa silid ng dalaga. “Irene!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD